Naitanong Mo Na Ba?
Naitanong Mo Na Ba?
Ikaw ba’y naniniwala na ang tao ay nagtataglay ng isang kaluluwang imortal na nakaliligtas pagkamatay ng katawan? Angaw-angaw, marahil bilyun-bilyon, ang naniniwala na ang tao ay pinagkalooban ng isang kaluluwa na lumilipat sa ibang daigdig o antas ng pag-iral sa kamatayan o dumaranas ng reinkarnasyon bilang ibang nilalang. Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kaluluwa? Masusumpungan mong nakatatawag-pansin at nakapagpapaliwanag ang sumusunod na mga katanungan. Para sa mga kasagutan, iminumungkahi namin na suriin ang mga kasulatan na sinipi o tingnan ang pahina 21.
1. Si Adan ba ay nilalang sa langit, o sa lupa?—Genesis 1:26-28.
2. Si Adan ba ay nilalang na mortal, o imortal?—Genesis 2:15-17.
3. Kung si Adan ay hindi naging masuwayin at nagkasala, siya kaya’y namatay?—Roma 6:23.
4. Ang landas ng pagkilos ba ni Adan ay nagpatunay na siya ay mortal, o imortal?—Genesis 3:19; 5:5.
5. Sa pamamagitan ng kaniyang kasalanan, naiwala ba ni Adan ang isang makalupang tahanan, o isang makalangit na tahanan?—Genesis 1:26-28.
6. Kung si Jesus ay pumarito upang isauli ang naiwala ng pagkakasala ni Adan, ano ang isasauli?—Awit 37:29; Roma 5:18, 19; Apocalipsis 21:1-4.
7. Si Adan ba ay binubuo ng dalawang magkaibang bahagi, ang kaluluwa at ang katawan?—Genesis 2:7; 1 Corinto 15:45.
8. Kung ikaw ay naniniwala na si Adan ay isang kaluluwa at isang katawan, aling bahagi ang nagkasala, ang kaluluwa o ang katawan?—Awit 51:1-4.
9. Kung ang sagot mo ay, “Ang kaluluwa,” bakit kailangang magdusa ang katawan?
10. Kung ang sagot mo ay, “Ang katawan,” bakit dapat iligtas ang kaluluwa?
11. Kung ang tao’y nagtutungo sa langit sa pamamagitan ng pagkamatay, hindi ba pinatutunayan niyan na ang kasalanan at kamatayan ay isang pagpapala sa halip na, gaya ng sinasabi ng Bibliya, isang sumpa?—Roma 5:12; 6:21-23.
12. Anong parusa ang ipinatupad kay Adan dahil sa kaniyang kasalanan—kamatayan, o patuloy na pag-iral sa ibang dako?—Genesis 2:16, 17; 3:19.
13. May isa bang parusa para sa katawan at ibang parusa naman para sa kaluluwa?—Eclesiastes 9:5, 10; Ezekiel 18:4.
14. Pumasok ba sa isip ng Diyos ang tungkol sa walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno?—Jeremias 7:31.
15. Sang-ayon kay Pablo, ano ang kabayaran ng kasalanan?—Roma 6:23.
16. Binabanggit ba ni Pablo ang walang-hanggang pagpapahirap sa apoy ng impiyerno?—Roma 6:7.
17. Kung talagang umiiral ang apoy ng impiyerno, bakit kailangang walang-hanggang maghirap ang isang tao upang pagbayaran ang maikling buhay ng kasalanan? Ang Diyos ba ay hindi gaanong makatarungan kaysa tao?—Roma 9:14.
18. Naniniwala ba ang tapat na mga tao noong una na sila ay may kaluluwa na nagtutungo alin sa langit o sa isang maapoy na impiyerno?—Genesis 37:35; Awit 89:48; Gawa 2:34.
