Inaalam ang mga Pangangailangan ng Iyong mga Magulang
Inaalam ang mga Pangangailangan ng Iyong mga Magulang
UPANG talagang makatulong sa iyong tumatandang mga magulang, dapat mong malaman ang kanilang mga pangangailangan at higit na nagugustuhan. Kung hindi ikaw ay maaaring—taglay ang mabuting mga intensiyon—magbigay ng mga paglalaan at mga paglilingkod na hindi naman kailangan at gusto ng iyong mga magulang, bagaman maaaring atubili silang sabihin iyan sa iyo. Kung gayon ang iyong kaugnayan, salig sa hindi pagkakaunawaan, ay magiging maigting hindi lamang sa iyo kundi rin naman sa iyong mga magulang.
Ano bang Talaga ang Kailangan Nila?
Inaakalang balang araw ay baka kailangang pumisan sa kaniya ng kaniyang mga magulang, isinaayos ng isang babae na gawin iyon kaagad. Nang dakong huli kaniyang natuklasan na kayang mamuhay ng kaniyang mga magulang sa kanilang sariling tahanan—at magiging mas maligaya sa gayong kaayusan!
Palibhasa’y ipinisan niya ang kaniyang mga magulang, ganito ang sabi ng isang anak na lalaki: “Hindi ninyo kailangang magbayad upang tumira sa aking bahay! Pagkatapos nang lahat ng ginawa ninyo sa akin!” Gayunman, ginagawa nito ang kaniyang mga magulang na para bang labis na umaasa. Sa wakas sinabi nila sa kaniya na mas gugustuhin pa nila ang dignidad ng pagbibigay sa ilang paraan.
Inilalaan ng isang pamilya ang lahat ng maliliit na paglilingkod para sa kanilang tumatandang mga magulang upang tiyakin na sila ay maginhawa at hindi nabibigatan dahil sa pisikal na pagkilos. Nang maglaon natuklasan nila na nais ng kanilang mga magulang na kumilos nang higit sa ganang kanila.
Sa bawat halimbawa sa itaas, ang mga paglilingkod na ginawa ay kapuwa hindi kinakailangan at hindi gusto ng mga magulang. Maaari itong mangyari kung ang isang may mabuting intensiyong anak na lalaki o babae ay nauudyukan ng isang labis-labis na pagkadama ng pananagutan o kung walang kabatiran sa kung ano talaga ang mga pangangailangan ng mga magulang. Isip-isipin ang di-kinakailangang kaigtingan na dulot nito sa lahat ng kasangkot. Ang lunas, mangyari pa, ay alamin ang aktuwal na mga pangangailangan at mga kagustuhan ng iyong mga magulang.
Talaga bang kailangang pumisan sa inyo ng iyong mga magulang sa pagkakataong ito? Gusto ba nila? Maaaring magulat kang malaman na ang ilang may edad na tao ay nais mamuhay nang nagsasarili hangga’t maaari. Palibhasa’y ayaw nilang magtinging walang pagpapahalaga, maaaring mag-atubili silang sabihin sa kanilang mga anak na mas gugustuhin nilang mamuhay sa ganang sarili nila sa kanila mismong tahanan, sa kabila ng ilang kaabalahan. Maaaring mahal nila ang kanilang mga anak at nananabik silang gumugol ng panahon na kasama nila. Subalit ang umasa sa kanilang mga anak? Hindi, maaaring mas gugustuhin nilang gawin ang mga bagay-bagay sa ganang sarili.
Marahil balang araw kakailanganing pumisan sa inyong tahanan ang iyong mga magulang. Gayunman, kung hindi pa dumating ang panahong iyon,
at kung talagang mas gusto nilang mamuhay sa kanilang sarili, bakit mo ipagkakait sa kanila ang mga taóng ito ng pagsasarili? Maaari kayang ang ilang pagbabago o isang regular na nakatakdang mga tawag sa telepono o pagdalaw ay magpangyari sa kanila na patuloy na mamuhay sa kanila mismong tahanan? Baka mas maligaya sila sa kanilang sariling tahanan, gumagawa ng kanilang sariling mga pagpapasiya araw-araw.Ganito ang sabi ng isang nag-aalaga sa pagmamadali niyang ipisan sa kanila ang kaniyang nanay: “Nang mamatay ang itay ko, ipinisan namin si inay, palibhasa’y naaawa kami sa kaniya. Gaya ng nangyari, siya ay nabuhay pa ng 22 taon. Sa halip na ipagbili ang kaniyang bahay, maaari sana siyang patuloy na tumira roon. Kailanman ay huwag magmadali sa pagpapasiya kung anong mga hakbang ang dapat kunin. Ang isang pasiya na gaya niyaon, minsang nagawa na, ay mahirap baligtarin.”—Ihambing ang Mateo 6:34.
