Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama
Ang Tapat na Halimbawa ng Aking Ama
HULYO 6, 1947 noon, at ang aming pamilya ay dumadalo ng isang pandistritong kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa London, Inglatera. Nangingilid ang mga luha ng kagalakan sa mga mata ni tatay habang iniaabot niya ang kaniyang kamay upang iahon ako mula sa pool ng bautismo. Kababautismo lamang namin ni itay bilang sagisag ng aming pag-aalay kay Jehova, ang Maylikha at Pansansinukob na Soberano. Si nanay at ang tatlo kong mga kapatid na lalaki ay naroon din para sa masayang okasyong ito.
Gayunman, nakalulungkot na ang pagkakaisa ng aming pamilya sa Kristiyanong pagsamba ay di-nagtagal at nasira. Subalit bago ko sabihin ang tungkol dito at kung paano nakaapekto sa akin ang katapatan ng aking ama, hayaan mo munang isaysay ko sa iyo ang kaunti tungkol sa kaniyang buhay noon.
Silangan-Kanlurang Pinagmulan
Ang aking ama, si Lester, ay isinilang sa Hong Kong noong Marso 1908. Ang kaniyang itay ang pangalawang opisyal sa daungan. Nang bata pa si Itay, isinasama siya ng kaniyang ama sa mga biyahe na sakay ng barko upang siyasatin ang mga gawain sa palibot ng Hong Kong at sa kalapit na mga isla. Pagkatapos, nang si Itay ay walong taon lamang, namatay ang kaniyang ama. Pagkaraan ang kaniyang ina ay nag-asawang muli, at ang pamilya ay lumipat sa Shanghai. Noong 1920 dinala ng kaniyang ina si Itay at ang kaniyang sampung-taońg-gulang na kapatid na babae, si Phyl, sa Inglatera para mag-aral.
Ginugol ni Itay ang sumunod na mga taon malapit sa Katedral ng Canterbury, tahanan ng Iglesya Anglicano. Nagkaroon siya ng kabatiran sa relihiyosong mga bagay sa pagsimba roon. Si tiya Phyl ay pumasok sa isang boarding school sa hilaga ng London, subalit sila ni Itay ay naging malapit sa isa’t isa noong mga panahong iyon sapagkat sila’y magkasama kapag bakasyon sa eskuwela. Pagkalipas ng limang taon, noong 1925, nang matapos na sa pag-aaral si Itay, ang kaniyang ina ay nagbalik sa Inglatera at tiniyak niya na si Itay ay
maging matatag sa negosyo. Pagkatapos, nang sumunod na taon, siya ay nagbalik sa Shanghai, kasama si tiya Phyl.Bago umalis si lola, binigyan niya si Itay ng isang kopya ng aklat na isinulat ng kaniyang nuno. Ito ay isang matulaing kuwento ng buhay ni Buddha na pinamagatang “The Light of Asia.” Ito ang nagpangyari kay Itay na pag-isipan ang tungkol sa tunay na layunin ng buhay. Hinangaan niya ang karilagan ng katedral sa Canterbury at ang pagkasolemne ng relihiyosong mga pamamaraan, subalit ang kakulangan ng espirituwal na pagtuturo ay nag-iwan sa kaniya ng hungkag na damdamin. Kaya siya ay nagtanong: ‘Taglay kaya ng mga relihiyon sa Silangan ang mga kasagutan?’ Ipinasiya niyang magsuri. Nang sumunod na mga taon, sinuri niya ang Budismo, Shintoismo, Hinduismo, Confucianismo, at Islam. Subalit hindi nasagot ng bawat isa ang kaniyang mga katanungan.
Si Itay ay nakatira sa isang tirahang pag-aari ng isports klub na pinatatakbo ng kompaniyang pinagtatrabahuhan niya, at nasisiyahan siya sa pagsasagwan, paglalaro ng rugby, at iba pang isports. Di-nagtagal siya ay umibig kay Edna, isang magandang babae na mahilig din sa isports. Sila ay ikinasal noong 1929 at pinagpala ng apat na mga anak na lalaki sa sumunod na sampung taon.
