Bakit Kailangan Nating Lumipat?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Kailangan Nating Lumipat?
Umuwi ka ng bahay galing sa paaralan na punô ng mga plano para sa dulo ng sanlinggo—isang araw sa tabing-dagat, isang laro ng bola, isang tahimik na gabi na ginugol sa pagbabasa. Subalit nang dumating si Inay galing sa trabaho, ibinabadya sa iyo ng kaniyang mukha na may nangyaring hindi maganda. ‘Pinapili nila ako ngayon alin sa lumipat ako ng trabaho o matanggal sa trabaho,’ aniya. ‘Tila kailangan yata nating lumipat.’ Dagli kang nakadama ng pagkalumbay.
KUNG ang iyong pamilya ay lilipat, hindi ka nag-iisa. Sa ilang industriyalisadong bansa, ang paglipat ay naging karaniwang pangyayari sa buhay ng maraming pamilya. Halimbawa, sa Estados Unidos, tinataya ng Kawanihan ng Sensus na ang karaniwang Amerikano ay makalilipat nang 12 ulit sa buong buhay niya. Aba, bawat taon halos 12 milyong Amerikanong kabataan ang nakararanas ng mga kaigtingan sa paglipat! Kaya naman, ang gayong estadistika ay maaaring hindi nakasisiya kapag ang pamilya mo ang siyang lilipat. Maaaring mabalisa ka dahil sa paglipat. ‘Bakit kailangan nating lumipat?’ maaaring may paghihinanakit na maitanong mo.
Ang mga Pamilyang Lumilipat
Kalimitan nang walang gaanong mapagpilian ang pamilya hinggil sa bagay na ito. Noong panahon ng Bibliya ang pamilya ni Elimelech at Noemi ay napilitang lumikas sa kalapit na lupain ng Moab nang pinsalain ng taggutom ang Israel. (Ruth 1:1, 2) Maraming magulang ngayon ang nakararanas mismo ng katulad na mga kahirapan. Sa umuunlad na mga bansa, ang tagtuyo at kapabayaan sa kapaligiran ang pumuwersa sa paglipat ng milyun-milyon sa nagsisiksikang mga lungsod at mga relief center—o sa ibang bansa. Sa Kanluraning mga bansa, ang pagbagsak ng ekonomiya ang sanhi ng pagsasara ng napakaraming mga pabrika at negosyo. Ang dating mauunlad na bukirin ay naging walang pakinabang. Ang mga trabaho ay umunti. Sa gayon ang iyong mga magulang ay halos walang mapagpipilian kundi ang lumipat sa mas maunlad na lugar.
Gayunman, hindi lahat ng pamilya ay lumilipat upang makaiwas sa karalitaan. Ang pag-asenso sa trabaho, ang paglipat ng lugar ng trabaho ng magulang, paghihiwalay ng mag-asawa, mahinang kalusugan, masamang klima—lahat ng ito ay karaniwang mga dahilan kung bakit ang ilang pamilya ay lumilipat. Ang sosyologong si John D. Kasarda ay bumanggit ng isa pang karaniwang dahilan: “Mayroong palagay na ang mga lungsod ay higit na mapanganib ngayon. Ang mga droga, lalo na, ay umakay sa mabilis na pagdami ng krimen sa mga tao at ari-arian.” Inaakala ng ilan na mas ligtas pang mamuhay sa labas ng lungsod o sa isang maliit na bayan.
Noong panahon ng Bibliya, si Abraham ay umalis mula sa kaniyang maalwang tahanan sa Ur upang gawin ang kalooban ng Diyos. (Genesis 12:1; Hebreo 11:8) Gayundin sa ngayon, ang ilang pamilya sa mga Saksi ni Jehova ay lumipat sa mga lugar kung saan may pangangailangan para sa higit pang mga mangangaral ng mensahe ng Kaharian. (Mateo 24:14) Ang iba ay nagsimulang dumalo sa kalapit na kongregasyon kung saan may pangangailangan para sa mga tagapangasiwa o mga ministeryal na lingkod. Bagaman ang gayong paglipat ay hindi naman nangangailangan ng paglipat ng tirahan, ito’y nangangahulugan ng pakikibagay sa bagong grupo ng mga tao at mga kalagayan.