‘Ngunit,’ maaaring tumutol ka, ‘ano kung may mangyari sa isa sa mga magulang ko samantalang nakatira sa kanilang sariling bahay? Kung matumba si Inay o si Itay at masaktan, hinding-hindi ko mapatatawad ang aking sarili!’ Talagang nakababahala ito, lalo na kung mahina na ang katawan o kalusugan ng iyong mga magulang sa punto na talagang may panganib na maaksidente. Gayunman, kung hindi naman ganiyan ang kalagayan, tanungin mo muna ang iyong sarili kung ang iyong pagkabahala ay para sa iyong mga magulang o para sa iyong sarili, yaon ay, upang pangalagaan ang iyong sarili mula sa di-wastong pagkadama ng pagkakasala.
Isaalang-alang din ang posibilidad na ang iyong mga magulang ay maaaring mas mabuti pa ang kalagayan sa kanilang sariling tahanan. Sa aklat na You and Your Aging Parents, ganito ang sabi nina Edith M. Stern at Dr. Mabel Ross: “Ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga may edad ay nananatiling mas bata at mas maliksi sa kanilang sariling tahanan kaysa ibang dako. Sa maikli, maraming maling pagsisikap upang gawing maginhawa ang huling mga taon ng kanilang buhay ang lalo lamang nagpapabilis sa kanilang paghina.” Kaya, tulungan ang iyong mga magulang na hangga’t maaari’y mamuhay nang malaya, samantalang ibinibigay ang pangangalaga at mga paglilingkod na talagang kailangan nila. Dapat ka ring gumawa ng pana-panahong pag-alam at pagbabago habang ang mga pangangailangan ng iyong mga magulang ay dumarami o nababawasan pa nga.
Maging Maunawain
Kung isasaalang-alang ang kalusugan at mga kalagayan ng iyong mga magulang, maaaring ang pagpisan nila sa inyong tahanan ang pinakamabuting bagay. Kung gayon, maging maunawain sa posibilidad na maaaring mas gusto nila na hangga’t maaari’y gawin ang maraming bagay para sa ganang sarili. Gaya ng mga tao sa anumang gulang, malamang na nais nilang taglayin ang kanila mismong pagkakakilanlan, ang kanilang sariling iskedyul ng mga gawain, at ang kanilang sariling mga kaibigan. Maaaring mabuti ito. Bagaman magiging kasiya-siyang gawin ang ilang bagay na magkakasama bilang isang karagdagang pamilya, maaaring makabubuti sa iyo na ireserba ang ilang gawain para lamang sa iyong sariling pamilya at payagan din ang iyong mga magulang sa kanilang sariling gawain. Matalinong binanggit ng isang nag-aalaga ang ganito: “Tiyakin na ang iyong mga magulang ay may pamilyar na mga muwebles at mga litrato na nakadispley na mahalaga sa kanila.”
Upang malaman ang tunay na mga pangangailangan ng iyong mga magulang, kausapin sila. Pakinggan ang kanilang mga ikinababahala at unawain kung ano ang maaaring sinisikap nilang sabihin sa iyo. Ipaliwanag sa kanila kung ano ang magagawa mo at hindi mo magagawa para sa kanila upang hindi sila masaktan dahil sa maling mga inaasahan. “Magkaroon ng maliwanag na pagkaunawa sa kung ano ang inaasahan mula sa lahat sa sambahayan,” mungkahi ng isang nag-aalaga. “Magkaroon ng madalas na usapan upang maiwasan ang mga damdamin ng galit at kapaitan at mga paghihinanakit.” Kung gagawa ng anumang matagalang mga pangako (“Tatawagan ko kayo tuwing Lunes ng hapon”; “Ilalabas ko kayo tuwing dulo ng sanlinggo”), baka gusto mong liwanagin sa kanila na nais mong subukan ito sa loob ng ilang panahon at tingnan kung paano ito uubra. Sa ganoong paraan, kung ito’y hindi praktikal, ang pinto ay laging bukás para alaming muli kung alin ang praktikal.
Wala sa anumang nabanggit ang dapat gawing dahilan upang pagkaitan ang mga magulang ng paggalang at tulong na nararapat sa kanila. Ang katayuan ng Maylikha tungkol sa paksang ito ay maliwanag. Pananagutan ng mga anak na may sapat na gulang na igalang, arugain, at alalayan ang kanilang mga magulang. Hinatulan ni Jesus ang matuwid-sa-sarili na mga Fariseo dahil sa pagpilipit sa mga kasulatan upang ipaumanhin ang pagpapabaya sa mga magulang. Ang maliwanag na mga salita sa Kawikaan 30:17 ay nagsisiwalat sa pagkamuhi na nadarama ng Diyos sa mga walang galang sa kanilang mga magulang: “Ang mata na tumutuya sa kaniyang ama at humahamak ng pagsunod sa kaniyang ina—tutukain ng mga uwak sa libis at kakanin ito ng mga inakay na aguila.”—Tingnan ang Marcos 7:9-13; 1 Timoteo 5:4, 8.
Habang ibinibigay mo ang kinakailangang tulong sa iyong mga magulang, maaari mo ring makaharap ang bagong mga panggigipit. Paano mo haharapin ang mga ito? Ang susunod na artikulo ay magbibigay ng ilang mungkahi.
[Mga larawan sa pahina 5]
Ang isang magulang ay maaaring masiyahan sa sariling mga gawain na kasama ng mga kaibigan gayundin ng pamilya