Traumatikong mga Taon ng Digmaan
Noong mga taon ng 1930, ang mga pahiwatig ng dumarating na Digmaang Pandaigdig II ay natitipon, kaya ipinasiya ni Itay na lumipat mula sa London tungo sa lalawigan. Kami ay lumipat mga ilang buwan lamang bago sumiklab ang digmaan, noong Setyembre 1939.
Ang sapilitang pagpapasundalo para sa digmaan ay ipinakilala, at ang mga takda ng edad ay unti-unting itinaas habang nagpapatuloy ang digmaan. Sa halip na hintaying sapilitang pagsundaluhin, si Itay ay nagboluntaryo para sa paglilingkod sa Royal Air Force at tinawag noong Mayo 1941. Bagaman siya ay nakapagbabakasyon paminsan-minsan, mga anim na taon pa bago naging normal na muli ang mga kaugnayan sa pamilya. Ang pasanin ng pag-aaruga sa aming mga bata—dalawa kaming nakatatanda na magtitin-edyer na noon—ay naatang sa balikat ni Inay.
Espirituwal na Kaginhawahan
Mga dalawang taon bago mapalaya si Itay mula sa Air Force, dalawang Saksi ni Jehova ang dumalaw kay Inay at nagsimula ng isang pag-aaral sa Bibliya sa kaniya. Si Inay ay sumulat kay Itay at sinabi sa kaniya kung gaano siya nasisiyahan sa natututuhan niya. Noong minsan na si Itay ay bakasyon, isinama siya ni inay sa isang pag-aaral sa Bibliya ng kongregasyon sa isang pribadong tahanan.
Si Itay ay napalaya mula sa paglilingkod militar noong Disyembre 1946 at nagsimulang dumalo sa mga talakayan sa Bibliya na ginagawa ni Inay na kasama ng dalawang babaing Saksi. Napansin nila ang kaniyang interes at isinaayos nilang si Ernie Beavor, ang punong tagapangasiwa, ang dumalaw kay Itay. Sa loob lamang ng isang gabi, sinagot ni Brother Beavor mula sa Bibliya ang lahat ng mga pagtutol ni Itay. Nang sumunod na dalawang linggo, samantalang nagbibiyahe patungo sa trabaho sa London araw-araw sakay ng tren, binasa niya ang tatlong aklat na ibinigay sa kaniya ni Brother Beavor. Nang dumalaw muli si Brother Beavor, siya’y sinalubong ni Itay: “Ito ang katotohanan na hinahanap-hanap ko! Ano ang dapat kong gawin?”
Mula noon isinama kami ni Itay sa mga pulong. Subalit, si Inay ay hindi laging sumasama sa amin. Ang kaniyang interes ay humina. Gayunman, kaming lahat ay nagtungo sa kombensiyon sa London noong Hulyo 1947, kung saan kami ni Itay ay nabautismuhan. Pagkatapos, si Inay ay bihira nang dumalo sa mga pulong.
Di-nagtagal pagkatapos ng bautismong iyon, ang aking tiya na si Phyl ay pumunta sa Inglatera upang dumalaw at, sa kagalakan ng aking tatay, agad niyang tinanggap ang katotohanan ng Bibliya at nabautismuhan. Nang siya’y magbalik sa Shanghai, nakipagkita siya kina Stanley Jones at Harold King, dalawang misyonero ng mga Saksi ni Jehova na ipinadala roon hindi pa natatagalan. Ang mga misyonerong ito nang maglaon ay ibinilanggo, sa loob ng pitong taon at limang taon ayon sa pagkakasunud-sunod, ng namumunong pamahalaang Komunista. Tinulungan nila si tiya Phyl sa espirituwal hanggang sa magretiro sa trabaho ang kaniyang asawa sa Tsina. Pagkatapos siya at
ang kaniyang asawa ay nagbalik sa Inglatera at nanirahan malapit sa amin.Isang Kalunus-lunos na Pagkakahiwalay ng Pamilya
Samantala, naging problema kina Inay at Itay ang tunay na komunikasyon. Nakita ni Inay ang sigasig ni Itay sa kaniyang bagong nasumpungang pananampalataya, at sa pag-aakala niyang ang materyal na seguridad ng pamilya ay maaaring manganib, sinalansang niya ang kaniyang gawaing Kristiyano. Sa wakas, noong Setyembre 1947, hinarap niya si itay at binigyan ng ultimatum na isuko niya ang pananampalatayang Kristiyano o kung hindi ay lalayas siya.
