Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ba ang Kilusang Bagong Panahon?

Ano ba ang Kilusang Bagong Panahon?

Ano ba ang Kilusang Bagong Panahon?

HINDI ito isang organisasyon, gayunman itinataguyod ng daan-daang organisasyon ang mga turo nito. Wala itong kinikilalang nangunguna, gayunman ang mga pilosopo at mga guro nito ay malamang na libu-libo ang dami. Wala itong opisyal na aklat ng mga doktrina at mga paniwala, gayunman maaaring itaguyod ng mga tagasunod nito ang kanilang kredo sa halos lahat ng aklatang bayan sa buong daigdig. Wala itong personal na diyos na sinasamba, gayunman kadalasang itinataguyod nito ang idea ng isang diyos na masusumpungan sa lahat ng dako.

Ano ba ito? Ito ang kilusang Bagong Panahon: isang di-tiyak na pagsasama ng relihiyoso, pangkultura, panlipunan, pulitikal, at siyentipikong mga ideolohiya, pati na ang pagkahalina sa mistisismo ng Silangan, ang paranormal, ang okulto, at pati na ang ilang uri ng makabagong sikolohiya. Kasama rito ang paniniwala sa astrolohiya, reinkarnasyon, extraterrestrial na buhay, ebolusyon, at kabilang buhay. Ang mga pagkabahala sa kapaligiran at sa kalusugan ay mahahalagang sangkap din.

Sinuman ay maaaring sumali sa kilusang ito. Walang ritwal sa pagtanggap sa bagong kasapi o bautismo. Ni kailangan mang talikdan ng mga tao ang kanilang relihiyosong pagkakasapi upang mapaanib dito. Sa kabilang dako, ikinagagalit ng marami na mabansagang “Bagong Panahon” dahil lamang sa sila’y naniniwala sa ilang idea na itinataguyod ng kilusang Bagong Panahon o nasisiyahan sa ilang tinatawag na Bagong Panahong sining o musika.

Bihirang kinikilala ng mga deboto ang kanilang mga sarili bilang mga tagapagtaguyod ng Bagong Panahon. Sa katunayan, ang katagang “Bagong Panahon” ay kadalasang ginagamit ng media. Kamakailan lamang, karaniwang iniiwasan ng mga aklat, tindahan, seminar, at mga programa sa pagsasanay ng Bagong Panahon ang kataga. Ang Library Journal ay nagpapaliwanag na ang “labis-labis na pagbabalita ng media noong dakong huli ng dekada ng 1980 ay lumikha ng masamang reaksiyon tungkol sa kahina-hinalang mga paniwala at mga pamamaraan na nauugnay sa pilosopya ng Bagong Panahon (mga UFO, pakikipagtalastasan sa mga espiritu, mga kristal na gamit sa pagpapagaling at pagbubulay-bulay, atb.); ito’y makikita sa bagay na ang pangunahing mga kompaniyang tagapaglathala . . . at maging ang mga palimbagan ng Bagong Panahon ay higit at higit na iniwawaksi ang katagang Bagong Panahon.” Sa gayon, maraming tao ay maaaring nasa ilalim ng impluwensiya ng Bagong Panahon nang walang kabatiran tungkol dito.

Ano ang Bago Tungkol Dito?

Ang kilusang Bagong Panahon ay itinuturing ng marami na isang makabagong palatandaan. Sang-ayon kay Propesor Carl Raschke ng University of Denver, ang kaisipang Bagong Panahon ay talagang “isang anino ng kontrakultura ng dekada Sesenta.” Itinuturo rin ng iba pang tagasuri ang dekada ng 1960, kasali na ang paghahanap ng mga hippie ng kalayaan at katotohanan, bilang ang pasimula ng kilusang Bagong Panahon. Maraming dating hippie, ngayo’y nasa mga edad na 40 at 50, ay naghahanap pa rin sa mailap na katotohanang iyon. Subalit ang kanilang paghahanap ay hindi na pinawawalang-saysay bilang pabagu-bagong kapritso ng mga tin-edyer. Marami sa kanila ay mga propesyonal sa marangal na mga larangan ng kaalaman, aktibo sa pulitika, at ngayo’y ipinalalagay bilang matinong mga miyembro ng pamayanan.

