Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Nangyari sa Tradisyunal na Pasko?

Ano ang Nangyari sa Tradisyunal na Pasko?

Ano ang Nangyari sa Tradisyunal na Pasko?

“Ang Pasko ay isang kasiya-siyang panahon para sa aming mga bata,” sabi ni Rita, ginugunita ang mga taon ng 1930. “Ang lahat ay nagsisimba, kung saan inaawit namin ang aming paboritong mga himno. Pagdating namin sa bahay, si Nanay ay nagluto ng pabo, at mayroon kaming bibingka at puto. Kami’y taimtim na naniniwala na kaarawan ito ni Jesus, ang araw niya. Subalit nagbago na ang mga bagay-bagay. Ang tanging bagay na waring iniisip ng maraming bata ngayon ay ang pagdadala ni Santa Klaus ng mga regalo.”

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Britaniya

SA NAKALIPAS na mga taon, ang pagdiriwang ng Pasko ay nagbago sa maraming paraan​—at hindi lamang kamakailan. Noon pa mang 1836, ang awtor na Ingles na si Charles Dickens ay nagsabi: “May mga taong magsasabi sa iyo na ang Pasko ay hindi na gaya nang dati.”

Marahil nakapagtataka sa ilan, ang Pasko ay hindi isang popular na pagdiriwang sa lahat ng panahon. Noong ika-19 na siglo, nang sumulat si Dickens, ang popularidad ng Pasko ay humina na. Karamihan ng mga pahayagang Britano ay hindi naglalathala ng impormasyon tungkol sa Pasko noong maagang bahagi ng siglong iyon.

Si Dickens at ang kaniyang mas matandang Amerikanong katapat, si Washington Irving, ay nagsikap na luwalhatiin ang Pasko. Bakit? Hindi lamang upang isauli ang dating mga tradisyon kundi, sa paano man kung si Dickens ang tatanungin, upang pukawin ang mga mambabasa ng kaniyang mga nobela sa kalupitan ng buhay para sa mga mahihirap at sa gayo’y pagbutihin ang kanilang kalagayan.

Mga Katotohanan ng Ika-19 na Siglo

Bagaman ang pagbabago sa industriya ay nagdulot ng kasaganaan sa ilan, nagbunga rin ito ng mga pook ng mahihirap o slum, hamak na kalagayan, at mahirap na trabaho. “Ang bawat malaking bayan ay may isa o higit pang slum,” sulat ni Friedrich Engels noong 1844, “kung saan ang uring manggagawa ay nagsisiksikan . . . , malayung-malayo sa mas maligayang uri.”

Ang Factory Act ng 1825 ng Britaniya, may kinalaman lamang sa mga pabrika ng bulak, ay nagsabi na walang tao ang dapat magtrabaho sa isang pabrika ng bulak nang mahigit na 12 oras sa isang araw o 9 na oras kung Sabado. Noong 1846, sinisi ng mananalaysay na si Thomas Macaulay ang gayong napakalabis na pagtatrabaho dahil sa “pagsugpo sa pagsulong ng isip, walang panahon para sa malusog na paggamit ng isipan, walang panahon para sa intelektuwal na pag-unlad.”

Ang pagbuhay na muli sa mga kapistahan ng Pasko ay naganap sa gitna ng gayong suliraning panlipunan at moral noong ika-19 na siglo.

Si Dickens at ang Pasko

Si Charles Dickens ay nanguna sa pagpukaw sa lipunan na maging palaisip sa mga problema ng mahihirap. Sa kaniyang klasikong nobela na A Christmas Carol, inilathala noong 1843, may kasanayang ginamit ni Dickens ang kaniyang kaalaman tungkol sa mga tradisyon kung Pasko upang makamit ang kaniyang layunin.

Ang A Christmas Carol ay isang kagyat na tagumpay, at libu-libong kopya ang naibenta. Nang sumunod na taon, itinanghal ng siyam na teatro sa London ang isinadulang bersiyon ng kuwento. Noong Bisperas ng Pasko ng 1867, itinanghal ni Dickens ang isang pagbasa nito sa Estados Unidos sa Boston, Massachusetts. Isa sa dumalo na nagngangalang Mr. Fairbanks, isang may-ari ng pabrika mula sa Vermont, ang nagsabi sa kaniyang maybahay: “Inaakala kong pagkatapos kong mapakinggan ang pagbasa ni Mr. Dickens ng A Christmas Carol ngayong gabi ay dapat kong ihinto ang kaugaliang pagpapanatiling bukás ng pabrika kung Araw ng Pasko.” Tinupad niya ang kaniyang pangako. Nang sumunod na taon ay idinagdag niya ang tradisyon ng pagbibigay ng isang pabo sa kaniyang mga empleado sa Kapaskuhan.