Inakala ni Itay na napahinahon niya ang mga pangamba ni Inay sa pangangatuwiran sa kaniya mula sa Kasulatan, ipinakikita sa kaniya na walang dapat ikabahala. Gayunman, ang sukdulan ay dumating nang walang anumang paunawa noong Oktubre 1, 1947. Pagdating ni Itay sa bahay mula sa trabaho noong araw na iyon, nadatnan niya ang isang bahay na walang laman at ako na nakaupo sa hagdan kasama ang aming mga maleta. Lumayas si Inay, dala ang lahat, pati ang tatlo kong kapatid na lalaki. Sinabi ko kay itay na pinili kong manatiling kasama niya. Hindi man lamang nag-iwan ng sulat si Inay.—Mateo 10:35-39.
Isinaayos ni Ernie Beavor na kami ay makitira sa isang may edad nang mag-asawa hanggang si Itay ay makasumpong ng matitirhan. Napakabait nila sa amin at inaliw kami ng mga salita ni apostol Pablo sa 1 Corinto 7:15: “Ngunit kung humiwalay ang di-nananampalataya, pahiwalayin siya; hindi alipin ang kapatid na lalaki o babae ng ganiyang mga pangyayari, ngunit tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.”
Sa wakas ay natunton namin ang aming pamilya at dinalaw namin sila subalit natalos namin agad na ang pagkompromiso ng aming pananampalataya ang tanging lunas na matatanggap ni Inay. Batid namin na ang pakikipagkompromiso ay hindi magdadala ng mga pagpapala buhat kay Jehova. Kaya si Itay ay nagpatuloy sa sekular na trabaho, pinaglalaanan si Inay ng pinansiyal na pangangailangan upang suportahan ang aking mga kapatid. Nang ako’y magtapos sa paaralan noong 1947, kumuha ako ng part-time na trabaho, at noong Enero 1948, ako’y natanggap para sa buong-panahong ministeryo.
Isang Di-malilimot na Talakayan sa Bibliya
Sa ministeryo sa larangan isang araw, nang ako ay 17 lamang, nakausap ko ang isang lalaki sa isang bahay sa bukid. Samantalang ako’y dumadalaw roon, dumating si Winston Churchill, ang lider ng Britaniya noong Digmaang Pandaigdig II. Ang aking pagsasalita ay natigil, subalit napansin ni Mr. Churchill ang The Watchtower at pinapurihan ako sa aking gawain.
Pagkalipas ng ilang araw ako ay nangangaral muli nang pindutin ko ang doorbell ng isang malaking bahay. Isang mayordomo ang nagbukas ng pinto, at nang hilingin ko na makausap ang may-ari ng bahay, tinanong niya ako kung kilala ko ba ang may-ari. Hindi ko alam. “Ito ang Chartwell,” sabi niya, “ang tahanan ni Winston Churchill.” Nang sandaling iyon, lumitaw si Mr. Churchill. Natandaan niya ang aming pagkikita noon at pinapasok niya ako. Nag-usap kami nang kaunti, at tinanggap niya ang tatlong aklat at inanyayahan akong bumalik.
Nang maglaon, sa isang mainit na hapon, ako ay bumalik at ako’y muling pinatuloy. Inalok ako ni Mr. Churchill ng lemonada at, pagkatapos ng maikling pagbati, sinabi niya: “Bibigyan kita ng kalahating oras upang sabihin mo sa akin kung ano sa palagay mo ang Kaharian ng Diyos, subalit
hayaan mo munang sabihin ko sa iyo kung ano ang paniwala ko rito.” Iyan nga ang ginawa namin.Inaakala ni Mr. Churchill na ang Kaharian ng Diyos ay itatatag sa pamamagitan ng may-takot sa Diyos na mga estadista at na hanggang sa matutuhan ng mga tao na mamuhay nang payapa, hindi ito kailanman darating. Naipaliwanag ko ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa Kaharian ng Diyos at ang mga pagpapalang dadalhin nito. Si Mr. Churchill ay napakamagiliw at ipinahiwatig niya na iginagalang niya ang ating gawain.
