Dalawang-Uring Pamumuhay—Bakit Hindi?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dalawang-Uring Pamumuhay—Bakit Hindi?
“Ako’y namumuhay nang dalawang-uring pamumuhay—isa kapag kasama ko ang aking mga kaibigang Kristiyano at iba naman kapag kasama ko ang mga kaibigan ko sa paaralan.”
Ang kalagayan ng kabataang babae na sinipi sa itaas ay hindi natatangi. Subalit ano ba ang ibig sabihin ng “dalawang-uring pamumuhay”? Binigyan-kahulugan ni Ruth Bell, awtor ng aklat na Changing Bodies, Changing Lives, ang gawaing ito bilang “anumang bagay na ginagawa mo na hindi mo sinasabi sa iyong mga magulang.”
Kinapanayam ng awtor na ito ang maraming kabataan at nag-ulat: “Maraming tin-edyer ang nagsabi na may mga pangyayari sa kanilang buhay na hindi nila masabi sa kanilang mga magulang. Ang pinakakaraniwang bagay na inililihim ay tungkol sa sekso at droga at pag-inom, ngunit binanggit din ng mga tao ang mga bagay na gaya ng pag-uwi ng gabi na, pakikipag-date sa mga di-kakilala, pagbubulakbol, pakikipag-away, at pakikisama sa mga kaibigan na hindi naiibigan ng kanilang mga magulang.”
Nakalulungkot sabihin, inililihim kahit ng ilang kabataang pinalaki ng Kristiyanong mga magulang kung ano sila sa kanilang mga magulang at sa iba. a (Ihambing ang Awit 26:4.) Kapag kasama ng mga magulang at mga kapananampalataya, ang mga kabataang ito ay tila matuwid at may takot sa Diyos. Ngunit kapag malayo sa gayong pagtingin, sila’y gumagawi nang ibang-iba.
Ano nga ba ang nag-uudyok sa isang kabataan sa dalawang-uring pamumuhay?
Ang Halina ng Pagsasarili
Sinasabi ng Bibliya na sa wakas “iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina.” (Genesis 2:24) Kung gayon, natural lamang na ikaw ay magnais na lumaki, mag-isip para sa iyong sarili, gumawa ng iyong sariling mga pasiya. Ang problema ay na maaaring hindi ka pa handa sa pagiging adulto. Palibhasa’y kulang ng karanasan sa buhay, kailangan mo pa ng alalay ng maka-Diyos na mga magulang.—Kawikaan 1:8.
Ayaw tanggapin ng maraming kabataan ang bagay na ito. Sang-ayon sa aklat na How to Survive Your Child’s Rebellious Teens, nais ng maraming kabataan na “iunat ang kanilang gumugulang na mga kalamnan, wika nga, upang subukin ang kanilang bagong lakas, at ipahayag ang kanilang pagsasarili.” Kapag hindi pumayag ang mga magulang na gawin nila ang mga bagay na inaakala nilang hindi matalino—o mali—ang ilang kabataan ay nagrerebelde. At wala silang nadaramang bahagya mang pagsisisi sa pagkakanulong ito. Sabi ng isang tin-edyer na babae: “Mabuti ang pakiramdam ko sa paggawa ng mga bagay na hindi alam ng [aking mga magulang] sapagkat ginagawa ako nitong mahalaga. Iba naman ang buhay ko sa kanila at may palagay ako na hindi nila nalalaman ito. . . . Hindi sila makapaniwala sa ginagawa ko.”
‘Napakahigpit ng mga Magulang Ko’
Kung gayon, bakit nga ginagawa ng ilang kabataan na tumatanggap ng mainam na pagpapalaking Kristiyano ang lihim na pagkakamali? Nang itanong ito ng Gumising! sa isang grupo ng mga kabataan, isang tin-edyer na babae ang sumagot: “Galít sila sa kanilang mga magulang. Nais nilang gumanti sa paghihigpit sa kanila.” Walang alinlangan dito, ang Kristiyanismo ay isang mahigpit na paraan ng pamumuhay. Sabi ni Jesus: “Makipot ang pintuan at makitid ang daang patungo sa buhay.” (Mateo 7:14) Kung nais mong tanggapin ang kaloob ng Diyos na buhay na walang-hanggan, hindi mo basta magagawa ang ilan sa tinatawag na nakatutuwang bagay na ginagawa ng ibang kabataan. Halimbawa, magugulong parti, palakasan ng inom, pagsisiping nang di-kasal, kahalayan, mga bagay na pawang hinahatulan sa Bibliya.—Galacia 5:19-21.
