Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkakaisa na Hinahangaan ng Daigdig

Pagkakaisa na Hinahangaan ng Daigdig

Pagkakaisa na Hinahangaan ng Daigdig

ANG daigdig ay nasindak sa biglang pagbagsak ng Komunismo at kamakailan lamang sa dumaraming etnikong karahasan. Gayunman, kasabay nito, angaw-angaw sa Silangang Europa ay namangha sa nagkakaisa, masayang gawain ng isang pangkat na napagtagumpayan ang matinding pagkapoot ng lahi at bansa​—ang mga Saksi ni Jehova.

Ang mga Saksi ni Jehova ay nagtagumpay sa pagpapanatili ng nagkakaisang pagsamba kahit na nagngangalit ang digmaan sa paligid nila. Noong 1991, nang isang internasyonal na pulutong ng 14,684 na mga Saksi ang nagtipon sa Zagreb, Croatia, isang pulis ang nagsabi: “Makabubuting ipakita sa mass media kung ano ang nangyayari sa loob ng istadyum na ito, ngayon mismo, kung saan ang mga Serbiano, Croat, Sloveniano, Montenegrin, at iba pa ay mapayapang nauupong magkakatabi.”

Nang taon ding iyon nakita ng isang reporter sa isang kombensiyon sa Siberia ang mga Ruso na niyayapos ang isang taong bagong bautisado na buhat sa angkan ng Buryat. Nalalaman na ang tunay na pagkakaibigan sa pagitan ng gayong magkakaibang tao ay pambihira, siya’y nagtanong: “Paano ninyo napagtatagumpayan ang pambansang mga hadlang na ito?”

Nitong tag-araw 45 kombensiyon ang idinaos ng mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa at Asia, ang isa sa Moscow at ang isa sa Kiev ay internasyonal. Lahat-lahat mahigit na 368,000 ang dumalo sa 45 kombensiyon​—mahigit na 112,000 sa dating Unyong Sobyet at halos 11,000 sa apat na lungsod ng dating Yugoslavia.

Sa kabila ng digmaan sa kani-kanilang rehiyon, halos 215 Saksi ang dumalo sa kombensiyon sa Belgrade, Serbia, noong Agosto 19 hanggang 22. Ito ay dinaluhan ng 3,241. Isang reporter ang nagsabi: “Ang mga pangkat sa palibot ng Sarajevo mismo ay nakadalo. Sila’y umarkila ng isang bus, at 56 ang dumating. Ang mga ito ay galing sa Lukavica, Pale, Ilidz̆a, at Vogošća. Lima katao rin ang dumating buhat sa Benkovac. Isa pang bagay na kapansin-pansin ay na 23 sa 174 na nabautismuhan sa kombensiyon ay galing sa mapanganib na mga rehiyong ito.”

Sa Moscow at Kiev

Noong Hulyo 28, 1993, ang unang pahina ng The New York Times ay may isang malaking larawan ng mga Saksi ni Jehova sa Moscow, na may paliwanag: “Ang pagkakaroon ng kalayaan sa pagsamba sa Russia ay nagdala ng mga komberte sa Locomotive Stadium ng Moscow para sa lansakang bautismo bilang mga Saksi ni Jehova.”

Ang Times ay nag-ulat: “Niyapos ng mga miyembro na luhaan ang mga mukha ang basáng mga bagong kaanib. Kabaligtaran ng karaniwang ugali sa Locomotive, walang naninigarilyo, walang nagmumura, walang lasing.” Sa loob ng apat na araw maginhawang pinunô ng mga Saksi sa Russia at mula sa mahigit na 30 bansa ang istadyum, ang pinakamataas na bilang ay umabot ng 23,743.