Nakalulungkot naman, hindi ko na muling nakausap siya. Subalit ako’y nagpapasalamat na, kahit na ako ay tin-edyer pa, dahil sa pagsasanay at pampatibay-loob na tinanggap ko mula sa aking ama, ako ay nakapagbigay ng isang mahusay na patotoo sa gayong kilalang estadista ng daigdig.—Awit 119:46.
Isang Pinalawak na Ministeryo
Noong Mayo 1950, si Inay ay sumulat upang sabihin sa amin na siya ay mandarayuhan sa Canada at dadalhin niya si John, ang aking bunsong kapatid. Noong panahong iyon ang aking mga kapatid na sina kuya Peter at David ay nagsasarili na. Kaya pagkaraan ng 18 taon sa kaniyang kompaniya (kasali ang mga taon ng digmaan nang siya ay nasa kanilang talaan ng mga empleado), si Itay ay nagbitiw sa trabaho at nag-aplay para sa paglilingkuran bilang regular payunir. Siya’y nagsimula sa buong-panahong ministeryo noong Agosto 1950, pagbalik niya mula sa pagdalo sa napakalaking internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Pagkaraan ng mga isang taon, noong Nobyembre 1951, si Itay ay naatasang maging naglalakbay na tagapangasiwa at nagsimulang dumalaw sa mga kongregasyon upang patibayin sila. Samantala, noong taglagas ng 1949, ako ay inanyayahang maglingkod sa tanggapang sangay ng mga Saksi ni Jehova sa London, Inglatera.
Saka dumating ang isa pang mayamang pagpapala—kami ni Itay ay inanyayahan sa ika-20 klase ng paaralang misyonero ng Gilead sa New York. Ang klase ay nagsimula noong Setyembre 1952, at kami’y nagtapos noong sumunod na Pebrero. Pagkatapos, ako’y naglingkod sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, samantalang si itay ay ipinadala bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa Indiana.
Ang buong ika-20 klase ay hindi agad pinapunta sa aming mga atas misyonero upang aming madaluhan ang internasyonal na kombensiyon sa New York City noong Hulyo. Napamahal na sa akin ang isa sa aking mga kaklase, si Kae Whitson, at kami’y nagpasiyang magpakasal. Kami’y naatasan sa paglalakbay na gawain sa Michigan, at pagkaraan ng dalawang taon, kami ay binigyan ng isang atas misyonero sa Hilagang Ireland.
Gayunman, nang kami’y nakatakda nang maglakbay sakay ng barko, natuklasan ni Kae na siya ay nagdadalang-tao. Kaya sinimulan namin ang ibang atas, ang pagpapalaki ng isang anak na lalaki at tatlong anak na babae na maging matagumpay na buong-panahong mga ministro, kung paano ako sinanay ng aking ama. Noong Nobyembre 1953, si Itay ay umalis patungong Aprika, at noong Enero 4, 1954, siya ay dumating sa kaniyang atas misyonero sa Timog Rhodesia (ngayo’y Zimbabwe).
Marami ang dapat na matutuhan ni Itay—isang bagong paraan ng pamumuhay, bagong mga kaugalian, at bagong mga pagsubok ng pananampalataya. Noong 1954, ang Timog Rhodesia ay hindi
gaanong apektado ng Kanluraning mga paraan. Pagkatapos ng isang taon sa tanggapang sangay, si Itay ay ipinadala sa gawaing paglalakbay bilang tagapangasiwa ng distrito. Siya ay pinabalik sa tanggapang sangay noong 1956, at naglingkod doon hanggang sa kaniyang kamatayan noong Hulyo 5, 1991. Nakita niya ang paglaki ng pamilyang Bethel sa Zimbabwe mula sa 5 noong 1954 tungo sa mahigit na 40, at ang bilang ng mga mamamahayag ng Kaharian mula sa 9,000 tungo sa mahigit na 18,000.Ang mga Huling Taon Nila Itay at Inay
Sina Itay at Inay ay hindi kailanman nagdiborsiyo. Pagkaraang umalis ng Inglatera, si Inay ay nanatili sumandali sa Canada at saka lumipat sa Estados Unidos na kasama si John. Walang isa man sa mga kapatid ko ang naging mga Saksi. Gayunman, si Inay ay natagpuan ng mga Saksi noong kalagitnaan ng mga taóng 1960. Noong 1966, siya ay lumipat sa Mombasa, Kenya, kung saan ipinagpatuloy niya ang pag-aaral. Ngunit nang sumunod na taon siya ay nagkaroon ng matinding nerbiyos.
