“Paglilibot sa Lahat ng mga Lungsod”
“Paglilibot sa Lahat ng mga Lungsod”
SAMANTALANG nasa lupa si Kristo Jesus ay humayo sa “paglilibot sa lahat ng mga lungsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 9:35) Yaong mga nagnanais sumunod sa kaniyang mga yapak ay tinatawagan ding mangaral sa mga lungsod ng daigdig. Doon ay makakaharap nila ang mga problemang karaniwan sa mga lungsod at mapipilitan silang lutasin ang mga ito.
Ang isang makasaysayang paglibot sa mga lungsod ay naghaharap ng isang larawan ng mabubuti
at masasamang panahon ng libu-libong taon ng pag-iral ng tao, ng mga kagalakan at ang mga kabiguan ng mga pagsisikap ng tao na matamo ang kaligayahan. Ang matapat na pagsusuri sa mga lungsod ay magkikintal sa atin ng bagay na ang buong lahi ng tao ay iisa lamang pamilya, na nakakaharap ang karaniwang mga problema. Dapat sana’y wala nang saligan sa ngayon para sa nasyonalistikong pagmamataas o pagtatangi dahil sa lahi.Nakalulungkot sabihin, maraming tao ang walang gaanong nalalaman tungkol sa mga lungsod, kahit na ang kinaroroonan nito. Nang hilingin ang mga estudyante sa unibersidad sa E.U. noong kalagitnaan ng mga 1980 na ituro ang mga lungsod, itinuro ng ilan sa kanila ang Dublin (Ireland) sa Estados Unidos at ang Lima (Peru) sa Italya.
Isang pagsubok na isinagawa mga ilang taon ang nakalipas sa isa pang unibersidad ay nagsiwalat na halos hindi maituro ng kalahati ng mga estudyante kung saan naroon ang London sa isang mapa ng daigdig. Ang ilan ay itinuro ito sa Iceland, ang iba naman sa Kontinental na Europa. Ang propesor na nagsasagawa ng pagsubok ay nanangis dahil sa 42 porsiyento ng mga estudyante ay hindi maituro ang London saanman. Mas nakakahiya pa, hindi maituro ng 8 porsiyento ang lungsod sa Amerika kung saan ang pagsubok ay isinasagawa!
Subalit maliwanag na hindi lamang ang mga Amerikano ang mahina sa kaalaman sa heograpya.
Noong katapusan ng mga 1980, ipinakita ng isang pagsubok sa mga estudyante sa sampung bansa na ang mga Sueko ang pinakamagaling sa heograpya at ang mga Amerikano ay pumang-anim. Nasumpungan ng Academy of Sciences ng dating Unyong Sobyet na hindi maituro ng 13 porsiyento ng mga estudyanteng Sobyet na sinurbey kahit ang kanila mismong bansa sa isang mapa ng daigdig. Ang miyembro ng akademya na si Vladimir Andriyenkov ay nahihiyang nagsabi: “Ang mga resulta ay hindi kapani-paniwala.”Kumusta ka naman? Gaano ka kahusay sa iyong kaalaman sa heograpya sa pangkalahatan at lalo na sa mga lungsod? Ano kaya kung subukin mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng maikling pagsubok sa pahina 10? Malalaman mo ang ilang kawili-wiling bagay sa pamamagitan ng “Pagsusuri sa mga Lungsod.”
Sa susunod na labas ng Gumising!, susuriin natin ang limang lungsod. Ang mga ito ay isang pantanging uri ng lungsod na ganap na di-kilala sa loob ng libu-libong taon. Subalit sa pagsisimula ng dantaon, tinataya, na magkakaroon ng hindi kukulanging 20 nito. Mahigit na kalahati nito ay sa Asia. Anong uri kaya ng lungsod ito?
[Kahon sa pahina 10, 11]
Makikilala Mo Ba Ang Lungsod?
