Pinupuri ng Reporter sa Kiev ang mga Saksi
Pinupuri ng Reporter sa Kiev ang mga Saksi
PINURI nang husto ni Oleksa Kurpas ang kombensiyon na ginanap ng mga Saksi ni Jehova sa Kiev, Ukraine, noong Agosto 5 hanggang 8, 1993. Ganito ang isinulat niya sa Democratic Ukraine sa Kiev noong Agosto 10:
“Malaon nang hindi nakasaksi ang Republican Stadium ng gayong karaming dumalo . . . Isip-isipin ang 64,000 tao (kabilang dito ang libu-libong banyaga) na nakatira sa mga otel, pumupunta sa mga tindahan, sumasakay sa pampublikong sasakyan. . . . Ang kalipunan ng mga Saksi ni Jehova ay masiglang-masigla. Masigabong pinalakpakan ang mga tagapagsalita na nagpapahayag (gaya noong araw), at tumulo ang luha sa aking mga pisngi.
“Hindi nakikilala ng lahat ng mga tao ang relihiyong ito. Di gaya ng pananampalatayang Orthodox, naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na si Jesu-Kristo ay anak lamang ng Diyos, at ang banal na espiritu ay ang puwersa ng Diyos, o kapangyarihan, (alalaong baga’y, hindi nila tinatanggap ang pagsasama-sama ng tatlo sa Banal na Trinidad). Itinuturo nila na walang impiyerno. Pagkatapos ng isang nakatatakot na paghatol, ang daigdig ay magiging isang paraiso, kung saan ang matutuwid na tao ay mabubuhay at ang mga makasalanan ay mamamatay. Ang mga tagasunod ng relihiyong ito ay pangunahing nagbibigay ng kanilang pansin sa pamilya. Ito’y isang bagay na sagrado, ang tunay na saligan ng mga bagay, ang pinakamaganda at pinakamagiliw na bagay sa daigdig. Taglay nila ang palakaibigang saloobin sa kanilang mga kapatid na lalaki at babae (at ang higit pang kapansin-pansin—ay ang pakikitungo sa mga tao na may ibang relihiyon). Hindi pa ako nakakita kailanman ng ganitong bagay. . . .
“Ang pinakakalugud-lugod na bagay ay naganap noong Sabado, Agosto 7. Sa araw na ito sa Internasyonal na Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, may di-mapapantayang bilang ang nabautismuhan, alalaong baga’y, 7,402. Dahil sa pambihira at mahalagang gawaing ito, anim na malalaking natatanggal na pool ang makikita sa running track ng Stadium. Animnapung lalaking maygulang sa espirituwal ang nagbabautismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig sa bagong mga mangangaral na ito ng mabuting balita. Ang buong seremonya ay tumagal nang 2 oras at 15 minuto. . . .
“Ang bagong mga alagad ay lumabas sa limang bahagi ng istadyum at sinalubong ng palakpakan ng mga Saksi ni Jehova na dumalo sa kombensiyon. Nilampasan ng bilang ng mga nabautismuhan sa Kiev ang dating bilang na naitatag noong 1958 [na 7,136], sa internasyonal na kombensiyon sa New York. Sa pangkalahatan, dahil sa gayong kabuting pagkilos ng organisasyon na gaya sa mga Saksi ni Jehova, ang relihiyosong kilusang ito sa malapit na hinaharap ay tiyak na makapangungumberte ng maraming taong Orthodoxo na matatagal na sa relihiyong iyon.
“Harinawang patawarin ako ng mga lider ng iba’t ibang relihiyon, subalit kung hindi nila ihihinto ang walang kuwentang mga alitang ito sa kanilang sarili mismo, maiwawala nila ang daan-daang libong relihiyosong mga tao. Ipinamalas ng kombensiyong ito na ang pagkakamit ng kapayapaan at pagkakasundo ng mga tao ng iba’t ibang nasyonalidad at mula sa iba’t ibang bansa ay talagang posible.”
[Larawan sa pahina 24]
Ilan sa 7,402 na nabautismuhan sa kombensiyon sa Kiev, Ukraine