Isinaayos ng mga kapatid kong sina Peter at David na si inay ay magtungo sa Inglatera, kung saan siya ay ipinagamot. Siya ay gumaling at muling sinimulan ang pag-aaral sa mga Saksi. Maguguniguni mo ang katuwaan ni itay nang si inay ay sumulat upang sabihin sa kaniya na siya ay mababautismuhan sa isang kombensiyon sa London noong 1972. Kami ng misis ko ay lumipad mula sa Estados Unidos upang makapiling siya sa panahon ng kaniyang bautismo.
Nang sumunod na taon si Itay ay nakatakda para sa isang bakasyon, at nang siya’y nasa Inglatera, nagkaroon siya ng kagalakan na makasama si Inay sa pagmiministeryo sa bahay-bahay. Pagkatapos ay dinalaw ni itay ang aming pamilya sa Estados Unidos. Pinag-usapan nina Itay at Inay ang muling pagkakasundo, subalit sinabi sa kaniya ni inay: “Matagal na tayong nagkalayo. Mahirap na. Maghintay na lang tayo hanggang sa bagong sanlibutan, kung saan ang lahat ng bagay ay magiging maayos.” Kaya si Itay ay nagbalik sa kaniyang atas. Ang pagkakasakit ni Inay sa Kenya ay nakaapekto sa kaniya, at sa wakas siya ay naospital, kung saan siya ay namatay noong 1985.
Noong 1986, si Itay ay nagkasakit nang grabe, kaya siya ay dinalaw namin ni kuya Peter sa kaniyang tahanan sa Zimbabwe. Ito ay lubhang nakapagpalakas sa kaniya at para bang nagbigay sa kaniya ng panibagong buhay. Napakabait ng mga kapatid na Aprikano sa akin sapagkat ako ay anak ni Lester! Oo, ang halimbawa ni Itay ay nagkaroon ng positibong impluwensiya sa mga buhay ng lahat ng nakasama niya.
Ngayon ako mismo ay maysakit. Sinabi sa akin ng mga doktor na mayroon na lamang akong maikling panahon upang mabuhay. Sinasabi nilang ako ay may amyloidosis, isang pambihira at nakamamatay na sakit. Gayunman, ako’y maligaya na sinusunod ng aking mga anak ang aking halimbawa, kung paano ko sinunod ang halimbawa ng aking tapat na ama. Lahat sila ay matapat pa ring naglilingkod kay Jehova na kasama namin. Anong laking kaaliwan na malaman na tayo man ay mabuhay o mamatay, taglay natin ang tiyak na pag-asa na tamasahin magpakailanman ang mayayamang pagpapala ng ating maibiging makalangit na Ama sapagkat may katapatan nating ginawa ang kaniyang kalooban! (Hebreo 6:10)—Gaya ng inilahad ni Michael Davey. a
[Talababa]
a Noong Hunyo 22, 1993, samantalang ang ulat na ito ay tinatapos, si Michael Davey ay natulog sa kamatayan.
[Larawan sa pahina 21]
Sa kaliwa: Ang aking mga magulang kasama kami ng kuya ko
[Larawan sa pahina 22]
Nakausap ko nang husto si Winston Churchill tungkol sa Kaharian ng Diyos
[Credit Line]
USAF photo
[Larawan sa pahina 23]
Ang tatay ko, si Lester, bago siya mamatay
[Larawan sa pahina 24]
Kasama ng aking asawa, si Kae