Isang Bibliya sa Wika ng Pang-araw-araw na Buhay
Isang Bibliya sa Wika ng Pang-araw-araw na Buhay
Sa kagandahang-loob ng Direktor at Laybraryan ng Unibersidad, The John Rylands University ng Manchester
“KUNG naniniwala ka na ang Bibliya ay salita ng Diyos sa sangkatauhan, iyan ay nangangahulugang ang Diyos ay nakikipag-usap sa atin. . . . Kung naaapektuhan ng iyong relihiyon ang kabuuan ng iyong buhay, kung gayon ang wika [ng Bibliya] ay yaong sa pang-araw-araw na buhay.” Iyan ang isinulat ng iskolar na si Alan Duthie sa kaniyang aklat na Bible Translations: And How to Choose Between Them.
Ang umiibig sa Salita ng Diyos ay buong-pusong sumasang-ayon. Sila’y taimtim na naniniwalang “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Timoteo 3:16) Ang Bibliya sa anumang paraan ay hindi isang aklat na may lipas nang mga kasabihang relihiyoso. Ito’y “buháy at may lakas,” na naglalaan ng tunay na lunas sa mga suliranin ng pang-araw-araw na buhay. (Hebreo 4:12) Gayunman, upang maunawaan at maikapit ng mga mambabasa nito ang banal na aklat na iyan, ito’y dapat na nasa wika ng pang-araw-araw na buhay. Tutal, ang tinatawag na Bagong Tipan ay isinulat, hindi sa klasikong wikang Griego na ginagamit ng mga pilosopong tulad ni Plato, kundi nasa karaniwan, pang-araw-araw na wikang Griegong tinatawag na Koine. Oo, ang Bibliya’y isinulat upang mabasa at maunawaan ng karaniwang mga tao.
Sa layuning ito, marami nang modernong salin ang ginawa sa nakaraang mga taon sa iba’t ibang wika. Malimit na ang resulta ay totoong kapaki-pakinabang. Ang Kasulatan ay pinapangyaring madaling makuha ng publiko sa pangkalahatan. Gayunman, nakalulungkot sabihin na karamihan sa bagong mga bersiyong ito ay nagkukulang kung tungkol sa walang-pinapanigang ganap na kawastuan at pagkakasuwato. Halimbawa, ang ilan ay may hilig na palabuin ang maliwanag na turo ng Bibliya hinggil sa kalagayan ng mga patay, sa kayarian ng kaluluwa ng tao, at sa pangalan ng tunay na Diyos.
Ang mga umiibig sa Salita ng Diyos kung gayon ay malugod na tumatanggap sa paglabas ng Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tagalog. Ipinabatid ng mga Saksi ni Jehova ang paglabas ng bagong-panahong saling ito noong Nobyembre 4, 1993 sa “Banal na Pagtuturong” Internasyonal na Kombensiyon sa Manila. Palibhasa’y di-natatalian ng relihiyosong mga doktrina, ito’y naglalaan ng walang-katulad na kawastuan sa paghaharap nito, anupat nagiging posible ang isang malalim na pagkaunawa sa Bibliya na noo’y ipinagkait sa mga hindi sanáy sa sinaunang mga wika. Gayunman, marahil ay magtatanong ka, sino ang may pananagutan sa pambihirang saling ito?
Mga Tagapagsaling Lumuluwalhati sa Diyos
Bagaman ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan ay maaaring bago sa mga taong nagsasalita ng Tagalog, ito sa katunayan ay naririto na mula pa noong 1950. Noong panahong iyon ito ay inilabas sa wikang Ingles ng Watch Tower Bible and Tract Society—isang internasyonal na Samahan sa Bibliya na may mahabang kasaysayan sa paglilimbag ng Bibliya. Ang pamagat ng bagong saling ito—isang tahasang paghiwalay sa tradisyunal na paghahati ng Bibliya bilang “matanda” at “bago[ng]” tipan—ay isa lamang sa maraming paraan na nagpapatunay na ito’y naiiba. Ang The Watchtower ng Setyembre 15, 1950, ay nagsabi: “Ang mga lalaking bumubuo ng komite sa pagsasalin ay nagpapakita ng kanilang pagnanasa . . . na manatiling di-kilala, at lalo nang ayaw nilang ilathala ang kanilang mga pangalan habang sila’y buháy o kahit pagkamatay nila. Ang layunin ng pagsasalin ay upang dakilain ang pangalan ng nabubuhay, tunay na Diyos.”
Ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (sa Ingles), isahang-tomong edisyon ng buong Bibliya, ay inilabas noong 1961. At habang ang mga pangalan ng mga tagapagsalin nito ay nananatiling lihim hanggang sa araw na ito, walang dapat pag-alinlanganan kung tungkol sa kanilang mga motibo o sa lalim ng kanilang debosyon. Ang paunang-salita sa edisyon ng 1984 ay nagsabi: “Ang pagsasalin ng Banal na Kasulatan ay nangangahulugan ng pagsasabi sa ibang wika ng mga pag-iisip at
kasabihan ng Diyos na Jehova . . . Ang mga tagapagsalin ng akdang ito, na natatakot at umiibig sa Dakilang Awtor ng Banal na Kasulatan, ay nakadarama ng pantanging pananagutan sa Kaniya na ihatid ang kaniyang mga pag-iisip at mga kapahayagan nang may kawastuan hangga’t maaari.”Bagaman mabuti ang kanilang hangarin, kuwalipikado ba ang mga miyembro ng komite na gawin ang akdang ito? Ang ilang masama-ang-loob na mga iskolar ay nangatuwiran na kung hindi isisiwalat ang mga pangalan at mga kredensiyal sa akademya ng mga tagapagsalin, ang akda ay dapat tuwirang ipalagay na gawa ng mga baguhan. Ngunit hindi lahat ng iskolar ay may gayong walang-katuwirang saloobin. Ganito ang sulat ni Alan S. Duthie: “Sakaling malaman natin kung sino ang mga tagapagsalin o tagapaglimbag ng isang partikular na salin ng Bibliya, tutulong ba ito sa atin na magpasiya kung ang saling iyan ay maganda o pangit? Hindi naman kapagdaka. Wala nang maihahalili sa pagsusuri ng mga katangian ng bawat salin mismo.” a
Gayon nga ang ginawa ng libu-libong mambabasa. Sa ngayon mahigit na 78,322,000 kopya ng Bagong Sanlibutang Salin sa 18 wika ang nailimbag na sa buong daigdig. Ano ang natuklasan na ng maraming mambabasa nito?
Isang Salin na Nagpapabanal sa Pangalan ng Diyos
Sa Mateo 6:9, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na manalangin: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” Ngunit, sa maraming salin, ang Diyos ay isang walang-pangalang persona, kilala lamang sa titulong “Diyos” o “Panginoon.” Gayunman, hindi ganito noon. Ang Diyos ay maliwanag na ipinakilala nang halos 7,000 ulit sa orihinal na Hebreong Kasulatan sa personal na pangalang “Jehova.” (Exodo 3:15; Awit 83:18) Nang maglaon ang mapamahiing pagkatakot ang naging dahilan upang ihinto na ng mga Judio ang paggamit ng banal na pangalan. Pagkamatay ng mga apostol ni Jesus, ang mapamahiing pangmalas na ito ay sumalin sa kongregasyong Kristiyano. (Ihambing ang Gawa 20:29, 30; 1 Timoteo 4:1.) Sinimulang palitan ng mga tagakopya ng Griegong bahagi ng Kasulatan ang personal na pangalan ng Diyos, na Jehova, ng mga salitang Griego na Kyʹri·os at The·osʹ, na magkasunod na nangangahulugang “Panginoon” at “Diyos.”
Nakatutuwa, ang Bagong Sanlibutang Salin ay gumawa ng tahasang hakbang sa pagsasauli ng pangalang Jehova sa Kristiyanong Griegong KasulatanLucas 4:18 ang mga salita sa Isaias 61:1. Sa orihinal na Hebreong teksto, ang pangalang Jehova ay lumitaw sa talatang iyan sa Isaias. b Kung gayon, angkop lamang, na sa Bagong Sanlibutang Salin, ang Lucas 4:18 ay isinaling: “Ang espiritu ni Jehova ay nasa akin, sapagkat kaniyang pinahiran ako upang ipahayag ang mabuting balita sa mga dukha.”
