Ang Pambihirang Pista ng Nasarenong Itim
Ang Pambihirang Pista ng Nasarenong Itim
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA PILIPINAS
HINDI ka madalas na nakakakita ng ganito karaming tao. Ngunit dito sa Maynila, ang panooring ito ay makikita tuwing Enero 9. Daan-daang libong debotong Katoliko ang nagsisiksikan sa Plaza Miranda sa Simbahan ng Quiapo, habang hinihintay ang paglabas ng Nasarenong Itim.
‘Nasarenong Itim?’ itatanong mo. Oo, ang kasinlaki ng tao na estatuwang ito ni Jesu-Kristo na may pasang krus ang pinakatampok ng isang naiibang prusisyon anupat ayon sa aklat na Filipino Heritage “ay di-mapag-aalinlanganang pinakamalaki, pinakakagila-gilalas . . . na katibayan ng popular na relihiyon sa Tanging Kristiyanong Bansa sa Asia,” ang Pilipinas.
Ang Napakalaking Prusisyon
Sa pagbukas ng mga pinto ng simbahan, ang mga tao’y nagkakagulo sa pagsisigawan kasabay ng tunog ng mga paputok. Inilalabas sa mga tao ang dalawang mahahabang lubid upang hatakin ang karwahe na kinatatayuan ng Nasarenong Itim. Nag-uunahan ang mga deboto sa paghawak sa mga lubid. Ito’y isang malaking karangalan para sa kanila. Ang iba nama’y nagkakawit-kawit ng mga braso upang bigyang-lugar ang pagdaan ng prusisyon. Lahat ng mga lalaki ay nakapaa, bawat isa’y may suot na kamiseta at may nakataling tuwalya sa kaniyang ulo o sa kaniyang leeg.
Mula sa entablado na itinayo sa tabi ng simbahan, kapapaliwanag lamang ng isang tagapagsalita tungkol sa ilang alituntunin para sa naghihintay na mga tao. Isang bagay lalo na ang niliwanag: Sa kabuuan ng prusisyon, bawal ang mga babae. Naging maliwanag ang dahilan yamang ang Nasarenong Itim ay dahan-dahang hinihila patungo sa plasa; nagiging mahirap ang kalagayan.
Iniaabot ng sabik na mga mananampalataya ang kanilang mga kamay, nagtutulakan at nagsasalyahan, sumasampa pa nga sa isa’t isa sa kanilang pagpupumilit na mahipo ang Nasarenong Itim. Kinailangang itulak ng ilang lalaking nakasakay sa karwahe ang ilan sa kanila upang mapangalagaan nila ang imahen mula sa sabik na mga tao. Kung napakarami ang pahihintulutang umakyat nang sabay-sabay, maaaring bumagsak ang plataporma. Sa kabila ng gayong mga paalaala, bumabagsak pa rin ang karwahe paminsan-minsan, at umaabot ng 30 minuto hanggang isang oras upang ayusing muli iyon dahil sa napakaraming tao na nagsisikap makahipo sa imahen.
Nakahilera sa makitid na kalye ng Quiapo ang mga mánonóod upang masaksihan ang Nasarenong Itim habang unti-unti itong umuusad sa palibot
ng distrito. Ang mga kandila ay itinataas upang ipakita ang kanilang debosyon sa imahen. Ang iba naman ay may dalang mas maliliit na imahen galing sa bahay. Kasunod ng prusisyon ay naglalakihang baner na ipinakikilala ang iba’t ibang grupo ng mga deboto ng Nasarenong Itim.Ang ilan sa mga tao ang naghahagis ng mga tuwalya at panyo sa isa sa mga lalaking nakasakay sa plataporma na kinaroroonan ng Nasarenong Itim. Pagkatapos ay ikinukuskos niya ito sa imahen o sa krus nito at inihahagis muli ang mga ito pabalik. Pagkatapos ay ipupunas naman ng tuwang-tuwang mananampalataya ang tuwalya sa kaniyang mukha. Kasunod ng mismong prusisyon ay ang isang mahabang linya ng mga imahen, na karamihan ay mas maliliit na bersiyon ng Nasarenong Itim. Dito ay ligtas para sa mga babae na sumali.
