Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paano Ako Makaaalpas sa Dalawang-Uring Pamumuhay?

Paano Ako Makaaalpas sa Dalawang-Uring Pamumuhay?

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ako Makaaalpas sa Dalawang-Uring Pamumuhay?

“Binabale-wala ko ang lahat ng sabihin ng aking mga magulang,” ang pag-amin ni Ann. a “Napakarebelde ko noon at nagsisinungaling sa kanila. Magpapaalam ako sa kanila na ako’y magsho-shopping, pero makikipagkita talaga ako sa isang lalaki.”

SI Ann ay namumuhay ng dalawang-uring pamumuhay, at di-nagtagal hindi lamang niya niwawalang-bahala ang kaniyang mga magulang kundi rin naman ang kaniyang budhi na sinanay sa Bibliya. At isa pa, si Ann ay palihim na nakikipagtalik sa kaniyang boyfriend. Ganito ang kaniyang gunita: “Sinikap kong iwaksi nang lubusan sa isipan ko si Jehova.” Gayunman, di-nagtagal napilitan siyang harapin ang nakalulungkot na katotohanan na ‘anuman ang inihahasik ng mga tao, ito rin ang kanilang aanihin.’ (Galacia 6:7) Si Ann ay nagdalang-tao. “Mahal na mahal ko ang aking anak,” ang sabi niya, “subalit hindi dapat danasin ng sinuman ang gaya nito. Hindi walang asawa. Hindi nag-iisa.”

Ikaw ba sa anumang paraan ay nasilo sa dalawang-uring pamumuhay​—na itinatago kung sino ka talaga mula sa iyong mga magulang at kapuwa Kristiyano? Marahil ikaw ay napapasama sa ilang kaibigan sa paaralan na batid mong tinututulan ng iyong mga magulang. O marahil ikaw ay nakagawa ng higit na malubhang di-mabuting paggawi, gaya ng paninigarilyo, labis na pag-inom, o pakikipagtalik nang di-kasal. Sa anumang kalagayan, gaya ni Ann, kapag sumapit na ang panahon saka ito magbubunga ng malulubhang kahihinatnan. b

Magkagayon man, hindi hinahayaan ng ilang kabataan na hadlangan man lamang ng bagay na ito ang kanilang rebeldeng pagkilos. Sila’y gaya ng taong nagsalamin at “kaagad-agad nalilimutan kung anong uri siya ng tao.” (Santiago 1:23, 24) Inaasahan namin na ikaw ay naiiba. Marahil ay nagsuri ka nang mabuti ng iyong sarili​—at hindi mo naibigan ang iyong nakita. Ibig mong magbago. Natalos mo ang pangangailangang magbago. Ang tanong ay, papaano ka magbabago?

Pagsisisi​—Ang Unang Hakbang

Una, kailangang gumawa ka ng pinag-isipang mabuti na pagpapasiya na magbago. Ang Gawa 3:19 ay humihimok nang ganito: “Magsisi kayo, samakatuwid, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapanariwa ay dumating mula sa persona ni Jehova.” Gayunman, ang pagsisisi ay higit pa kaysa kahanga-hangang gawa ng katalinuhan. Ang pagsisisi ay nangangahulugang “pagsisihan, taos na ikalungkot, o damhin, ang anumang maling nagawa ng isang tao.” Ang manunulat sa Bibliya na si Santiago ay nagpayo nang ganito: “Magbigay-daan kayo sa kahapisan at magdalamhati at tumangis. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagdadalamhati, at ang inyong kagalakan ng kalumbayan. Magpakababa kayo sa mga mata ni Jehova.” (Santiago 4:9, 10) Paano ka makapagsisisi sa isang bagay na hanggang ngayo’y nasisiyahan kang gawin? Isipin mo kung gaano ito kasama. Isipin mo kung papaano ito nakasakit sa Diyos. Isipin mo ang mga problema na nilikha sa iyo ng iyong paglilihim at ng mga pagsisinungaling na iyong sinabi upang itago ito. Paalalahanan mo ang iyong sarili na ang Diyos ay nasusuklam sa gawang panlilinlang! (Awit 5:6) Ang pagninilay-nilay sa mga bagay na ito ay makatutulong sa iyo na iwaksi ang maling paggawi kapuwa sa isipan at emosyon.

