Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Sakuna Kung Lunes
Isiniwalat ng pananaliksik na isinagawa ng Flinders University sa Australia na ang Lunes ay waring ang araw ng sanlinggo na malamang na ang mga tao ay nagpapatiwakal. Gaya ng iniulat ng The Sydney Morning Herald, 19,425 katao ang nagpatiwakal sa Australia sa pagitan ng 1981 at 1990. Ang bilang ng mga babaing nagpapatiwakal ay patuloy ang pagdami sa buong sanlinggo, subalit mas kapuna-puna ang dami nito sa kalalakihan kung Lunes. Pagkatapos ito’y unti-unting bumababa habang lumilipas ang sanlinggo. Ang pagbalik sa trabaho ay tinukoy bilang ang pangunahing sanhing salik. Kung Lunes na mga pista opisyal, ang bilang ng mga nagpapatiwakal ay bumaba, subalit ito’y tataas muli sa susunod na araw, Martes. Isiniwalat ng iba pang pagsusuri na ang karamihan ng mga pagpapatiwakal ay nagaganap sa hapon, kapag tumitindi ang pagkabalisa at nangyayari ang karamihan sa reaksiyon ng matinding nerbiyos. Ang Lunes din ang pinakamasamang araw para sa mga atake sa puso. Ipinakita ng isang pagsusuri na sa 6,000 atake sa puso, 18 porsiyento ang naganap kung Lunes kung ihahambing sa 12 porsiyento kung Linggo. Ang pagliban sa trabaho ay pinakamarami rin kung Lunes.
Dumarami ang Tuberkulosis
Ang tuberkulosis ang pinakanakamamatay na sakit sa daigdig sa kasalukuyan, ang ulat ng pahayagang Dagens Nyheter sa Sweden. Noong 1992, mahigit na 3,000,000 katao ang namatay dahil dito—kapuna-puna ang kahigitan kaysa mga namamatay dahil sa AIDS, kolera, at malarya. Sa isang pagsisikap na maiwasan ang pagkalat ng tuberkulosis, ang World Health Organization ay nagdaos kamakailan ng isang komperensiya sa London. Ipinahayag nito na ang sakit ay isang malubhang epidemya sa buong daigdig, na ang pinakamalubhang naaapektuhan ay ang mga bansang di-maunlad. Subalit ito’y patuloy na kumakalat din sa industriyalisadong mga bansa dahil sa pagdami ng naglalakbay at nandarayuhan. Ang pinakakaraniwang anyo ng TB ay magagamot sa 95 porsiyento ng mga kaso nito, subalit ang mas bago at mas di-tinatalaban ng gamot na mga uri nito ay magagamot sa wala pang 40 porsiyento ng mga kaso.
Ang Nanganganib na Rhino
Halos 20 taon ang lumipas, mga 65,000 rhinoceros ang gumagala-gala sa mga kapatagan at kagubatan ng Aprika. Subalit ang bilang ay nabawasan hanggang sa 2,500 na lamang sa ngayon, at ang ilegal na mga mangangaso ang pangunahing may kagagawan. Sa Zimbabwe na lamang ang dami ng rhino ay bumaba mula sa mahigit na 2,000 noong 1990 hanggang sa wala pang 500. “Walang ibang malalaking mamal sa mundo ang matinding pinapatay, ni mabilis na nalilipol,” sabi ng magasing Our Planet. Ano ang humihimok sa lansakang pagpatay na ito? Ang mga sungay ng rhino. Ang isang pares ng nilagareng sungay sa may ilong ng itim na rhino ay ipinagbibili hanggang sa $50,000 (U.S.) sa black market (bilihang ilegal). Ang ilang sungay ay pinupulbos na ginagamit na gamot sa Silangan. Ang iba ay hinuhugis na pampalamuting mga puluhan ng mga sundang. Ito’y isang malungkot na pangyayari na ang mga sungay ng rhino—ang pambihirang anyo ng pananggalang nito—ang siyang nakalilipol dito.