Samantala, sa loob ng simbahan, ang mga mananampalataya, lalo na ang mga babae, ay humihiling ng tulong sa Nasarenong Itim sa ibang paraan naman. Sa pagpasok sa pinto, sumasama sila sa mahabang pila ng iba pa na unti-unting lumalakad nang paluhod sa gitna ng simbahan patungo sa altar.
Ano’t Gayon na Lamang ang Pananabik ng mga Tao?
Di-umano ang estatuwa ng Nasarenong Itim ay siyang pinagmumulan ng di-mabilang na mga milagro. Ang labindalawang-taóng-gulang na si Alberto ay nagsabi na pumunta siya sa pista kasama ng kaniyang lolo at lola sapagkat palaging ibinibigay ng Nasarenong Itim ang anumang hilingin niya sa pagdarasal. Sinasabi naman ni Mauricio na sumasama siya sa prusisyon sa pag-asang patatawarin ang kaniyang mga kasalanan at gayundin upang maibsan ang problema at tensiyon ng pang-araw-araw na buhay.
Nang unang sumama si Mauricio sa pista, siya’y 24 na taóng gulang. Taun-taon ay nahahawakan niya ang mga lubid na humihila sa imahen. Sa ikalima niyang pagsama, gustung-gusto niya talagang makaakyat sa karwahe. Tinulungan siyang makaakyat ng ilan niyang kaibigan, anupat naikuskos niya ang kaniyang tuwalya sa mga paa ng Nasarenong Itim; saka lumuksong pabalik sa karamihan. Ito ang pinakasukdulang karanasan, na pinakaaasam ng marami.
Pinagmulan ng Pista
Di-umano ang Nasarenong Itim ay orihinal na inukit ng isang Mexicanong Indian (ang iba’y nag-aangkin na ito’y gawa ng isang mang-uukit na Pilipino o Intsik) at dinala ng barko sa Maynila noong ika-17 siglo. Pinaging naiiba ito ng mga gumawa sa pamamagitan ng pag-ukit nito mula sa maitim na kahoy o pagpipinta sa imahen ng kulay kape, na kaparis ng kulay ng balat ng kapuwa Mexicano at Pilipino. Noong ika-18 siglo, ang Nasarenong Itim ay idinambana sa Quiapo sa kahilingan ni Basilio Sancho, arsobispo ng Maynila, na siyang nagbendisyon dito. Pagkatapos, sa unang bahagi ng ika-19 na siglo, tumanggap ito ng bendisyon mula kay Papa Pio VII.
Gayunman, noon lamang 1923 nang ito’y unang inilabas upang maging bahagi ng relihiyosong prusisyon
na siyang pinakasukdulan ng pista ng distrito ng Quiapo. Ang pagpuprusisyon ay nagpatuloy mula noon.Ito ba’y Maituturing na Idolatriya?
Karaniwan na, ang Nasarenong Itim ay makikita sa lugar nito sa isang bintana malapit sa pasukán ng simbahan. Ang bintanang ito ay nasa pagitan ng dalawang tapyas na bato na kinalalagyan ng Sampung Utos. Sa ibang Kristiyano, ito’y waring balintuna, yamang ang ikalawa sa Sampung Utos ay: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng isang larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang anyong nasa langit o nasa lupa . . . Huwag kang yuyukod sa kanila o paglilingkuran sila.” (Exodo 20:4, 5, The Jerusalem Bible) Hindi ba ang Nasarenong Itim ay isang larawang inanyuan na pinaglilingkuran ng debotong mga Katoliko?
Hindi ganiyan ang pangmalas ng karamihan sa mga Katoliko. Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia: “Yamang ang pagsamba na iniuukol sa isang imahen ay nakararating at nagwawakas sa personang inilalarawan, ang ganitong pagsamba na nauukol sa persona ay maaari na ring iukol sa larawan na kumakatawan sa personang iyon.” Ito ang sinasabi ng maraming Katolikong Pilipino—na sinasamba nila, hindi ang imahen, kundi si Jesu-Kristo, na siyang ipinalalagay na inilalarawan ng estatuwa. Ating suriin sandali ang pangangatuwirang ito.