Pagtugmain ang sumusunod na mga paglalarawan sa tamang lungsod.
1. Ang pinakamataas na kabiserang lungsod sa daigdig.
2. Ang pinakamalaking lungsod sa pinakamataong bansa sa daigdig.
3. Ang opisyal bagaman bihirang gamiting pangalan nito ay binubuo ng 27 salita, ang unang bahagi ay kasingkahulugan ng Los Angeles; ito’y nasa gitna ng rehiyong nagtatanim ng palay. Mayroon itong 400 templong Budista.
4. Mayroon itong populasyon na—maliban sa apat pang lungsod—doble ang dami na gaya ng anumang iba pang lungsod sa daigdig.
5. Nawala nito ang halos sangkapat na milyong mamamayan sa isang malaking sakuna noong 1976.
6. Sentro ng rehiyon ng mga tela ng bansa nito, ang lungsod na ito ay gumanap ng malaking bahagi sa industriyal na pagbabago.
7. Noon ay itinuturing itong isa sa pinakamaruming lungsod sa Europa, ngayon ito ay bantog sa daigdig dahil sa mabangong likido na nagtataglay ng pangalan nito.
8. Halos 60 wika ang sinasalita sa daungang lungsod na ito sa Asia. Ito ang kabisera ng bansa nito mula 1833 hanggang 1912.
9. Isang pinasadyang kabisera, matagal na isinaplano, ito’y nagkatotoo noong 1960.
10. Nasa dulo ng 100-kilometrong-haba na fjord, sa sukat ito ay isa sa pinakamalaking lungsod sa daigdig.
11. Halos ganap na nawasak ng isang lindol noong 1755, ito ang may pinakamababang halaga ng pamumuhay sa alinmang kabiserang lungsod sa European Community.
12. Ito ay opisyal na natatag noong 1873, nang ang mga pamayanan sa magkabilang panig ng Ilog Danube ay magkaisa sa ilalim ng isang pangalan.
13. Napagkamalan ng mga manggagalugad na Portuges ang pasukan sa loók nito na wawa ng isang ilog, sa gayo’y binibigyan ito ng pangalan na taglay nito ngayon.
14. Naitatag noong 1788 bilang isang piitan ng kolonya, isa ito sa pinakadulong lungsod sa timog sa laki nito sa daigdig.
15. Palibhasa’y may matibay na relihiyosong mga ugat, ang lungsod na ito ay naging kilala dahil sa isang pambihirang pulitikal na tea party.
16. Noong 1850, ipinahayag ito ni Haring Kamehameha III na kabisera ng kaniyang kaharian; ang pangalan nito ay nangangahulugang “Protektadong Loók,” at ang kainamang klima nito sa lahat ng panahon ay gumagawa ritong kalugud-lugod sa mga turista.
17. Kung minsan ay tinatawag na mahanging lungsod, ito ay dating halos matupok ng apoy; sa ngayon ipinagmamalaki nito ang pinakamataas na gusali sa daigdig.
18. Bago ang 1966, ito ay tinawag na Léopoldville.
19. Kasintanda ng isa sa pinakabantog na pinuno ng Gresya, ang lungsod na ito ay maaalaala ng mga estudyante ng Bibliya bilang ang dako kung saan ginawa ang pinakabantog na saling Griego ng Hebreong Kasulatan.
20. Ang mabilis na paglago nito ay bunga ng pagkatuklas ng ginto malapit dito, at ito ay natatangi dahil sa ito lamang ang lungsod sa laki nito sa daigdig na hindi makikita sa tabi ng dagat o sa tabi ng lawa o ng ilog.
Alexandria, Ehipto
Bangkok, Thailand
Boston, E.U.A.
Brasília, Brazil
Budapest, Hungary
Calcutta, India
Chicago, E.U.A.
Cologne, Alemanya
Hong Kong
Honolulu, Hawaii E.U.A.
