Nailigtas ng Pananampalataya sa Diyos
Nailigtas ng Pananampalataya sa Diyos
MAYO 1945 noon, at katatapos lamang ng Digmaang Pandaigdig II sa Europa. Dumating ako sa bahay sa Chojnice, Poland, dalawang araw lamang bago nito. Ang paglalakbay ay tumagal halos nang dalawang buwan, yamang ako’y naglakad, at ako’y huminto nang maraming ulit habang daan upang dalawin ang mga tao. Ang naunang dalawang taon ko ay ginugol sa piitang kampo ng Stutthof, malapit sa Danzig (ngayo’y Gdansk).
Nakaupo sa sala, si Inay, ang aking dalawang kapatid na babae, at ako ay nasisiyahan sa isang pagdalaw. May kumatok sa pinto sa harapan, at si Elaine, ang ate ko, ay humingi ng paumanhin upang buksan ang pinto. Hindi namin ito binigyan ng gaanong pansin hanggang sa marinig namin ang kaniyang sigaw. Agad akong napalundag mula sa silya at tumakbo sa pinto. Nakatayo roon sina Wilhelm Scheider at Alfons Licznerski, dalawang kapuwa Kristiyano na akala ko’y namatay na pagkatapos ko silang huling makita.
Pagkatapos kong titigan sila ng ilang sandali na bukás ang bibig at halos ay hindi makapaniwala, tinanong ako ni Brother Scheider kung patutuluyin ko ba sila. Ginugol namin ang nalalabing panahon ng araw na iyon hanggang sa kinagabihan na muling kinikilala at muling ginugunita kung paano kami iniligtas ng Diyos na Jehova noong panahon ng aming pagkabilanggo. Bago ko ibahagi ang ilan sa mga karanasang ito, hayaan mong ipaliwanag ko kung paano ako napunta sa piitang kampo.
Sinubok ang Pananampalataya sa Kabataan
Ang aking mga magulang ay naging mga Estudyante ng Bibliya (gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon) noong panahong ako ay isilang, noong 1923. Ang mga taon bago ang Digmaang Pandaigdig II ay hindi madali para sa mga Saksi. Ang relihiyong Katoliko ay itinuro sa paaralan, at ang mga Saksi ay tinatrato nang malupit. Ako’y laging nililigalig ng ibang bata, at ang guro ay walang salang kakampi sa mga bata laban sa akin. Mahirap din ang gawaing pangangaral. Minsan nang kami’y nangangaral sa kalapit na bayan ng Kamien, hindi kukulangin sa sandaang taong-bayan ang pumalibot sa amin na halos 20 Saksi. Tamang-tama ang dating ng mga sundalong Polako upang iligtas kami mula sa pang-uumog.
Ang pag-uusig ay tumindi nang sakupin ng Alemanya ang Poland noong Setyembre 1939. Sa wakas, noong 1943, ako’y dinakip ng Gestapo dahil sa pagtangging maglingkod sa Hukbong Aleman. Nang ako’y dakpin, ako’y tinanong ng Gestapo, sinisikap na ibigay ko sa kanila ang mga pangalan
ng iba pang mga Saksi sa dakong iyon. Nang ako’y tumanggi, sinabi sa akin ng espiyang Gestapo na malamang na ako’y mamatay sa isang piitang kampo.Una, ako’y ipinadala sa piitan sa Chojnice, kung saan ako ay binugbog ng dalawang tagapagbilanggo ng isang pambambong goma, pinipilit akong ikompromiso ang aking determinasyong manatiling tapat kay Jehova. Ang pambubugbog na ito ay nagpatuloy sa loob ng 15 o 20 minuto, at sa lahat ng panahon ako ay taimtim na nananalangin. Sa pagtatapos ng pagbugbog, ang isa sa mga tagapagbilanggo ay nagreklamo na siya ang unang mapapagod kaysa akin.
Kataka-taka nga, pagkatapos ng unang mga hampas, talagang wala na akong maramdaman. Sa halip, para bang naririnig ko lamang ang mga ito, tulad ng pagpalo sa isang dram sa malayo. Tiyak na iniligtas ako ni Jehova at sinagot ang aking mga panalangin. Ang balita tungkol sa pambubugbog ay kumalat sa bilangguan, at ako ay tinawag ng ilan na “ang tao ng Diyos.” Di-nagtagal pagkatapos ako ay ipinadala sa punong tanggapan ng Gestapo sa Danzig. Pagkalipas ng isang buwan ako ay dinala sa piitang kampo ng Stutthof.