(“Bagong Tipan”), anupat ang pangalang iyan ay lumilitaw roon nang 237 ulit. Ang pagsasauling ito ay batay, hindi dahil sa kapritso ng mga tagapagsalin, kundi dahil sa tumpak, maingat na pang-unawa. Halimbawa, sinisipi ngAng gayong pagsasalin ay tumutulong din sa mga mambabasa na makita ang pagkakaiba ni Jehovang Diyos sa kaniyang bugtong na anak, si Jesu-Kristo. Halimbawa, karamihan sa mga salin ay nagsasabi sa Mateo 22:44 na: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon.” Subalit sino nga ba ang kausap nino? Sa totoo, ang talatang ito ay hango sa Awit 110:1, na, sa orihinal na tekstong Hebreo, ay naglalaman ng banal na pangalan. Ang Bagong Sanlibutang Salin samakatuwid ay isinasalin ang talatang ito na: “Sinabi ni Jehova sa aking Panginoon: ‘Umupo ka sa aking kanang kamay hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’” Ang pag-unawa sa ibinigay ng Kasulatan na pagkakaiba sa pagitan ni Jehova at ng kaniyang Anak ay hindi mahirap abutin. (Marcos 13:32; Juan 8:17, 18; 14:28) Ito’y napakahalaga sa kaligtasan ng isa. Sabi ng Gawa 2:21: “Ang bawat isa na tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”
Kawastuan at Pagiging Malinaw
Mayroon pang karagdagang litaw na katangian ang Bagong Sanlibutang Salin. Ang totoong dalisay na orihinal na Griegong teksto nina Westcott at Hort ay siyang napili bilang pangunahing batayan ng saling ito. Buong pag-iingat na isinalin ang orihinal na wikang Griego ayon sa kawastuan at pagkaliteral hangga’t maaari na ginagamit ang simple, modernong wika. Sa paggawa nito ay hindi lamang naingatan ang linamnam at kulay ng pagkasulat ng orihinal na Bibliya kundi nabuksan din ang isang daigdig ng pagkaunawa.
Kunin, halimbawa, ang teksto sa Roma 13:1, kung saan hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad,” o sekular na mga pamahalaan. Maraming salin ang patuluyang sinasabi na ang gayong mga pamahalaan ay “ordinado ng Diyos” o “hinirang ng Diyos.” (King James Version; Jerusalem Bible) Ginamit ng ilang monarka ang saling ito upang bigyang-katuwiran ang kanilang kalupitan. Subalit dahil sa katangian ng pagiging literal at wasto, ang pagkasabi ng Bagong Sanlibutang Salin sa talatang ito ay “ang umiiral na mga awtoridad ay inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” c Ngayon ay mauunawaan na bagaman hindi naman talagang personal na pinili ng Diyos ang makasanlibutang mga tagapamahala, pinahintulutan naman niya ang gayong mga tao na relatibong mamahala sa isa’t isa—ngunit palaging mas mababa kaysa kaniya.
Sinisikap din ng Bagong Sanlibutang Salin na ihatid ang mga detalye ng mga pandiwang Griego. Sa maraming modernong wika, ang mga pandiwa ay binabanghay upang ipakita ang panahunan ng pandiwa—alalaong baga’y, pangnagdaan, pangkasalukuyan, o panghinaharap. Sa wikang Griego ang mga pandiwa ay nagpapahayag din kung anong uri ng salitang pagkilos ang nasasangkot—kung ito ay panandalian, natapos na, o patuluyan. Isaalang-alang ang mga salita ni Jesus sa Mateo 6:33. Ang kahulugan ng Griegong pandiwang “hanapin” ay nagbibigay ng idea ng patuluyang pagkilos. Ang buong epekto ng mga salita ni Jesus ay naging maliwanag sa pagsasabi: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Gayundin, ang Mateo 7:7 ay isinaling: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo; patuloy na maghanap, at inyong masusumpungan; patuloy na kumatok, at bubuksan ito sa inyo.”—Tingnan din ang Roma 1:32; 6:2; Galacia 5:15.
Gumawa ng malaking pagsisikap ang Bagong Sanlibutang Salin upang magkasuwato at magkapare-pareho ang pagsasalin nito sa mga susing katawagan. Halimbawa, ang Griegong salitang psy·kheʹ ay isinaling “kaluluwa” sa bawat paglitaw nito. Bilang resulta, nauunawaan agad ng mga mambabasa na, taliwas sa relihiyosong teoriya, ang kaluluwa ay hindi imortal. Ito’y maaaring mapuksa, mamatay.—Mateo 2:20; Marcos 3:4; Lucas 6:9; 17:33.
Mababasa Na ang Salita ng Diyos sa Buong-Daigdig
Ang paglabas ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa Tagalog ay isang pasimula lamang. Ginawa na ang mga plano na isalin ang buong Bibliya sa takdang panahon. Gayunman, makatitiyak kaya ang mga mambabasa na ang bersiyon sa Tagalog ay may kawastuan at pagkakasuwato na gaya ng sa Ingles?