Noong dekada ng 1970 at 1980, ginamit nila ang kanilang intelektuwal at pinansiyal na yaman upang ipagpatuloy ang kanilang paghahanap. Ang mga resulta? Ang kanilang pinaghalong mga paniwala ay tumanggap ng malawak na pagtanggap at paggalang. Agad na naunawaan ito ng media, na nagbunga ng malawakang kabatiran sa pilosopya ng Bagong Panahon.

Sa katunayan, kakaunti lamang ang bago tungkol sa mga paniwala ng Bagong Panahon. Halimbawa, ang pilosopya nito ay pangunahin nang batay sa mistisismo ng Silangan, na libu-libong taon na ang tanda. Isaalang-alang ang ilan lamang sa mga idea ng Bagong Panahon.

Ang Pag-asa ng Bagong Panahon

Palibhasa’y napakalapit na ng taóng 2000, ang idea tungkol sa isang mas mabuting kinabukasan, mas mabuting milenyo, ay nagiging popular. Ang pangunahing paniwala ay na ang makabagong lipunan na gaya ng pagkakilala natin dito ay hahalinhan ng Utopian na lipunan. a Ayon sa mga guro ng Bagong Panahon, ito ay magagawa sa pamamagitan ng lubusang pagbago sa karaniwang tinatanggap na kaisipan sa pamamagitan ng mahiwagang kaalaman na naitago o niwalang-bahala hanggang kamakailan. Sinasabi nila na ang bagong panahong ito ng pagkakaisa ay maglalabas ng potensiyal ng tao at magdadala ng isang pansansinukob na espirituwal na kapayapaan.

Ang pag-asang ito ay waring pangunahin nang nakasalig sa mga hula ng mga astrologo na itinuturo ang ating panahon bilang ang pasimula sa pagitan ng nakaraang panahon ng Pisces at ang dumarating na panahon ng Aquarius. Ang mga tagapagtaguyod ng teoriyang ito ay nagsasabi na ang tanda ng zodiac na Pisces ay nagkaroon ng negatibong epekto sa sangkatauhan sa loob halos ng 2,000 taon. Pinararatangan nila ang Sangkakristiyanuhan bilang ang pangunahing salarin sa paggawa ng isang materyalistiko at saunahing lipunan. Ang Sangkakristiyanuhan ay pinaratangan ng paghadlang sa pagsulong ng katotohanan. Subalit sa ngayon ang katotohanang iyon ay masusumpungan daw sa okulto at ang katotohanan ay ipaliliwanag sa dumarating na panahon ng Aquarius, ang panahon ng espirituwal na pagbibigay-liwanag, ang bagong panahon.

Ang mga tagapagtaguyod ng Bagong Panahon ay nababahagi sa kung baga ang bagong lipunang ito ay dadalhin ng hindi personal na extraterrestrial na mga puwersa o sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Sinasabi ng isang teoriya na “isang lahi ng naiibang Bagong Panahong tao, mula sa henetikong mga binhi na itinanim ng naliwanagang mga paham 3,500 taon na ang nakalipas, di-magtatagal ay darami at ililigtas ang daigdig mula sa kasakiman.”​—The Wall Street Journal, Enero 11, 1989.

Gayunman, ang pag-asang iyon para sa isang ginintuang panahon, Utopia, o bagong daigdig ay hindi bago. Kasama sa alamat ng halos lahat ng pangunahing kultura ang pag-asa tungkol sa isang Utopian na lipunan sa hinaharap. Isinama ng mga alamat ng Sumeria, Gresya, Roma, at Scandinavia ang paniniwalang ito. Ang Encyclopedia of Religion ay nagsasabi: “Ang paghahangad ng isang utopia kung saan ang isa ay malaya buhat sa karalitaan at kung saan ang kapayapaan at kasaganaan ay naghahari ay isang mahalagang bahagi ng relihiyong Intsik mula noong panahong bago-Ch‘in (bago 221 BCE).” Ang pinakamatandang banal na aklat, ang Bibliya, ay bumabanggit tungkol sa isang milenyo kung kailan ang sangkatauhan ay dadalhin sa kasakdalan, at ang digmaan, krimen, kirot, at kamatayan ay aalisin.​—Apocalipsis 21:1-4.

