Pangunahing mga Lungsod ng Komersiyo
Pangunahing mga Lungsod ng Komersiyo
ANG sinaunang Babilonya ay tinawag sa Bibliya na “isang lungsod ng mga mangangalakal.” (Ezekiel 17:4, 12) Ang katagang iyan ay aangkop din sa sinaunang Tiro, na ngayo’y ang Sur, isang daungan sa Dagat Mediteraneo sa pagitan ng Beirut (Lebanon) at Haifa (Israel).
Sang-ayon sa isang aklat, ang Tiro ay “isang pangunahing daungang Fenecio mula noong mga 2000 BC patuloy.” Nang masakop ng mga Israelita ang Lupang Pangako noong mga 1467 B.C.E., ang Tiro ay isang pangunahing kapangyarihan sa dagat. Ang mga marino nito at ang komersiyal na1 Hari 10:11, 22.
mga plota ng barko ay naging bantog sa kanilang mga paglalayag sa malalayong dako.—Isang Mas Makapangyarihang Plota
“Magpuno ka, Britaniya, magpuno ka sa mga alon,” sulat ng ika-18 siglong makatang taga-Scotland na si James Thomson tungkol sa plota na tumulong upang gawin ang Imperyong Britano na isa sa pinakadakilang dambuhala sa komersiyo na kailanma’y umiral. “Ang kapangyarihan sa dagat ang gumarantiya sa Britaniya upang ito ay mahirap salakayin, sa seguridad ng mga pag-aari ng kaniyang imperyo, at sa mapayapang pag-unlad ng kaniyang pambuong-daigdig na mga interes sa pangangalakal.”—The Cambridge Historical Encyclopedia of Great Britain and Ireland.
Habang lumalawak ang imperyo ng Britaniya, ang kalakalan nito ay naging pangglobo. Sa pagitan ng 1625 at 1783, ang pag-aangkat nito ay dumami nang mga 400 porsiyento at ang pagluluwas nito ay mahigit na 300 porsiyento. Noong 1870, ang mga pagawaang Britano ay gumagawa ng mahigit na sangkatlo ng produktong mga paninda ng daigdig. Dahil sa maliwanag na pangingibabaw ng pound sterling (perang Britano) sa internasyonal na kalakalan, ang London ang naging walang katulad na sentro ng pananalapi ng daigdig.
Sa ngayon ang London ay nangangahulugan ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Naiisip ng mga mahilig sa musika ang opera sa Covent Garden o ang Royal Festival Hall, ng mga apisyunado sa isports ang Wembley at Wimbledon, ng mga manonood sa teatro ang West End. Naiisip ng mga sumusunod sa moda ang Savile Row o Carnaby Street, ng mga estudyante sa kasaysayan ang Tore ng London at ang Britanong Museo, samantalang ang mga mahilig sa maringal na mga pagtatanghal—huwag nang banggitin ang tsismis at iskandalo—ay maaaring mag-isip tungkol sa mga Kapulungan ng Parlamento at sa Buckingham Palace.
Balintuna nga, wala sa mga pang-akit na ito sa turista ang aktuwal na nasa lungsod ng London. Ang aktuwal na lungsod ng London, basta tinatawag na Lungsod, ay nagsisilbi bilang ang sentro ng komersiyo ng isang metropolitang dako na binubuo ng maraming arabal. Sa loob ng lungsod ng London ay masusumpungan ang Bank of England, na magiliw na kilala bilang ang Matandang Babae ng Threadneedle Street. Ito ay ginawang korporasyon sa pamamagitan ng isang batas ng Parlamento noong 1694 at isa sa pinakamatandang bangko sentral ng daigdig. Ang makapangyarihang mga institusyong ito ay kumikilos bilang mga tagapagbangko ng pamahalaan, pinangangasiwaan ang gawain ng komersiyal na mga bangko, at sa pagsupil sa tustos na salapi at utang, kadalasang lubhang naiimpluwensiyahan nito ang patakarang pang-ekonomiya ng pamahalaan. Masusumpungan din sa Lungsod ang Stock Exchange at ang kalapit na Lloyd’s ng London, ang internasyonal na mga ahente sa seguro.
