Dapat Ka bang Bautismuhang Muli?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Dapat Ka bang Bautismuhang Muli?
SI Lucila ay nababahala. Bagaman pinalaking isang Katoliko, siya’y nagpasimula kamakailan ng seryosong pakikipag-aral sa Bibliya sa tulong ng isang kaibigang di-Katoliko. Naunawaan niya na ang paglalarawan ng Bibliya sa bautismo ay kakaiba sa seremonyang tinanggap niya noong siya’y sanggol pa. “Nangangahulugan ba ito na dapat akong pabautismong muli?” buong-kataimtiman niyang itinanong. “Natatakot ako na baka kung gawin ko ito ay magalit ang Diyos.”
Daan-daang milyong katao, kapuwa Katoliko at Protestante, ang niwisikan o binuhusan ng tubig nang mga sanggol pa sa seremonya sa binyag. Milyun-milyong iba pa ang binautismuhan sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig nang sila’y magkaedad na. Nagbabangon ito ng tanong na, Ano nga bang talaga ang Kristiyanong bautismo? May anuman bang pagkakataon na magbibigay-katuwiran sa muling pagpapabautismo?
Ibinibigay ng Pocket Catholic Dictionary ang kahulugan ng bautismo bilang “ang sakramento na, sa pamamagitan ng tubig at salita ng Diyos, ang isang tao’y nililinis mula sa lahat ng kasalanan at muling ipinanganganak at pinagiging-banal kay Kristo tungo sa walang-hanggang buhay.” Hinggil sa pagbabautismong muli, ang aklat ding ito ay nagsasabi na “ang bautismo ay nagtatatak ng di-nabuburang tanda sa kaluluwa, na nangangahulugang ang bautismo ay hindi maaari, sapagkat hindi kailangan, na ulitin.” Ito ba ang sinasabi ng Bibliya?
Gumawa ng mga Alagad, na Binabautismuhan Sila
Sa Mateo 28:19, 20, mababasa natin ang utos hinggil sa bautismo na ibinigay sa kaniyang mga alagad ng binuhay-muling si Kristo bago siya umakyat sa langit. “Humayo kayo, samakatuwid, gumawa ng mga alagad sa lahat ng mga bansa; bautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang tuparin ang lahat ng mga utos na ibinigay ko sa inyo.” (The Jerusalem Bible) Maliwanag na ang bautismo ay kahilingan sa Kristiyanong mga alagad—yaong naturuang tumupad sa mga utos ni Kristo—hindi sa mga sanggol. a Ito’y kasuwato ng katotohanan na lahat ng bautismo na inilarawan sa Kasulatan ay nagsasangkot sa mga alagad na maliwanag na lubusang inilubog sa tubig. Ito ang malinaw na nangyari nang si Kristo Jesus mismo ay bautismuhan ni Juan na Tagapagbautismo. Ang ulat ng Bibliya ay nagsasabi na nang mabautismuhan, si Jesus ay “umahon sa tubig” ng Ilog Jordan. (Mateo 3:16, JB) Tunay, ipinakita ng Kasulatan na maingat na pumili si Juan ng lugar ng bautismo na may maraming tubig.—Juan 3:23.
Nang maglaon, sa paglalarawan sa bautismo ng bating na Etiope, ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na “si Felipe ay lumusong sa tubig kasama ng bating at binautismuhan siya,” pagkatapos “sila’y kapuwa umahon sa tubig.” (Gawa 8:38, 39, The New American Bible) Ang mga bautismong ito sa pamamagitan ng paglulubog ay bilang pagsunod sa karaniwang kahulugan ng salitang Griego na ba·ptiʹzo, “bautismuhan,” mula sa baʹpto, na nangangahulugang “ilubog sa o sa ilalim,” na siyang pinagmulan ng salitang Ingles na “baptism.”