Ginawang Komersiyo ang Pasko

Naging pangkaraniwan ang mapagkawanggawang mga donasyon kung Kapaskuhan, mula sa pagbibigay ng mapagkawanggawang mga organisasyon ng karbón sa mahihirap na balo gayundin ng pagreregalo ng mga salapi at pagkain ng mayayaman sa nayon. Sa teoriya, di-nagtagal ang Pasko ay naging pagkakataon para sa lahat ng uri ng tao na magtipon sa sosyal na pagkakaisa. Ang pagpapahintulot sa mga pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mayayaman at mahihirap na kusang lumabo sa panahong ito ay nakabawas sa pagkakonsensiya ng maraming mayaman.

Maraming masasayang tradisyon ang alin sa binuhay na muli o ginawa. Halimbawa, ang unang mga Christmas card ay lumitaw noong 1843, at habang nagiging mura ang paglilimbag, ang pamilihan ay umunlad. Ang mga Christmas tree, isang mas matandang tradisyon, ay lubhang naging popular din pagkatapos ipakilala ni Prinsipe Alberto, asawa ni Reyna Victoria, ang Alemang paraan ng pagpapalamuti sa Christmas tree, na ginagamit ang mga palarâ, panggayak, at mga kandila.

Ang pagtataguyod ng komersiyo sa Pasko ay sumisidhi. Sa ngayon, pagkalipas ng mahigit na isang siglo, ang Pasko ay masyadong ikinumersiyo anupat nagkaroon ng protesta ang madla tungkol dito. Ito ay nagbabangon sa tanong na: Ano ba ang Pasko noong una?

Mga Pinagmulan ng Pasko

Nagbibigay ng makasaysayang pinagmulan, binanggit ng The Chicago Tribune noon lamang nakaraang Disyembre sa istorya nito sa unang-pahina: “Balintuna, ang kapistahan na inirereklamo ngayon ng mga Kristiyano na nasupil na ng komersiyalismo ay itinutunton ang mga pinagmulan nito sa isang kapistahang pagano na nasupil ng Kristiyanismo.

“Ang unang iniulat na pagdiriwang ng Pasko bilang kapanganakan ni Jesu-Kristo ay mahigit na 300 taon pagkatapos ng kapanganakan ni Jesus. Noong ika-4 na Siglo, ang Kristiyanismo ang naging opisyal na relihiyon ng Imperyong Romano, at, naniniwala ang mga iskolar, na itinakda ng mga Kristiyano ang petsa ng kapanganakan ni Jesus na Dis. 25 upang tumapat sa umiiral na pagdiriwang ng mga di-Kristiyano.

“ ‘Sa halip na mag-away laban sa mga kapistahang pagano, ipinasiya nilang makilahok sa mga kapistahang pagano at sikaping halinhan ito,’ sabi ng propesor sa University of Utah na si Russell Belk . . . ‘Ang mga kapistahang pagano na pinalitan ng Kristiyanismo ay ang Romanong mga kapistahan ng Saturnalia​—parang karnabal na mga pagdiriwang na may kasamang pagbibigayan ng regalo​—at nang maglaon ang mga pagdiriwang ng Pasko sa Inglatera at Alemanya na ipinagdiriwang ang winter solstice,’ sabi ni Belk.

“Humina at lumakas ang popularidad ng Pasko sa nakalipas na mga dantaon. Ito’y ipinagbawal sa loob ng ilang panahon sa Inglatera at Amerika ng mga Puritano na tumutol sa kasayahang iniuugnay rito. Subalit sa kalagitnaan ng mga taóng 1800, sabi ni Belk, ‘ang Pasko ay nanganganib, humihina ang popularidad.’ Sinabi niyang ang mga lider ng relihiyon ay natutuwang makita na ang komersiyo ay nasasangkot, sa pamamagitan ng pagbibigayan ng regalo at Santa Klaus, upang buhayin na muli ang kapistahan.

