Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pinayuhan ang mga Babae na Labanan ang mga Manghahalay

Ipinakita ng bagong pananaliksik na mas makaliligtas ang mga babae sa panghahalay at pananakit kung sila’y manlalaban kaysa kung sila’y magmamakaawa o iiyak lamang. Nang suriin ang mga rekord ng mga babae na hinalay, natuklasan ng mga mananaliksik sa Brandeis University sa Waltham, Massachusetts, na ang mga babaing nanlaban o sumigaw at tumakbo ay mas nakaligtas kaysa sa mga hindi nanlaban. “Sa katunayan, ang mga babaing malamang na higit na mahalay o masaktan ay yaong mga hindi nanlalaban, sa halip ay umaasa lamang sa pagmamakaawa o pakikipagkatuwiranan sa manghahalay sa kanila,” sabi ng magasing American Health. Si Dr. Sarah Ullman, na nagsagawa ng pagsusuri, ay nagbigay ng ganitong payo: “Hindi dapat mag-atubili ang babae na sumigaw, manlaban at magpumiglas nang kaniyang buong lakas. Malamang na hindi makatulong ang pagmamakaawa at pagsusumamo.”

Ang Iglesya sa Poland

Halos apat na taon na pagbagsak ng Komunismo sa Poland, ang Iglesya Katolika ay napapaharap sa malulubhang suliranin. Ayon sa Guardian Weekly ng London, isiniwalat ng mga surbey ng pangmadlang opinyon na “naiwala na ng pagka-pari ang marangal na kalagayan nito.” Sinabi pa nito na “ang bilang ng mga aplikante sa seminaryo ay bumababa at ang mga pumapasok sa mga klase ng pagtuturo sa relihiyon sa paaralan ay umuunti.” Ipinalalagay ng karamihan sa tinanong na labis-labis ang impluwensiya ng Katoliko sa pangmadlang buhay. Sinasabi ng Guardian na “ang mga paham [na Polako] ay nag-aakala na bagaman nakilala noon ang Poland dahil sa relihiyosong kasigasigan nito ang Katolisismo sa katunayan ay panlabas lamang at maseremonya.” Ang ilan ay kumbinsido na ang iglesya ang pangunahing kasangkapan upang daigin ang Komunismo at na hindi nito napahinto ang mga Katolikong Polako sa pagsasagawa ng “pagdidiborsiyo o pagpapalaglag habang ipinahihintulot pa rin ng batas na gawin nila ito.”

“Gamitin Ito o Papurulin Ito”

Isiniwalat ng maraming pagsusuri na isinagawa sa buong mundo na mientras ginagamit ng isang tao ang kaniyang utak, malamang na siya’y di-gaanong makararanas ng mga sakit sa utak. “Ang pagkakaroon ng mas maraming kaalaman ay hindi lamang nakapagpapatalas sa iyong utak habang ikaw ay bata pa, kundi mas magagamit mo ito sa buong buhay mo, at ito’y nagsisilbing tulad mekanismong nag-iingat” laban sa sakit sa isip. “Ang pagbabasa, pagsusulat, at pagkukuwenta ay maaaring ang pinakamabisang paraan upang ingatan ang iyong utak laban” sa isang kalagayang nagpapahina sa isip, ayon sa ulat ng The Toronto Star ng Canada. Ganito ang sabi ng neuropsychologist na si Marilyn Albert: “Ang natuklasang ito ay napatunayang totoo anupat batid naming ito’y tunay.” Kaniyang sinabi pa: “Kung ang pag-uusapan ay ang utak, ito’y nangangahulugang ‘gamitin ito o papurulin ito.’ ”

Mga Kanser Dahil sa Radyasyon

Pitong taon pagkatapos ng nuklear na aksidente sa Chernobyl sa Ukraine, iniuulat ng mga doktor sa Belarus (dating Belorussia) ang napakalaking pagtaas sa bilang ng mga kanser sa thyroid sa mga bata. Ayon sa Pranses na magasing pangmedikal na Le Concours médical, ang iniulat na mga kaso ng kanser sa thyroid ng mga bata sa Belarus ay tumaas mula sa katamtamang bilang na 4 na kaso bawat taon sa pagitan ng 1986 at 1989 hanggang sa 114 na kaso bawat taon mula 1990 hanggang Hunyo 1992. Dahil sa radyaktibong isotope na sanhi ng kanser sa thyroid, ang iodine 131, ay naibuga sa aksidente na mas marami kaysa ibang mga elementong radyaktibo, umaasa ang mga siyentipiko na ang ibang uri ng radyasyong sanhi ng kanser ay uunti.

