Kakayahang Bumasa’t Sumulat sa Gitna ng Bayan ng Diyos
Kakayahang Bumasa’t Sumulat sa Gitna ng Bayan ng Diyos
NOONG sinaunang panahon may mataas na antas ng kakayahang bumasa’t sumulat sa gitna ng bayan ng Diyos. Halos 3,500 taon na ang nakalipas, isinulat ni Moises ang unang limang aklat ng Bibliya. Ang humalili sa kaniya, si Josue, ay pinag-utusang basahin ang Kasulatan “araw at gabi” upang maging matagumpay sa atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos. At sa kanilang pagluklok sa trono, itinagubilin ng Diyos na isulat ng mga haring Israelita sa ganang sarili ang isang kopya ng Kautusan at basahin ito araw-araw.—Josue 1:8; Deuteronomio 17:18, 19.
Ang pagbasa at pagsulat ay hindi limitado sa mga lider ng bansa. Bagaman sa wari’y makasagisag, ang tagubilin sa mga Israelita na “isulat” ang mga utos ng Diyos sa haligi ng pintuan ng kanilang mga bahay ay nagpapahiwatig na ang mga tao ay marunong bumasa’t sumulat. Si Amos ay isang pastol, at si Mikas ay isang propeta buhat sa isang rural na nayon; gayunman, sila kapuwa ay sumulat ng mga aklat ng Bibliya.—Deuteronomio 6:8, 9; Amos 1:1; Mikas 1:1.
Nabasa ni Jesus ang lahat ng kinasihang mga balumbon ng Hebreong Kasulatan sa mga sinagoga, kung saan, noong minsan, hayagan niyang binasa at ikinapit ang teksto sa kaniyang sarili. Ang kaniyang mga apostol ay marunong ding bumasa’t sumulat, sumisipi at binabanggit ang Hebreong Kasulatan nang daan-daang ulit sa kanilang mga isinulat.—Lucas 4:16-21; Gawa 17:11.
Ang Bayan ng Diyos sa Ngayon
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na “gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos [niya].” Inihula rin niya na ang “mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.”—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Tulad ng mga Kristiyano noong unang siglo, sinunod ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang atas na ito sa pamamagitan ng masigasig na pagtuturo at pangangaral nang bibigan. Ipinalaganap din nila ang mabuting balita ng Kaharian sa pamamagitan ng nilimbag na pahina. Mula noong 1920, ang mga Saksi ni Jehova ay nakagawa at nakapamahagi ng mahigit na siyam na bilyong Bibliya, aklat, magasin, at mga pulyeto sa mahigit na 200 wika.
Ang angaw-angaw sa buong lupa ay tumugon1 Juan 5:3.
nang may pagsang-ayon, nagiging mga alagad ni Kristo. Kabilang sa kanila ang mga lalaki’t babae na hindi makabasa o makasulat. Ang mga iliteratong ito ay hindi nakabababang-uri na mga Kristiyano—marami ay matapat na naglingkod sa Diyos sa loob ng mga dekada, nagtiis ng relihiyosong pag-uusig, at nagpakita ng pag-ibig nila kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa kaniyang mga utos.—Marami sa kanila ang nasasabik na bumasa’t sumulat, natatanto na ang kakayahang bumasa’t sumulat ay isang susi na magbubukas ng daan tungo sa mas mayamang pakikibahagi sa kanilang pagsamba sa Diyos. Sa mga pulong, nais nilang sundan ang pagbasa ng Bibliya at ng mga Kristiyanong publikasyon, at nais nilang mabasa ang mga salita ng mga awit upang sila ay makaawit na kasama ng kanilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae. Sa tahanan, nais nilang patibayin ang kanilang sarili at ang kanilang mga sambahayan sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya. Sa ministeryo, nasasabik silang turuan ang iba ng katotohanan ng Salita ng Diyos nang hindi umaasa sa iba na basahin ito para sa kanila.
Pagkatutong Bumasa
Tumutugon sa pangangailangang ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsaayos upang itaguyod ang kakayahang bumasa’t sumulat sa kanilang mga kongregasyon at nang isahan. Sa buong daigdig, naturuan nila ang di-mabilang na mga lalaki’t babae. Sa Nigeria lamang, tinuruan ng mga Saksi ni Jehova ang mahigit 23,000 na bumasa’t sumulat. Isa sa mga ito ay si Effor. Sabi niya:
“Ako’y nagsimulang bumasa at sumulat noong 1950 nang ako ay 16 anyos. Ang klase na nagtuturong bumasa’t sumulat ay isinagawa ng mga Saksi ni Jehova. Ginamit namin ang isang manwal na inilimbag ng Samahang Watch Tower, at kami’y binigyan ng mga gawaing-bahay na pagbasa na gagawin sa bahay.