Isang mas malaking internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova ay idinaos sa Kiev, ang kabisera ng Ukraine. Ang pinakamataas na bilang ng dumalo ay 64,714 na nagkatipon sa Republican Stadium, isa sa pinakamalaki sa Silangang Europa. Ang unang pahina ng Evening Kiev ay nag-ulat: “Ang mga Saksi ni Jehova . . . ay nagkakaisa hindi lamang sa mga badge na asul na may nakasulat na ‘Divine Teaching’ sa mga ito kundi sa pamamagitan ng tunay na pananampalataya.”

Kung Paano Nakakamit ang Pagkakaisa

Kung paano posible ang pagkakaisang iyon ay mainam na nailarawan ng isang may edad na Saksi na taga-Ukraine sa kombensiyon sa Kiev. Itinuro niya ang langit at aniya, “si Jehova.” Pagkatapos, iniuunat ang kaniyang mga kamay upang bumuo ng isang bilog, itinaas niya ang isang daliri. Ang mensahe niya ay malinaw: ‘Tayong lahat ay iisa, nagkakaisa sa pamamagitan ng banal na pagtuturo ng Diyos na Jehova.’

Kawili-wili, iniulat ng Encyclopœdia Britannica ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet, ipinakikita kung bakit ang mga Saksi ay nagkakaisa. Sabi nito: “Alam nila ang kanilang [salig-Bibliyang] mga turo, at sila’y masisigasig na mga mangungumberte at iniaayon ang kanilang buong buhay na kasuwato ng kanilang relihiyosong mga paniwala.” Anong pagkaangkup-angkop nga, kung gayon, na ang paksa para sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova nitong tag-araw ay “Banal na Pagtuturo”!

Ipinakita ni Jesu-Kristo, na nagtaguyod ng banal na pagtuturo, ang isang mahalagang nakapagkakaisang simulain nang siya’y manalangin tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” Oo, ang neutral na katayuan ng mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa sa kanila, gaya ng hiniling ni Jesus nang siya’y manalangin: “Upang silang lahat ay maging isa, gaya mo, Ama, na kaisa ko at ako’y kaisa mo, upang sila rin naman ay makaisa natin.”​—Juan 17:16-21.

Ipinakikita ng isang karanasan ng isang delegado mula sa Espanya kung paanong pinagkakaisa ng pagiging hindi bahagi ng sanlibutan ang bayan ng Diyos. Patungo sa kombensiyon sa Moscow, siya’y naupong katabi ng isang taong mula sa Afghanistan na nagsabing kahit na ang mga tao na kabilang sa iisang relihiyon ay nagpapatayan sa isa’t isa sa gera sibil sa bansang iyon. “Anong pulitikal na partido ang itinataguyod ng inyong relihiyon?” ang tanong niya. “Wala,” ang tugon. Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay neutral sa pulitika, sila ay hindi nasasangkot sa etnikong labanan, na pinag-aaway ang mga tao laban sa isa’t isa.

Personal na naranasan ng mga delegadong naglalakbay mula sa isang dating republikang Sobyet kung gaano kakila-kilabot ang digmaan. Ang kanilang tren ay napagitna sa nagbabarilang magkalabang puwersa. Anong ligaya nila na makarating nang ligtas sa Kiev at tamasahin ang pag-ibig at pagkakaisa sa gitna ng maraming etnikong pangkat ng maraming bansa sa istadyum!

Partikular na pinahalagahan ng maraming delegadong Aleman at Ruso kung ano ang nagawa ng banal na pagtuturo sa kanila. Isang salinlahi ang nakalipas nang sila’y mga binata pa, sinikap nilang patayin ang isa’t isa noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Subalit noong kombensiyon sa Kiev, sila ay nagkaisa sa tunay na pagsamba, gaya ng makikita sa pahina 7.

