Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Gaano Kaligaya ang Buhay sa Lungsod?

Gaano Kaligaya ang Buhay sa Lungsod?

Gaano Kaligaya ang Buhay sa Lungsod?

ANG nahihirapang sangkatauhan sa mga lungsod sa ngayon ay naghahanap ng kaligayahan sa maraming paraan. Ang mga lungsod na gaya ng Bombay, Bangkok, Monte Carlo, San Francisco, at Dallas ay nagsisikap na ilaan ito. Sa maraming paraan ay nagagawa nila ito. Subalit ang alinman ba sa mga lungsod sa daigdig ay pinagmumulan ng nagtatagal na kagalakan?

Pagkukunwari Laban sa Katotohanan

Maaga sa siglong ito, ang Hollywood ang naging kabisera ng daigdig sa pelikula. Kaya maaaring maging kataka-taka na malaman na ang India ay gumagawa ng marahil kasindami ng 800 pelikula sa isang taon. “Ang mga tao sa India ay sugapa sa mga pelikula,” sabi ng magasing Aleman na Geo, tinatawag ang kanilang pagkasugapa na “halos ay parang isang relihiyon.” Susog pa nito: “Wala saanmang dako na totoong ang sinehan ay nagsisilbing isang kahaliling daigdig para sa natitipong angaw-angaw na nakasusumpong ng tagumpay at kayamanan, kaligayahan at katarungan kundi sa pinilakang tabing lamang.”

Bagaman halos kalahati ng mga pelikula sa India ay ginawa sa Madras sa silangang baybayin, ang industriya ng pelikula nito ay nagsimula sa kanlurang baybayin. Noong 1896, ipinalabas ng magkapatid na Pranses na sina Auguste at Louis Lumière, mga imbentor ng isang komersiyal na prodyektor ng pelikula, ang kanilang unang matagumpay na pelikula sa Watson Hotel ng Bombay.

Ang Bombay ay isang maliit na nayon nang sakupin ito ng Portuges na mga mangangalakal noong 1534. Napangasawa ni Haring Charles II ng Britaniya ang Portuges na prinsesa noong 1661, at ang nayon ay ibinigay sa kaniya bilang isang regalo sa kasal. Noong 1668 ito ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng East India Company, at di-nagtagal ang Bombay ay naging ang pangunahing daungan sa kanluran ng India.

Sinasabi ng isang ensayklopedia na “ang likas na kagandahan ng Bombay ay hindi mapapantayan ng anumang lungsod sa rehiyon.” Dahil sa magandang kapaligiran nito at alinsunod sa daigdig ng pagkukunwari ng mga pelikula ng taga-India ito ay nakatulong sa paglikha​—ng pinaghalong musika, sayaw, at pag-ibig​—ang Bombay ay dapat na tawaging lungsod ng kagalakan.

Subalit ang Bombay ay isa sa pinakamataong lungsod sa daigdig. Pinapapangit ng siksikang mga kalagayan ang magandang kapaligiran ng lungsod at nagdadala ng kaunting kaligayahan sa maraming libu-libo na nakatira sa mga barung-barong “na walang tubig o sanitasyon” at napipilitang gamitin ang “kalapit na mga ilog at bakanteng lote bilang mga palikuran.”​—5000 Days to Save the Planet.

Marami ring relihiyon ang Bombay. Subalit sa halip na magdulot ng kagalakan, nagkaroon ng matinding kaguluhan dahil sa relihiyon sa India. Sa nakalipas lamang na dalawang taon, ang mga ito ay sumawi ng daan-daang buhay sa Bombay lamang.

Hindi Lahat ng Kumikinang ay Ginto

Ang San Francisco ay isa ring lungsod ng likas na kagandahan. Kilala ito dahil sa mga burol nito, dahil sa isa sa pinakamagaling na likas na daungan nito sa daigdig, at dahil sa mga tulay nito, pati na ang Golden Gate na binabagtas ang pasukan sa daungan. Kakaunting bisita ang nananatiling hindi humahanga.