Oo, tiyak iyan. Ito’y dahil sa ang gawaing pagsasalin ay pinangasiwaang mabuti ng Samahang Watch Tower. Taglay ang katalinuhan, ipinasiya na ang pagsasalin ng Bibliya sa ibang wika ay isagawa mula sa pagsisikap ng isang pangkat. Ang mga pangkat para sa pagsasalin ng Bibliya sa gayon ay binuo sa mga lupain sa buong daigdig. Ang departamento na tinawag na Translation Services ay itinatag sa punong-tanggapan ng Samahang Watch Tower, sa Brooklyn, New York, upang paglaanan ng mga pangangailangan ang mga pangkat na iyon, upang sagutin ang mga katanungan, at upang tiyakin ang pagkakatugma ng mga edisyon ng Bagong Sanlibutang Salin sa iba’t ibang wika. Gumawa rin ang Samahang Watch Tower ng isang kapaki-pakinabang na gamit, alalaong baga’y, isang computerized system upang matulungan ang mga tagapagsalin ng Bibliya. Hindi kayo nagkakamali: Kailangan pa rin ang pagsisikap ng tao sa gawaing pagsasalin. Ngunit ang tulong ng computer ay nagpagaan nang malaki sa napakataas na tunguhing inilagay para sa mga pangkat sa pagsasalin ng Bibliya, alalaong baga’y upang maisalin ang Bagong Sanlibutang Salin taglay ang katulad na kawastuan at pagkakasuwato na gaya ng bersiyon sa Ingles. Bukod sa ibang bagay, ang sistema ng pagsasalin ay nagpapakita kung paanong ang bawat Hebreo at Griegong salita ay isinalin sa edisyong Ingles—isang napakalaking tulong sa mga tagapagsalin sa pagpili ng katumbas na katutubong wika.
Ang tagumpay ng mga kaayusang ito ay madaling makikita sa simpleng pagtingin sa mga resulta. Hinihimok namin kayong suriin ang Bagong Sanlibutang Salin ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makukuha ninyo ito mula sa mga tagapaglathala ng magasing ito. Masisiyahan din kayo sa napakaraming katangian nito: maliwanag, madaling basahing tipo; mga ulong-paksa sa bawat pahina, na tutulong sa inyong makita agad ang pamilyar na mga talata; detalyadong mga mapa; at nakaaakit na materyal sa apendise. Pinakamahalaga sa lahat, mababasa ninyo ang Bibliyang ito taglay ang pagtitiwala na inihahatid nito nang may kawastuan ang mga pananalita mismo ng Diyos sa wika ng pang-araw-araw na buhay.
[Mga talababa]
a Kapansin-pansin, ang pabalat ng Reference Edition (1971) ng New American Standard Bible ay may gayunding sinabi: “Hindi kami gumamit ng pangalan ng iskolar para sa reperensiya o mga rekomendasyon sapagkat naniniwala kami na ang Salita ng Diyos ay dapat pahalagahan batay sa kaniyang sariling mga katangian.”
b Totoo na ang saling Greek Septuagint ay nagsilbing batayan para sa mga siniping Hebreong Kasulatan sa tinatawag na Bagong Tipan. Yamang wala ang banal na pangalan sa sumunod na mga kopya ng Septuagint, maraming iskolar ang nangatuwiran na dapat ding alisin ang pangalan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Gayunman, ang natitirang pinakamatatandang kopya ng Septuagint ay nagtataglay ng pangalang Jehova—sa orihinal na Hebreong porma nito. Ito’y nagbibigay ng matibay na pag-alalay sa pagsasauli ng pangalang Jehova sa Griegong Kasulatan.
c Tingnan ang A Manual Greek Lexicon of the New Testament, ni G. Abbott Smith, at ang A Greek-English Lexicon nina Liddell at Scott. Ayon dito at sa iba pang maaasahang mga aklat, ang Griegong salita ay literal na nangangahulugang “paglalagay sa tamang ayos, pag-aayos sa wastong dako.”
Ang mga manunulat ng Bibliya na gaya ni apostol Pablo ay sumulat sa wika ng pang-araw-araw na buhay
Mga Katangian ng Bagong Sanlibutang Salin:
Buong pag-iingat na isinalin ang orihinal na wikang Griego ayon sa kawastuan at pagkaliteral hangga’t maaari na ginagamit ang simple, modernong wika
Pinaging kawili-wili ang pagbabasa dahil sa tipo nitong madaling-basahin
Ang mga ulong-paksa sa bawat pahina ay tumutulong na makita agad ang pamilyar na mga talata
Ang detalyadong mga mapa ay tumutulong sa mga mambabasa na palawakin pa ang kanilang kaunawaan sa heograpiya ng Bibliya
Ang pagiging malinaw ng “Bagong Sanlibutang Salin” ay isang malaking pakinabang sa Kristiyanong ministeryo