Johannesburg, Timog Aprika
Kinshasa, Zaire
La Paz, Bolivia
Lisbon, Portugal
Manchester, Inglatera
Oslo, Norway
Rio de Janeiro, Brazil
Shanghai, Tsina
Sydney, Australia
Tangshan, Tsina
[Kahon sa pahina 11, 12]
Mga Sagot:
1. La Paz, nasa pagitan ng 3,250 at 4,100 metro sa itaas ng antas ng tubig, ay itinatag ng mga Kastila noong 1548.
2. Ang “Shanghai” ay nangangahulugang “Sa Dagat,” at kabilang sa isa sa pinakamalaking daungan sa daigdig, ito ang sentro ng mataas na edukasyon at siyentipikong pananaliksik ng Tsina.
3. Ang unang bahagi ng opisyal na pangalan ng Bangkok ay Krung Thep, na nangangahulugang “Lungsod ng mga Anghel”; sa Kastila, “Los Angeles” na nangangahulugang “ang mga anghel.” Bagaman napaunlad ng Bangkok ang mga freeway nito, karamihan sa mga kilalang kanal nito ay tinambakan upang gawing mga kalsada.
4. Ang Hong Kong, na may 96,000 katao sa bawat kilometro kudrado, ay sinusundan ng Lagos, Nigeria (55,000); Dacca, Bangladesh (53,000); Djakarta, Indonesia (50,000); at Bombay, India (49,000).
5. Noong 1976, ang Tsina ay hinampas ng isa sa pinakamatinding lindol sa modernong kasaysayan, sumusukat ng 7.8 sa Richter scale. Ang Tangshan ay halos napatag; hindi kukulanging 240,000 tao ang namatay.
6. Ang Manchester, mga 240 kilometro sa hilaga ng London, ay napakabilis na naging isang sentro ng industriya anupat sa pagitan ng 1821 at 1831, ang populasyon nito ay dumami nang 45 porsiyento.
7. Sa pasimula ng ika-19 na siglo, ang Cologne ay kinikilalang isa sa tatlong pinakamaruming lungsod sa daigdig—Calcutta, Constantinople, at Cologne—dahil diyan ang mga sundalong Pranses na nakahimpil doon ay “nagtatakip ng kanilang mga mukha ng mga panyong ibinabad sa Eau de Cologne upang mahadlangan ang amoy ng ihi na laganap sa lungsod.”—Kölner Stadt-Anzeiger.
8. Ang Calcutta ang pangatlong pinakamalaking lungsod ng India at hinalinhan bilang kabisera ng New Delhi.
9. Pinanukala noong 1789 at isinama sa Konstitusyon ng 1891, ang idea na pagkakaroon ng isang kabisera sa interyor ng Brazil ay naging katunayan noong 1960 sa pamamagitan ng Brasília. Ang pagkakatayo nito mula sa wala ay nag-alok ng isang pambihirang pagkakataon na tapusin ang “isang maayos na disenyo ng buong lungsod sa pisikal na kaayusan, arkitektura, at tirahan ng tao.”—Encyclopædia Britannica.
10. Ang Oslo, kabisera ng Norway, ay sumasakop ng sukat na 453 kilometro kudrado, karamihan dito ay makahoy na mga burol at lawa.
11. Ang mga simbahan ay punung-punô noong umaga ng Nobyembre 1, 1755, bilang pagdiriwang ng Todos Los Santos, nang ang Lisbon ay wasakin ng isa sa pinakamalakas na lindol sa kasaysayan, isa na sumawi ng humigit-kumulang 30,000 katao.
12. Noong 1873 ang bayan ng Pest, sa silangang panig ng Ilog Danube, at Buda, sa kahabaan ng Óbuda at Margaret Island, sa kanlurang panig, ay opisyal na nagkaisa upang maging Budapest, isa sa mas magagandang lungsod ng Europa, dati’y kilala bilang Reyna ng Danube.