Ang Nangungunang Pumapatay sa Canada
Sa Canada, ang sakit sa puso ang sanhi ng halos 75,000 kamatayan taun-taon. Ito’y “mahigit pa sa pinagsamang kabuuan ng kanser, AIDS at aksidente,” sabi ng The Edmonton Journal. Ayon sa Canadian Heart and Stroke Foundation, “ang istilo ng buhay na laging nakaupo ay itinuturing ngayon bilang mas nakapipinsalang gaya ng paninigarilyo, mataas na presyon ng dugo at mataas na kolesterol sa dugo.” Ang regular na pag-eehersisyo ang karaniwang kinikilala bilang panlaban sa sakit sa puso. Subalit gaya ng sinabi ni Anthony Graham, pangulo ng cardiology sa Wellesley Hospital sa Toronto, na may ‘palagay na ang nagpapalusog na ehersisyo ay nangangailangan ng mapuwersang pag-eehersisyo.’ Gayunman, kaniyang sinabi pa: “Ikaw ay magtatamo ng kapuna-punang unti-unting pakinabang mula sa di-gaanong mapuwersang pag-eehersisyo.” Iniulat ng Journal na “napatunayan ng siyensiya ang mga pakinabang ng di-gaanong mabigat na ehersisyo gaya ng paglalakad, paggawa sa bakuran, gawaing-bahay at pagsasayaw sa paghadlang sa sakit sa puso.”
Mas Mahaba ang Buhay ng mga Babae sa Asia
Ang haba ng buhay ng kababaihan sa Hong Kong ay patuloy na sumulong sa nakalipas na 20 taon, ayon sa magasing China Today. Noong 1971 ang inaasahang haba ng buhay para sa mga babae sa Hong Kong ay 75.3 taon. Noong 1981 ito’y tumaas hanggang sa 78.5. At noong 1991 naabot nito ang pinakamataas na edad na 80.6. Ang mas masusustansiyang pagkain at pinaunlad na mga paglilingkod sa medikal ang kinikilala sa pagsulong na ito. Ang mga babae sa Asia sa pangkalahatan ay waring nasisiyahan sa mas-mabuti-kaysa-karaniwang haba ng buhay. Ang mga babae sa Taiwan ay maaaring mabuhay ng mga 77 taon. Sa Singapore ang haba ng buhay ng mga babae ay halos 76 taon, at sa People’s Republic of China, ito’y 71 taon. Sinabi ng China Today na “ang mga babae sa Hapón ang nananatiling pinakamahaba ang buhay sa mundo, na 83 taon.”
Mararahas na Laro
Isang bagong henerasyon ng marahas na mga laro sa video ang nagiging
labis na popular sa mga kabataan sa ngayon. Ayon sa magasing Entertainment Weekly, kabilang sa isang laro ang tagpo na kung saan ang “isang babae ang nakasuot ng manipis na pantulog ay sinunggaban sa leeg upang itigis ang kaniyang dugo at gawin itong alak.” Sa isa namang laro, ang mga tauhan ay “gumugulpi nang husto sa mga tao sa isang pandaigdig na paligsahan ng bakbakan sa lansangan,” sabi ng Daily News ng New York. Subalit ang isa pang laro ay inilarawan sa Daily News bilang “nakaiigting ng damdamin.” Ang pahayagan ay nagpapatuloy pa: “Ang mga suntok sa katawan ay may kasamang pagpulandit ng dugo; kapag ang nanalo ay ang masamang-loob kalimitang pinupugutan niya ng ulo ang bayani, at kung minsan ay ipinangangalandakan ang ulo, na ang gulugod ay nakakabit pa. Ang iba pang natatalong kalahok ay ipinapako naman o sinusunog.”Alerdyi sa Pagkain?
Isiniwalat ng pangunahing pag-aaral sa alerdyi sa Timog Aprika na kabilang sa mga batang sinuri na may hika, 43 porsiyento ang “nagkaroon ng masamang reaksiyon sa sulphur dioxide,” ang ulat ng The Star ng Johannesburg. Ang sulfur dioxide ay karaniwang ginagamit bilang pampreserba ng pagkain sa Timog Aprika. Halimbawa, ang mga sulfite at sulfur dioxide ay iniwiwisik sa mga gulay at sariwang prutas sa mga salad bar at sa ilang malalaking pamilihan upang maiwasan ang pangingitim ng mga ito. Ang mga sulfite at sulfur dioxide ay ginagamit din sa ibang pagkain, gaya ng masa ng arina, mga soft drink, alak, at beer. Ang pagsusuri ang naging sanhi ng pagpapatupad sa mas mahigpit na mga batas sa pag-eetiketa sa pagkain.