“Ang pagbuhay na muling iyon, sabi ni Belk, ay pangunahin nang dahilan sa Ingles na awtor na si Charles Dickens, nang ipakita ng ‘A Christmas Carol’ noong 1843 ang nagbagong kuripot na tauhan nitong si Scrooge na naging isang bukas-palad na tagapagbigay.”

Kumusta Naman ang mga Kaugalian Kung Pasko?

Sinasabing “nasiyahan [si Dickens] sa lahat ng kaugalian at mga bagay na nauugnay sa Pasko.” Subalit saan nanggaling ang mga kaugalian at mga bagay na kaugnay ng Pasko?

Nagbibigay ng kawili-wiling pang-unawa tungkol sa bagay na ito, sinipi ng New York Newsday ng Disyembre 22, 1992, si John Mosley, na sumulat ng aklat na The Christmas Star: “ ‘Hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga lider ng simbahan ang Pasko kung Disyembre lalo na upang ipagdiwang ang kapanganakan ni Kristo,’ sabi ni [Mosley]. ‘May kinalaman ito sa pakikitungo nila sa winter solstice,’ ang malaking pagbabago sa taglamig, kapag ang araw ay humihinto sa pagtungo nito sa timog at muling nagtutungo sa hilaga, na nagdadala ng bagong liwanag.

“Maliwanag na makikita ito sa mga sagisag ng Pasko, sabi ni Mosley. Lubhang kapansin-pansin ang paggamit ng luntiang mga halaman, na sumasagisag sa buhay sa isang panahon ng kadiliman at lamig. ‘Ang pinakakapansin-pansing halaman ay ang Christmas tree,’ sabi niya. ‘At sa ipinagdiriwang ng mga Europeo sa hilaga ang solstice sa gubat; sinasamba nila ang mga punungkahoy. Kaya ang Christmas tree ay talagang isang paggunita sa pagsamba sa punungkahoy noong sinaunang mga panahon.’

“Sinabi rin ni Mosley, ‘Ano ang inilalagay ninyo sa mga punungkahoy? Mga ilaw. Ipinagugunita ng ilaw ang Araw at sumasagisag sa Araw. Ito’y para sa muling pagsilang ng Araw at ang pagbabalik ng liwanag pagkatapos ng solstice. Ang pangunahing mga bagay na nasasangkot sa mga pagdiriwang ng solstice saanman ay ang ilaw at luntiang mga halaman.

“Ang Dis. 25, sabi pa niya, ‘ang dating petsa ng winter solstice, at maraming bagay na ginagawa natin ngayon, at inaakala nating makabagong mga kaugalian kung Pasko, ay sa katunayan matutunton ang pinagmulan nito sa mga pagdiriwang ng solstice.”

Ipinakikilala rin ng musika ang mga pagdiriwang ng Pasko. Kaya nga, hindi kataka-taka na ang Romanong kapistahan ng Saturnalia ay kilala sa handaan at pagsasaya, pati na sa sayawan at kantahan. Na kinuha ng modernong Pasko ang maraming kaugalian nito sa sinaunang Saturnalia, ay hindi na pinagtatalunan ng mga iskolar.

Matinding Pag-aalinlangan

Ang Arsobispo ng Canterbury sa Inglatera, si Dr. George Carey, ay nagreklamo tungkol sa “panahon ni Reyna Victoria, Pasko ni Charles Dickens.” Ang dahilan? “Ako’y nababahala na baka ang ating mga anak ay maapektuhan ng komersiyalismo,” sabi niya.

Ayon sa pahayagang The Scotsman, ang Anglicanong obispong si David Jenkins ay naniniwalang ang komersiyalismo kung Pasko ay nagtutulak sa mga tao sa matinding nerbiyos. “Sinasamba natin ang kasakiman at ang Pasko ay nagiging kapistahan ng kasakiman at kalokohan,” sabi niya, susog pa niya: “Ang karaniwang mga tao ay ginagawang miserable ng kanilang mga pagkakautang sa credit card. . . . Dumarami ang ebidensiya na pagkatapos ng Pasko ang mga tao ay nawawalan ng pag-asa at nagkakaroon ng mga away sa pamilya. Mas maraming disbentaha sa pagdiriwang ng Pasko kaysa mga bentaha.”