Ang Buhay sa Stutthof
Pagdating kami ay sinabihang pumila sa harap ng mga kuwartel. Itinuro ng isang kapo (isang bilanggo na nangangasiwa sa iba pang bilanggo) ang tatlong pagkalaki-laking tsiminea ng sunugan ng mga bangkay at sinabi sa amin na sa loob ng tatlong araw kami ay makakasama ng aming Diyos sa langit. Alam kong si Brother Bruski, mula sa aming kongregasyon sa Chojnice, ay ipinadala sa Stutthof, kaya sinikap kong hanapin siya. Gayunman, isang kapuwa bilanggo ang nagsabi sa akin na siya ay isang buwan nang patay. Ako’y labis na nasindak at nabalisa anupat ako’y natumba sa lupa. Naisip ko na kung si Brother Bruski, isang Kristiyanong malakas sa pangangatawan at sa espirituwal, ay namatay, tiyak na mamamatay rin ako.
Tinulungan ako ng ibang bilanggo pabalik sa kuwartel, at noon ko unang nakilala si Brother Scheider. Nang maglaon ay nalaman ko na bago ang digmaan siya ang tagapangasiwa ng sangay sa Poland. Matagal niya akong kinausap, ipinaliliwanag sa akin na kung mawawalan ako ng pananampalataya kay Jehova, ako ay mamamatay! Inakala kong siya ay isinugo ni Jehova upang palakasin ako. Oo, anong pagkatotoo nga ng kawikaan na nagsasabing: ‘May kapatid na ipinanganak na ukol sa kasakunaan’!—Kawikaan 17:17.
Ang pananampalataya ko noong panahong iyon ay nanghina, at itinawag-pansin sa akin ni Brother Scheider ang Hebreo 12:1. Doon ang mga Kristiyano ay sinabihan na mag-ingat sa kasalanan na madaling nakasasalabid sa kanila, yaon ay, ang kawalan ng pananampalataya. Tinulungan niya akong alalahanin ang tapat na mga taong binabanggit sa Hebreo kabanata 11 at suriin ang aking pananampalataya kung ihahambing sa kanila. Hangga’t maaari ako ay nanatiling malapit kay Brother Scheider mula noong panahong iyon patuloy, at bagaman siya ay mas matanda sa akin ng 20 taon, kami’y naging matalik na magkaibigan.
Minsan isang malaking tao na may berdeng tatsulok na nakatahi sa kaniyang kasuutan (na nangangahulugang siya ay isang kriminal) ay nagsabi sa akin na ako’y tumayo sa ibabaw ng mesa at mangaral sa mga bilanggo tungkol kay Jehova. Nang simulan kong gawin iyon, ako’y pinagtawanan ng ibang mga bilanggo. Subalit sila’y pinuntahan ng malaking lalaki at pinatahimik sila—ang lahat ay takot sa kaniya. Kung kami’y nagtitipon upang kumain sa tanghali at sa gabi sa lahat ng araw ng sanlinggo, pinatatayo ako ng malaking lalaking ito sa ibabaw ng mesa upang mangaral.
Nang sumunod na linggo ang ilang bilanggo, kasama na ako, ay inatasan sa ibang kuwartel. Isa pang bilanggo na may berdeng tatsulok ay lumapit sa akin at nagtanong kung bakit ako ipinadala ng aking Diyos sa “impiyernong” ito. Ako’y sumagot na ito ay upang mangaral sa mga bilanggo at na ang pagkanaririto ko ay nagsilbing pagsubok sa aking pananampalataya. Samantalang kasama ng mga bilanggong ito, ako’y pinahintulutang tumayo sa harap nila at mangaral gabi-gabi sa loob ng dalawang linggo.
Isang araw ay sinabi ng isang kapo sa isang kapuwa bilanggo na bugbugin ako. Siya ay tumanggi, nanganganib na siya mismo ay mabugbog. Nang tanungin ko siya kung bakit hindi niya ako binugbog, sinabi niya na siya ay nagbabalak na magpakamatay noon subalit nakinig siya sa isa sa mga sermon ko, at ito ay nakatulong sa kaniya na baguhin ang kaniyang isip. Inaakala niya na iniligtas ko
ang kaniyang buhay at na hindi niya maaaring bugbugin ang isa na nagligtas ng kaniyang buhay.Nasubok ang Pananampalataya sa Sukdulan
Noong taglamig ng 1944, ang mga Ruso ay papalapit na sa Stutthof. Ipinasiya ng Alemang mga opisyal sa kampo na ilipat ang mga bilanggo bago dumating ang mga Ruso. Pinagmartsa ng mga Aleman ang mga 1,900 sa aming mga bilanggo tungo sa Słupsk. Nang kami’y makarating na sa kalagitnaan, mga 800 na lamang sa amin ang natira. Sa buong panahon ng pagmartsa ay narinig namin ang maraming pagbaril, kaya malamang na ang iba ay binaril o tumakas.
