Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan Nagpapasalamat ako sa inyo nang lubos dahil sa serye ng artikulong “Mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan—Paano Sila Matutulungan?” (Hulyo 22, 1993) Nang mabasa ko ang mga ito, umiyak ako dahil sa kagalakan at kirot ng damdamin. Sa gulang na apat, ako’y hinalay mismo ng aking ama. Ako’y lumaki sa patuloy na pagdurusa at takot. Ako ngayo’y isang Kristiyano na sa loob ng 20 taon, at sa tulong ni Jehova—at ng mga artikulong tulad nito—nakasumpong ako ng kaginhawahan. Nakatulong din sa akin ang impormasyon na ingatan ko ang aking anak na babae.
S. S., Italya
Ako’y 17 taóng gulang at nakararanas ng matinding emosyonal na kaigtingan. Lipos ng pang-aabuso sa salita sa aking tahanan. Bagaman hindi pa nabasa ng aking ama ang mga artikulong ito, walang dahilan para baliwalain ng bawat mapang-abusong magulang ang mga ito. Inaasahan ko na ang mga artikulong ito ang magbubukas sa mga mata ng gayong mga magulang.
T. B., Estados Unidos
Ang aking tatlong-taóng-gulang na anak na babae ay hinalay. Siya’y totoong naligalig ng karanasang ito; ang isang bata ay hindi kailanman napakamusmos upang masaktan ang damdamin. Galit na galit ako at nalungkot anupat nagnais akong sana’y sumulat kayo ng isang artikulo upang matulungan ang mga magulang na maunawaan kung gaano kasamâ ang mga ito para sa aming maliliit na anak. Hindi maipahayag ng mga salita ang aking kagalakan nang mabasa ko ang mga artikulong ito. Kailanma’y hindi ako nakabasa ng anuman na kasingganda nito. Ipinakikita nito sa iba na tayo’y naglilingkod sa isang Diyos na nakauunawa sa matinding pagdurusa na dinaranas ng ilan.
M. G., Estados Unidos
Maraming salamat lalo na sa artikulong “Abusadong mga Magulang—Ang Sukdulang Pinagmumulan ng Kaigtingan.” Ako’y lumaki sa gayong kalagayan, na may pang-aabuso sa emosyon at seksuwal. Ipinakita ng artikulo kung papaano nakapagpapahirap ito sa buong buhay ng isang tao. Nakaaaliw na malamang may isa na tunay na nakauunawa.
B. S., Estados Unidos
Bilang isa na nakaranas ng seksuwal at emosyonal na pang-aabuso sa pagkabata, masasabi ko talaga ang pinsala na sanhi ng di-makatuwirang kaigtingan sa pagkabata. Malibang maranasan mo ito, hindi mo mauunawaan ang kapinsalaang dulot nito sa buhay ng isang tao. Ang pagkapoot sa sarili, pagkadama ng kasalanan, pagkatakot, at nakagugupong damdamin ng kawalang-halaga ay napakahirap batahin kung minsan. Hinihiling ko sa panalangin na ang mga magulang na makababasa ng impormasyong ito ay magsuring mabuti sa kanilang mga sarili at pakitunguhan ang kanilang mga anak na may empatiya at pagdamay.
D. I., Estados Unidos
Pagkakita ko pa lamang sa pabalat, ako ay naiyak na. Ang aking anak na pitong-taóng-gulang ay napakahirap pakitunguhan, at hindi namin alam kung ano ang dapat gawin. Sa wakas ay dinala namin siya sa isang ospital na dalubhasa sa paggamot sa mga sakit sa isip at emosyon. Pagkalipas ng isang araw nang siya’y nakauwi na sa bahay, natanggap namin ang labas tungkol sa mga bata na nakararanas ng kaigtingan. Marami pa rin kaming mga katanungan na hindi pa nasasagot, subalit sa pamamagitan ng mga artikulong gaya nito, panalangin, at pagsuporta ng mga kaibigan, sa papaano ma’y nasasagot ang karamihan sa aming mga katanungan.
D. G., Estados Unidos
Ako’y 13 taóng gulang, at ako’y lubhang nagkasakit dalawang taon na ang nakalipas. Ako rin ay nakaranas ng pana-panahong panlulumo. Sana’y noon pa ako nagkaroon ng ganitong mga artikulo. Dinala ako ng aking ina sa isang pantanging ospital para sa mga bata sapagkat hindi malaman ng mga doktor sa aming bayan kung ano ang nangyayari sa akin. Ipinalagay ng mga doktor sa ospital na ako’y nakararanas ng tinatawag ng inyong magasin na “saykosomatikong mga reaksiyon.” Ang matatanda sa aming kongregasyon, pati na ang aking mga magulang, ay nakatulong sa akin upang mapagtagumpayan ko ang aking kaigtingan. Umaasa ako na ang inyong mga artikulo ay makatutulong sa iba pang mga kabataan na mapagtagumpayan ang kanilang kaigtingan.
J. B., Estados Unidos
Ako’y isang bata na nakararanas din ng kaigtingan. Ako po’y pitong taóng gulang, at ang aking ama’t ina ay naghiwalay. Iyan ang nakaiigting na bagay. Mayroon po akong sakit sa tiyan gaya ng inyong isinulat sa inyong artikulo. Salamat po sa inyong pagmamalasakit.
J. H., Estados Unidos