Tinatawag na “Swinging London” noong dekada ng 1960 dahil sa walang iniintinding istilo-ng-buhay, gayunman ang Lungsod ay nagkaroon din ng kalungkutan noong halos 2,000 taon ng pag-iral. Noong 1665 ang Malaking Salot—isang epidemya ng salot buboniko—ay kumitil ng mga 100,000 katao, at pagkaraan ng isang taon halos tinupok ng Malaking Sunog ang Lungsod. Kamakailan lamang, ang mga pagsalakay ng mga tagapagbombang Aleman noong Digmaang Pandaigdig II ay sumawi ng 30,000 mamamayan ng London at sinira o pininsala ang 80 porsiyento ng mga bahay nito.
Hinalinhan ng Isang Kabataan
Kung ihahambing sa London, ang lungsod ng New York, na naitatag noong 1624 ng mga dayuhang Olandes at pinanganlang New Amsterdam, ay isa lamang kabataan. Subalit sa ngayon ito ay isa sa pinakamalaki at pinakaabalang daungan ng daigdig; isang sentro ng industriya, kalakalan, at pananalapi; at ang tahanan ng marami sa pinakamalalaking bangko at mga institusyon sa pananalapi ng daigdig. Bilang isang sentro ng komersiyo, nahihigitan nito kapuwa ang Amsterdam at London. Animo’y sagisag ng pag-ahong ito, ang twin towers ng New York World Trade Center, niyanig noong 1993 ng isang bomba ng terorista, ay may pagmamalaki pa ring itinataas ang kanilang ulo na may 110 palapag sa langit.
Tulad ng bansa kung saan ito ang pinakamalaking lungsod, ang New York ang dako kung saan nagsasama-sama ang mga nasyonalidad. Mula noong 1886 kinawayan ng Statue of Liberty sa daungan nito ang mga mandarayuhan sa isang daigdig na nangangako ng kalayaan at pare-parehong pagkakataon.
Ang ilan sa mga kalye sa New York ay higit pa sa basta pangalan lamang. Halimbawa, ang Broadway ay sagisag ng libangang panteatro, nagtatakda ng mga pamantayan at nagpapasimula ng mga uso
na nakaiimpluwensiya sa buong daigdig. At kumusta naman ang Wall Street? Noong 1792 isang pangkat ng 24 na mga stockholder ay nagtipon doon sa ilalim ng punong buttonwood upang pag-usapan ang pagtatayo ng New York Stock Exchange. Opisyal na naitatag noong 1817, ang Stock Exchange, ang pinakamalaking pamilihang dako ngayon ng mga sapi o stock sa daigdig, ay kilala sa ngayon bilang Wall Street.Ang Broadway ay naglalaan ng nakatutuwang libangan, subalit hindi nito mahihigitan ang Wall Street sa tunay na drama. Noong Oktubre 1987, nang ang Wall Street ay bumagsak, pinakamabilis na pagbulusok sa kasaysayan, lahat ng iba pang nangungunang 22 pamilihan ng sapi sa buong daigdig ay bumagsak din. Isang “diwa ng nalalapit na salagimsim” ang umiral—gayon ang sulat ng isang reporter—na pinalaki ng balita ng “nakatatakot na pagbagsak ng presyo sa lahat ng maagang-magbukas na mga pamilihan: Tokyo, Hong Kong, London, Paris, Zurich.”
Isang mabuway na Wall Street, isang mabuway na World Trade Center—ano ang ibinababala nito para sa daigdig ng komersiyo?
“Dingding-sa-Dingding na mga Tao”
Ang Hong Kong ay totoong matao anupat ito ay minsang angkop na inilarawan bilang “dingding-sa-dingding na mga tao.” Ang distrito ng Mong Kok ay may 140,000 katao sa bawat kilometro kudrado! Karamihan sa lupa ay hinango sa dagat, gayunman halos 1 porsiyento ng populasyon ay literal na nakatira pa rin sa tubig! Kilala roon bilang Tanka, sila ay nakatira sa mga junk o bangka, gaya ng kanilang mga ninunong mangingisda, na nanggaling sa gawing hilaga ng Tsina at nagtayo ng isang munting nayong pangisdaan doon noong ikalawang milenyo B.C.E.
Noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang mga Britano ay dumating at agad na kinilala ang estratehiko at ang pagkamaaasahan sa komersiyo na kinaroroonan ng Hong Kong. Ang ekselenteng daungan ay maaaring marating kapuwa sa silangan at kanluran, at ito ay nasa pangunahing ruta ng kalakalan sa pagitan ng Europa at ng Dulong Silangan. Bilang resulta ng dalawang Digmaan sa Opyo (1839-42 at 1856-60), napilitang isuko ng Tsina ang Isla ng Hong Kong at ang mga bahagi ng Peninsula ng Kowloon sa mga Britano, at sa gayon ang mga ito ay naging kolonyang Britano. Noong 1898 ang buong dako, pati ang Bagong mga Teritoryo sa hilaga, ay ipinaupa sa Britaniya sa loob ng 99 na taon. Sa 1997, kapag natapos na ang pagpapaupa, ang Hong Kong ay ibabalik sa Tsina.
Kung paanong angkop sa isang lungsod na tinatawag ng National Geographic na “ang ikatlong pinakamalaking sentro sa pananalapi ng daigdig at ang ikalabing-isang pinakamalaking kalakalang pang-ekonomiya nito,” ang Hong Kong ay abalang-abala sa paggawa at paggasta ng pera. “Pagpalain ka nawa ng kasaganaan” ang karaniwang bati kung panahon ng mga pagdiriwang ng Lunar na Bagong Taon. At maliwanag na marami sa mga mamamayan nito ay totoong pinagpala nga, na umakay sa magasin na magsabing ang “Hong Kong ay nakakukunsumo ng mas maraming cognac, bawat tao, at ipinagmamalaki ang mas maraming Rolls-Royce, bawat acre, kaysa anumang ibang dako sa lupa.”
Ang kasaganaang ito ay mahirap makita noong Digmaang Pandaigdig II, nang ang komersiyo sa Hong Kong ay lubhang napinsala, ang pagkain ay mahirap makuha, at napakaraming residente ang tumakas tungo sa Tsina anupat ang populasyon ay bumaba ng mahigit na kalahati. Pagkatapos ng digmaan, ang lungsod ay unti-unting umunlad na gumawa ritong isang superpower sa ekonomiya sa Asia. Ang mga produkto nito ay mabili sa pamilihan ng daigdig dahil sa murang bayad sa paggawa at hilaw na mga materyales anupat napananatiling mababa ang halaga. Noong 1992 ang pagluluwas nito ay tumaas nang halos 45 ulit kaysa pagluluwas nito noong 1971.
Ano kaya ang magiging komersiyal, pulitikal, at sosyal na mga resulta kapag ang Hong Kong ay ibalik sa Tsina sa 1997? Ang ilang mamamayan at mga negosyo ay asiwa at lumipat na sa ibang lugar. Ang iba naman ay nanatili, subalit maaaring itinago na nila ang kanilang pera sa isang dako kung saan inaakala nilang ito ay mas matatag.
“Isang Pambuong-Daigdig na Kaha de Yero”
Noong ika-17 siglo, sinunod ng Switzerland ang isang patakaran ng pulitikal na neutralidad, isang patakaran na hindi nito laging matagumpay na napanatili. Gayunpaman, ang perang idiniposito roon ay itinuturing na totoong ligtas. Ang sistema ng pagbabangko ng mga Suiso ay nag-aalok din ng lubusang pagiging lihim. Kaya ang mga taong nagnanais itago ang kanilang mga kayamanan—sa anumang kadahilanan—ay nananatiling di-kilala.
Ang sentro ng mga bagay na ito may kaugnayan sa pera ay ang Zurich. Dahil sa populasyon ng
metropolitan na mahigit sa 830,000, ito ang pinakamalaking lungsod ng Switzerland. Ang estratehikong kinaroroonan nito sa mga ruta ng kalakalan sa Europa ay nakabuti rito sa loob ng mga dantaon, at sa ngayon ito ay nakatayo sa unahan ng modernong daigdig ng pananalapi. Sa katunayan, tinatawag ni Propesor Herbert Kubly ang pangunahing abenida ng Zurich na “ang sentro ng pagbabangko sa Kontinental na Europa at isang pambuong-daigdig na kaha de yero.”Ang Zurich ay gumawa rin ng tanda nito sa relihiyosong mga pagsulong. Isang paring Katolikong nagngangalang Huldrych Zwingli ay nangaral ng isang serye ng mga sermon doon noong 1519 na humantong sa isang pakikipagtalo sa obispong Katoliko ng lungsod. Ang kasunod na mga debate ay ginanap noong 1523, at si Zwingli ang nagwagi. Habang sumisigla ang Suisong Repormasyong Protestante, ang iba pang pangunahing Suisong mga lungsod ay pumanig kay Zwingli at naging mga tagapagtanggol ng kaniyang anyo ng Protestantismo.