“Akala ko na ang aking kamangmangan ay tulad ng isang sakit. Nais kong ipaliwanag ang Bibliya sa aking mga kapatid na lalaki at mga kaibigan, subalit palibhasa’y hindi ako marunong bumasa’t sumulat, hindi ko ito magawa nang mahusay. Ang gumanyak sa akin na mag-aral ay ang pagnanais kong mangaral at magturo sa iba na maging mga alagad ni Kristo. Ako’y sumulat sa lahat halos ng bagay na masumpungan ko, kahit na sa dahon ng saging. Ang pagnanais kong matutong bumasa’t sumulat ay napakasidhi anupat patuloy akong nagsasanay kung paano bumasa at sumulat sa aking mga pangarap. Hiniling ko sa iba na tulungan ako; hindi ko ikinahihiya iyan. Natatandaan ko ang pagsulat ng mga liham sa mga kaibigan at inaabot ko ang mga sulat sa mga nag-aaral upang kanilang ituwid.
“Tumagal nang isang taon upang matuto ako sa klase ng kongregasyon para matutong bumasa’t sumulat. Pagkatapos ako’y naatasang magturo sa klase. Binigyan ako niyan ng pagkakataon na tulungan ang marami pang iba.
“Malaki ang naitulong sa akin ng paaralang iyon sa nakalipas na mga taon, ako’y nagkapribilehiyong
isalin ang mga drama ng Samahan mula sa Ingles tungo sa Isoko, ang aking katutubong wika. Bukod pa riyan, ako’y naglingkod bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon mula noong mga taon ng 1960. Noong dekada ng 1980, ako’y naglingkod bilang isang kahaliling naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova. Nagkapribilehiyo rin akong isagawa ang Pioneer Service School [isang paaralan para sa buong-panahong mga ministro] at dalawang beses upang magturo sa Kingdom Ministry School [isang paaralan para sa Kristiyanong matatanda]. Batid ko na kung ako ay iliterato pa rin, lahat ng mga pribilehiyong ito ay hindi naibigay sa akin.“Labis kong pinahahalagahan ang kaayusang ito na turuan ang mga mapagpakumbaba na matutong bumasa’t sumulat! Kung minsan kapag ako’y nahihiga sa gabi, pinasasalamatan ko pa rin si Jehova na ako ay hindi na iliterato sa modernong sanlibutang ito.”
Mapagmahal na pinagkalooban ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, ang sangkatauhan ng kakayahang bumasa’t sumulat. Subalit ang mga kasanayang ito ay hindi nakakamit nang walang pagsisikap. Ang pinakadakilang gantimpala sa pagkatutong bumasa’t sumulat ay ang mahawakan ang Salita ng Diyos at sundin ang banal na tagubiling: “Iyong babasahin ito nang may pagbubulaybulay araw at gabi.”—Josue 1:8.
[Kahon sa pahina 9]
Kung Paano Tutulungan ang Inyong mga Anak na Magkaroon ng Hilig sa Pagbasa
● Magpakita ng halimbawa sa pamamagitan ng regular na pagbabasa mismo. Ang mga magulang na nagbabasa ay malamang na magkaroon ng mga anak na nagbabasa.
● Kausapin ang inyong sanggol mula sa pagkasanggol. Ang pagkalantad sa makabuluhang wika ay tutulong sa mga bata na maunawaan ang mga salita at mga idea na gagawang mas madali sa pagkatutong bumasa.
● Palaging basahan ang inyong mga anak. Kapag kalong ninyo sila at binabasahan, nakukuha ng mga sanggol ang mensahe na ang mga salita at mga aklat ay mabuti, kahit na sila’y bata pa upang maunawaan ang kuwento ng binabasa. Patuloy na basahan ang inyong mga anak pagkatapos na matuto silang magbasa sa kanilang sarili. Tinuturuan ng mga guro sa paaralan ang mga bata kung paano magbasa, subalit malaki ang magagawa ng mga magulang upang tulungan silang masiyahan sa pagbasa. Ang mga bata ay natutuwang mapakinggan ang kanilang paboritong mga kuwento nang paulit-ulit.
● Magkaroon ng mga aklat na mababasa ng inyong mga anak sa bahay.
● Himukin ang inyong mga anak na sumulat. Ang batang sumusulat ay karaniwan nang isang mambabasa rin.
● Pumili ng isang tiyak na araw-araw na panahon para sa pagbabasa ng pamilya. Maghalinhinan sa pagbasa, at saka talakayin na magkasama ang materyal. Ang mga panahong ito ay dapat na maging kasiya-siya at nakapagpapatibay.
[Larawan sa pahina 8]
Ang mga taong may takot sa Diyos noong sinaunang panahon ay marunong bumasa’t sumulat