Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Lungsod ay Punô ng Pang-aapi”

“Ang Lungsod ay Punô ng Pang-aapi”

“Ang Lungsod ay Punô ng Pang-aapi”

NANG banggitin ng propeta ng Bibliya na si Ezekiel ang tungkol sa isang lungsod na “punô ng pang-aapi,” wala siyang alam tungkol sa mga problema na sumasalot sa mga lungsod sa ngayon. (Ezekiel 9:9, An American Translation) Ni ang kaniya mang mga salita ay isang nakalilitong paraan ng patiunang pagsasabi ng mga problemang ito. Gayunpaman, ang isinulat niya ay isang tamang-tamang paglalarawan sa ika-20 siglong mga lungsod.

Ang aklat na 5000 Days to Save the Planet ay nagsasabi: “Simple at walang kabuhay-buhay, ang ating mga lungsod ay naging pangit pamuhayan at pangit tingnan. . . . Ang mga gusaling nangingibabaw sa ating mga lungsod ay itinayo taglay ang kaunti o walang konsiderasyon sa mga nakatira at nagtatrabaho rito.”

Hindi Magandang mga Katotohanan Tungkol sa mga Lungsod

Siyam na lungsod, na matatagpuan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, ay inilarawan ng mga pahayagan at mga magasin gaya ng sumusunod. Makikilala mo ba ang bawat lungsod sa tamang pangalan nito?

Ang Lungsod A, nasa Latin Amerika, ay kilala sa mga batang inuupahan para pumatay at may mataas na bilang ng pagpatay ng kapuwa. Kilala rin ito bilang ang pugad ng ilegal na organisasyon ng kalakalan ng narkotiko.

Ang Lungsod B ang “pinakagrabeng lungsod sa [Estados Unidos] dahil sa mga nakawan sa lansangan.” Sa unang dalawang buwan ng 1990, ang mga pagpatay ay “dumami nang 20 porsiyento sa gayunding yugto ng panahon” noong nakaraang taon.

“Mga ilang milyon katao sa isang taon ang lumilipat sa mga lungsod ng Timog Amerika, Aprika, at Asia . . . , nandarayuhan sa kanilang guniguning lupang pangako.” Dahil sa hindi pinalad dito, ang marami ay napipilitang mamuhay sa karalitaan, nauudyukan ng pangangailangan na magpalimos o magnakaw upang mabuhay. Kalahati ng mga mamamayan sa Lungsod C sa Aprika at Lungsod D sa Asia​—gayundin ang 70 porsiyento ng Lungsod E sa Asia​—ay iniulat na may mababa-sa-pamantayan na mga tirahan.

“Bagaman ang [Lungsod F] ay kabilang sa pinakaligtas na malaking lungsod sa Hilagang Amerika, ang lumalagong kawalan ng trabaho, ang dumaraming krimen at etnikong pagkakapootan ay nagpangyari sa mga mamamayan nito na mag-isip tungkol sa negatibong aspekto ng tagumpay. Ang krimen . . . ay nagpahinang-loob sa mga maninirahan sa lungsod. Ang panghahalay ay dumami nang 19% . . . Ang mga pagpatay ay dumami nang halos 50%.”

“Araw-araw 1,600 katao ang lumilipat sa [Lungsod G sa Latin Amerika] . . . Kung [ito] ay patuloy na darami sa bilis na ito, 30 milyon katao ang maninirahan doon sa pagtatapos ng dantaon. Sila’y magpupunyagi sa lungsod na may napakabagal na takbo sa loob ng 11 milyong kotse, na nakulong sa buhul-buhol na trapiko sa loob ng ilang oras sa isang panahon . . . Ang polusyon ng hangin . . . ay sandaang ulit na higit kaysa tinatanggap na antas. . . . Apatnapung porsiyento ng lahat ng mga mamamayan ay pinahihirapan ng talamak na brongkitis. . . . Sa matrapik na mga oras ang antas ng ingay sa lungsod na tumataas sa pagitan ng 90 at 120 mga decibel; 70 ay itinuturing na hindi mababata.”