Mga Manok na may “AIDS”

Lumilitaw na ang AIDS ay hindi lamang nasusumpungan sa mga tao at sa ilang uri ng unggoy. Iniulat ng Indian Express ng Bombay, India na isang sakit na katulad ng AIDS ang puminsala sa manukan ng bansa. Ayon sa Express, ang sakit na gumbaro na sanhi ng virus, na naging acquired immune deficiency syndrome, “ay tila epidemya na ang dami sa bansa, na pumatay na nang daan-daang libong ibon.” Mahigit na 1.5 milyong nangingitlog na mga ibon ang namatay. Sinabi ng pag-uulat na malamang na magkaroon ng kakulangan sa mga itlog sa India.

Mga Problema ng Tin-edyer

“Kinakaharap ng mga tin-edyer sa ngayon [sa Estados Unidos] ang isang katotohanang higit na malagim at mapanganib kaysa magugunitang mga kapanahunan ng pagkatin-edyer ng kanilang mga magulang at mga nuno,” ang pag-uulat ng International Herald Tribune. Bilang pagbanggit sa estadistika ng E.U., sinabi ng Tribune na ang bilang ng mga tin-edyer na umiinom ng alak ay tumaas nang 30 porsiyento sa nakalipas na dekada ng 1950. Ang pagpapatiwakal ng mga tin-edyer ay lumalâ mula sa halos bihirang pangyayari tungo sa ikatlong pinakakaraniwang sanhi ng kamatayan, kasunod ng aksidente at mga pagpatay. Sa mga kabataan mula sa 10 hanggang 14 na taóng gulang, ang di-inaasahang pagdadalantao ay tumaas nang 23 porsiyento mula 1983 hanggang 1987, at ang dami ng gonorrhea ay apat na beses ang itinaas sa pagitan ng 1960 at 1988. Ang mga sikologo ay naghahagilap ng bagong mga paraan upang maunawaan at matulungan ang mga kabataan.

Panonood Dito Nang Hindi Ito Kinakain

Ang panghuhuli at pagkain ng mga balyena ay naging malaking usapin sa nagdaang mga taon. Sa iilang bansa, gaya ng Hapón, sinasabi ng ilang tao na ang karne ng balyena ay bahagi ng kanilang tradisyunal na pagkain at sila’y nayayamot sa pagbabawal ng International Whaling Commission sa pagtitinda ng balyena. Subalit, natuklasan ng ilang Hapones na mapagkakakitaan nang malaki ang mga balyena nang hindi ito hinuhuli at kinakain. Ang mga naninirahan sa mga Kapuluan ng Bonin, dakong timog ng Tokyo, ay abala sa kanilang pagpapalawak sa pinakabagong pang-akit sa turista, ang panonood ng balyena. Pagkakita pa lamang sa mga balyena sa kanilang normal na tirahan sa halip na sa kanilang mga pinggan, ang mga manonood ng balyena ay nagpapalakpakan, lalo na kapag nagbubuga at nagsasaboy ng tubig ang mga balyena.

“Hibang sa Baril”

Sa ilalim ng ganiyang pamagat, nagkomento ang isang pangulong-tudling sa The New York Times noong Mayo 25 tungkol sa paglilitis sa isang lalaki sa Louisiana na pinawalang-sala sa kasong pagpatay pagkatapos na paslangin ang isang exchange student na Hapones noong Oktubre 1992. Nagkamali ng pagtimbre ang 16-na-taóng-gulang na estudyante sa pinto ng lalaki. Nang hindi sundin ng estudyante ang utos ng lalaki na huminto, na hindi nakaunawa sa sinabi nito, binaril niya ang Hapones na tin-edyer sa dibdib. “Ikaw ay may legal na karapatan na harapin nang may baril ang sinumang kumatok sa iyong pinto,” sabi ng nagtatanggol na abugado ng lalaki. Iyan, sabi ng pangulong-tudling, ay nangangahulugan na ang sinumang kumatok sa inyong pinto, kasali na “ang lokal na mga ministro . . . , ay makaaasang mababaril kapag sinubok niyang basta tumimbre.” “Kaming mga Hapones ay hindi makaunawa sa panlipunang gamit ng baril ng mga Amerikano,” sabi ng isang tagapag-ulat na Hapones. “Ang totoo, napakadali nito,” ang tugon ng editoryal. “Basta isipin lamang ang kahangalan, di-pagpaparaya, isang buktot na pagbibigay kahulugan sa ‘karapatang magtaglay ng mga sandata’ at pagtangging matutunan ang anuman” mula sa pagkamatay ng napakaraming mga taong nasawi dahil sa baril.