Sa simula ng paglalakad, ang bawat isa sa amin ay binigyan ng 450 gramong tinapay at 220 gramong margarina. Agad na kinain ng marami ang lahat ng ibinigay sa kanila. Gayunman, hinati-hati ko ang sa akin sa pinakamabuting magagawa ko, palibhasa’y nalalaman ko na ang paglalakbay ay tatagal ng halos dalawang linggo. Sasampu lamang ang Saksi sa mga bilanggo, at kami ni Brother Scheider ay nanatiling magkasama.
Noong ikalawang araw ng paglalakbay, si Brother Scheider ay nagkasakit. Mula noon ay binuhat ko siya, yamang kung kami ay hihinto, kami ay babarilin. Sinabi sa akin ni Brother Scheider na sinagot ni Jehova ang kaniyang mga panalangin sa pamamagitan ko upang alalayan siya. Noong ikalimang araw, ako’y pagod na pagod at gutom na anupat inaakala kong hindi na ako makahahakbang pa, ano pa kaya ang buhatin si Brother Scheider. Siya man ay lalong humihina dahil sa kakulangan ng pagkain.
Maaga noong hapong iyon, sinabi sa akin ni Brother Scheider na nais niyang umihi, kaya binuhat ko siya sa tabi ng isang punungkahoy. Ako’y mapagmasid upang matiyak na hindi kami nakikita ng mga bantay na Aleman. Pagkatapos ng halos isang minuto, si Brother Scheider ay humarap na hawak ang isang pan de unan na tinapay. “Saan ninyo kinuha iyan?” tanong ko. “Ito po ba’y nakabitin sa punungkahoy o sa isang bagay?”
Sinabi niya na samantalang ako ay nakatalikod, isang lalaki ang lumapit sa kaniya at binigyan siya ng pan de unan. Iyan ay waring nakapagtataka para sa akin, yamang wala naman akong nakitang tao. Noong panahong iyon na kami’y gutom na gutom hindi namin tinanong kung paano ito naihatid. Subalit masasabi ko na ang kahilingan na itinuro sa atin ni Jesus na manalangin para sa ating kakanin sa araw-araw ay lalong naging makabuluhan sa akin. (Mateo 6:11) Maaaring hindi namin natagalan ang isa pang araw kung wala ang tinapay na iyon. Naisip ko rin ang mga salita ng salmista: “Hindi ko nakita ang matuwid na pinabayaan, ni ang kaniyang lahi ay nagpapalimos ng tinapay.”—Awit 37:25.
Pagkaraan ng halos isang linggo, nang halos nasa kalagitnaan patungong Słupsk, huminto kami sa isang kampo ng Hitler Youth. Doon kami ay lihim na makikipagtagpo sa mga bilanggo mula sa ibang kampo. Si Brother Licznerski ay nagkasakit ng tipos at inilagay sa isang pantanging kuwartel na kasama ng ibang maysakit na mga bilanggo. Gabi-gabi ako ay maingat na lumalabas ng kuwartel na kinaroroonan ko at nagtutungo kay Brother Licznerski. Kung ako’y makita, ako’y babarilin, ngunit mahalaga para sa akin na gawin ang magagawa ko upang pahupain ang lagnat niya. Babasain ko ang isang basahan at uupo sa tabi niya at pupunasan ang kaniyang noo. Pagkatapos ay maingat akong babalik sa aking sariling kuwartel. Nagkasakit din ng tipos si Brother Scheider at inilagay sa kuwartel na kasama ni Brother Licznerski.
Kami’y sinabihan na balak ng mga Aleman na dalhin kami sa Dagat Baltic, isakay kami sa isang bangka, at ihatid kami sa Denmark. Gayunman, ang mga Ruso ay palapit nang palapit. Habang tumitindi ang takot ng mga Aleman at nagsisitakas na, sinamantala ng mga bilanggo ang pagkakataong tumakas. Inutusan ako ng mga Aleman na umalis, subalit yamang sina Brother Scheider at Brother Licznerski ay napakahina pa dahil sa sakit upang maglakbay at hindi ko sila mabuhat, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kaya ako ay umalis, nananalangin na pangalagaan ni Jehova ang mahal kong mga kasamang ito.