Nagtaka ang mga Nagmamasid

Ang Moscow, isang lungsod ng mga siyam na milyon, ay may kaunting pagkakataon noon na makilala ang mga Saksi ni Jehova. Totoo, marami ang nakarinig tungkol sa pag-uusig at pagbilanggo sa kanila sa ilalim ng Komunismo. At, noong tag-araw ng taóng ito, 18 kongregasyon ang naitatag sa Moscow at 13 sa Kiev upang patuluyin ang dumaraming bilang ng dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi. Ngunit ngayon ay nakikita ng mga tagaroon ang sampu-sampung libong delegadong nakasuot ng badge sa mga dako ng kombensiyon at sa buong lungsod nila! Maraming tagamasid ang nagtaka.

Ang hepe na inspektor ng bumbero sa Moscow ay nagsabi: “Ang kombensiyong ito ay kahanga-hanga. Totoong kamangha-mangha na napakaraming tao mula sa iba’t ibang nasyonalidad ay makasumpong ng isang panlahat na wika. Hanga ako sa kalinisan at kaayusan ng inyong bayan. Ako’y nagtrabaho sa istadyum na ito sa loob ng 20 taon at kailanman ay hindi pa ako nakakita ng anumang gaya nito.”

Isang tour guide ay nagsabi: “Karaniwang kapag ako’y nangunguna sa isang pangkat, makikita mo agad ang hindi nito pagkakaisa pag-alis na pag-alis nito sa paliparan. Hindi ito totoo sa mga Saksi ni Jehova.” Isang bisita sa kombensiyon sa Kiev ay bumulalas: “Talagang kayo ay nagkakaisa. Anong laking kaibhan sa labas ng mga pader ng istadyum!”

Nang magsimula ang kombensiyon sa Moscow noong Huwebes, Hulyo 22, ilang lalaking nagtatrabaho na nakatayo sa tuktok ng isang malaking lugar ng konstruksiyon sa malapit ay nakitang pansamantalang huminto sa kanilang trabaho. Sila ay maliwanag na humanga sa himig ng mahigit na 23,000 boses na umaawit. Lalo pa silang hahanga kung nalaman nila na ang mga awit ay inawit sa mahigit na labindalawang iba’t ibang wika. Kahit na ang mga Saksing bingi na hindi makaawit sa pamamagitan ng kanilang mga tinig ay “umawit” sa pamamagitan ng kanilang mga kamay sa pamamagitan ng wika ng pagsenyas.

Ang paboritong tipunang dako kung mga gabi ay ang pagkalaki-laking Red Square ng Moscow, sa labas mismo ng mga pader ng Kremlin. Noong gabi bago nagsimula ang kombensiyon (hindi dumidilim kundi pagkaraan ng alas diyes), daan-daang Saksi mula sa iba’t ibang lahi at nasyonalidad ay maligayang nagyayapusan. Isang reporter mula sa Moscow Times ang nagkataong huminto at nagtanong. “Sino ang kinakatawan ninyo?” tanong niya. Nang sabihan, aniya: “Kailanman ay hindi pa ako nakakita ng maligayang grupo ng napakaraming magkakaibang tao sa Red Square. Karaniwang ang gayong malaking grupo ay narito upang magdemonstrasyon o magprotesta tungkol sa isang bagay.”

Ang mga mamamayan kapuwa sa Moscow at sa Kiev ay totoong namangha sa libu-libong delegadong nakasuot ng badge na masayang nagbabatian, nagyayapusan, at sinisikap na makipagtalastasan sa isa’t isa. Isang negosyante mula sa Iran na dumadalaw sa Kiev ay lumapit sa isang Saksi mula sa Estados Unidos at nagsabi: “May isang bagay na kahanga-hanga sa inyo. Pinagmamasdan ko kayo sa nakalipas na dalawang araw. Nais kong basahin ang ilan sa inyong literatura sa Ingles.” Sinabi niyang kung hindi sana siya aalis kinabukasan patungong Iran, dadalo siya sa kombensiyon.