At nariyan din ang bagay na ang ilang magulang ay maaaring tila di-pangkaraniwang mahigpit. “Hindi kami halos makapanood ng anumang sine,” reklamo ng isang kabataang babae na nagngangalang Kim. “Nagbawas na rin ako ng maraming panahong ginugugol ko sa pakikinig sa musika, at sinikap kong maging mapamili. Ngunit pinagbabawalan kami ng tatay ko na makinig sa halos anumang musika! Maaari lamang kaming makinig sa klasikal at jazz na mga tugtugin.” Dahil sa nakakaharap ang sa wari nila’y di-makatuwirang paghihigpit, ang ilang kabataan ay nagsimulang mainggit sa kalayaang tinatamasa ng kanilang mga kasama.
Ang Pagnanais na Tanggapin ng Iba
Ganito ang gunita ng isang kabataang babaing nagngangalang Tammy: “Nagsimula ako sa pamamagitan ng pagmumura sa paaralan. Ipinadama nito sa akin na ako ay katulad ng iba pang bata. Nang maglaon ay sinubok ko ang paninigarilyo. Umiinom din ako ng alak hanggang sa malango. Pagkatapos ako’y nagsimulang makipag-boyfriend—nang lihim sapagkat mahigpit ang aking mga magulang at hindi nila ako pinapayagang makipag-date.”
Gayundin ang karanasan ng isang tin-edyer na lalaking nagngangalang Pete: “Ako’y pinalaki bilang isang Saksi ni Jehova. Ngunit takot na takot akong tuksuhin, kaya lagi kong sinisikap na makisama sa karamihan. Sinikap kong maging popular. Ako’y magsisinungaling at magdadahilan kung bakit hindi ako tumatanggap ng anumang regalo kung panahon ng relihiyosong mga kapistahan.” b Nang si Pete ay gumawa ng maliliit na kompromiso, hindi nagtagal at siya ay nagsasagawa na ng mas seryosong mga pagkakamali.
“Masasamang Kasama”—Saan?
Itinatampok ng mga karanasang iyon ang katotohanan ng mga salita ng Kristiyanong si apostol Pablo: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.” (1 Corinto 15:33) Kaya kung nakikisama ka sa mga kabataang hindi iginagalang ang iyong salig-Bibliyang mga pamantayan at moral, madali kang mahihila sa kanilang istilo ng buhay. Gayunman, kapansin-pansin na hindi espesipikong binabanggit ng apostol ang tungkol lamang sa pakikisama sa mga hindi kapananampalataya nang ibigay niya ang babalang iyan. Siya’y nagbabala laban sa pakikisama sa mga nasa loob ng kongregasyong Kristiyano na hindi nanghahawakan sa Kristiyanong turo. (1 Corinto 15:12) Gayundin naman sa ngayon, maaaring may mga kabataang kaugnay sa kongregasyon na hindi sumusunod o nagtataguyod ng wastong Kristiyanong pamumuhay. Sila’y maaaring maglagay ng tusong panggigipit sa iyo na mamuhay nang dalawang-uring pamumuhay.
Minsan pa, isaalang-alang si Tammy, na umamin na ang mga magulang niya ay “napakamaibigin.” Inilalarawan niya ang kaniyang ama na “halos nag-uumapaw sa sigasig, laging sinasabi ang tungkol sa kung paanong si Jehova ay nagmamalasakit sa atin.” Naglilingkod pa nga siya sa kongregasyon bilang isang hinirang na matanda. Paano nga siya nailigaw? “Ang masasamang kasama sa loob ng kongregasyon,” sabi niya. “Sinasabi sa akin ng iba ang tungkol sa katuwaan nila sa iba’t ibang parti at tungkol sa pag-iinuman na ginagawa nila. O ikinukuwento nila ang tungkol sa kanilang mga boyfriend at kung paano sila lumalabas at nagsasayawan pagkatapos ng mga pulong sa kongregasyon.”
