Kamangmangan—Isang Pambuong-Daigdig na Problema
Kamangmangan—Isang Pambuong-Daigdig na Problema
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Nigeria
SI Almaz ay nakatira sa Ethiopia. Nang magkasakit ang kaniyang anak na babae, ang doktor ay nagreseta ng isang botelya ng medisina. Subalit hindi mabasa ni Almaz ang tamang dosis—gaano karami ang dapat niyang ibigay, at kailan? Mabuti na lamang, nabasa ng isang kapitbahay ang reseta. Ang medisina ay naibigay nang tama, at ang bata ay gumaling.
Si Ramu ay isang magsasaka sa India. Nang dumating ang panahon upang mag-asawa ang kaniyang anak na babae, naipasiya niyang isangla ang kaniyang lupa upang makahiram ng pera mula sa isang nagpapautang ng pera roon. Yamang hindi siya makabasa o makasulat, ginamit niya ang tatak ng kaniyang hinlalaki upang lagdaan ang isang dokumento na hindi niya naunawaan. Pagkaraan ng ilang buwan natuklasan ni Ramu na ang dokumento ay isang kasunduan ng pagbebenta—ang kaniyang lupa ay pag-aari na ngayon ng iba.
Si Michael ay nagtrabaho sa isang malaking bukid sa Estados Unidos. Sinabi sa kaniya ng kaniyang superbisor na bigyan niya ng suplementong pagkain ang mga baka. Nasumpungan ni Michael ang dalawang sako sa bodega, subalit hindi niya mabasa ang nakasulat dito. Napili niya ang maling sako. Pagkalipas ng ilang araw, namatay ang mga baka. Lason ang naipakain ni Michael sa kanila. Siya’y agad na sinisante.
Kamangmangan—ang kawalan ng kakayahang bumasa’t sumulat—ay nangahulugan ng pagkawala ni Michael ng kaniyang trabaho. Ito’y nangahulugan ng pagkawala ng isang kawan ng mahusay na karne ng baka para sa kaniyang amo. Ito’y nangahulugan ng pagkawala ni Ramu ng kaniyang lupa. Maaari sanang nangahulugan ito kay Almaz ng buhay ng kaniyang sanggol.
Sang-ayon sa UNESCO (United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization), mahigit na sangkapat ng adultong populasyon ng daigdig—mahigit na 960 milyong lalaki at babae—ang hindi makabasa o makasulat. a Sa nagpapaunlad na mga bansa, 1 sa bawat 3 adulto ay iliterato. Tulad nina Almaz, Ramu, at Michael, ang milyun-milyong gaya nila ay hindi makabasa ng isang tanda sa daan, pahayagan, o ng isang talata sa Bibliya. Palibhasa’y iliterato ay hindi nila mabasa ang napakaraming kaban ng impormasyon na masusumpungan sa mga magasin at mga aklat. Hindi sila makasulat ng isang liham o sagutan ang isang payak na pormularyo (form). Ang karamihan ay hindi pa nga marunong sumulat ng kanilang pangalan. Palibhasa’y hindi makalahok sa mga trabaho kung saan kahilingan ang pagbasa at pagsulat, marami ang nananatiling walang trabaho, ang kanilang mga talino ay hindi nagagamit, ang kanilang mga kakayahan ay hindi napauunlad.
Hindi kasali sa bilang na ito ang napakaraming adulto na tinatawag na functionally illiterate—nakababasa at nakasusulat sa antas ng elementarya subalit hindi sapat upang pangasiwaan ang mas masalimuot na mga atas ng pagbasa at pagsulat sa araw-araw na buhay. Sa Estados Unidos lamang, ang functional na iliteratong mga adulto ay may bilang na 27 milyon.
At kumusta naman ang mga bata? Bagaman ang
bilang ay hindi kumpleto, yamang ang mga surbey ay hindi isinagawa sa lahat ng bansa, tinataya ng United Nations Children’s Fund na 100 milyong bata na nasa edad na nag-aaral sa buong daigdig ay hindi kailanman makapapasok sa isang silid-aralan. Ang 100 milyon pa ay hindi makatatapos kahit ng pangunahing edukasyon. Sa katunayan, ang Kagawaran ng Pampublikong Impormasyon ng UN ay nagsasabi na sa rural na mga dako ng nagpapaunlad na daigdig, kalahati lamang ng mga bata ang tumatanggap ng mahigit na apat na taon ng panimulang edukasyon. At sa ilang industriyalisadong bansa, maraming bata ang gumugugol ng mas maraming panahon sa harap ng telebisyon kaysa panahong ginugugol nila sa paaralan.Ang iliteratong mga bata ay karaniwang lumalaking iliteratong mga adulto. Ano ang nagpapangyari sa pangglobong problemang ito? Ano ang magagawa upang tulungan ang isang adulto na hindi makabasa o makasulat? Ang mga katanungang ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang isang iliterato, gaya ng pagpapakahulugan ng UNESCO, ay isang tao sa gulang na 15 o mas matanda pa na hindi makabasa o makasulat ng isang maikli, payak na pangungusap tungkol sa kaniyang sarili o sa kaniyang buhay.
[Larawan sa pahina 3]
Mahigit na sangkapat ng adultong populasyon ng daigdig ay hindi makabasa o makasulat