Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nanganganib na mga Museo
Ang mga museo ba ay nanganganib na maglaho? Sa Italya, ang bansa na pinagkalooban ng isa sa pinakadakilang pangkulturang pamana sa daigdig, ang katumbas ng kabuuang museo na punô ng mga kayamanang pansining ay naglalaho taun-taon. “Ang may pinakamaraming laman na mga museo sa Italya ay ang isa na hindi mo nakikita,” ulat ng pahayagang Il Messaggero. Noong 1992 lamang, halos 35,000 gawang sining, na nagkakahalaga ng mahigit na 200 bilyong lire ($123 milyon), ang ninakaw sa mga museo, simbahan, pampubliko at pribadong mga institusyon, at sa mga tahanan. Tanging 1,971 ang nabawi. Ayon sa mga pagtaya, sa pagitan ng 1970 at 1992, ang katamtamang dami na 30,000 gawang sining ang nawawala taun-taon—tunay na ikababahala ng bansa, ang sabi ng mga awtoridad. Ano ang nangyayari sa ninakaw na mga kayamanang ito? Ayon sa ulat, marami ang bumabagsak sa mga pugad ng mga dealer ng droga at mga lider ng organisadong krimen.
“Trance” o Kamatayan?
Ang mga tagasunod ni Balak Brahmachari, na totoong tapat sa kanilang guru, ay nakaranas ng bahagyang nababanaag na pagkasiphayo nang sabihin ng mga doktor na siya’y patay na, ulat ng India Today. Ang mga tapat na tagasunod, na tinatawag na mga Santan, ay nagpupumilit na nagkamali ang mga doktor at na ang kanilang 73-taóng-gulang na lider ay nagsasagawa lamang ng “meditative trance.” Hiniling nila na panatilihin siya sa intensive care unit ng ospital. Nang tumanggi ang mga doktor, ibinalik ng mga Santan ang bangkay sa kanilang ashram, o tahanan ng kulto, malapit sa Calcutta, at inilagay ang bangkay na nakahantad sa kamang may yelo sa malamig na silid. Iginiit ng mga awtoridad ng munisipyo na sunugin ang bangkay upang maiwasan ang anumang mga panganib sa kalusugan, subalit ipinalagay ng mga Santan ang gayong kahilingan bilang propaganda, nangangatuwiran na ang bangkay ay “hindi [nakitaan] ng pagkabulok man lamang.” Lumipas ang mga linggo. Sa wakas, napilitan ang mga awtoridad na kumilos at alisin ang bangkay.
Musika at Pagpaslang
Malamang na malaking bahagi ang ginampanan ng musika sa dalawang huling pagpaslang sa Texas, E.U.A. Sa isang kaso, binaril at pinatay ng isang 19-na-taóng-gulang na tsuper ang isang pulis na humuli sa kaniya upang tikitan siya. Sinabi ng abugado ng kabataan na hindi lamang nakikinig ang kabataan sa marahas na musikang rap nang barilin niya ang pulis kundi sinasabi rin na ang kaniyang matagal nang pagkalugami sa gayong musika ang ‘nag-udyok sa kaniya’ na pumaslang. Iniulat na sumang-ayon ang mga hurado na ang musika ay gumaganap ng malaking bahagi sa mga ginawa ng kabataan. Subalit ayon sa naglilitis na abugado sa kaso, “hindi nila basta ipinagpapalagay na nakabawas ang musika sa [kaniyang] kasalanan sa krimen.” Ang kabataan ay nahatulan ng kamatayan. Sa katulad na salaysay, isang 15-taóng-gulang na kabataan na nagtapat na bumaril at pumatay sa kaniyang ina ang nagsabi na ang awitin ng grupo ng “Megadeth” na umaawit ng heavy metal ang nag-utos sa kaniya mula sa mga demonyo na pumatay.
Kahaliling Paggamot
Habang sila’y nagsasaliksik upang mabawasan ang panganib sa kanilang mga pasyente sa pagkakaroon ng AIDS o hepatitis, ang mga doktor ay naghahanap ng mga panghalili sa mga pagsasalin ng dugo, ulat ng pahayagang O Estado de S. Paulo. Ganito pa ang sabi ng pahayagan: “Ginagamit na ng mga doktor sa Brazil ang panghaliling mga pamamaraan sa pag-oopera sa mga Saksi ni Jehova. Sa pamamagitan ng erythropoietin—isang [hormone] na mula sa mga bató—napararami nito ang bilang ng pulang mga selula sa isang sapat na mataas na antas, sa ilang kaso, upang maiwasan ang mga pagsasalin pagkatapos ng operasyon.” Kaya naman, pagkatapos na makapag-opera sa 91 Saksi, si Dr. Sergio A. de Oliveira ng Portuguese Welfare Hospital, sa São Paulo, ay nagsabi nang ganito: “Natuklasan namin na ang mga pasyenteng Saksi ni Jehova ay maaaring operahan sa puso nang walang dugo o mga produkto ng dugo, na sila’y magiging nasa mabuting kalagayan pa rin.”