“Araw-araw 20 tonelada ng mga dumi ng aso ang dinadampot sa mga lansangan at mga bangketa ng [Lungsod H sa Europa]. . . . Bukod pa sa gastos at pampayamot, isang mas maselang salik ang isiniwalat. Ang dumi ng aso ang pinagmumulan ng sakit na dala ng parasitong Toxocara canis. Kalahati sa mga palaruan at mga kahon ng buhangin ng mga bata [sa lungsod] ay nasumpungang may mahirap pataying pagkaliliit na mga itlog ng parasito, na pumapasok sa mga tahanan sa mga suwelas ng sapatos at sa mga paa ng mga alagang hayop. . . . Pagod, sakit sa sikmura, mga alerdyi, mga suliranin sa puso at arterya ang maagang mga sintoma ng sakit.”

“Bagaman ang [Lungsod I sa Asia] ay pinahihirapan ng lahat ng problema ng isang masyadong maunlad na metropolis sa isang mahirap na bansa​—karalitaan, krimen, polusyon​—naitatag nito ang sarili bilang isa sa kabiserang lungsod ng ika-21 siglo.”

Mga Eksepsiyon o ang Tuntunin?

Nakilala mo ba ang mga lungsod na ito sa kanilang tamang pangalan? Marahil ay hindi, sapagkat walang isa man sa mga problemang binanggit ay natatangi sa alinmang isang lungsod. Bagkus, ang mga ito ay sintoma ng kung ano ang maling nangyayari sa halos lahat ng lungsod gaano man ito kalaki sa buong daigdig.

Ang Lungsod A, ayon sa pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung ay ang Medellín, Colombia. Ang bilang ng mga pagpatay ay bumaba mula 7,081 noong 1991 tungo sa 6,622 “lamang” noong 1992. At, iniuulat pa ng pahayagan sa Colombia na El Tiempo, na noong nakaraang dekada, halos 45,000 katao ang namatay roon sa pamamagitan ng mararahas na paraan. Kaya nga sinisikap na mainam ng iba’t ibang pangkat sibiko na bawasan ang krimen at iba pang hindi kaaya-ayang mga gawain sa lungsod at pagbutihin ang reputasyon nito.

Ang pagpapakilala ng The New York Times sa Lungsod B bilang ang New York City ay malamang na hindi nakapagtataka sa mga taong nakadalaw roon nitong nakalipas na mga taon at tiyak na hindi nakapagtataka sa mga mamamayan nito.

Ang mga bilang na ibinigay ng magasing Aleman na Der Spiegel tungkol sa dami ng mga taong namumuhay sa karalitaan sa Nairobi, Kenya (C), Manila, Pilipinas (D), at Calcutta, India (E) ay nagpapahiwatig na mas maraming tao ang nasilo sa hindi kaaya-ayang mga tirahan sa tatlong lungsod na ito lamang kaysa nakatira sa lahat ng mayayamang bansa sa Europa na gaya ng Denmark o Switzerland.

Ang Lungsod F​—Toronto, Canada​— ay inilarawan noong 1991 ng magasing Time sa isang artikulong waring hindi gaanong maganda kaysa yaong isa na inilathala nitong nakaraang tatlong taon lamang. Pinuri ng unang report, na pinamagatang “Sa Wakas, Isang Lungsod na Kumikilos,” ang lungsod na “hinahangaan halos ng lahat.” Sinipi nito ang isang bisita na nagsabi: “Ang lugar na ito ay halos nagpangyari sa akin na muling maniwala sa halaga ng mga lungsod.” Nakalulungkot sabihin, ang “lungsod na kumikilos” ay maliwanag na pinahihirapan ng katulad na mga problema na nagpapahirap sa iba pang sumasamáng lungsod.

Bagaman binanggit ang Lungsod G bilang “isa sa pinakamaganda at modernong lungsod sa Amerikas, at isa sa pinakasopistikado,” gayunpaman inaamin ng magasing Time na ito “mangyari pa, ang Mexico City ng mayayaman at ng mga turista.” Samantala, ayon sa World Press Review, ang mahihirap ay nagsisiksikan “sa isa sa 500 slum ng kabisera” sa mga kuwartel “na itinayo mula sa basura ng industriya, mga karton, sirang mga bahagi ng kotse, at ninakaw na mga materyales sa pagtatayo.”