19. Ano ang tunay na pag-asa para sa mga patay?—Juan 5:28, 29; 11:23-26; Gawa 24:15.
20. Kung walang kaluluwa na imortal, paanong ang ilan (144,000) ay maghaharing kasama ni Kristo sa mga langit?—1 Corinto 15:42-49, 53, 54; Apocalipsis 14:1, 4; 20:4. a
Ang mga Sagot ng Bibliya
Ang sumusunod ay ilan sa mga tekstong binanggit sa mga tanong sa pahina 13:
1. “At nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, . . . nilalang niya sila na lalaki at babae. . . . Sa kanila’y sinabi ng Diyos: ‘Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin.’ ”—Genesis 1:27, 28.
2. “Sa bawat punungkahoy sa halamanan ay makakakain kang may kasiyahan. Ngunit sa bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagkat sa araw na kumain ka ay tiyak na mamamatay ka.”—Genesis 2:16, 17.
3. “Sapagkat ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan, ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”—Roma 6:23.
4. “Sa pawis ng iyong mukha kakain ka ng tinapay hanggang sa mauwi ka sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka uuwi.”—Genesis 3:19.
5. Tingnan ang Blg. 1.
6. “Narito! Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
7. “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Isinasalin ng salitang “kaluluwa” ang Hebreong neʹphesh, “siya na humihinga.” “Ang unang tao, si Adan, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay naging isang kaluluwang buháy.” Pansinin, “naging,” hindi “binigyan.”—1 Corinto 15:45, The Jerusalem Bible.
8. “Ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko. Laban sa iyo, sa iyo lamang, ako ay nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin.”—Awit 51:3, 4.
9, 10. Walang kinakailangang teksto.
11. “Sa pamamagitan ng isang tao ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayon ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.”—Roma 5:12.
12. Tingnan ang Blg. 4.
13. “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman . . . Walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, na iyong pinaroroonan.” (Eclesiastes 9:5, 10) “Kung paano ang kaluluwa ng ama ganoon din ang kaluluwa ng anak—sila’y sa akin. Ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.”—Ezekiel 18:4.
14. “Kanilang itinayo ang mga matataas na dako ng Topheth . . . upang sunugin ang kanilang mga anak na lalaki at babae sa apoy, na hindi ko iniutos o pumasok man sa aking pag-iisip.”—Jeremias 7:31.
15. Tingnan ang Blg. 3.
16. “Sapagkat siya na namatay ay napawalang-sala na mula sa kaniyang kasalanan.”—Roma 6:7.
17. “Ano ang sasabihin natin, kung gayon? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang maging gayon kailanman!”—Roma 9:14.
18. “Sa katunayan hindi umakyat si David sa mga langit.”—Gawa 2:34.
19. “May pag-asa ako sa Diyos, na siyang pag-asa na iniingatan din ng mga taong ito mismo, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng mga matuwid at mga di-matuwid.”—Gawa 24:15.
20. “Sapagkat ito na nasisira ay dapat na magbihis ng kawalang-kasiraan, at ito na mortal ay dapat na magbihis ng imortalidad.” Kung ang imortalidad ay ‘ibinibihis,’ kung gayon ito ay hindi likas. (1 Corinto 15:53) “At nakita ko, at, narito! ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Sion, at kasama niya ay isang daan at apatnapu’t apat na libo . . . Ang mga ito ay binili mula sa sangkatauhan bilang mga pangunang bunga sa Diyos at sa Kordero.”—Apocalipsis 14:1, 4.
[Talababa]
a Ang katagang “kaluluwang imortal” ay hindi lumilitaw saanman sa Bibliya. Ang salitang “imortalidad” (Griego, a·tha·na·siʹa) ay tatlong beses lamang na lumilitaw sa Bibliya at hindi kailanman may kaugnayan sa kaluluwa. (1 Corinto 15:53, 54; 1 Timoteo 6:16) Para sa mas detalyadong pagsasaalang-alang kung ano ang nangyayari sa kamatayan at ang tunay na pag-asa para sa mga patay, tingnan ang publikasyong Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, mga pahina 183-90 (Impiyerno), 272-280 (Pagkabuhay-Muli), 100-4 (Kaluluwa, Espiritu), inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.