Seguro ng Simbahan Laban sa mga Paghahabol sa Pang-aabuso
“Ang Iglesya Katolika sa Australia ay nagsaayos ng isang multimilyong dolyar na polisa sa seguro upang maingatan ang sarili nito laban sa mga paghahabol dahil sa seksuwal na pang-aabuso ng mga pari,” ulat ng The Sunday Telegraph sa Sydney, New South Wales. “Inaamin namin na ito’y nagpapatuloy pa rin,” sabi ng isang obispong Katoliko sa Melbourne, Australia. Sinabi pa niya na ang gayong napakalaking kabayaran sa seguro ay normal “para sa ganiyang uri ng kasalanan.” Ayon sa isang pangkat ng mga tagapagtaguyod ng mga biktima, ang pang-aabuso sa sekso ng mga klero ay higit na palasak kaysa sa inaamin ng iglesya. Isang tagapagsalita ng pangkat ang nagsabi na ipinapalagay niyang higit na pinagtutuunan ng pansin ng iglesya ang pangangalaga sa mga klero kaysa pagtulong sa mga biktima. Sinabi pa niya na ang mensahe “sa pinakadiwa ng mga dokumento sa seguro ng simbahan ay, huwag magsabi ng totoo.”
Kung Paano Maging Pari
“Ang kabataang Hapones sa ngayon ay tinatawag ng ‘salinlahi ng manwal’—sila’y nagbabasa ng mga
aklat na nagbibigay ng praktikal na mga mungkahi bago nila gawin ang anuman. Ngayon ang mga pari ay hindi na natatangi.” Gayon ang pag-uulat ng pahayagang The Daily Yomiuri sa Tokyo. Upang maturuan ng magandang kaugalian at mga tradisyon sa pagkapari ang mga kabataang pari sa ngayon, pinangasiwaan ng Kyoto’s Institute for Zen Studies ang paghahanda ng isang manwal ng kung-paano-maging-isang-pari. Samantalang ang mga paring Zen noon ay kailangang manatiling walang asawa at kilala sa kanilang mahigpit na pagsasanay, maraming kabataan sa ngayon ang basta nagmamana ng gawain mula sa kanilang mga ama o lolo. Subalit ang mga ama, sabi ng pahayagan, ay kalimitang nagkukulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak na lalaki ng mga kaugalian na angkop sa pagkapari, at ang mga kabataan mismo ay lubhang abala sa pag-aaral para sa eksamen sa kolehiyo upang matutunan ang mga kaugaliang Zen. Iniulat na ang ilan ay nahihirapang magbasa ng mga sutra, o mga pahayag ni Buddha.Mga Sakit sa Puso sa Kababaihan sa Argentina
Ang pinakahuling mga estadistika ay nagpapakita na mabilis ang pagdami ng bilang ng mga atake sa puso sa kababaihan ng lahat ng edad sa Argentina. Inilathala ng pahayagang Clarín ang mga resulta ng surbey sa paksang pinag-uusapan na isinagawa ng Sociedad Argentina de Cardiología (Argentine Society of Cardiology). Sinurbey nito ang 82 intensive care unit at 521 pasyente na may sakit sa puso sa buong bansa. Sinabi ng ulat na ang bilang ng kababaihan na pumasok sa mga ospital sa Argentina dahil sa atake sa puso ay tumaas nang mahigit na 56 na porsiyento sa loob nang wala pang isang taon. At samantalang noong 1991 tanging 25 porsiyento ng mga pasyente na inatake sa puso ay mga babae, sa kasalukuyan kinakatawanan nila ang halos 40 porsiyento. Kalakip sa mga salik sa panganib ng pagkakaroon ng atake sa puso ay mataas na presyon ng dugo, labis na katabaan, labis na taba sa dugo, alkoholismo, at paggamit ng tabako. Gayunman, ang pagsusuring ito ay walang nasumpungang tuwirang kaugnayan sa pagitan ng edad at ng bilang ng namamatay sa mga may sakit sa puso.