Anuman ang dahilan ng paglipat ng iyong pamilya, malamang na hindi mo ito idea. Mauunawaan naman, hindi ka talaga lubusang nasisiyahan hinggil sa bagay na ito.
Magkahalong Damdamin
Hindi naman lahat ng paglipat ay masama. Ang labindalawang-taóng-gulang na si Justin ay napapakunot kapag naalaala niya ang kaniyang dating tahanan sa malaking lungsod. “Napakasama nito,” ang sabi niya. “Napakaraming karahasan sa aming kapaligiran. Hindi ka makalalayo nang 50 metro mula sa bahay na hindi nababahala tungkol sa mga gang. Ang mga tao ay nagkukulong sa kanilang mga bahay. Kinamumuhian ko ito. Nang malaman kong kami’y lilipat sa lalawigan, natuwa ako.”
Gayunpaman, ang isiping lisanin ang iyong mga kaibigan at kinasanayang kapaligiran ay maaaring magdulot sa iyo ng magkahalong damdamin. Naranasan ng kabataang si Anita ang damdaming ito nang kaniyang mabatid na ang kaniyang pamilya ay lilipat. “Halos buong buhay ko’y ginugol ko sa isang base militar ng E.U. sa Inglatera,” ang kaniyang gunita. “Higit kong itinuturing ang aking sarili na taga-Britanya kaysa taga-Amerika. Nang ako’y sampung taóng gulang, napag-alaman ko na ang aking ama ay ibabalik muli sa Estados Unidos, sa New Mexico—sa disyerto! Noong una ay hindi ko alam ang aking iisipin. Natutuwa ako subalit ako’y nag-aalalá. Ayaw kong lisanin ang aking mga kaibigan. Iyan ang pinakamasaklap na bahagi ng paglipat.”
Kung Bakit Nakaiigting ang Paglipat
Ngayon, ang mga kabataan ay waring lalong madaling maapektuhan ng mga kaigtingan ng paglipat. Ganito ang sabi ng Reader’s Digest: “Ang mga may kabatiran sa kalusugan sa isip ay nagsasabi sa atin na kahit ang nakabubuting paglipat ay nakasasama ng loob, nakababagbag ng damdaming karanasan.”
Halimbawa, ang kagalakan at ang pananabik sa paglipat ay nakaiigting mismo. Ang di-maiiwasang pagkaantala at mga sagwil ay makapagpapaalab sa tensiyon. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso.” (Kawikaan 13:12) Kahit pa inaasam-asam ito ng lahat, “ang paglipat ay maaaring maging sanhi ng matinding kalungkutan at kabalisahan sa mga miyembro ng pamilya,” sabi ng magasing Parents. “Ito’y dahilan sa ang pagpapaalam ay gumigising sa damdamin ng kagulumihanan at kawalang katiyakan sa bagay na lingid sa kaalaman.” Kaya karaniwan nang makararanas ng mga hapdi ng damdamin—pagkasindak, galit, pagkabigo, gayundin ng panlulumo.
Ganito ang sabi ng The Teenager’s Survival Guide to Moving: “Ang paglipat ay higit pa kaysa pagpapalit ng tirahan. Ito’y nangangahulugan ng pagbabago sa maraming pangunahing aspekto ng iyong buhay—ang iyong paaralan, ang iyong mga guro, ang iyong mga gawain, ang iyong mga kaibigan. At ang pagbabago ay laging mahirap, kahit na kung ang pagbabago ay para sa ikabubuti.” Sinabi ng manggagawang panlipunan na si Myra Herbert na ang malimit na paglipat ay maaaring magbunga ng “pagkabigo at kahapisan.” Halimbawa, ang mga batang laging lumilipat ay “patuloy na nagbabago ng mga programa sa paaralan at lalo na kung ang pag-aaral ay mahirap para sa kanila, sila’y sumusuko sa anumang paraan.” Ang paglisan sa mga kaibigan, ang sabi niya, “ay lalo nang mahirap” para sa mga kabataan.
Ang Pagbatá sa Paglipat
Sa gayon, madaling maunawaan kung bakit ang paglipat sa hinaharap ay maaaring magpayamot sa iyo, magpasama ng iyong loob, o magpagalit. Gayunman, ang paglulugami sa negatibong damdamin ay lalo lamang magpapahirap sa mga bagay-bagay. Higit na makabubuti para isa iyo na linangin ang positibong pangmalas. Ang negatibong mga saloobin, gaya ng kabalisahan o kalungkutan, ay totoong likas lamang sa ilalim ng ganitong mga kalagayan. Kalimitan nang naglalaho ang mga damdaming ito sa paglipas ng panahon. Samantala, sikaping magtuon ng pansin sa mga pakinabang ng paglipat.