Sa buong Moscow at Kiev​—lalo na sa mga lansangan, sa mga plasa, at sa subway—​nilalapitan ng mga delegado ang mga tao upang alukin ng mga tract at brosyur sa Bibliya. Gabi-gabi ang mga Saksi ay makikitang nakatayo malapit sa Libingan ni Lenin sa Red Square na tahimik na nakikipag-usap at namamahagi ng mga tract. Karaniwan nang ang alok ay tinatanggap, kadalasa’y may kaayaayang ngiti. Kung ang alok ay ginawa sa subway, karaniwang ito’y agad na binabasa ng tao. Karaniwang makita ang lima o anim katao sa isang sasakyan na nagbabasa ng mga tract sa Bibliya.

Pagkatapos basahin ang mensahe, isang pasahero sa subway ay kadalasang magpapahayag ng pasasalamat. “Hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na matuto ng gayong mga bagay,” sabi ng isang lalaking nasa katanghaliang-gulang sa baluktot na Ingles. “Maraming salamat.” Sa isa pang pagkakataon, isang binata at ang kaniyang ina ay hangang-hanga sa mensahe anupat sila’y sumabay sa delegado sa kombensiyon nang ito’y lumabas ng subway upang ipagpatuloy ang pag-uusap.

Ang Kiev ay napunô ng mahigit na 50,000 delegadong Saksi na nanggaling sa mahigit na 30 bansa, na pawang nangailangan ng mga tutuluyan. Ang karamihan ay tumuloy sa mga otel, pribadong tahanan, at sa mga paaralan, subalit halos 1,800 ang tumuloy sa anim na barko. Isang tagapangalaga sa isa sa mga barko ay nag-iwan ng sulat para sa mga Saksi. Ang sabi niya: “Para bang kayo ay galing sa ibang planeta. Ang babait ninyo at nagkakaisa kayo anupat kayo ay nagdadala ng pagpapala. Maaaring kayo ay mga anak ng Diyos. Pinag-iisipan ko ito sa lahat ng panahon.”

Anong pagkaangkup-angkop nga na ang mga Saksi ni Jehova ay makapagdaos ng kanilang malalaking kombensiyon at na maaaring makita ng mga opisyal at ng mga tao ang gayong maiinam na mga katangian at ugaling Kristiyano na lumuluwalhati sa Diyos! Ang lokal na mga opisyal na gumawang kasama ng mga Saksi ay walang masabi kundi papuri sa kanilang kasanayan, paggalang, at mahusay na pakikipagtulungan sa pangasiwaan ng istadyum at sa iba pang mga kagawaran ng lungsod.

“Ang istadyum ay hindi nalinis na mabuti na gaya nito sa loob ng 13 taon,” sabi ng isang opisyal sa Kiev. Isang pulis doon ang bumulalas: “Pambihirang mga tao! Para kang nasa isang bagong daigdig. Hindi ko maunawaan kung bakit kayo ay pinag-usig.”

Mga Tampok ng Kombensiyon

Para sa mga Saksi sa Moscow at Kiev, ang pangunahing tampok ay marahil ang pagkanaroroon ng libu-libong delegado mula sa maraming ibang bansa, kasali na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Ang kagalakan na magkasama-sama, nagkakaisa sa mapayapang pagsamba na kasama ng napakaraming iba’t ibang nasyonalidad, ay hindi mailarawan. Nang ang pangwakas na tagapagsalita sa Moscow at sa Kiev ay nagsabi na ang ating pangunahing pasasalamat ay sa Diyos na Jehova, na siyang nagpangyari na maging posible ang kombensiyon, ang mga tagapakinig ay nagsitayo at masigabong pumalakpak sa loob ng ilang minuto hanggang sa ipagpatuloy ng tagapagsalita ang kaniyang pahayag.

Ang iba pang tampok ng kombensiyon ay ang mga pahayag na ibinigay araw-araw sa Ingles ng mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at ang maiikling ulat ng mga delegado mula sa iba’t ibang bansa. Ang mga presentasyong ito sa Ingles ay sabay-sabay na isinalin sa maraming wika. Sa Kiev, halimbawa, isinalin ito sa 16 na wika! Kaya sa pag-upo sa mga seksiyong iyon na nakalaan para sa isang partikular na wika, maririnig ng mga delegado ang bahaging iyon ng programa sa kanilang sariling wika.