Noong 1835 ang Yerba Buena ay naitatag, at noong 1847 ito ay muling pinanganlang San Francisco. Pagkaraan ng isang taon ang ginto ay natuklasan sa kalapit na dako, at nagsimula na ang pag-uunahan sa bagong tuklas na minahan ng ginto sa California. Isang nayon na may ilang daan lamang maninirahan ay biglang-biglang naging isang malakas na hangganang bayan. Ngunit mayroon din itong mga sagwil, gaya ng kapaha-pahamak na lindol at sunog noong 1906.

Nakatulong sa popularidad ng San Francisco ang internasyonal na istilo nito. Nasa mga hangganan nito, sabi ng The European, ang “hiwalay na mga daigdig na magkaibang-magkaiba sa atmospera at hitsura.” Ilang pambansang grupo ang kumakatawan sa Europa at Asia, gaya ng isa sa pinakamalaking pamayanang Intsik sa labas ng Asia. Itinuturo ng mga residenteng nagsasalita ng Kastila ang pinagmulan ng lungsod sa Mexico.

Kamakailan, binoto ng ilang daang dalubhasang turista ang San Francisco na kanilang “pangarap na lungsod,” pinupuri ang “pambihirang pagsasama ng pagiging palakaibigan, dingal at pagpaparaya.” Ganito pa ang sabi ng isang peryudista: “Kung may isang bagay na nagpapakilala sa Northern California at sa lungsod na tinitirhan ko, ito’y ang pagpaparaya sa lahat ng uri ng pag-uugali ng tao na nakalilito at nakapagpapagalit sa mga tao sa ibang bahagi ng bansa.”

Ang katangian nito na hindi umaayon ay madalas na lumilitaw sa mga ulong balita. Noong dekada ng 1960 asiwang sinubaybayan ng marami ang mahahabang-buhok, gusgusing mga hippie na nagpaparangal sa “pag-ibig” at “kapayapaan” bago bumaba sa pangit na istilo ng buhay ng mga droga at kahandalapakan. At ang lungsod ay mayroong isa sa pinakamalaking pamayanang homoseksuwal sa bansa.

Matinding dagok ng AIDS ang humampas sa San Francisco. Tinatawag ng isang pahayagang Aleman ang epidemya na ang “pinakamalubhang krisis” ng lungsod sapol noong lindol at sunog ng 1906, isinusog pa na ang “masayang kapaligiran [nito] ay tila naglaho na magpakailanman.” Kailangang harapin ng lungsod sa Golden Gate ang isang masakit na katotohanan: Ang “ginintuang” mga istilo ng buhay, bagaman tila maganda, ay nawalan ng kanilang ningning sa gitna ng sama ng loob.

Higit na Tao ang Natatalo Kaysa Nananalo

Ang Monte Carlo, malaon nang isang palaruan para sa mayayaman at piling tao, ay tahanan ng isa sa kilalang pasugalan sa daigdig. Mula sa pagbubukas nito noong 1861, ang pasugalan nito ay isang kilalang puntahan ng mga turista. May ilang pasugalan na tumutugon sa pangangailangan niyaong nag-aakalang ang pagwawagi sa pagsusugal ang daan patungo sa walang-hanggang kaligayahan. Subalit mas maraming tao ang natatalo sa pagsusugal kaysa nananalo.

Ang Monte Carlo ay nasa French Riviera sa prinsipalidad ng Monaco at wala pang dalawa at kalahating kilometro kudrado sa sukat. Ang Monaco ay tinirhan ng mga Romano noong sinaunang panahon. Noong 1297 isang mayamang pamilya ng Grimaldi mula sa Italya ang nangasiwa. Pagkatapos maiwala ang kalayaan nito, una sa Espanya at pagkatapos ay sa Pransiya, ang prinsipalidad ay naisauli sa ilalim ng mga Grimaldi noong 1814.

Noong 1992, si Rainier III, isang inapo ni Grimaldi, ay nagpahayag ng pagkabahala sa kaligtasan ng kaniyang mga sakop. Pagkatapos banggitin na “apatnapung porsiyento ng mga tangker ng daigdig ay nagtutungo sa Mediteraneo,” dagdag pa niya: “Ang Mediteraneo ay 150 ulit na mas maraming polusyon ng langis kaysa North Sea. Walumpung porsiyento ng mga imburnal na nasa gilid ng dagat na ito ay tuwirang naglalabas ng maruming tubig dito.”

