Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Pinapanigan ba ang Diyos sa Isports?

May Pinapanigan ba ang Diyos sa Isports?

May Pinapanigan ba ang Diyos sa Isports?

ISANG matagumpay na mananakbo ay lumuluhod at kumukumpas sa anyo na nananalangin, nagpapasalamat sa kaniyang tagumpay. Gayunman, dapat nating ipalagay na ang ilan sa iba pang mananakbo sa paligsahan ay nanalangin din sa Diyos para sa tagumpay​—at natalo.

Dalawang boksingero ang lumuhod sa magkabilang sulok ng boksing ring bago ang unang raun ng kanilang laban. Sila kapuwa ay nag-antanda ng krus, isang anyo ng tahimik na panalangin sa Diyos para sa tagumpay. Pagkatapos pinatulog ng isa ang kalaban. Sa iba pang labanan, isa lamang boksingero ang maaaring humiling sa Diyos para sa tagumpay, gayunman siya ay maaaring matalo na sindalas ng kaniyang pagkapanalo.

Sa koponang isports, ang mga grupo ng mga manlalaro ay maaaring manalangin bago, sa panahon, o kahit na pagkatapos ng isang laro. Halimbawa, noong huling mga segundo ng isang laro sa football ng American Super Bowl, isang tagasipa ay nakapila para sa napakahalagang field goal na maaaring mangahulugan ng panalo para sa kaniyang koponan o pagkatalo kung hindi niya ito maipasok sa goal. Nang maglaon ay sinabi ng tagasipa: “Ako’y nanalangin tungkol dito.” Subalit ang ilan sa pangkat ng kalaban ay nananalangin din tungkol dito​—na huwag makapasok ang bola.

Bagaman maaaring manalangin ang magkabilang panig, ang isang panig ay kailangang matalo. Kahit na ang nananalong koponan na ang mga manlalaro ay nanalangin para sa tagumpay ay maaaring matalo sa susunod na laro. Oo, sa wakas, sa pagtatapos ng opisyal na panahon ng paglalaro, lahat ng iba pang koponan ay kailangang matalo, sapagkat isa lamang ang maaaring maging kampeon sa isang liga. Gayunman, karamihan niyaong nasa talunang koponan ay may mga manlalarong nanalangin para sa tagumpay.

Sa isang artikulong pinamagatang “Ipunin ang Inyong mga Panalangin, Pakisuyo,” isang kolumnista sa isports ay sumulat: “Dahil lamang sa ipinagmamalaki ninyo kung gaano kalapit ang kaugnayan ninyo sa Diyos, ay hindi nangangahulugan na ito’y totoo. . . . Noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga sundalong Aleman ay may nakasulat na parirala sa hibilya ng kanilang sinturon: Gott mit uns. Ang ibig sabihin: ‘Ang Diyos ay sumasa-amin.’ ” Isa pang manunulat sa isports ay nagsabi: “Ang Diyos ay walang pinapanigan sa mga laro ng football. Ang makamundong mga bagay na gaya nito ay pinagpapasiyahan ng mga lalaki at mga babae, hindi ng Makapangyarihan-sa-lahat.”

Si apostol Pedro ay sumulat: “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” Ang pagsasagawa ng karahasan sa isports ay hindi ‘paggawa ng katuwiran.’ (Gawa 10:34, 35; Roma 14:19) Kung pinakinggan ng Diyos ang mga panalangin niyaong mga humiling ng tagumpay at isang kalahok ay nasaktan o napatay pa nga, dapat bang sisihin ang Diyos?

Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Anumang bagay ang hingin natin alinsunod sa kaniyang kalooban, ay pinakikinggan niya tayo.” (1 Juan 5:14) Upang sagutin ang mga panalangin, dapat malaman ng isa ang kalooban at mga layunin ng Diyos, at ang pagkilos ng isa ay dapat na kasuwato niyaon.​—Ihambing ang Mateo 6:9, 10.

Hindi, ang kalooban at mga layunin ng Diyos ay walang kaugnayan sa mga paligsahan sa isports. Kaya, kapag ang mga panalangin para sa tagumpay ay inihahandog sa mga paligsahan sa isports, nakikinig ba ang Diyos? Tiyak na hindi.

[Picture Credit Line sa pahina 31]

UPI/Bettmann