Mga Tsuper na Babae

Ang mga babaing nagmamaneho ay kalimitang itinuturing bilang nakabababa sa kalalakihan kung tungkol sa mga kakayahan sa pagmamaneho. Ang paglalahat bang ito ay sinusuhayan ng mga katibayan? Hindi ayon sa The Motorist, isang babasahing inilathala ng Automobile Association ng Timog Aprika. Sa lahat ng mga aksidente sa lansangan sa bansang iyan sa nakalipas na taon, mahigit na 83 porsiyento ay kinasangkutan ng mga lalaking tsuper. Kaya naman maraming kompanya sa seguro ang nag-aalok ng mas magandang halaga sa mga tsuper na babae kaysa kalalakihan. “Ang pagtitiwalang ito sa kakayahan ng mga babae sa pagmamaneho,” paliwanag ng nabanggit na magasin, ay natatamo dahil sa ang industriya ay “naniniwala na ang mga babae ay di-gaanong agresibo sa pagmamaneho, di-gaanong nakikipagsapalaran at di-gaanong nasasangkot sa mga paglabag sa trapiko.” Ang magasin ay naghinuha na ang tamang saloobin, anuman ang kasarian ng tsuper, ang tumitiyak sa tamang kaugalian sa pagmamaneho.

Ang Kalagayan ng Kalusugan sa Daigdig

Ano na ba ang kalagayan ng kalusugan sa daigdig? Isiniwalat ng isang malawakang pag-uulat kamakailan na inilathala ng WHO (World Health Organization) ang masasamang balita at mabubuting balita. Ang mabuting balita ay na ang tigdas, polio, tusperina, at ang neonatal tetanus ay nababawasan dahil sa pandaigdig na mga pagsisikap na bakunahan ang mga bata. Ang sakit sa puso ay umuunti rin naman sa karamihan ng maunlad na mga bansa. Ang bilang ng pagkamatay ng mga sanggol at mga bata sa buong mundo ay bumababa, at ang haba ng buhay ay nadaragdagan. Ang masamang balita, ayon sa WHO, ay na ang mga sakit na tropikal, gaya ng cholera, yellow fever, dengue, at malarya, “ay waring nagiging palasak.” Ang AIDS, tuberkulosis, at diabetes ay dumarami rin.

Pagsusugal sa Video

Ang mga makinang video na pansugal ay ang “nakasusugapang pagsusugal” at hindi dapat ilagay sa pampublikong mga lugar, sabi ni Garry Smith, isang propesor sa University of Alberta. Si Smith na kinapanayam ng The Edmonton Journal ng Canada, na siyang nagsagawa ng pagsusuri hinggil sa pagkapusakal na sugarol, ay nagsasabi na ang pagkasugapa sa pagsusugal sa video ay maaaring maganap “sa loob nang wala pang anim na buwan.” Kaniyang sinabi na ang paglaganap ng pagsusugal ang naging sanhi ng pagdami ng krimen at ng iba pang malulubhang suliranin. Ang dalawang-katlo ng pusakal na mga sugarol ay na nagdidispalko at nagpapalsipika, nagdaraya, at nagnanakaw upang maitaguyod ang kanilang bisyo. Ang pagkasugapa ay nagdudulot ng panlulumo at kaisipan ng pagpapatiwakal na nagiging sanhi ng walang-ingat na pagmamaneho at mga aksidente, karagdagan pa sa di-pagtupad sa pagbabayad ng mga utang “at sa halaga ng health care system.” Ayon kay Smith, “ang bawat pusakal na sugarol ay pumipinsala sa lipunan ng halagang $56,000.”