AIDS sa Hapón
Sa 124 na milyong naninirahan sa Hapón, wala pang 3,000 ang nasuri na may virus ng AIDS, ayon sa opisyal na bilang. “Bagaman sa lihim ipinalalagay ng maraming medikal na manggagawa, ang ilan sa kanila ay nagtatrabaho sa ministri ng kalusugan, na ang Hapón ay mas marami pang biktima kaysa kinikilala ng opisyal na bilang,” sabi ng magasing The Economist. Tinataya ng isang may kabatiran na ang tunay na bilang ay di-kukulanging sampung beses na mas mataas kaysa opisyal na bilang. Sinabi ng magasin na “mahigit sa kalahati ng mga haemophiliac sa Hapón ang inaakalang may HIV, na ang bahagya, di-umano, ay bunga ng pagkahawa sa Factor 8, isang produktong dugo.” Sa Hapón, marami ang umiiwas na pag-usapan ang bahaging ginagampanan ng homoseksuwalidad sa pagkalat ng AIDS. Subalit si Yuichi Shiokawa, pangulo ng Surveillance Committee sa AIDS sa Hapón, ay nagsabi na ang “homoseksuwalidad ay palasak, lalo na sa mga pari at sa mga nasa hukbong sandatahan.”
Pinagmamalabisang Matatanda Na
Sinabi kamakailan ng pahayagang The Vancouver Sun sa Canada na “ang mga bata at mga tin-edyer ang dapat na puntiryahin ng mga programa sa paaralan na nilayon upang pasulungin ang pagpapahalaga sa matatanda na.” Bakit? Sapagkat tinataya na sa Canada “mahigit na 315,000 katao na mahigit nang 65 ang edad ang pinagmamalabisan taun-taon,” ulat ng Sun. Sinabi pa nito na “maraming dalubhasa ang nag-aakala na ang problema ay mas malaki dahil sa ang pagmamalabis ay itinatago ng mga pamilya.” Ang matatanda na ay atubiling umamin na sila’y pinagmamalupitan, inaabuso sa isip, pinababayaan, at pinansiyal na pinagsasamantalahan. Ang di-wastong paggamit ng pera at mga ari-arian ng malalaki nang anak na may kapahintulutan ng abugado ay kalimitang nag-iiwan sa tumatanda nang mga magulang na takot at nanghihina ang loob.
Pagod Habang Nagmamaneho?
Ayon sa The Star ng Johannesburg, Timog Aprika, hanggang sa sangkatlo ng lahat ng mga banggaan ng sasakyan sa bansang iyan ay sanhi ng pagkahapo ng tsuper. Ito’y maaaring kasimpanganib ng pagmamaneho nang nakainom ng alak o nang napakabilis. Ang ilan sa sintoma ng pagod na pagod na tsuper ay namamaga o namimigat na mga mata, nangangarap nang gising, at lumilihis sa daan. Ang panganib ng pagkahapo sa pagmamaneho ay na maaaring hindi namamalayan ng mga tsuper ang kanilang kalagayan hanggang sa maging huli na ang lahat. Ang musika, kape, o sariwang hangin ay hindi talaga makapagtutuwid ng suliranin. Sa katunayan, ang paglabanan ang pagkahapo ay makababawas lamang sa pagtutuon ng isip ng tsuper. Isang tagapagsalita sa Directorate Traffic Safety ang nagpayo nang ganito: “Mayroon lamang isang bagay na kailangang gawin mo kung nararamdaman mong ikaw ay pagod na sa pagmamaneho—huminto agad at magpahinga. Itabi nang husto sa tabing daan ang iyong sasakyan o sa isang pahingahang lugar at saka ipagpatuloy ang iyong paglalakbay tanging pagkatapos mong lubusang makapagpahinga.”
Nakamamatay sa Pagkain
Sa bawat taon halos 80 milyon katao sa Estados Unidos ang nagiging biktima ng pagkalason sa pagkain, ayon sa pahayagan ng Tufts University. “Ang problema ay kalimitang hindi napapansin sapagkat ang karamihan ng mga sintoma nito—pangingiki, lagnat, pagkaalibadbad, pulikat, diarrhea, pagsusuka—ay katulad ng sa trangkaso,” sabi ng pahayagan. Sa ilang kaso ang mga sakit na ito dahil sa pagkain ay nakamamatay. Sa Estados Unidos lamang, halos 9,000 katao ang namamatay taun-taon dahil sa pagkalason sa pagkain. Sinabi ng The Tufts University Diet & Nutrition Letter na “tinataya ng Centers for Disease Control and Prevention na 85 porsiyento ng lahat ng karamdaman dahil sa pagkain ay maiiwasan kung ang mga tao ay may ginagawang mga hakbang sa pag-iingat sa kanilang mga tahanan.” Kabilang sa talaan ng mga pag-iingat ay ang pagtatago ng lahat ng pagkain sa palamigan sa loob ng dalawang oras na mailuto ito at paghuhugas ng lahat ng gulay at mga prutas bago kainin ang mga ito.