Isang oras pagkatapos kong umalis, pinasok ng mga Ruso ang kampo. Nakita ng isang sundalo sina Brother Scheider at Brother Licznerski at inutusan ang isang babaing Aleman na nakatira sa kalapit na bukirin na pakanin sila ng sabaw ng manok araw-araw hanggang sa sila ay gumaling. Sinabi ng babae sa sundalo na kinuha ng mga Aleman ang lahat ng kaniyang mga manok. Saka sinabi ng sundalo na kung hindi niya pakakanin ang
mga lalaking ito, siya ay papatayin niya. Hindi na kailangan pang sabihin, agad niyang nasumpungan ang ilang manok, at ang ating mahal na mga kapatid ay pagaling na!Patuloy na Pagdalisay sa Pananampalataya
Samantalang nasa sala ni nanay, pinag-usapan namin ang tungkol dito at sa iba pang mga karanasan hanggang sa madaling araw. Ang mga kapatid ay nanatili ng dalawang araw at saka nagsiuwi sa kani-kanilang tahanan. Si Brother Scheider ay ginamit ni Jehova nang husto upang muling organisahin ang gawaing pangangaral sa Poland, ipinagpapatuloy ang marami sa kaniyang dating mga pananagutan. Gayunman, dahilan sa pagsupil ng mga Komunista, ang gawaing pangangaral ay naging napakahirap.
Sa tuwina ang mga Saksi ay dinarakip dahil sa pangangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos. Kadalasan ako’y kabilang dito at ako’y tinatanong niyaon mismong nagpalaya sa akin buhat sa mga Nazi. Pagkatapos ay natanto namin kung bakit lubhang pamilyar ang mga awtoridad sa aming mga gawain. Ang mga Komunista ay naglagay ng mga espiya sa loob ng organisasyon upang siyasatin at magbigay-alam tungkol sa atin. Ang pagpasok ay napakamatagumpay anupat isang gabi noong 1950, libu-libong Saksi ang dinakip.
Sa wakas ang aking asawang si Helena at ang aming lumalaking pamilya ay nagpasiyang lumipat sa Estados Unidos. Kami’y dumating noong 1966. Samantalang dumadalaw sa Brooklyn, New York, naiharap ko sa mga may pananagutan sa pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova ang impormasyon na nakatulong sa kanila upang matiyak kung sino yaong inilagay ng mga Komunista sa loob ng organisasyon.—Ihambing ang Gawa 20:29.
Ako ngayo’y 70 anyos na at nakatira sa estado ng Colorado, kung saan ako ay naglilingkod bilang isang hinirang na matanda sa isang lokal na kongregasyon. Dahil sa humihinang kalusugan, hindi ko na nagagawa ang mga bagay na dati kong nagagawa. Gayunman, nasisiyahan pa rin akong makipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian ni Jehova. Kapag gumagawang kasama ng mga kabataan sa ministeryo, sinasamantala ko rin ang pagkakataon na tulungan silang matanto na anumang kagipitan ang dumating sa kanila, si Jehova ay laging naroroon upang gamitin ang kaniyang lakas alang-alang sa kanila na may ganap na pananampalataya sa kaniya.
Habang nililingon ko ang aking buhay, pinasasalamatan ko na iniligtas ako at ang aking mga kaibigan ni Jehova buhat sa mapanganib na mga kalagayan. Ang mga pangyayaring ito ang higit na nagpatibay sa aking pananampalataya sa kaniyang maingat na pangangalaga. Walang alinlangan sa aking isipan na ang sistemang ito ng mga bagay ay malapit nang magwakas sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian” at na ang mga makaliligtas ay magkakaroon ng dakilang pag-asa na isauli ang lupang ito tungo sa isang pangglobong paraiso.—Apocalipsis 7:14; 21:3, 4; Juan 3:16; 2 Pedro 3:13.
Inaasam-asam ko na magkaroon ng bahagi sa dakilang pagsasauling ito ng lupa tungo sa isang paraisong kalagayan, at ikaw man kung gagawin mo ang kalooban ni Jehova nang buong makakaya mo at magtitiwala ka sa kaniyang pangako na ililigtas ang mga sumasampalataya sa kaniya.—Gaya ng inilahad ni Feliks Borys.
[Larawan sa pahina 20]
Isang taon pagkatapos lumabas sa kampong piitan
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ng aking asawa, si Helena