Pag-ilag sa Kasakunaan
Huwag ipagdahilan ang gayong maling paggawi ng mga kabataan sa pangangatuwirang, ‘Bahagi lamang ito ng paglaki’ o, ‘Lahat ng bata ay naglilihim sa kanilang mga magulang.’ Pansinin ang babala na ibinibigay ng Diyos sa mga kabataan sa Eclesiastes 11:9, 10: “Ikaw ay magalak, Oh binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa kaarawan ng iyong kabataan, at lumakad ka ng mga lakad ng iyong puso at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit talastasin mo na dahil sa lahat ng ito ay dadalhin ka ng tunay na Diyos sa kahatulan. Kaya ilayo mo ang alalahanin sa iyong puso, at ilagan mo ang kasakunaan sa iyong katawan.”
Ang dalawang-uring pamumuhay ay maaaring magtinging nakatutuwa. Ngunit sa wakas ito ay isang nakamamatay na patibong. (Ihambing ang Awit 9:16.) Ang mga pagsuway ay tiyak na humahantong sa mas malubhang mga pagkakamali. Ang kabataang si Pete, halimbawa, ay nagsasagawa na ng seksuwal na maling paggawi nang lumayas siya sa gulang na 17. Sa gulang na 18, si Pete ay nakulong sa salang armadong pagnanakaw.
Kadalasan maraming kabataan ang waring nakalulusot sa kanilang kalokohan. Maaaring madali kang makadama na gaya ng manunulat ng Bibliya na si Asaph, na umamin: “Sapagkat ako’y nanaghili . . . nakita ko ang kaginhawahan ng masama. Hindi sila dumaranas ng hirap; sila ay malalakas at malulusog. Hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang tao.” Subalit ang waring katiwasayan ng balakyot ay napatunayang isang malupit na ilusyon. Ganito ang hinuha ni Asaph: “Ilalagay sila [ng Diyos] sa mga madulas na dako at ilulugmok sila sa kapahamakan!” (Awit 73:3-5, 18, Today’s English Version) Taglay ang mabuting dahilan, kung gayon, ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag managhili ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi matakot ka kay Jehova buong araw.”—Kawikaan 23:17.
Kumusta naman ang ideyang ang pagsuway sa mga magulang ay nakatutulong sa isang kabataan na lumaki at maging independiyente? Ito’y salungat sa payo ng Bibliya na makinig ka sa iyong mga magulang. (Kawikaan 23:22) Tunay, ang mangmang o iresponsableng ugali ay lalo lamang magpapabagal sa iyong emosyonal at espirituwal na paglaki. Sa halip, sa pamamagitan ng pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya nagiging ‘ganap ang pagkalalaki’ mo na may “sukat ng paglaki na siyang kalubusan ng Kristo.”—Efeso 4:13.
Totoo, ang ilang magulang ay maaaring tila di-makatuwirang mahigpit. Ngunit hindi ba iyon ay dahil sa matinding pag-ibig nila sa iyo at ang kanilang naising ingatan ka? Kaya kung inaakala mong ang iyong mga magulang ay kailangang magluwag nang kaunti, bakit hindi ipakipag-usap sa kanila ang mga bagay-bagay—sa halip na maghimagsik? c Ang paggawa ng huling banggit ay magdudulot ng malaking dalamhati sa kanila, sa iyo, at, higit sa lahat, sa Diyos na Jehova mismo.—Kawikaan 10:1; 27:11.
Kumusta naman kung ikaw ay nagsimula nang mamuhay ng dalawang-uring pamumuhay? May anumang paraan ba upang alpasan ito? Tatalakayin ng mga artikulo sa hinaharap ang mga tanong na ito.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Mga Kabataan—Mag-ingat Laban sa Dalawang-Uring Pamumuhay,” sa Agosto 1, 1988, na labas ng Ang Bantayan.
b Para sa pagtalakay sa katayuan ng mga Saksi ni Jehova sa relihiyosong mga kapistahan, tingnan ang brosyur na School and Jehovah’s Witnesses, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
c Tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 26]
Ikaw ba’y namumuhay nang dalawang-uring pamumuhay?