Sa kabila ng mga problema, “walang ibang bakasyunan,” sabi ng The European, “ang kaagad makapupukaw ng larawan ng katuwaan at sinaunang kasiglahan sa basta pagbanggit lamang sa pangalan nito.” Nakadaragdag sa larawang ito ang mga pasugalan nito, ang mga museo nito, ang maluhong samahan ng mga yate nito, ang karera ng mga kotse nito​—sinasabi ng ilan ang pinakamalaki sa lahat ng mga karera ng kotse at ang pinakamaganda​—gayundin ang opera house nito. Gayunman, hindi lamang ang kultura ang nakaaakit sa mayayaman sa Monte Carlo; ang mga pakinabang nito sa buwis ay malaki.

Gayunman, ang salapi at kultura ay hindi makatitiyak sa nagtatagal na kaligayahan. Aktuwal na pinanalunan ni Charles Wells, isang Ingles, ang lahat ng pera ng pasugalan sa Monte Carlo noong 1891, subalit sa kabila ng kaniyang ‘mabuting kapalaran,’ siya sa wakas ay nauwi sa piitan. At sa isang lungsod na kilala sa mga katuwaan ng karera ng kotse at pamamangka, baligho nga na ang asawa ni Prinsipe Rainier, si Prinsesa Grace, ay namatay noong 1982 sa isang aksidente sa kotse at na ang asawa ng kanilang panganay na anak na babae ay namatay sa isang aksidente sa karera ng bangka noong 1990.

Kulturang Gawa sa Estados Unidos

Bagaman mapamintas sa makabagong kultura ng Amerika, waring sinusunod ng maraming Europeo ang karamihan ng kaugalian nito. Halimbawa, malugod na pinanood nila habang ang mga tagpo ng intriga at iskandalo ng pamilya ay lumabas sa mga iskrin ng TV sa loob ng ilang taon sa mga seryeng tinawag na Dallas. Pinuri ng isang pahayagang Aleman ang mga serye dahil sa “pagbibigay-kasiyahan sa emosyonal na pangangailangan” at dahil sa pag-iiwan ng “isang diwa ng katiwasayan, pagtitiwala, at isang diwa ng pagiging kabilang sa grupo.”

Ang magasing Time ay hindi gaanong pumuri. Binanggit nito na “ipinagbunyi [ng programa sa telebisyon] ang hayag na pagkahilig dito sa isang sekular na relihiyon . . . Ipinakilala nito sa mga manonood ang Masakim na dekada ng 1980, sa pamamagitan ng pag-idolo sa isang mayamang negosyante ng langis sa Texas.”

Ang larawan na ibinigay sa lungsod ng palabas sa TV na Dallas ay malayung-malayo sa nasa isip ng abugado at mangangalakal na si John Bryan nang itatag niya ang isang trading post noong 1841, marahil ipinangalan ito kay George Dallas, isang pangalawang-pangulo ng E.U. Dahil sa ito’y isang pinansiyal, transportasyon, at tagagawang lungsod​—tahanan ng mas maraming kompaniya ng langis kaysa anumang ibang lungsod sa E.U.​—ang “Malaking D” ay talagang mayaman.

Ang kayamanan ay kalimitang itinutumbas sa kaligayahan, kaya maaaring malasin ng mga tao ang Dallas bilang isang maligayang lungsod. Gayunman, hindi hinahadlangan ng kayamanan na mangyari ang masasamang bagay. Ang Dallas ay siyang lugar kung saan si John F. Kennedy, ang ika-35 presidente ng Estados Unidos, ay pataksil na pinatay noong Nobyembre 22, 1963.

Ang krimen sa malaking lungsod ay isa sa mga problema ng Dallas na nagkakait sa mga tao ng kaligayahan. Ang isa pa ay ang tensiyong panlahi at pangkultura. Sa Dallas, tulad sa lahat ng lungsod na may napakaraming samahang panlahi at pangkultura, nariyan lagi ang potensiyal para sa karahasan, habang nagpoprotesta ang mga kaguluhan dahil sa lahi sa Los Angeles at ang mga kaguluhang relihiyoso sa Bombay.

