Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkasalungat na mga Ulat Tungkol sa Natapong Langis ng Exxon

Magkasalungat na mga Ulat Tungkol sa Natapong Langis ng Exxon

Magkasalungat na mga Ulat Tungkol sa Natapong Langis ng Exxon

NOONG nakaraang Abril, apat na taon pagkatapos ng kapaha-pahamak na natapong langis ng Exxon Valdez sa Prince William Sound, inilabas ng mga siyentipiko ng Exxon sa wakas ang kanilang mga natuklasan. Ayon sa magasing New Scientist, sinabi ng Exxon na “ang pinsala mula sa natapong langis ay tumagal lamang ng ilang buwan at na ang Prince William Sound ay halos ganap na ang pagkakasauli.” Ibang-iba naman ang pagtatasa ng mga siyentipiko ng pamahalaan ng E.U. na gumugol ng apat na taon sa pag-aaral sa mga epekto ng natapong langis: “Maliwanag na ang mahabang-panahong pagkakasauli ay malayo pang mangyari. Sa ilang kaso ito ay kukuha pa ng maraming taon.” Sila’y nagparatang: “Kinukuha at pinipili ng Exxon ang impormasyon na ginagamit nito upang tasahin ang pagkakasauli.” Ang sumusunod na halaw mula sa tuklas ng biyologo sa dagat at komersiyal na mangingisdang si Rick Steiner ay nagbibigay ng kasalukuyang mga kalagayan sa Prince William Sound.

“Lubhang kapansin-pansin ang kakulangan ng mga sea otter, mga bibing harlequin, mga ibong murre at mga ibong nanghuhuli ng talaba. . . . Sa mga sonang inter-tidal, ang makakapal na banig ng tahong ay may langis pa rin na nasilo apat na taon ang nakalipas. . . . Ang mga mangingisda ay kailangang maghintay hanggang sa pagbabalik ng salmon noong nakaraang tag-araw upang malaman kung napinsala ng langis ang binhi ng pink salmon na lumitaw noong matapon ang langis. Ang resulta ay kapaha-pahamak: sangkapat lamang hanggang sangkatlo ng natantiya. . . . Natuklasan ng mga siyentipiko ng estado at ng pederal na pamahalaan ang mga epekto ng langis sa mga organismo mula sa mga isda hanggang sa mga balyena​—sa mga anyo na gaya ng pinsala sa utak, paghinto ng pagpaparami, pinsalang henetiko, pagkasira ng hugis gaya ng baluktot na mga tinik, pananamlay, mahinang paglaki at mababang timbang, nagbagong kaugalian sa pagkain, nabawasang dami ng iniitlog, mga tumor sa mata, dumaraming parasito, pinsala sa atay at mga abnormalidad sa paggawi.

“Kung mayroon mang lumiwanag, ito’y ang katotohanang walang gayong bagay na gaya ng pagkakasauli ng dagat na natapunan ng langis. Talagang hindi natin maaayos ang nasirang ecosystem na gaya ng pag-aayos ng isang nasirang makina. Para sa marami, ang katotohanang ito ay isang mapait na gamot na mahirap lunukin.”​—National Wildlife EnviroAction.

Isang siyentipiko ng pamahalaan ay nagsabi: “Ang pagsasagawa ng mga pagsusuri ay may pinapanigan. Ang siyensiya ay pinatatakbo ng mga abugado, na nagpapasiya kung aling pagsusuri ang aalalay sa mga pag-aangkin para sa mga pinsala​—o alin ang tutulong upang tutulan ang mga pag-aangkin.” Ibinabangon ng New Scientist ang nauukol na tanong: “Mapagkakatiwalaan ba ang siyensiya kung ang nakatayâ ay ang matinding pagkabahala sa masakim na interes?”

[Picture Credit Line sa pahina 31]

Wesley Bocxe/Sipa Press