Si Anita, gaya ng nabanggit na, ay 15 taóng gulang na ngayon at lumipat na namang muli. “Kapag ako’y lumilipat, talagang ako’y nalulungkot,” ang kaniyang gunita. “Subalit tinitingnan ko ang positibong bahagi nito—na ako’y magkakaroon ng bagong mga kakilala at makapupunta sa kawili-wiling mga lugar.” Siya’y maligaya at mahusay na nakabagay na sa kaniyang bagong tahanan.
Kung minsan, sa kabila ng iyong pinakamabuting pagsisikap, nananatili pa rin ang negatibong damdamin. Kung gayon, huwag mo itong ipagwalang-bahala. Sa paano man, “ang bagbag na diwa” ay makapipinsala sa iyong kalusugan. (Kawikaan 17:22) Marahil dapat mong higit na bigyang-pansin ang iyong kinakailangang pagpapahinga, pag-eehersisyo, o masustansiyang pagkain. Gayundin naman, kailangang ipakipag-usap mo ang iyong damdamin, lalo na sa iyong mga magulang. (Kawikaan 23:26) Ipabatid mo sa kanila ang iyong mga pangamba at ikinababahala.
Halimbawa, ikaw ba’y nababagabag dahil sa kailangan mong iwan ang pinakamamahal mong mga gamit sapagkat ‘walang gaanong lugar’? O ang paglipat ay napakalapit sa araw ng pagsusulit sa paaralan anupat ikaw ay labis na nagigipit? Anuman ang iyong hinaing, ang Kawikaan 13:10 ay nagpapaalaala sa atin: “Sa kapalaluan ay pagtatalo lamang ang dumarating, ngunit karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.” Ang iyong mga magulang ay maaaring sumang-ayon na magbigay. Kung hindi, sa paano man, sila’y maaaring magkaloob ng simpatiya, tulong, at pampatibay-loob.
Huwag mong pahintulutan ang mga sabi-sabi at nakatatakot na kuwento tungkol sa iyong bagong lugar ang siyang magpahina sa iyong pagsisikap na mapanatili ang isang positibong saloobin. Ang Kawikaan 14:15 ay nagsasabi: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.” Suriin mong mabuti ang totoong mga bagay. Si Anita ay nagsabi: “Nagpunta ako sa silid-aklatan at ako’y nagsuri tungkol sa kapaligiran at kultura ng mga lugar na aming lilipatan.” Marahil ay mabibisita mo nang patiuna ang inyong bagong lugar kung hindi napakalayo ng inyong lilipatan. Malaki ang magagawa nito upang maibsan ang iyong mga pag-aagam-agam at maihanda mo ang iyong isip sa paglipat.
Ipagpalagay na, hindi madali ang paglipat. “Bago ka lumipat,” ang mungkahi ng The Teenager’s Survival Guide to Moving, “pumasyal pang minsan sa huling pagkakataon sa kinagigiliwan mong mga lugar . . . , at basta magpaalam na sa mga ito.” Ikaw ay maaaring gumawa ng album ng mga larawan o scrapbook upang maingatan ang iyong mga alaala. Higit na mahalaga, magkaroon ng panahon na makapagpaalam sa iyong mga kaibigan. Tiyakin mo sa kanila na ang inyong ugnayan ay hindi nagwawakas. Si apostol Juan ay gumamit ng “papel at tinta” upang makipag-ugnayan sa kaniyang mga minamahal, at magagawa mo rin ito! (2 Juan 12) Kung taglay ang determinasyon at pagsisikap, maging ang malayuang pakikipagkaibigan ay maaaring lumago.
Sa pagsapit ng panahon ang mga luha dahil sa pagpapaalam ay maglalaho na, at mahaharap mo na ang hamon ng pakikibagay sa iyong bagong tahanan—ang paksa ng isang artikulo sa susunod naming labas.
[Larawan sa pahina 26]
Bakit hindi magsuri nang patiuna at pag-aralan ang inyong bagong lugar?