Isang Relihiyon ng Sarili

Sa pelikula ng kaniyang sariling talambuhay na Out on a Limb, ang kilalang artista at awtor ng Bagong Panahon na si Shirley MacLaine ay nakatayo sa isang dalampasigan na nakaladlad ang kaniyang mga kamay at bumubulalas: “Ako’y Diyos! Ako’y Diyos!” Tulad niya, itinataguyod ng maraming naniniwala sa Bagong Panahon ang paghahanap sa isang nakatataas na sarili at ang idea ng isang diyos sa loob mo. Itinuturo nila na kailangan lamang paunlarin ng mga tao ang kanilang kabatiran upang masumpungan ang kanilang pagkadiyos.

Minsang magawa ito, sabi nila, ang katotohanan ng pansansinukob na kaugnayan sa lahat sa sansinukob ay nagiging maliwanag​—ang lahat ay diyos, at diyos ang lahat ng bagay. Ito ay hindi isang bagong idea. Ang sinaunang mga relihiyon sa Mesopotamia at Ehipto ay naniwala sa pagkadiyos ng mga hayop, ng tubig, ng hangin, at ng langit. Kamakailan lamang, sinasabing hinimok ni Adolf Hitler ang iba na itaguyod ang “matibay, dakilang paniniwala sa Diyos ng Kalikasan, Diyos sa atin mismong mga tao, sa ating kapalaran, sa ating dugo.”

Ang kulturang Bagong Panahon ay punô ng literatura, mga seminar, at mga programa sa pagsasanay na may kaugnayan sa potensiyal na sarili at pagpapasulong sa sarili. “Ang pag-unawa sa aking panloob na sarili” ay isang popular na salawikain. Ang mga tao ay hinihimok na sumubok ng anumang bagay at lahat ng bagay na makatutulong sa kanila na ilabas ang kanilang sariling mga posibilidad. Gaya ng pagkakasabi ng isang manunulat sa magasing Wilson Quarterly, ang “pangunahing turo ng kilusan ay ‘na hindi mahalaga kung ano ang iyong pinaniniwalaan basta ito ay matagumpay para sa iyo.’ ”

Si Margot Adler, isang tagapagtaguyod ng Bagong Panahon, ay nagpapaliwanag na maraming kababaihan na sumali sa mga kilusang Bagong Panahon ng mga babae ay sumasali “sa mga kadahilang napakapersonal. . . . Kinapopootan nila ang kanilang mga katawan, kinapopootan nila ang kanilang sarili. Umaanib sila sa mga kilusang ito na nagsasabi sa iyo, ‘Ikaw ang Diyosa, kahanga-hanga ka.’ ”

Inilalarawan ng magasing New York ang paghahanap ng isang pangkat para sa nakatataas na sarili: “Isang babae ang paawit na nagsasabi, ‘Tayo ang mga guro ng Bagong Bukang-liwayway. Tayo ang mga mahalaga.’ Ang iba pang kalahok, na nakasuot ng sungay na gayak sa ulo, mga maskarang yari sa balahibo, at maninipis na kasuutan, ay sumasayaw sa gubat, umuungol at kumukumpas-kumpas, nananaghoy at humahalinghing.”

Pinagandang Okultismo

Ang ilang idea ng Bagong Panahon ay nagtataguyod ng isang bago, pinagandang pangmalas sa okulto. Ang Satanismo ay hindi na nauugnay sa okulto sa isipan ng maraming tagapagtaguyod ng Bagong Panahon. Ganito ang sabi ng isang manunulat sa magasing Free Inquiry: “Dumarami ang bilang ng mga nagsasagawa ng pangkukulam, walang sinuman sa kanila ang may paniniwala sa Satanismo.”

Ipinakikita ng isang surbey sa Alemanya kamakailan na may 10,000 aktibong mga mangkukulam sa bansang iyon. Kahit na ang mga bata ay may katusuhang naaakit sa okulto. Ang Alemang aklat na Der Griff nach unseren Kindern (Ang Pagsisikap na Akitin ang Pansin ng Ating mga Bata) ay nagpapaliwanag na sa pamamagitan ng “mga drama cassette na pambata, ang mga bata ay nasasanay sa bagong larawan ng mangkukulam bilang isang normal na babae na gumagamit ng madyik sa mabuting mga layunin.” Sabi pa ng aklat: “Sa gayon ang pansin kahit ng maliliit na bata ay naaakit sa isang paraan ng Bagong Panahon na maaaring umakay sa kanila sa sobrenatural.”