Ang mas bagong “anak” ng Zurich ay si Albert Einstein, kilala bilang isa sa pinakadakilang intelektuwal na tao ng siyensiya sa kasaysayan. Bagaman ipinanganak sa Alemanya, si Einstein ay nag-aral ng physics at matematika sa Zurich. Isang tesis na inilathala niya noong 1905 ay nagpangyari pa nga sa kaniya na magwagi ng isang titulo na Doktor ng Pilosopya mula sa University of Zurich. Ang kaniyang mga tagumpay ay kasuwato ng mahabang tradisyon ng Switzerland sa kahusayan sa siyensiya, kung saan ang Zurich ay saganang nakatulong. Ang Federal Institute of Technology nito ay nakagawa ng mas maraming nagwagi ng gantimpalang Nobel kaysa anumang iba pang siyentipikong paaralan sa daigdig.
Bagaman ito ay maraming kayamanan, bagaman ito ay maraming relihiyoso at siyentipikong pamana, ang Zurich ay may problema rin. Inilarawan ng The European ang isang hindi kaaya-ayang tanawin ng lungsod noong nakaraang Mayo. Binanggit nito na bagaman “ang nakahihiyang Needle Park ng lungsod, dating isang internasyonal na dako na nakaaakit sa mga sugapa sa droga” ay isinara, ang lahat ng bagay na nauugnay sa mga gumagamit ng droga at sa kanilang paraan ng pamumuhay ay inilipat sa isang dakong kilala bilang Kreis 5. Ang dakong ito, sabi ng report, “ay kumakatawan sa uri ng bagay na gustung-gustong itago ng Switzerland—kawalan ng trabaho, kawalan ng tirahan, alkoholismo, isang saloobin ng pagsuko, mga suliranin sa pabahay at, higit sa lahat, pag-abuso sa droga.”
Balintuna nga, iniuugnay ng problema ng pag-abuso sa droga ang Zurich sa New York at Hong Kong. Malamang na mahigit sa 80 porsiyento ng heroin na ipinupuslit sa Lungsod ng New York ay galing sa Ginintuang Tatsulok na dako ng hilagang Myanmar, Thailand, at Laos, kung saan ang lihim na mga samahan sa Hong Kong na kilala bilang triads (mga pangkat ng tatlo) ay lubhang kasangkot sa ilegal na kalakalan ng droga. a Sa gayon, marami sa mga dolyar na kinita ng triads sa Hong Kong sa pamamagitan ng mga benta ng heroin sa mga sugapa sa New York ay malamang na idiposito sa mga kuwenta sa bangko sa Zurich.
Ang pangunahing mga lungsod ng komersiyo, angkop na kinakatawan ng London, Zurich, Hong Kong, at New York City, ay maraming pagkakatulad sa sinaunang Tiro. Umuunlad sa ikapipinsala ng iba, ang tagumpay sa komersiyo ng Tiro ay naglinang ng kapalaluan at pagmamataas at sa wakas ay humantong sa kapahamakan.
Mas mabuti kaya ang kalalabasan ng mga sentro ng komersiyo sa ngayon? Mas matatag ba ang kanilang pundasyon? Ang katibayan ay na ang kalalabasan nito ay katulad din niyaong sa mga lungsod na tatalakayin sa aming susunod na labas.
[Talababa]
a Ang triad ay tumutukoy sa isang tatsulok na ginamit ng isa sa kanilang mga ninuno na nangangahulugan ng pagkakaisa ng langit, lupa, at tao. Ang lihim na mga samahang Intsik ay umiral na sa loob ng 2,000 taon; ang makabagong mga bersiyon ay mula pa noong ika-17 siglo. Dati-rati’y pulitikal sa uri, ang mga ito sa ngayon ay kriminal na mga gang. Ang mga ito ay sinasabing “may 100,000 o mahigit na mga miyembro sa buong mundo,” at ang magasing Time ay sumisipi sa isang miyembro ng kagawaran ng pulisya sa Hong Kong na nagsasabi: “Ang Triads ay naglalaan ng kanlungan para sa organisadong krimen.”
[Larawan sa pahina 10]
Hong Kong