“Napakahusay na Paggawa!”
“Napakahusay na Paggawa!”
GAYON ang mababasa sa ulong-balita sa St. Helena News. Ginawa iyong muli ng mga Saksi ni Jehova. Sila’y nagtayo ng ikalawang Kingdom Hall sa maliit na pulo ng St. Helena, mahigit na isanlibo animnaraang kilometro sa gawing kanlurang Aprika. Ang gusali ay matatagpuan sa mataas na kinalalagyan sa isang lugar na tinatawag na Half Tree Hollow, na may napakagandang tanawin ng Atlantic Ocean.
Ang inspektor ng gusali at pinunong bombero ay nagbigay ng ilang komendasyon sa mga Saksi. “Napakahusay ng inyong ginawa,” sabi ng isang retiradong gobernador. “Ito’y isang kahanga-hangang gawa!” ang sabi pa ng inspektor sa kuryente.
Ang araw ng pag-aalay ay itinakda noong Sabado, Enero 9, 1993. Sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa radyo, ang buong kapuluan na may halos 6,000 katao ay inanyayahang dumalo. Subalit matatapos kaya ng maliit na grupo ng mga Saksing tagaroon, na may halos 150 ang dami, ang proyekto sa tamang panahon? Si Sarel Hart, isang naglalakbay na tagapangasiwa mula sa Timog Aprika, ay nagsasabi: “Pagkabahala ang nag-umapaw sa aming mga puso nang hapon ng petsa otso, kailangan pang tambakan nang husto ang driveway upang pumantay ito.” Paano sila makakukuha ng mga trak, kagamitan, at sapat na panambak upang mapantay ang lupa sa gahol na panahong iyon? Si Hart ay nagpatuloy: “Ang tahimik na mga panalangin ay dininig ni Jehova. Sinabi ng kontraktor na nagdadala ng panambak sa mga kapatid: ‘Ang hiniling ninyo ay limang trak ng panambak. Alam kong kailangan ninyo ng higit pa. Hindi na ako nagbilang pa—hayaan na lamang ninyong magkarga ang mga trak hanggang sa makasapat sa inyo.’ Alas 4:00 n.h. nang ang operator ng front-end loader ay napadaan nang siya’y pauwi na. Tinawag siya ng isa sa mga Saksi at ipinaliwanag sa kaniya ang aming alanganing kalagayan. ‘Basta bayaran ninyo ang overtime ko,’ aniya, at dinala niya ang kaniyang makina sa driveway at pinantay ang lupa na kasimbilis ng pagtatambak ng mga trak. Sa loob ng tatlong oras ang baku-bakong harapan ng Kingdom Hall ay naging makinis at patag na driveway.
Nang sumunod na araw ang kabuuang 328—mahigit sa 5 porsiyento ng mga tagaisla—ang dumalo sa pahayag sa pag-aalay. Kabilang sa nakinig ay ang kalihim ng pamahalaan at isa sa mga tagapayo, at ang Anglicanong obispo ay nagpadala rin ng mensahe na bumabati sa kanila.
[Mapa sa pahina 31]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Aprika
St. Helena
[Larawan sa pahina 31]
Bagong Kingdom Hall