Sa kaniyang mga aklat, itinataguyod ni Shirley MacLaine ang idea na ang okulto ay isa lamang natatagong kaalaman at na ang pagiging natatago nito ay hindi nangangahulugan na ito ay hindi totoo. Naakit ng pilosopyang ito ang di-mabilang na mga tao na mag-eksperimento sa eksotikong mga gawaing espiritismo, gaya ng panghuhula, astrolohiya, telepathy, at pakikipagtalastasan sa mga espiritu. Ang nahuling banggit ay kilala na sa loob ng libu-libong taon bilang medium ng masasamang espiritu. Subalit tinatawag ito ng mga tagapagtaguyod ng Bagong Panahon na channeling. Sinasabi ng kanilang teoriya na ang mga espiritu ng patay ay pumipili ng ilang indibiduwal na maging kanilang mga alulod ng pakikipagtalastasan sa sangkatauhan.

Ang ipinalalagay na taga-alulod na mga taong ito ay maaaring kusang mawalan ng ulirat at magsalita o sumulat ng mga mensahe ng “kaliwanagan,” di-umano’y mula sa mga patay o mula sa kinapal sa ibang planeta. Ang mga espiritu ng patay ay itinuturing na mga pantas na panginoon na naghihintay ng tamang panahon upang magreinkarnasyon. Samantala, kanila raw pinapatnubayan ang sangkatauhan tungo sa isang bagong panahon.

Maraming tagapagtaguyod ng Bagong Panahon ang regular na nagtitipon upang makinig sa kung ano ang sasabihin ng mga panginoong ito sa pamamagitan ng kanilang mga taga-alulod. At ang mga mananampalataya ay may mapagpipilian na mga espiritung sasangguniin. Kabilang sa mga sinasabing nagsasalita ngayon ay ang mga espiritu ni John Lennon at ni Elvis Presley, mga extraterrestrial na may mga pangalang gaya ng Attarro at Rakorczy, at isang 35,000-taóng-gulang na mandirigma buhat sa makaalamat na Atlantis na nagngangalang Ramtha.

Bagong Panahon at Kalusugan

Parami nang paraming manggagamot ang naniniwala na ang mga pasyente ay hindi dapat gamutin na parang sirang mga makina kundi dapat bigyan ng konsiderasyon ang mental at emosyonal na kalusugan ng indibiduwal. Ang paraang ito ay kilala bilang holistic o wholistic medicine, mula sa salitang “whole,” at walang kaugnayan sa usong Bagong Panahon. Gayunman, maraming tagapagtaguyod ng Bagong Panahon ang buong pananabik na tinanggap ang holistic medicine. Ang aklat na The Cosmic Self ay nagpapaliwanag na bagaman hindi tinatanggihan ang umiiral na sistema sa medikal na pangangalaga at mga pamamaraan, itinataguyod ng mga naniniwala sa Bagong Panahon ang paggamot sa pasyente bilang isang buong tao, “isang nabubuhay na organismo na may katawan, isip, at espiritu.”

Sinasabi ng mga tagapagtaguyod ng Bagong Panahon na ang mabuting kalusugan ay masusumpungan sa labas ng pamantayang pangmedisina. “Ang dako kung saan unang nakakaengkuwentro ng karamihang tao ang mga idea ng Bagong Panahon ay sa loob ng daigdig ng mapagpipiliang medisina,” sabi ng Britanong pahayagang The Herald. At ang pinakapambihirang mga idea ay ginagalugad. Halimbawa, iminungkahi ng Australyanong siruhanong beterenaryo at awtor na si Ian Gawler na ang kanser ay maaaring gamutin sa pamamagitan ng pagbubulaybulay. Kabilang sa iba pang paraan ng paggamot na kilalang tinatawag na mga paraang Bagong Panahon ang rekunusi batay sa posisyon ng mga bituin at mga planeta, pagsusuri batay sa liwanag na lumalabas sa isang tao, paggamot sa pamamagitan ng hipnotismo, pag-oopera nang walang ginagamit na kutsilyo, at terapi batay sa nakalipas na buhay. Ang mga paraang ito ng paggamot ay kadalasang itinataguyod sa pantanging mga magasin na may kinalaman sa kalusugan, likas na mga lunas, mga bitamina, ehersisyo, at nutrisyon.

