Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Pagtatangi ng Lahi Sa inyong seryeng “Magkakaisa ba Kailanman ang Lahat ng Lahi?” (Agosto 22, 1993), tinatalakay ninyo ang paksang tungkol sa pagtatangi ng lahi. Subalit bakit kayo huminto roon? Bahagi lamang ba ng kayarian ng tao na magkaroon ng pag-aalinlangan sa isang tao na naiiba? Isip-isipin ang pagtatangi sa pagitan ng mga manggagawa at mga propesyonal, sa pagitan ng mga taga-lungsod at taga-lalawigan, sa pagitan ng mga kabataan at matatanda. Sa ngayon ay may kausuhan na magmalabis sa pagtatangi sa lahi dahil sa pulitika at ibang mga dahilan.

B. G., Alemanya

May iba pang lumalaganap na anyo ng pagtatangi, subalit karaniwan nang ang mga ito’y hindi sanhi ng paghihirap, kawalang-katarungan, at pagkakabaha-bahagi na pinangyari ng pagtatangi ng lahi. Sa gayon inaakala naming aming pananagutan na magbigay ng pantanging pansin sa napapanahong paksang ito.​—ED.

Awit ng Ibon Katatapos ko lamang basahin ang artikulong “Awit ng Ibon​—Isa Lamang Magandang Himig?” (Hunyo 22, 1993) Ako’y nagalak na malamang ang mga himig ng ibon, na marahil ang ilan ay inaakalang kasiya-siyang huni lamang, ay talagang may kahulugan. Salamat sa paglalathala ng mga artikulo na nagsasabi sa amin ng tungkol sa kamangha-manghang mga gawa ng paglikha ni Jehova.

A. P. C., Brazil

Binanggit ng inyong artikulo ang tungkol sa isang siyentipikong taga-Britanya na nakapansing idinagdag ng ilang umaawit na mga pipit ang tunog ng isang telepono sa kanilang talaan ng mga awit. Kaming mag-asawa ay may gayunding karanasan. Noong nakaraang taon ang ilang umaawit na pipit ay gumawa ng kanilang pugad malapit sa aming bangkô sa hardin. Upang huwag takutin ang mga ito, isinipol namin ang katulad na maikling huni sa tuwing kami’y mapapalapit sa pugad. Nitong tagsibol, inaawit ng ilang pipit ang himig na isinipol namin noong nakaraang taon!

K. M., Alemanya

Aborsiyon Ako po’y 14 na taóng gulang, at ang inyong seryeng “Aborsiyon​—Ang Paggawa at ang Pagkitil ng Buhay” (Mayo 22, 1993) ay nakatulong sa akin na maunawaan nang higit kung gaano kahalaga ang paksang ito sa ngayon. Idiniin nito na bagaman ang di pa naisisilang na sanggol ay nasa katawan ng babae, higit pa sa kaniyang katawan ang naaapektuhan ng pagpapalaglag. Ang di pa naisisilang na sanggol ay isang buhay mula sa panahon mismo ng paglilihi​—hindi lamang isang himaymay. Inaakala kong dapat na ipagbawal ang aborsiyon.

J. R. W., Estados Unidos

Bagaman maliwanag na hinahatulan ng Kasulatan ang aborsiyon, ang “Gumising!” ay hindi makapulitika at hindi kaanib ng anumang grupo na naghuhumiyaw sa pagbabawal sa aborsiyon. Sa halip, ang aming mga artikulo ay nilayon upang tulungan ang mga tao na ikapit sa kanilang buhay ang Salita ng Diyos.​—ED.

Mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan Ibig ko kayong pasalamatan sa serye ng mga artikulong “Mga Batang Dumaranas ng Kaigtingan​—Paano Sila Matutulungan?” (Hulyo 22, 1993) Ito’y naglaan ng kapaki-pakinabang na impormasyon upang tulungan kaming mga magulang na maunawaan kung paanong tayo’y maaaring, dahil sa kawalang karanasan o kaigtingan, lumikha ng masasamang karanasan sa ating mga anak.

M. L. S., Italya

Ang daigdig ay naging isang lugar kung saan ang mga bata ay nakararanas ng kaigtingan. Nanlulumo ako noon dahil sa masasagwang pangalan na ibinabansag sa akin ng aking mga magulang kapag mabagal akong gumawa. Napakasakit nito para sa akin. Naunawaan ko mula sa mga artikulo na hinuhubog ng mga magulang ang mga anak mula sa araw ng kanilang pagsilang. Kung ako’y magiging isang magulang, ibig ko na magkaroon ng empatiya at ako’y mangangatuwiran sa aking mga anak.

N. K., Hapón

Ang mga artikulo ay talagang nakabagbag ng aking damdamin. Ako’y nakaranas ng pananakit mula sa akin mismong ina. Tinulungan ako ng artikulo na maunawaan kung bakit ako naapektuhan ng aking ikinikilos sa ilang kalagayan at kung bakit malimit akong nakadarama ng kawalang-halaga at kawalang pagtitiwala-sa-sarili. Tinulungan ninyo ako na talagang magtiwala kay Jehova. Ang kirot ng damdamin ay naroroon pa rin, subalit batid kong kaniyang ipinangako na aalisin ang masasamang alaala sa puso at isip. Ito’y labis na nakaaliw sa akin.

E. B., Inglatera