Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Hindi Nababali ng mga Woodpecker ang Kanilang Leeg?

Bakit Hindi Nababali ng mga Woodpecker ang Kanilang Leeg?

Bakit Hindi Nababali ng mga Woodpecker ang Kanilang Leeg?

NARINIG mo na ba ang isang woodpecker na bumabarena sa isang punungkahoy? Yamang may halos 200 uri ng woodpecker sa buong daigdig, maaaring napansin mo ang patuloy na pagtukâ nito na ang tunog ay parang isang machine gun. Nang makita ko ang isa, ang tukâ nito ay tumutukâ sa isang katawan ng punungkahoy, ako’y pinag-isip nito, ‘Bakit kaya hindi nito nababali ang kaniyang leeg o napipinsala ang utak nito?’ Kung tayong mga tao ay gagawa ng katulad na pagyugyog, kakailanganin natin ang pangangalaga ng isang manghihilot o ng isang siruhano sa utak! Kaya nga, ano ba ang sekreto?

Isaalang-alang bilang halimbawa ang pulang-tiyan na woodpecker, na masusumpungan sa gawing silangang hati ng Estados Unidos. Ang aklat na Book of North American Birds ay nagsasabi: “Sa pamamagitan ng mabigat, hugis-paít na tukâ nito, tinatapyas nito ang mga insekto sa ilalim ng balat ng punungkahoy, tinutuka ang mga butas upang makuha ang mga uwang na bumubutas-kahoy, tinatagpas ang mga tipak ng kahoy samantalang humuhukay ng isang butas na pugad.” Paano nito napangangalagaan ang sarili nito mula sa alabok ng kahoy? “Ang mga butas ng ilong nito ay maginhawang natatakpan ng isang maliit na maskara ng pinong mga balahibo.”

At kumusta naman ang tungkol sa ulo na naaalog? “Upang iwasan na mapinsala ang utak . . . , isang matibay na leeg, isang makapal na bungo, at isang parang almuhadong puwang sa pagitan ng mabigat na panlabas na membrane at ng utak mismo ang kumikilos bilang pantanging tagapag-ingat.”

Isa pang woodpecker, ang dilaw-tiyan na sumisipsip ng dagtâ, ay bumabarena ng magkakahilerang butas sa balat ng kahoy, na mula rito ay sinisipsip nito ang dagtâ. Di-tulad ng pula-tiyan na woodpecker, na may pambihirang mahaba, hugis-silindrong dila na ang dulo ay ginagamit upang sibatin ang mga insekto, ang sumisipsip ng dagtâ ay mayroong mas maikling dila na may pinong mga balahibo upang tumulong sa paghimod sa dagtâ.

Tiyak na ang gayong eleganteng pagkasari-sari ng disenyo ay nagpapahiwatig ng isang Disenyador, ang Diyos na Jehova. May pagpapakumbabang dapat nating ulitin ang mga salita ni Job: “Nalalaman ko na magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang akala na hindi mo matatamo.” At si David ay sumulat: “Kagila-gilalas ang iyong mga gawa, gaya ng nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.”​—Job 42:2; Awit 139:14.

[Picture Credit Lines sa pahina 31]

Leonard Lee Rue, 111/ H. Armstrong Roberts

Kaliwa: H. Armstrong Roberts