Bagong Panahon at mga Kristal

Ang isang popular na paraan ng paggamot ng Bagong Panahon ay nagsasangkot sa paggamit ng mga kristal at mga batong hiyas, gaya ng quartz, ametista, topaz, rubi, opal, at esmeralda. Ang mag-aalahas ng Bagong Panahon na si Uma Silbey ay nagsasabi: “Sa buong kasaysayan ay makasusumpong ka ng mga halimbawa ng mga kultura na naniniwalang mapararami ng quartz ang psychic na lakas at mga kapangyarihang magpagaling.” Susog pa niya: “Ang mga taga-Sumeria, Maya at iba pang sibilisasyon ay gumamit ng mga kristal na quartz sa mga layuning pagpapagaling.”

Paano ginagamit ang mga kristal? Ang mga manggagamot sa pamamagitan ng kristal ay nagsasabi na ang mga karamdaman ng katawan at ng isipan ay maaaring gamutin sa pagpapatong ng quartz at iba pang batong hiyas sa espesipikong mga bahagi ng katawan. Si Katrina Raphaell, isang tagapagtaguyod sa paggamit ng kristal ng Bagong Panahon, ay nagsasabi na ang mga kristal “ay maaaring ilagay sa ilalim ng unan sa panahon ng pagtulog upang kasihan ng matatayog at makahulang mga panaginip. Maaari rin itong gamitin sa paggagamot upang patatagin ang mali-maling mga emosyon, paginhawahin ang bagbag na mga isipan at pagalingin ang mga di-pagkakatimbang ng katawan. Ang mga ito ay maaaring hawakan sa panahon ng pagdaramdam sa panganganak at sa panganganak mismo para sa karagdagang lakas.”

Bagong Panahon at ang Kapaligiran

Ang kilusang Bagong Panahon ay “malinis, nababahala sa pangangalaga sa kapaligiran, ito ang uso,” sabi ng TSBeat, isang Britanong magasin para sa mga tin-edyer. Ang aktibong pakikibahagi sa pagpapaunlad ng kabatirang pang-ekolohiya at pangangalaga sa kapaligiran ay nakatulong sa isang positibong larawan ng kilusang Bagong Panahon, at ang mensaheng ito na pabor sa kapaligiran ay nakaakit sa marami sa mga turo nito. Gayunman, ang mga pagkabahala ng Bagong Panahon sa kapaligiran ay kadalasang ipinahahayag bilang tahasang pagsamba sa kalikasan, na may mga ritwal na katulad ng sinaunang mga seremonyang inaalay sa diyosang lupa.

Ang makabagong kapahayagan bang ito ng sinaunang mistisismo ang sagot sa ating mga problema? Ang planeta ba ay maililigtas ng karunungan ng mga mangkukulam at ng mga extraterrestrial? Darating pa kaya ang bagong panahon ng kapayapaan at kasaganaan?

[Talababa]

a Utopia: “Isang huwarang sakdal na dako, la[lo] na sa sosyal, pulitikal, at moral na mga aspekto nito.”​—The American Heritage Dictionary of the English Language.

[Kahon sa pahina 6]

Si MacLaine, ang Bagong Panahon, at si Ramtha

“ANG sukat sa labas ng pisikal na sukat ay tunay kahit na hindi natin makikita ito o masusukat ito sa mga termino ng panukat sa haba. Mayroong mas malaking katotohanan kaysa ating ‘nauunawaang’ may malay na katotohanan. Iyan ang tinatawag na bagong panahong kaisipan. Isang bagong panahon ng kabatiran. . . .