Nasasakal sa Tagumpay Nito

Dahil sa maraming kanal nito, ang Bangkok ay dating tinawag na “Venice ng Silangan.” Ngayon karamihan ng mga kanal ay nahalinhan na ng mga kalye, at isang report ang nagsasabi na isang “karaniwang motorista ay gumugugol ng katumbas na 44 na araw isang taon na nakaupo sa mahabang hanay ng mabagal-kumilos na trapiko.”

Walang kaalam-alam si Haring Rama I tungkol sa problemang iyon nang gawin niyang isang maharlikang lungsod ang isang maliit na nayon noong 1782, muling pinanganganlan itong Krung Thep, na ang ibig sabihin ay “Lungsod ng mga Anghel.” Nang maitayo ang Grand Palace, ang iba pa tungkol sa lungsod ay inilagay sa palibot nito ayon sa paniniwalang Thai na ang palasyo ang sentro ng sansinukob. Noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II, ang Bangkok ay dumanas ng malaking pinsala mula sa mga pagbomba. Sa kabila ng pangalan nito at ng kahanga-hangang mga templo nito, walang katibayan ng proteksiyon ng mga anghel.

Bagaman ito ay mga 30 kilometro mula sa Golpo ng Siam, ang Bangkok ay ginawang isang daungan dahil sa madalas na paghuhukay sa Ilog Chao Phraya na bumabagtas sa lungsod. Kadalasang lumalaki ang tubig sa ilog at binabaha ang ilang bahagi ng lungsod, ang ilan ay dalawang piye lamang ang taas sa antas ng tubig. Gayunman, ang tubig-baha ay lumiliko sa isang bambang, at ito ay nagdudulot ng ilang ginhawa. Ang isa pang problema ay na libu-libong poso ang nagpangyari sa water table na bumaba. Mula noong 1984 ang buong lungsod ay lumulubog sa bilis na apat na pulgada sa isang taon.

Ang paglago ng Bangkok tungo sa mahigit na limang milyong tao, pati na ang tagumpay sa kabuhayan, ay dapat na maging sanhi ng kaligayahan. At taun-taon milyun-milyong turista ang dumadalaw sa lungsod at pinayayaman ang lungsod sa pamamagitan ng paggasta ng pera roon. Subalit ang bahagi nito ay sa kabayaran ng reputasyon nito, sapagkat maraming turista ang naaakit ng mura at madaling makuhang mga patutot sa mga lugar ng prostitusyon sa Bangkok. Kaya ang lungsod ay kilala ngayon bilang ang kabisera ng kamunduhan sa Dulong Silangan.

Hindi maalis kahit ng kagalakan mula sa mga pangyayari na gaya ng pagdiriwang ng ikadalawang daang taon ng Bangkok​—mga parada ng bulaklak, makasaysayang mga pagtatanghal, maharlikang mga seremonya, klasikal na mga sayaw, at mga kuwitis​—ang kalungkutang nadarama sa lungsod na ito. Ang Bangkok, sabi ng Newsweek, ay “sinasakal ng sarili nitong tagumpay sa kabuhayan.”

Pagkasumpong ng Tunay na Kagalakan

Ano bang talaga ang maiaalok ng makabagong mga sentro ng libangan, gaya ng kinakatawan ng nabanggit na mga lungsod? Sa pinakamabuti ay panandaliang kasiyahan, hindi nagtatagal na kaligayahan. Sa ngayon, ang walang-hanggang kaligayahan ay matatamo kaugnay ng espiritu ng Diyos, kung saan ang kagalakan ay isang bunga.​—Galacia 5:22.

Kaya huwag hanapin ang kagalakan sa walang kabuluhan, huwag sa mga studio ng pelikula sa Bombay, sa mga pasugalan sa Monte Carlo, sa iba’t ibang istilo ng buhay sa San Francisco, sa tila kayamanan sa Dallas, o sa mga dako ng prostitusyon sa Bangkok. Sa susunod na mga labas, malalaman natin kung saan masusumpungan ang walang-hanggang kagalakan.

[Larawan sa pahina 25]

San Francisco, E.U.A.

[Larawan sa pahina 25]

Bombay, India

[Larawan sa pahina 25]

Bangkok, Thailand