13. Ang mga salitang Portuges para sa “ilog” at para sa “Enero”—ang mga manggagalugad ay dumating noong Enero 1, 1502—ay pinagsama upang gawin ang pangalang Rio de Janeiro.
14. Noong Enero 1788 halos 750 bilanggo ang dumating buhat sa Britaniya bilang saligan para sa isang piitan ng kolonya; ngayon ang Sydney ang pinakamatanda at pinakamalaking lungsod ng Australia.
15. Sa loob halos ng tatlong siglo, iilang lungsod ang nakaimpluwensiya sa buhay sa Estados Unidos nang higit kaysa ginawa ng Boston, na itinatag ng mga Puritan na tumakas sa Europa dahilan sa relihiyosong pag-uusig. Noong 1773 ang mga mamamayan nito ay tumulong sa pagpukaw sa Himagsikan sa Amerika nang, nagkukunwang mga Indyan, itinambak nila ang tsa na lulan ng tatlong barko sa daungan ng Boston upang tutulan ang pagbabayad ng mga buwis sa Britaniya nang walang mga kinatawan buhat sa kanila sa gobyerno.
16. Dating isang base para sa mga mangangalakal ng sandalwood at mga manghuhuli ng balyena, na pagkatapos ay sinakop ng mga Ruso, Britano, at Pranses, ang Honolulu ay ibinalik kay Haring Kamehameha III. Noong 1850 ipinahayag niya ito bilang kabisera ng kaniyang kaharian. Ang Hawaii ay naging teritoryo ng E. U. noong 1900 at naging estado noong 1959.
17. Tinatawag ng ilan ang Chicago na tipikal na lungsod ng E.U., itinatampok ang pinakamabuti at pinakamasamang bahagi ng bansa. Ang sentro ng lungsod ay pinalis ng apoy noong 1871 nang sinasabing nasipa ng baka ni Gng. O’Leary ang isang gasera sa kamalig. Halos 250 katao ang namatay, at 90,000 ang nawalan ng tirahan. Ang Sears Tower ng Chicago, sa taas na 443 metro, ang pinakamataas na gusali sa daigdig.
18. Noong 1960, ang Léopoldville, ipinangalan kay Haring Léopold II ng Belgium, ay naging kabisera ng Republika ng Congo nang natapos ang Belgian Congo. Noong 1971 ang pangalan ng bansa ay pinalitan ng Zaire; noong 1966 ang kabisera ng bansa ay muling pinanganlang Kinshasa.
19. Nakuha ng Alexandria ang pangalan nito mula kay Alejandrong Dakila, na nag-utos sa pagtatayo nito noong 332 B.C.E. Pagkaraan ng wala pang sandaang taon, sinimulang isalin ng mga residenteng Judio—malamang na noong panahon ng paghahari ni Ptolemy II Philadelphus (285-246 B.C.E.)— ang Hebreong Kasulatan sa wikang Griego upang magawa ang Septuagint.
20. Utang ng Johannesburg, na hindi makikita sa isang baybay-dagat, lawa, o sa isang ilog, ang pagiging malaking-lungsod nito sa pagkatuklas ng ginto noong 1886. Ito ay lumaki mula sa populasyon na 2,000 noong 1887 tungo sa 120,000 noong 1899 at may mahigit na 1.7 milyon sa ngayon.
[Mapa sa pahina 8, 9]
(Para sa ganap na pagkakaayos ng teksto, tingnan ang publikasyon)
[Larawan sa pahina 8]
Rio de Janeiro, Brazil
[Larawan sa pahina 9]
Bangkok, Thailand
[Credit Line]
Tourism Authority ng Thailand
[Mga larawan sa pahina 10]
Kaliwa: Sydney, Australia
Ibaba: La Paz, Bolivia
[Larawan sa pahina 11]
Shanghai, Tsina
[Mga larawan sa pahina 12]
Kaliwa: Honolulu, Hawaii
Kanan: Hong Kong