Sakit sa Isip sa Kumbento?
Ang mga kumbento at mga monasteryo ay kalimitang ipinalalagay na isang ganap na kanlungan para sa pagninilay-nilay. Gayunman, si Bruno Giordani, isang klero na nagtuturo ng psychology sa Pontifical Lateran University sa Roma, ay nakalikha ng “isang nakababahalang pagsusuri” sa mga kumbento at monasteryo, ulat ng pahayagang Corriere della Sera sa Italya. Ayon sa kaniyang ulat, “maraming madre ang waring nagiging mga biktima” ng “napakaraming malulubhang sakit sa isip.” Inisa-isa niya ang mga katangian ng “nasisiraang madre,” na “kalimitang nakararanas ng labis-labis na pagkadama ng kasalanan o ng kawalan ng lahat ng katinuan sa moral.” Ang ilan ay ginigiyagis ng “pag-iisa, hindi maunawaan, at may makasariling pag-uugali,” ang sabi ni Giordani. Kaya naman, hindi kataka-taka na ang susunod na pandaigdig na sinodo ng mga obispong Katoliko, na gaganapin sa 1994, ay tatalakay sa espesipikong mga suliranin na kinakaharap ng mga klero.
Nagpapatuloy Pa rin ang mga Digmaan
Bagaman ang mga gastusin sa militar sa buong daigdig ay binabawasan, ang bilang ng sumisiklab na digmaan ay hindi nababawasan. “Naiulat ng Stockholm International Peace Research Institute (SIPRI) sa Sweden ang 30 malulubhang labanan sa nakaraang taon [1992],” ulat ng pahayagang Nassauische Neue Presse. Ayon sa institusyon, iyan din ang bilang noong 1991. Bagaman ang labanan sa ilang lugar na may paulit-ulit na mga alitan ay tumigil na, “nasaksihan ng Bosnia ang pasimula ng pinakamadugong hidwaan, na kung saan mahigit sa 100,000 katao ang namatay sa pagtatapos ng taon.” Inihuhula ng SIPRI na ang “dami ng mga hidwaan na humantong sa karahasan ay bababa lamang nang unti-unti.”
Lansangan na Ipinangalan sa Isang Saksing Martir
Nang ang isang bagong lansangan sa maliit na nayon ng Alemanya na Baltmannsweiler ay papangalanan, ipinasiya ng Community Council ang pangalang Bernhard Grimm. Bakit? Ganito ang ulat ng pahayagang Esslinger Zeitung: “Si Grimm, na isinilang noong 1923, ay nakatira sa 30 Reichenbacher Street. Bilang isang nananampalatayang Saksi ni Jehova, tinanggihan niya ang militar na paglilingkod nang siya’y itala. Agad siyang ibinilanggo at dinala sa Berlin. Senentensiyahan siya ng kamatayan ng korte ng militar dahil sa ‘pagpapasamâ sa militar.’ Noong Agosto 21, 1942, ang sentensiyang kamatayan ay isinagawa sa 19-na-taóng-gulang sa Berlin-Plötzensee.” Dahil sa mahigit na 50 taon na ang nakalipas sapol nang pagkamartir ng kabataang lalaking ito, inakala ng konsehal ng komunidad na angkop lamang na panganlan ang lansangan ayon sa kaniyang pangalan.
Suliranin sa Pagbabasa?
“Kakaunti ang mga mambabasa ng mga magasin at pahayagan,” sabi ng Gazeta Mercantil. Iniuulat ng pahayagan sa Brazil na ang mga delegado sa Berlin, Alemanya, na dumalo sa ika-46 na kombensiyon ng Pambuong-Daigdig na Kalipunan ng mga Patnugot sa Pahayagan ay nabahala sa lumalagong “kawalan ng interes sa pagbabasa ng mga lathalain at ang pagkahilig sa audiovisual” na media. Ayon sa opinyon ng pangulo ng Inter-American Society of the Press, na si Alejandro Junco de la Vega, marami ang “walang kabatiran sa kahalagahan ng lathalain . . . Ipinalalagay pa rin ng marami na ang telebisyon ay higit na mahalaga.” Si Horacío Aguirre, ang patnugot ng pahayagang Las Americas sa Miami, ay nagpahayag ng kaniyang opinyon na tiyak na sinang-ayunan ng maraming peryudista, na ang pahayagan ay “kumakatawan sa higit na maraming tanawin sa kung ano ang nagaganap sa mundo.”