“Dinalaw ko ang pinaniniwalaang mga espiritu na itinuturing na mga patnubay mula sa daigdig ng mga espiritu. Nagkaroon ako ng mga kaugnayan sa mga ‘espiritung kinapal’ na iyon. . . . Ang isa ay mas nakahihigit sa kaninumang iba. Ang pangalan niya ay . . . Ramtha ang Naliwanagang Isa. . . . Sinabi niya na siya ay naging tao noong panahong Atlantis at nagkaroon ng ganap na kabatiran sa panahong iyon. . . . Habang tinititigan ko ang mga mata ni Ramtha, narinig ko ang aking sarili na nagsasabi, ‘Naging kapatid ba kita sa iyong pagiging tao noong panahong Atlantis?’

“. . . Tumulo ang mga luha sa kaniyang mga mata. ‘Oo, mahal ko,’ aniya, ‘at ikaw ay kapatid ko.’”

Si MacLaine ay nagpapatuloy sa pagsabi: “Ang punto ng kaniyang espirituwal na pagtuturo sa akin ay upang ibahagi ang katotohanan na kami ay Diyos. Kaya naming magkaroon ng kaalaman na gaya niya.”​—Dancing in the Light, ni Shirley MacLaine.

Ihambing ang Genesis 3:5, kung saan may kasinungalingang sinabi ng Ahas (si Satanas) kay Eva: “Talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat ang inyong mga mata at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakikilala ng mabuti at masama.” Dapat iwasan niyaong nagnanais ng pagsang-ayon ng Diyos ang anumang pakikisangkot sa balakyot at mapandayang espiritung mga nilalang. Ang Kautusan ni Moises ay nagsasabi: “Huwag ninyong babalikan ang mga inaalihan ng masasamang espiritu, ni sumangguni man sa propesyunal na mga manghuhula, huwag ninyong hanapin na magpakahawa sa kanila. Ako si Jehova ninyong Diyos.”​—Levitico 19:31.

[Kahon sa pahina 9]

“Isa Pang Droga sa Isang Lipunang Punô ng Droga”?

“ANG kilusang Bagong Panahon​—ang pinakahuling kontribusyon sa ating mahabang kasaysayan ng kakatwang espirituwal na mga pansamantalang uso at panlahat na lunas​—ay nag-aanyaya ng pinagsamang paglibak at galít na pangamba. Hindi lamang ang pagsamâ ng kabanalan kundi ang tahasang pangongomersiyo nito ay nag-uudyok ng paghihinala sa malakihang relihiyosong pagdaraya. . . .

“Sinisikap ng kilusang Bagong Panahon na pagsamahin ang pagbubulaybulay, positibong pag-iisip, pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya, . . . mistisismo, yoga, mga paggamot sa pamamagitan ng tubig, acupuncture, insenso, astrolohiya, Jungian psychology, biofeedback, extrasensory perception, espirituwalismo, . . . ang teoriya ng ebolusyon, Reichian sex therapy, sinaunang mga mitolohiya, . . . paggamit ng hipnotismo, at marami pang ibang pamamaraan na idinisenyo upang pasidhiin ang kabatiran, pati na ang mga elementong hiram buhat sa pangunahing relihiyosong mga tradisyon. . . .

“Ang Bagong Panahon na mga panghalili para sa relihiyon ay nakagiginhawa sa budhi sa halip na bagabagin ito. Ang kanilang pangunahing turo ay na hindi mahalaga kung ano ang pinaniniwalaan mo basta ito ay matagumpay sa iyo. ‘Totoo ito kung pinaniniwalaan mo ito’: salawikain ng Bagong Panahon. . . .

“Ang problema ay hindi kung baga ang mga paggamot ng Bagong Panahon ay talagang matagumpay kundi kung ang relihiyon ba ay dapat mauwi sa paggamot. Kung wala itong iniaalok kundi espirituwal na kasiglahan, ang relihiyon ay nagiging isa pang droga sa isang lipunang punô ng droga.”​—“The New Age Movement: No Effort, No Truth, No Solutions, Notes on Gnosticism​—Part V,” ni Christopher Lasch, Watson Propesor ng Kasaysayan sa University of Rochester, New York, E.U.A.

[Larawan sa pahina 7]

Kabilang sa ibang mga bagay, ang mga kultong Bagong Panahon ay nag-eeksperimento sa astrolohiya, telepathy, pagbubulaybulay, at mga kristal

[Larawan sa pahina 8]

Kasali sa mga paraan ng pagpapagaling ng Bagong Panahon ang paggamit ng mga kristal