Ang isa pang tampok ng kombensiyon ay ang paglalabas sa wikang Ruso at Ukrainyano ng bagong brosyur na Ano ang Layunin ng Buhay? Lalo nang pinahalagahan ang paglalabas sa wikang Ruso ng Giya sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro, na ginagamit upang sangkapan ang mga Saksi ni Jehova na mas mabisang iharap ang mga katotohanan ng Bibliya. Inilabas din sa wikang Ruso Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, isang maikli subalit malamán, kronolohikal na paghaharap ng kasaysayan ng Bibliya na isinulat lalo na para sa mga kabataan. Mahigit nang 36 na milyong kopya ng aklat na ito ang inilimbag sa mahigit na 80 wika.

Ang pagkarami-raming nabautismuhang bagong mga alagad ay tunay na isang tampok ng kombensiyon. Ang bagay na marami sa mga nabautismuhan ay mga kabataan ay kapansin-pansin. Sa isang press conference sa Kiev, isang kabalitaan mula sa pahayagang Osvita ay nagtanong: “Kapansin-pansin sa inyong kombensiyon ang maraming kabataan. Sila’y mababait, maaayos, at mahuhusay ang ugali. Paano ninyo ginagawa ito? Mayroon ba kayong pantanging patakaran para sa mga kabataan? Ang trabaho ko ay may kinalaman sa mga kabataan, at interesado akong malaman ito.”

Bagaman ang pag-aalay sa Diyos ay dapat na salig sa kaalaman, hindi sa emosyon, ang aktuwal na bautismo ay isa pa ring emosyonal na okasyon, makabagbag damdamin. Sa Moscow ang pulutong ay tumayo at pumalakpak mula nang ang 1,489 na mga kandidato sa bautismo ay magtungo sa tatlong pool para sa bautismo hanggang sa ang lahat ay mabautismuhan, na mahigit na isang oras.

Sa Kiev, kung saan mahigit na 64,000 ang naroroon, anim na pool ang inilagay para sa bautismo sa isang dulo ng istadyum. Palibhasa’y may anim o higit pang tagapagbautismo sa bawat pool, katumbas ng isang malaking kongregasyon ang nababautismuhan sa bawat dalawang minuto. At, ang bautismo ay nagpatuloy sa loob ng mahigit na dalawang oras! Sa “Banal na Kalooban” na Internasyonal na Asamblea sa New York noong 1958, 7,136 ang nabautismuhan. Subalit sa Kiev, ang 7,402 na bagong ordinadong mga Saksi ni Jehova mula sa Ukraine at iba pang dating republika ng Unyong Sobyet ang may pinakamaraming napaulat na nabautismuhang Kristiyano. Ito ay mga taong nagsasalita ng Ruso mula sa mga teritoryong hanggang kailan lamang ay ipinagbawal ang mga Saksi ni Jehova, at ipinagbawal sa loob ng mga dekada!

Ang isang tampok ng kombensiyon sa Belgrade ay ang pagkanaroroon ng mga delegado mula sa ginigiyagis-digmaan, kinubkob na mga dako. “Ang mga delegadong ito ay maraming ulit na masiglang nagpahayag ng pasasalamat sa pribilehiyong ibinigay sa kanila na makapunta sa kombensiyon,” ulat ng isang manggagawa sa kombensiyon. “Gayunman, inaakala namin na ang tunay na pampatibay-loob para sa iba pa sa amin ay ang makilala sila at masaksihan ang kanilang pag-ibig at sigasig sa katotohanan ng Bibliya.”