Ang Ulat ng Kasulatan sa Pagbabautismong Muli
Ngunit kumusta naman ang maraming milyun-milyong katao na bininyagan noong sanggol pa o kaya’y hindi lubusang inilubog? Magiging angkop nga kaya na sila’y muling bautismuhan? Ang pangyayari na inilahad sa Gawa 19:1-7 ay tutulong sa atin upang sagutin ang mga tanong na ito. Malamang na noo’y panahon ng taglamig ng 52/53 C.E. nang dalawin ni apostol Pablo ang mayamang lungsod ng Efeso sa Asia Minor. Doon ay natagpuan niya ang ilang alagad na kailangang bautismuhang muli. Matapos malaman na ang mga lalaking ito ay binautismuhan na ng bautismo ni Juan, muli silang binautismuhan ni Pablo “sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Hindi niya inisip na ang paggawa nito ay makagagalit sa Diyos. Maliwanag, sumang-ayon ang Diyos sa pangangatuwiran ni Pablo, at bilang pagsang-ayon sa muling pagbabautismong ito, pinagtibay ito ng Diyos sa pamamagitan ng kaloob na banal na espiritu.
Kung tinanggihan ng 12 lalaking ito ang turo ni Pablo hinggil sa katangian ng bautismo at sa kahalagahan ng Mesiyas, si Kristo Jesus, walang alinlangang pipigilin ni Pablo ang bautismo. Una muna, ang mga lalaki ay dapat na kuwalipikado sa bautismo. Saka lamang sila maaaring muling bautismuhan taglay ang pagsang-ayon ng Diyos.
Kung Papaano Magiging Kuwalipikado sa Bautismo
Papaano tayo magiging kuwalipikado sa bautismo? Isaalang-alang ang karamihan ng mga taong nabautismuhan noong araw ng Pentecostes 33 C.E. Papaano sila naging kuwalipikado? Una, bilang mga Judio at proselitang Judio, sila’y may mabuting pasimula ng kaalaman hinggil sa Diyos na Jehova, sa kaniyang pakikitungo sa kaniyang bayan, at sa mga hula ng Bibliya tungkol sa kaniyang ipinangakong Mesiyas. Ikalawa, sila’y tumanggap ng higit pang tumpak na kaalaman nang magbigay ng kinasihang patotoo si apostol Pedro nang araw na iyon. Ano ang naging resulta?
“Nang marinig ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa mga apostol, ‘Ano ang gagawin namin, mga kapatid?’ ‘Mangagsisi kayo,’ ang sagot ni Pedro, ‘at bawat isa sa inyo ay dapat pabautismo sa pangalan ni Jesu-Kristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan, at tatanggapin ninyo ang kaloob na Espiritu Santo.’ ” (Gawa 2:37, 38, JB) Pansinin na ang pagpapatotoo ni Pedro ay hindi mababaw. “Siya’y nakipag-usap sa kanila sa loob ng mahabang panahon na gumagamit ng maraming argumento.” Sila’y nakumbinsi ng kaniyang pangangatuwiran, at tinanggap nila ang kaniyang sinabi at nagpabautismo. “Nang mismong araw na iyon halos tatlong libo ang naparagdag sa kanilang bilang.”—Gawa 2:40, 41, JB.
Katulad na mga saligan ang kailangan para sa maka-Kasulatang pagbabautismo sa ngayon: (1) tumpak na kaalaman, (2) tapat na pagsisisi, at (3) pagbabalik-loob, o panunumbalik sa Diyos at paglayo sa “balakyot na lahing ito.” Bukod dito, ang maka-Kasulatang pagbabautismo ay dapat na “sa pangalan ni Jesu-Kristo,” alalaong baga’y, batay sa pagtanggap sa kaniyang haing pantubos para sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan at pagpapasakop sa kaniya bilang iniluklok na hari ng Diyos.—Gawa 2:40, JB; Roma 5:12-19; 7:14-25.
Ang mga tapat na tao na kuwalipikado para sa bautismo ayon sa Kasulatan ay hindi dapat mangamba na ang muling pagpapabautismo ay makagagalit sa Diyos. Sa halip, ang tamang bautismo ng kuwalipikadong mga tao ayon sa Kasulatan ay nagdadala ng kagalakan sa Diyos.
[Talababa]
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Bautismo—Ito ba’y Para sa mga Sanggol?” sa Marso 8, 1987, na labas ng Gumising!