Ang Lungsod H ay kinilala ng lingguhang magasing Pranses na L’Express bilang ang Paris, na, ayon sa The New Encyclopædia Britannica, “sa loob ng daan-daang taon, sa pamamagitan ng isang proseso na kailanma’y hindi matagumpay na naipaliwanag, . . . ay nagbadya ng isang pang-akit na hindi matanggihan ng angaw-angaw sa buong daigdig.” Gayunman, sa harap ng maselang mga problema ang ilan sa pang-akit ng “Gay Paree” ay naglaho.

Tungkol sa Lungsod I, ang Time ay nagsasabi: “Dating itinuturing na romantiko ng Kanluran bilang ang mapayapa, mapangarap na kabisera ng dating Siam, isang ‘Venice ng Silangan,’ na ngayo’y di-mahulaang lungsod ng mga anghel at ng ginintuang mga templo ang pinakabagong maunlad na bayan ng Asia.” Kahit na ang mga anghel at mga templo nito ay hindi nakahadlang sa Bangkok, Thailand, sa pagiging, sa paano man sa isang panahon, “ang kabisera ng daigdig sa industriya ng prostitusyon.”

Isang Pagsusuri sa mga Lungsod

Isang dekada ang nakalipas ay napansin ng isang peryudista na bagaman ang malalaking lungsod ay tila “may magkakatulad na problema, ang bawat isa ay may kaniyang natatanging katangian, at sa gayo’y isang natatanging paraan ng pagpupunyagi upang mabuhay.” Sa 1994, ang mga lungsod ay nagpupunyagi pa rin, bawat isa sa kaniyang sariling paraan.

Hindi lahat ay nag-aakala na ang pagpupunyagi para mabuhay ay nabigo na. Halimbawa, isang dating alkalde ng Toronto ay nagpahayag ng pag-asa, sa pagsasabi: “Sa aking palagay ang lungsod ay hindi nasisira. Ito ay hinahamon, subalit inaakala kong malulutas natin ang problemang ito.” Totoo, matagumpay na nalutas, o sa paano man ay nabawasan, ng ilang lungsod ang kanilang mga problema. Subalit ito ay nangangailangan ng higit pa kaysa pag-asa lamang.

Noong nakaraang Enero ang peryudistang si Eugene Linden ay sumulat: “Ang ganap na kinabukasan ng daigdig ay nakasalig sa ganap na kinabukasan ng mga lungsod nito.” Anuman ang mangyari, hinubog ng mga lungsod ang ating daigdig, at patuloy nilang gagawin ito. At, ito man ay sinauna o makabagong lungsod, personal na naapektuhan tayo nito​—malamang na higit kaysa ating maguguniguni. Iyan ang dahilan kung bakit ang kanilang kaligtasan ay masalimuot na kaugnay ng ating kaligtasan.

Kaya nga, ang pagsusuri sa mga lungsod ay hindi lamang sa layuning pagbutihin ang kaalaman sa maraming bagay. Higit na mahalaga, gagawin tayo nitong alisto sa di-panatag na kalagayan na kinasasadlakan ng daigdig sa ngayon. Kaya simulan natin ang “Pagsusuri sa mga Lungsod.” Inaasahan naming ang anim-na-bahaging seryeng ito ng Gumising! ay pupukaw ng iyong interes, magpapakita ng magandang halimbawa, at magpapatibay-loob sa aming mga mambabasa. Sa kabila ng maseselang na problema sa daigdig​—na maliwanag na nakikita sa pagpupunyagi ng ating mga lungsod upang mabuhay​—may pag-asa pa!

[Blurb sa pahina 6]

“Ang ganap na kinabukasan ng daigdig ay nakasalig sa ganap na kinabukasan ng mga lungsod nito.”​—Manunulat na si Eugene Linden

[Larawan sa pahina 7]

Ang paglalakbay sa lungsod at lungsod ay maaaring madali, subalit ang paglutas ng mga problema nito ay hindi madali