Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Kapanglawan Salamat sa serye ng “Kapanglawan—Kung Ano ang Iyong Magagawa Hinggil Dito.” (Setyembre 22, 1993) Napaiyak ako mula sa una hanggang sa huling pahina. Pinangyari nito na suriin kong mabuti ang nadarama ko kailan lamang. Natanto ko ngayon na hindi lamang ako ang taong namamanglaw. Inaasahan ko na sana’y matanggap ko at maikapit ito sa aking buhay.
S. G., Estados Unidos
Ako’y totoong nabagbag ng mga artikulong ito. Ako’y naipagamot na dahil sa malubhang panlulumo at batid ko na ang kapanglawan ang pinakamalaking kaaway ko. Ang isang taong nanlulumo ay nakikipagpunyagi araw-araw sa natatagong karamdamang ito. Ang mga artikulong gaya nito ay tunay na pinagmumulan ng pag-asa.
G. P., Estados Unidos
Ako’y 21 taóng gulang at naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Ako rin ay naglilingkod bilang isang payunir (buong-panahong ebanghelisador). Subalit ako’y kalimitang nakikipagpunyagi sa kapanglawan. Ang inyong mga artikulo ay naging kasagutan sa aking mga panalangin. Ang matatanda sa aming kongregasyon ay lubhang mapagmahal at matulungin, subalit ngayon nakikita ko kung paano ko mapabubuti ang aking sarili. Ako’y nakagawa na ng maraming pagbabago sa aking saloobin at mga pagkilos.
R. P., Estados Unidos
Kamakailan lamang ako’y pinahirapan ng pamamanglaw. Napakahirap na ipaliwanag sa inyo kung gaano katindi ang aking nadama. Subalit naguguniguni ba ninyo ang laking gulat ko nang natanggap ko ang Setyembre 22, 1993, Gumising!? Hindi ako nakapagsalita! Nagpasalamat ako kay Jehova at binasa kaagad iyon. Salamat sa napakahusay na pagkasulat na mga seryeng iyon na may makatuwirang payo.
C. F., Inglatera
Naiibang Kuwento ng Pag-ibig Ako’y nabigla nang makita ko ang tudling ng “Pagmamasid sa Daigdig” na “Naiibang Kuwento ng Pag-ibig.” (Oktubre 22, 1993) Bago ako nag-aral ng Bibliya, ako’y sumusulat noon ng mga kuwentong ito tungkol sa homoseksuwal na pag-ibig. Nang nabasa ko ang artikulo, ginising ako nito dahil sa ako’y nag-iisip pa rin noon tungkol sa mga kuwentong iyon, kung minsa’y bumubuo pa ng bagong mga kuwento sa aking isip. Dahil sa inyong tinalakay ang paksang ito, sa wakas ay naihinto ko ang pag-iisip sa ganitong mga bagay.
S. S., Hapón
Relihiyosong Pag-uusig Walang ibang kuwentong halaw sa tunay na buhay ang nakabagbag sa akin nang higit kaysa salaysay na pinamagatang “Oh, Jehova, Panatilihin Po Ninyong Tapat ang Aking Anak!” (Setyembre 22, 1993) Pinatimo nito sa aking isip at puso na ang anumang bagay na maaaring danasin ko upang mapanatili ko ang aking katapatan kay Jehova, siya’y laging tutulong sa akin.
C. D., Estados Unidos
Imposibleng hindi mabagbag ng tunay na buhay na kasaysayang ito. Hinangaan ng aming anak na si Esther ang artikulong ito! Harinawang tulungan ni Jehova ang ating mga anak na maging gayong kalakas ang pananampalataya!
A. C., Pransiya
Salamat sa artikulong “Matagumpay sa Harap ng Kamatayan.” (Mayo 8, 1993) Kami’y nagtatamasa ng relihiyosong kalayaan dito. Subalit ipinananalangin ko na sana’y matularan ko ang halimbawa ng mga kapatid na ito at mapanatili ang aking katapatan pagdating sa ibang uri ng mga kahirapan.
S. M., Brazil
Humahanga sa Larawan Nang makita ko ang larawan ng bagong sanlibutan ng Diyos sa pabalat ng Oktubre 22, 1993, Gumising!, ako’y tuwang-tuwa. Tinitigan ko nang husto ang larawan, ipinananalangin ko na sana’y mabuhay ako roon. Tiningnan ko muli ito pagkalipas ng dalawang araw, at gayon pa rin ang epekto. Salamat sa gayong kahanga-hangang pampatibay-loob.
S. H., Estados Unidos
Hindi ko alam kung sino ang inyong mga debuhista, subalit ang kanilang gawa ay tunay na kahanga-hanga! Ang ilan sa pinakamagandang larawan na aking nakita ay nasa inyong mga aklat at publikasyon. Ako’y isa ring debuhista, at talagang hinahangaan ko ang mahusay na sining.
D. W., Estados Unidos