Gayunman, ang basta pagkadama na masama ang iyong ginawa ay hindi sapat. Isang kabataang lalaki na nagngangalang Robert, na nasangkot sa lihim na pang-aabuso sa droga, ay umamin nang ganito: “Ako’y kahabag-habag. Batid ko ang tama at mali. Subalit, ako’y patuloy na namuhay nang dalawang-uring pamumuhay.” Kaya kailangang kumilos nang may tibay ng loob! Sa 2 Cronica 7:14, sinabi ng Diyos na ang mga nakagawa ng kasalanan ay ‘magpapakumbaba at dumalangin at hanapin ang [kaniyang] mukha at tumalikod sa kanilang masamang mga lakad, kung gayon [kaniya mismong] diringgin sa langit at patatawarin ang kanilang mga kasalanan.’

Ang ‘hanapin ang mukha ng Diyos’ ay nangangahulugang lapitan siya sa panalangin, ipagtapat ang iyong kasalanan, at magsumamo ng kapatawaran. Ito’y maaaring hindi madaling gawin, subalit walang alinlangan na ikaw ay makadarama ng labis na kaginhawahan sa paggawa niyaon. Ganito ang sabi ng salmista: “Nang ako’y tumahimik ay nanlumo ang aking mga buto dahil sa aking pag-angal sa buong araw. Sapagkat araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay. . . . Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasalanan ay hindi ko ikinubli.”​—Awit 32:3-5.

Pagtatapat sa Iyong mga Magulang

Kailangang may isa na makaaalam ng iyong mga suliranin. Subalit sino? Ganito ang pagtatapat ng isang kabataang nagngangalang Brian: “Ang isa sa malaki kong pagkakamali ay ang ipagtapat ang aking mga problema sa aking tinatawag na mga kaibigan sa halip na sa aking Kristiyanong ina. Subalit ako’y natatakot na makipag-usap sa kaniya dahil sa iniisip ko kung ano ang magiging reaksiyon niya, kaya bumaling ako sa aking mga kaibigan, na umakay sa akin na mapalayô nang mapalayô sa katotohanan.” Huwag gawin ang gayunding pagkakamali. Buksan mo ang iyong dibdib sa iyong maka-Diyos na mga magulang. (Ihambing ang Kawikaan 23:26.) Mayroon silang karapatang malaman kung ano ang iyong ginagawa. Ang kabanata 2 ng aklat na Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay may napakaraming mungkahi kung papaano lalapitan ang iyong mga magulang sa bagay na ito. c

Natural lamang, tiyak na hindi maaasahang sila’y malulugod sa iyong pagsisinungaling sa kanila. Subalit ang mga magulang ay may walang maliw na matimyas na pagmamahal sa kanilang mga anak. Ang manunulat na si Clayton Barbeau ay nagsasabi: “Hindi ka nila itatakwil dahil sa ikaw ay nakagawa ng pagkakamali o nasangkot sa isang malaking problema. Ang mga kabataan ay nagdadalang-tao, nagkakaroon ng mga sakit na naililipat ng pagtatalik, nagkakaroon ng suliranin sa alkohol o droga o nasasangkot sa ibang gulo at naghihinuha na ang kanilang mga magulang ay magwawala sa galit. Subalit kapag sila’y nakapagsabi sa kanilang mga magulang, nasusumpungan nilang sila’y niyayapos at inaakbayan ng kanilang mga magulang, at sinasabihan, ‘Buweno, talagang malaki ang problema mo, at titingnan namin kung ano ang aming magagawa upang matulungan ka.’ ” Oo, kapag lumipas na ang sindak at galit sa simula, karamihan ng mga magulang ay nagiging matulungin. Gaano pa kaya katotoo ito sa mga magulang na may takot sa Diyos! Ang kanilang pangunahing ikinababahala ay, hindi upang hiyain ka o saktan ka, kundi upang ituwid ang mga bagay-bagay. (Ihambing ang Isaias 1:18.) Tungkol sa bagay na ito maaari pa nga nilang isaayos na makipag-usap ka sa matatanda sa kongregasyon.​—Santiago 5:14, 15.

Totoo, may ilang karapat-dapat na parusa mula sa iyong mga magulang na kailangang pagtiisan at marahil may higit na mahigpit na mga pagbabawal. Subalit ito’y talagang makatutulong sa iyo upang maiwasan mong bumalik sa dating mga gawi. Isa pa, ang pakikipag-usap ng mga bagay-bagay sa iyong mga magulang at ang matanto ang kanilang maibiging pagkabahala ay tunay na makapagpapabago sa iyong pangmalas sa kanila. Hanggang sa ngayon, marahil ay naghihinanakit ka sa kanilang mga patakaran at mga pagbabawal. Ganito ang pag-amin ng isang babaing nagngangalang Paulette: “Napakahirap na tanggapin ang payo at utos na ibinibigay sa atin ng ating mga magulang. Ngunit natanto ko na ang mga ito ay para sa ating sariling kabutihan at habambuhay na kaligayahan.”