Sa maraming “Banal na Pagtuturong” Kombensiyon, isang nakapupukaw-damdaming liham na isinulat noong nakaraang taglamig mula sa Sarajevo ang binasa. “Ang temperatura ay halos -15 digri Celsius,” sabi ng manunulat. “Kasama ko ang aking maybahay at dalawang anak na lalaki at wala kaming kuryente at wala kaming sapat na panggatong . . . Maririnig ang mga putok ng machine-gun at mga pagsabog. Subalit sa aming mga puso kami ay panatag at masigla dahil sa katotohanan at dahil sa aming mabuting kaugnayan kay Jehova. . . . Isinasamo namin sa inyo na patuloy kayong manalangin kay Jehova na tulungan kaming manindigan at pagtiisan ang lahat ng mga kalagimang ito, matatag sa pananampalataya. Idinadalangin namin kayo!”

Anong Pagkakaiba ang Ginagawa Nito?

Kung ihahambing sa kawalan ng pagkakaisang makikita sa gitna ng mga relihiyon ng daigdig, ang mga Saksi ay ibang-iba. Subalit, ano nga bang pagkakaiba ang magagawa nila? Tungkol sa isang kombensiyon ng Saksi mga ilang taon na ang nakalipas, isang editoryal ang nagsabi: “Sapat nang sabihin na kung ang lahat sa daigdig ay mamumuhay ayon sa kredo [sa Bibliya] ng mga Saksi ni Jehova ay magwawakas ang pagbububo ng dugo at pagkapoot, at ang pag-ibig ang magpupuno bilang hari.”

Gayunman, ang karamihan ng sangkatauhan ay hindi kailanman sumunod sa banal na turo. Noong unang siglo, tinanggihan pa nga nilang makinig sa Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo. Mahirap bang umasa na balang araw ay makita ang isang nagkakaisang daigdig? Paano magiging posible ang bagay na iyon?

[Kahon sa pahina 12]

MGA KOMBENSIYON SA SILANGANG EUROPA AT ASIA

Bansa Pinakamataas na Bilang ng Dumalo Nabautismuhan

Albania (1 kombensiyon) 598 39

Bulgaria (1 kombensiyon) 704 45

Republika ng Czech (2 kombensiyon) 20,025 620

Dating Unyong Sobyet

Estonia (2 kombensiyon) 4,732 383

Russia (3 kombensiyon) 32,582 2,454

Ukraine (2 kombensiyon) 69,333 7,797

Kyrgyzstan (1 kombensiyon) 5,678 604

Dating Yugoslavia

Croatia (1 kombensiyon) 5,003 157

Macedonia (1 kombensiyon) 642 27

Serbia (1 kombensiyon) 3,241 174

Slovenia (1 kombensiyon) 1,961 69

Hungary (5 kombensiyon) 22,191 798

Poland (13 kombensiyon) 152,371 4,352

Romania (9 na kombensiyon) 36,615 2,375

Slovakia (2 kombensiyon) 13,215 473

KABUUANG BILANG: 368,891 20,367

[Larawan sa pahina 7]

Mahigit na 64,000 ang nagkatipon sa Republican Stadium, Kiev

[Larawan sa pahina 7]

Mga magkaaway ng Digmaang Pandaigdig II mula sa Alemanya at Ukraine na pinagkaisa ng katotohanan ng Bibliya

[Mga larawan sa pahina 8, 9]

Mahigit na 23,000 nagkakaisang mananamba sa Locomotive Stadium, Moscow

7,402 ang nabautismuhan sa Kiev, at 1,489 sa Moscow

Ang mga delegadong dayuhan ay nagdala ng tone-toneladang pagkain para sa nangangailangan

Itaas at gitna: Maraming etnikong pangkat ang nagtipon sa mapayapang pagkakaisa Ibaba: Pagpapatotoo sa Red Square

[Larawan sa pahina 10]

Ang mga delegado sa kombensiyon ay natutuwang tanggapin ang aklat na “Mga Kuwento sa Bibliya,” ang “Giya sa Paaralan,” at ang bagong brosyur sa kanilang wika