Angkop na binuod ng The Church Times ng Inglatera ang problema ng Pasko: “Kailangan nating mapalaya mula sa malaking pagsasaya na pinayagan nating kauwian ng pagdiriwang ng Pasko!”

Kung Ano ang Dapat Gawin Dito

Makikilala mo ang Pasko sa kung ano ito, isang paganong pagdiriwang na may kamaliang ipinagpaparangalan bilang kapanganakan ni Jesus, at walang kaugnayan dito. Iyan ang ginawa ni Rita, ang babaing nabanggit kanina. Siya’y naging isa sa mga Saksi ni Jehova, at siya ngayon ay kaisa ng mahigit na 4,500,000 kapuwa Saksi, na lubusang iniiwasan ang Pasko.

Gayunman, hindi madali sa tuwina na kumuha ng isang landasin na naiiba sa karamihan. (Ihambing ang Mateo 7:13, 14.) Kinikilala ito ng The Church Times: “Nangangailangan ng isang matibay-loob na lalaki, babae o pamilya na piliing huwag lumahok sa isang kapistahan na ipinipilit sa atin ng ating mga kasama.”

Marami na nagpasiyang “huwag lumahok” ay sumasang-ayon. Subalit alam din nila na ang matinding pag-ibig sa katotohanan ay nagbigay sa kanila kapuwa ng pangganyak at ng lakas na kunin at panatilihin ang paninindigang iyon. Magiging totoo rin iyan sa iyo​—kung iyan ang nais mo.

[Kahon sa pahina 7]

Alam mo ba ang mga katotohanang ito?

* Si Jesus ay hindi ipinanganak ng Disyembre 25.

* Itinatago ng mga pastol sa Israel ang kanilang mga tupa sa kalagitnaan ng taglamig at wala sa bukid kung gabi.

* Ang ‘mga lalaking pantas’ ay sa katunayan mga Mago, mga astrologo, at dinalaw nila si Jesus nang siya ay isang paslit na bata, hindi isang sanggol.

* Wala saanman sa Bibliya na sinasabing dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano ang kapanganakan ni Jesus. Subalit may isang maliwanag na utos na alalahanin ang kaniyang kamatayan.

[Kahon sa pahina 18]

Kung Bakit Hindi Nagdiriwang ang mga Saksi

Iniharap ng The Witness, ang opisyal na pahayagan ng Romano Katolikong ardiyosesis ng Dubuque, Iowa, E.U.A., ang sumusunod na tanong sa pitak nitong “Question Corner.”

“Hiniling ng aking maybahay sa aking 10 anak na tumulong sa pagdiriwang ng aking ika-80 kaarawan.

“Gayunman, dalawa sa mga anak ay mga Saksi ni Jehova at sinabi nilang hindi sila nagdiriwang ng mga kaarawan sapagkat sila’y namumuhay na maingat na sinusunod ang halimbawang iniwan sa atin ni Jesus at ayon sa Bibliya.

“Sinasabi nilang si Jesus ni ang sinumang sinaunang mga Kristiyano ay hindi nagdiwang ng mga kaarawan. Ito ay isang paganong tradisyon at isa ito na hindi gagawin ng mga Kristiyano. Ito’y itinuring bilang isang paganong tradisyon noong panahon ni Kristo at dapat na ituring na gayon ngayon.”

Sinagot ng paring si John Dietzen ang tanong: “Alam kong ito’y nakasasakit sa inyo, subalit ang impormasyon na ibinigay mo ay tama. Kabilang sa maraming pagkakaiba sa paniniwala at gawain sa pagitan ng mga Saksi ni Jehova at ng ibang Kristiyanong denominasyon ay ang isang ito.

“Kasuwato ng paniniwalang ito, ang kanilang mga miyembro ay hindi man lamang nagdiriwang ng Pasko, dahil sa ipinagdiriwang nito ang kaarawan ni Jesus at gayundin dahil sa ang petsa ng Pasko ay itinatag, maliwanag noong ikaapat na siglo sa araw ng winter solstice (ayon sa matandang kalendaryo ni Julian), na noon pa ay isang malaking paganong kapistahan.”

[Picture Credit Line sa pahina 16]

Santa Klaus: Thomas Nast/Dover Publications, Inc. 1978

Puno at medyas: Old-Fashioned Christmas Illustrations/Dover Publications, Inc.