Pagpapalit ng Iyong mga Kasama

Bibihirang kabataan ang nagtataguyod ng dalawang-uring pamumuhay sa ganang sarili. Maaaring marami kang kaibigan na nagpapalakas ng iyong loob na magrebelde! Upang maiwasan na magbalik sa palihim na buhay, kailangan mong magpalit ng mga kaibigan. Ang salmista ay nagsabi: “Hindi ako naupo na kasama ng mga walang kabuluhang tao; ni papasok man ako na kasama ng mga mapagkunwari.” (Awit 26:4) Ang pagkalas sa dating mga kaibigan ay hindi madali. Tulad ng salmista baka kailangang manalangin ka nang ganito: “Iligtas mo ako sa magdaraya at hindi ganap na tao.” (Awit 43:1) Gumawa nang kaayon ng iyong panalangin sa pamamagitan ng pagsasabi sa dati mong mga kaibigan na ikaw ay nagbago na at determinadong gawin kung ano ang tama. Sa halip na maging lihim na tagasunod ni Jesus, ipahayag mo sa iba ang iyong pananampalataya. (Ihambing ang Juan 19:38.) Karaniwan na, ang masasamang kasama ay agad na maghahanap ng ibang mga kasama.

Pagkatapos, kailangang halinhan mo ang masasamang kasama ng mabubuting kaibigan. Kakaunti ba ang mga kabataang may takot sa Diyos? Kung gayon isipin mo ang propetang si Jeremias, na nagsabi: “Hindi ako nauupo sa kapisanan nila na nasasayahan o nagagalak man. Ako’y nauupong mag-isa dahil sa iyong kamay.” (Jeremias 15:17) Mas makabubuti sa iyo na mag-isa kaysa mapasama sa mga kabataang magpapahina ng iyong espirituwalidad. Kaya, karaniwan nang masusumpungan ang tunay na mga kaibigan kung talagang pagsisikapan mo. Halimbawa, si Tammy ay nagsimulang sumama sa kaniyang pinsan na isang buong-panahong ebanghelisador. “Talagang naging malapit kami sa isa’t isa,” ang gunita ni Tammy. “Sa mga araw na wala akong pasok sa paaralan, sumasama ako sa kaniya sa gawaing pangangaral. Nakatulong ito sa akin na gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay.”

Subalit ang “pinakamabuting proteksiyon,” sabi ng isang kabataang Aleman, “ay ang mabuting budhi, na bunga ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos na Jehova.” Ganito ang pag-amin ng isang kabataang babae na nalugmok sa dalawang-uring pamumuhay: “Hindi ako kailanman nagkaroon ng malapit na kaugnayan sa aking Ama, si Jehova.” Sa pamamagitan ng panalangin at personal na pag-aaral, nabago niya ang mga bagay-bagay. “Ngayon ay taglay ko ang kaugnayan kay Jehova na hindi kailanman maaagaw ng sinuman,” ang may pagmamalaking sabi niya. Ikaw rin ay maaaring magtamasa ng isang malapit na pakikipagkaibigan sa Diyos. Kaniyang papatnubayan ka at tutulungan, kahit na nahihirapan kang baguhin ang dati mong mga paggawi. Ganito ang sabi ng isang tapat na lingkod ng Diyos sa Awit 37:24: “Bagaman siya’y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga, sapagkat inaalalayan siya ni Jehova ng kaniyang kamay.” Oo, sa tulong ni Jehova, makaaalpas ka mula sa pamumuhay ng dalawang-uring pamumuhay.

[Mga talababa]

a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.

b Tingnan ang mga artikulo ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” na lumitaw sa aming mga labas ng Disyembre 22, 1993, at Enero 8, 1994.

c Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

[Blurb sa pahina 19]

“Sinikap kong iwaksi nang lubusan sa isipan ko si Jehova”

[Blurb sa pahina 19]

Kailangang gumawa ka ng pinag-isipang mabuti na pagpapasiya na magbago

[Larawan sa pahina 20]

Ipaliwanag mo sa iyong dating mga kaibigan na ikaw ay nagbago na at hindi na makikisama sa kanilang maling gawa