Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Diborsiyo Pagkalipas na pagkalipas ng aming ikalawang anibersaryo, ang aking mister ay nagkaroon ng relasyon sa aking malapit na kaibigan. Makalipas ang dalawang taon ako’y kaniyang iniwan. Kaya nang makita ko ang pabalat ng Hulyo 8, 1993, ng Gumising! na may pamagat na “Diborsiyo—Ang Pinto sa Isang Mas Maligayang Buhay?,” hindi ako naging interesado. Kung minsan nahihirapan ako na pag-aralan ang materyal na nagdiriin sa buhay pampamilya. Gayunman, nasumpungan kong nakapagpapatibay na mabasa na sa dakong huli “ang asawang walang kasalanan ay maaaring bumangon mula sa mahigpit na pagsubok na mas malakas, mas mahalaga, mabuting tao.” Hindi ko pa masasabing naabot ko na ang kalagayang iyan, subalit ako’y sumusulong. Ako’y nakaranas ng matinding panlulumo. Subalit ang napakaraming impormasyon na inyong inilaan sa ibang mga labas tungkol sa panlulumo ay nakatulong sa matatanda sa aming kongregasyon na matulungan ako sa maligalig na mga panahon. Salamat sa lahat ng tulong na inyong inilalaan sa pamamagitan ng mga magasing ito.
D. P., Estados Unidos
Pangalawang mga Magulang Nang mabasa ko ang inyong artikulong “Mga Tip Para sa Pangalawang mga Magulang” (Hulyo 8, 1993), ako’y naudyukan na sumulat sa inyo. Ako’y sampung taóng gulang, at kapisan ko ang aking ina. Ang aking ama ay nag-asawa muli, kaya ngayon ako’y may pangalawang ina. Nang mabasa ko kung ano ang nadarama ng ibang bata tungkol sa kanilang pangalawang mga magulang, naiisip ko, ‘Ito mismo ang nadarama ko!’ Ako’y nalulugod na isa sa inyong mga tip ay mag-ingat sa paninibugho. Kadalasan, ang tingin ko sa aking pangalawang ina ay isang kakompetensiya. Kung minsan nadarama ko na para bang mas mahal ng aking ama ang aking pangalawang ina kaysa sa akin. Sana’y mabasa ng aking ama at ng aking pangalawang ina ang napakagandang artikulong ito at maging higit na maunawain sila sa akin.
V. N., Estados Unidos
Pagmimina ng Tanso Naiibigan kong basahin ang inyong mga magasin paminsan-minsan. Gayunman, pinagtakhan ko ang artikulong “Ang Pinakamalaking Gawang-Taong Hukay sa Daigdig.” (Marso 8, 1993) Paano nga ninyo nagawang parangalan ang ganitong minahan ng tanso? Hindi ba’t sinabi ng Bibliya na lilipulin ng Diyos ang mga sumisira ng lupa?
H. Y., Inglatera
Batid nating lahat ang pangkapaligirang epekto na likha ng hukay ng mina. Gayunman, iniulat lamang ng aming artikulo ang tungkol sa minahang tanso bilang isang kawili-wiling tudling, hindi upang itaguyod ang industriya ng pagmimina. Kaya naman, para sa kabutihan ng lahat, dapat na kilalanin na ang industriya ng elektrisidad—sa katunayan, ang publiko sa pangkalahatan—ay umaasa sa tanso. Ang karamihan ng tanso na ginagamit sa Estados Unidos ay nahuhukay sa pagkalalaking hukay ng mga minahan. Kung gayon, hindi naman tama kung ang sisisihin lamang ay ang industriya ng tanso dahil sa pinsalang pangkapaligiran na bunga nito. Ang masalimuot na kalagayang ito ay nagsisilbing isa pang halimbawa ng pangangailangan para sa Kaharian ng Diyos upang humalili sa pamamahala sa lupa.—ED.
Pangangarap nang Gising Ako po’y 11 taóng gulang, at ibig ko kayong pasalamatan sa mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” hinggil sa pangangarap nang gising. (Hulyo 8 at Hulyo 22, 1993) Palagi akong nangangarap na maging isang kilalang tao, at natulungan ninyo ako na maunawaan na sa halip na mangarap nang gising na nagugustuhan ako, dapat akong magsikap na maging kaibig-ibig.
J. K., Estados Unidos
Nang mabasa ko ang mga artikulong ito, ako’y napaiyak. Karamihan sa aking oras ay ginugugol ko sa pangangarap nang gising—karaniwan nang tungkol sa pagiging kilala o tungkol sa mga lalaki o sekso. Ito’y nangyayari maging sa Kristiyanong mga pulong. Ang pangangarap nang gising ang sumusupil sa aking buhay. Humihiwalay ako sa aking pamilya at sa mga kaibigan at ako’y nag-iisa sa aking silid. Ako’y nahahabag at nahihiya sa aking sarili. Ngayon ay isinasapuso ko na ang inyong payo at ikinakapit ito. Nagbabalik kung minsan ang mga pag-iisip na ito, subalit ngayon ay pinupunô ko ng ibang bagay ang aking isip o ginagawa ko ang isa sa aking mga libangan, at naglalaho ang mga kaisipang iyon. Maraming salamat.
T. P., Estados Unidos