Sa totoo, ang gayong relatibong pagsamba ay hindi natatangi para sa mga Katoliko. Kung ilang siglo na ring may gayong pangangatuwiran ang paganong mga relihiyon. Halimbawa, ayon kay Lactantius, isang Ama ng Simbahan noong ikaapat na siglo, ang gayong mga pagano ay nagsasabi: “Hindi kami natatakot sa mga imahen mismo, kundi doon sa mga personang pinagtularan, at doon sa mga pangalang pinag-ukulan.”
Ito ba, kung gayon, ay nangangahulugan na ang utos ng Diyos hinggil sa pagsamba sa mga idolo ay hindi kapit sa kanilang kaso? Ang gayon bang pangangatuwiran ay tama gayong tinatangka nitong waling-halaga ang Salita ng Diyos? Tutal, kung ganito ang pangangatuwiran ng marami sa mga sumasamba sa idolo, kung gayon ay para kanino talaga ang mga utos?
Alalahanin na nang ibigay ng Diyos kay Moises ang Sampung Utos, ang mga Israelita ay gumawa ng isang gintong guya at niyuyukuran ito. Maaaring hindi naman inakala ng mga tao na ang kanilang ginagawa ay idolatriya. Sa kanilang isip, ang guya ay lumalarawan kay Jehova. (Exodo 32:4, 5) Subalit natuwa ba ang Diyos sa kanilang ginagawa? Mababasa natin na ganito ang sabi ngayon ni Jehova kay Moises: “Yumaon ka, bumaba ka, sapagkat ang iyong bayan na iyong isinampa mula sa lupain ng Ehipto ay nagsisamâ. Sila’y humiwalay na madali sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila’y gumawa ng isang inihulmang estatuwa ng guya para sa kanilang sarili at patuloy na niyukuran ito at hinainan ito.”—Exodo 32:7, 8.
Ang isa pang tanong na dapat pag-ukulan ng pansin ay kung makatuwiran na parangalan ang isang imahen. Naging tahasan ang Bibliya hinggil sa paksang ito. Sinasabi nito: “Ang gayong mga tao ay napakahangal upang malaman ang kanilang ginagawa. Ipinipikit nila ang kanilang mga mata at ang kanilang isip sa katotohanan. Ang manggagawa ng mga idolo ay walang talino o pang-unawa na sabihing, ‘. . . Narito ako’y yumuyukod sa isang putol ng kahoy!’ ”—Isaias 44:18, 19, Today’s English Version.
Matutulungan ba ng Imahen ang mga Deboto Nito?
Sumulat ang isang Katolikong pari: “Ang mga taong naglalagak ng kanilang tiwala sa kapangyarihan sa likod ng Nasarenong Itim ng Quiapo ay tiyak na may higit na katuwiran sa kanilang pagtitiwala kaysa roon sa umaasa lamang sa isang bakal ng kabayo o sa paa ng kuneho.”
Ang Bibliya, sa kabilang dako, ay nagsasabi tungkol sa gayong mga imahen: “Kung may manalangin man dito, hindi ito makasasagot o makapagliligtas man sa kaniya sa kapahamakan.” Maliwanag na sinasabi sa atin ni Jehova na “sila’y walang magagawang kabutihan sa iyo.” (Isaias 46:7; Jeremias 10:5; TEV)
Walang alinlangan na ang mga debotong Katoliko na sumasampa sa isa’t isa sa pag-asang mahawakan ang Nasarenong Itim “ay may sigasig sa Diyos,” ngunit ito’y “hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Hinihimok namin ang lahat ng gayong mga tao na kumuha ng tumpak na kaalaman sa pamamagitan ng pagsusuri sa Salita ng Diyos, ang Bibliya, sa gayon ay magsagawa ng “anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama.”—Santiago 1:27.
[Mga larawan sa pahina 26]
Nagsisiksikan ang mga tao upang maikuskos sa estatuwa ang mga tuwalya at panyo