“Magtayo Tayo ng Isang Lungsod Natin”
“Magtayo Tayo ng Isang Lungsod Natin”
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Alemanya
MGA singkuwenta porsiyentong natitiyak kong ikaw ay nakatira sa isang lungsod. Sang-ayon sa ilang tantiya, halos kalahati ng mga naninirahan sa daigdig ang nakatira sa lungsod. Sinasabi ng isang pinagmulan ng impormasyon na “sa kasalukuyang bilis, sa taóng 2000, kailangang laanan ng tuluyan ng mga lungsod ang mahigit na 75 porsiyento ng populasyon ng Timog Amerika.” Sinasabi rin nito sa atin na sa panahon ding iyon, ang bilang ng mga taong nakatira sa mga lungsod sa Aprika ay hihigit pa sa doble.
Kahit na kung ikaw ay hindi nakatira sa isang lungsod, malamang na ikaw ay nagtatrabaho sa isa nito, nagbibiyahe upang mamili roon, o sa paano man ay sinasamantala mo paminsan-minsan ang mga kaginhawahan at mga paglalaan na iniaalok ng isang lungsod. Ang lahat ay apektado ng mga lungsod. Magiging ibang-iba nga ang ating buhay kung wala ito!
Isang Lungsod na Tinawag na Enoc
Ang pagtatayo ng mga lungsod ay matagal na matagal na panahon na. Tungkol kay Cain, ang kauna-unahang anak na isinilang, ating mababasa na “siya’y nagtayo ng isang lungsod at tinawag niya ang lungsod ayon sa pangalan ng kaniyang anak na si Enoc.” (Genesis 4:17) Sa pagtatayo ng isang lungsod, malamang na may kaliitan sa modernong mga pamantayan, si Cain ay gumawa ng huwaran para sa darating na mga salinlahi.
Ang palakaibigang kalikasan ng tao ay nagpangyari sa mga tao na magnais na magsama-sama. Ito’y hindi lamang alang-alang sa pagiging kasama kundi para sa isang diwa ng katiwasayan at proteksiyon, lalo na sa nakalipas na mga dantaon nang ang mga pamayanan ay kadalasang sinasalakay. Gayunman, ang mga ito ay hindi ang siyang tanging mga salik na nag-udyok sa mga tao na magsimulang magtayo ng mga lungsod.
Binabanggit ng The World Book Encyclopedia na may apat na pangunahing katangian na nakatulong sa pagtatayo ng mga lungsod. Ang mga ito ay “(1) mga pagsulong sa teknolohiya [mga makinang pinaaandar ng singaw, kuryente, mga komunikasyon], (2) mainam na pisikal na kapaligiran [ang ilang salik ay ang kinaroroonan, klima, mga ilog at sa gayo’y ang panustos na tubig], (3) organisasyong panlipunan [awtoridad, pamahalaan], at (4) pagdami ng populasyon.”
Pinadali ng mga lungsod ang kalakalan at ang pagdami ng mga manggagawa sa isang dako. Kaya nga, sa maraming lungsod nakikita natin ang maraming mababang-halagang mga pabahay
para sa mga manggagawa at sa kani-kanilang pamilya. Sa ngayon, dahil sa madaling makuhang pampubliko at pribadong mga sasakyan, ang layo ay hindi nakahahadlang sa matagumpay na pangangasiwa sa komersiyo at pulitika. Sa kadahilanang ito, maaaring palawakin ng mga lungsod ang kanilang impluwensiya sa mga distrito sa labas ng lungsod.Ang ilang sinaunang lungsod ay nauugnay rin sa relihiyosong mga gawain. Ang Genesis 11:4 ay nagsasabi: “Sila [ang mga taong nabubuhay pagkatapos ng Baha ng panahon ni Noe] ay nagsipagsabi: ‘Halikayo! Tayo’y gumawa ng isang lungsod at gayundin ng isang tore na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit [para sa relihiyosong pagsamba], at gumawa tayo ng isang bantog na pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo’y mangalat sa ibabaw ng lupa.’”
Ang panlipunan, relihiyoso, komersiyal, at heograpikal gayundin ang pulitikal na mga aspekto ay nasangkot sa pagtatayo ng mga lungsod. Kasabay nito, ang mga lungsod ay naging isang malaking puwersa sa loob ng mga dantaon sa paghubog sa makabagong lipunan gaya ng nalalaman natin at nakaapekto sa ating lahat.
Magkaiba Gayunma’y Magkatulad
Binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica na “ang pinakamaagang permanenteng mga panirahanan ng tao ay nasumpungan sa mayamang subtropikal na mga libis ng mga ilog Nilo, Tigris, Eufrates, Indus, at Yellow.” Mangyari pa, ang tagapagpáuná ng mga lungsod sa ika-20 siglo ay lubhang kakaiba sa kanilang makabagong mga katulad na lungsod sa tabi ng ilog.
Noong nakalipas na mga dantaon ang karamihan ng mga tao ay nakatira sa rural na mga dako. Ang tanging malaking lungsod sa Inglatera noong taóng 1300, halimbawa, ay ang London, at ang populasyon nito na wala pang 40 libo ay wala pang 1 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa. Noong 1650 humigit-kumulang 7 porsiyento ng lahat ng Ingles ay nakatira sa London. Sa pasimula ng ika-19 na siglo, ang populasyon ng lungsod ay malapit nang umabot sa isang milyon. Sa ngayon, wala pang 9 na porsiyento ng mga residente ng Britaniya ang nakatira sa rural na mga dako. Ang lahat ng iba pa ay nagsisiksikan sa mga lungsod, mga pitong milyon sa metropolis ng Kalakhang London lamang.
Bilang pahiwatig ng lawak sa kung paano lumaki at madaling dumami ang mga lungsod, noong 1900, ang London ang tanging lungsod sa buong daigdig na may isang milyong populasyon. Ngayon may mahigit nang 200 lungsod na may mahigit na isang milyong mamamayan. Tinutukoy ng mga heograpo ang tungkol sa isang megalopolis, isang kawing ng magkakaugnay na mga lungsod na gaya niyaong masusumpungan sa rehiyon ng Ruhr sa Alemanya, kung saan ang dako sa kahabaan ng Ilog Ruhr, mula sa Duisburg hanggang Dortmund, ay bumubuo ng isang patu-patuloy na pamayanan.
Sa kabila ng mga pagkakaiba, ang sinauna at ang makabagong mga lungsod ay may pagkakatulad—mga problema. At ang mga problema ay hindi kailanman napakarami at napakatindi na gaya ng sa ngayon. Ang mga lungsod ay nanganganib. Kung ang ‘pagtatayo ng isang lungsod natin’ ay nagturo sa sangkatauhan ng anumang bagay, sa paano man ito ay dapat na nagturo sa atin na, sa ilalim ng di-sakdal na mga kalagayan na isinasagawa ng mga taong nagkakamali, ang pagtatayo ng mga lungsod ay hindi siyang huwarang paraan upang sapatan ang ating mga pangangailangan.