Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Nagkukunwang mga Pulubi
Sa Tsina, ang pagpapalimos ang nagiging daan upang magpayaman ang kahiya-hiyang mapanlinlang na mga nagpapanggap, ulat ng Worker’s Daily. Kapag ang mga batang pulubi ay nakakita ng tao na mukhang mahabagin, sila’y “iiyak at magsasabing ‘tiyo, tiya—gutom na gutom po ako.’ Ang isang posibleng maglilimos ay walang magagawa kundi ang magbigay,” sabi ng pahayagang Intsik. Kinukurot ng mga ina ang kanilang mga anak upang umiyak at pagkatapos ay magsasabi na “may sakit ang kanilang mga anak at walang pera upang magpatingin sa mga doktor.” Ang matatanda, sabi nito, ay lumuluhod, “nagpapatirapa, at namimilit ng limos.” Isiniwalat ng pagtatanong sa 25,000 pulubi sa loob ng tatlong taon na tanging 8.5 porsiyento sa kanila ang walang sinumang maaasahan at tanging 18.5 porsiyento ang waring talagang may kapansanan, sabi ng isang opisyal na Intsik.
Inihabla ng Higit Pang Biktima ang Simbahan
Ang mga biktima ng panghahalay sa relihiyosong mga institusyon sa Australia na pinangangasiwaan ng Katolikong “mga kapatid” ay nagsasama-sama upang maging ang inilalarawan ng The Canberra Times bilang isa sa pinakamalaking legal na kilusan sa kasaysayan sa batas ng Australia. Isang kahilingan upang pahintulutan ang mahigit na 250 kasulatan upang iharap para sa kabayaran ang isinampa kamakailan ng isang organisasyon na kumakatawan sa dating mga biktima ng pang-aabuso sa bata. Ang pang-aabuso di-umano’y naganap mula dekada ng 1940 hanggang dekada ng 1980, at kabilang sa pangunahing mga nasasakdal na tinukoy ng mga kasulatan ay ilang Katolikong arkodiyosesis. Isang magpaparing Marist ay hinatulan ng panghahalay. Ang abugado na kumakatawan sa biktima sa kasong ito ay nagsabi: “Gangga-kalingkingan lamang ng suliranin ang ating nakakaharap. Malamang na marami pang legal na mga pagkilos ang magaganap sa susunod na mga taon. Ang lahat ng relihiyosong mga institusyon ay dapat na mabahala.”
Sino ang may Pinakamaraming Anak?
Aling bansa ang may pinakamaraming nagdadalang-tao sa daigdig? Ayon sa United Nations, ang una ay ang Rwanda, kung saan ang mga babaing nasa edad para manganak ay nagsisilang, sa katamtaman, nang 8.5 bata bawat isa. Ang sumunod ay ang Malawi na may 7.6 bata, ang Côte d’Ivoire na may 7.4, at Uganda na may 7.3. Ang katamtamang bilang sa daigdig ay 3.3 bata, samantalang para sa maunlad na mga bansa ito’y 1.9. Kataka-taka, ang bansang may pinakakaunting mag-anák sa daigdig, na may 1.3 bata bawat babaing nasa edad para manganak, ay ang Italya na dating palaanakin. Lipas na ang panahon nang naging karaniwan na sa Italyanong pamilya na magkaroon ng tatlo, apat, o higit pang mga anak. Maliwanag, nagwakas na rin ang panahon na kung saan ay sinunod ng mga Italyano ang mga utos ng Iglesya Katolika may kinalaman sa pagpigil sa pag-aanak at kontrasepsiyon.
Pakikipag-usap ng Magulang Bago ang Pagsilang
Bakit dapat na makipag-usap sa sanggol na nasa sinapupunan pa ng ina? Sa magasing Veja sa Brazil, ang Suisong sikayatrista sa bata na si Bertrand Cramer ay nagsabi: “Ang uri ng pakikipag-usap na ito ay nagpapahintulot sa mga magulang, lalo na sa ina, ng unang pakikipag-ugnayan sa bata bago isilang.” Bagaman hindi lubusang alam kung paano binibigyang-kahulugan ng sanggol ang gayong pakikipag-usap, “ang tanging tiyak na bagay ay na gumagana ang memorya nito, na siyang kahanga-hanga,” ayon kay Cramer. Isa pa, pagkasilang, yamang ang sanggol ay masusing nagmamasid sa mga ibinabadya ng mukha ng mga magulang, sinabi ni Dr. Cramer na “ang munting mga kaganapan sa buhay ay may napakalaking kahalagahan na sa unang mga araw.” Gayunman, siya’y nagbabala: “Sa halip na labis na mabahala sa pagkakaroon ng walang-kapintasang mga anak, dapat na iwasan ng mga magulang ang di-mabuting kaugnayan sa kanilang mga anak, na maaaring magbunga ng maligalig, nanlulumong mga adulto sa hinaharap. Sapat nang mangarap na magnais na magkaanak ng normal—at hindi ng posibleng mga magkakamit ng gantimpalang Nobel.”
Masisisi Rin ang mga Simbahan sa Hungarya
Halos kalahating milyon ng mga Judio ang di-umano’y pinaslang sa Hungarya noong Digmaang Pandaigdig II. Paano tumugon ang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan sa nakapangingilabot na panahong ito? Isiniwalat ng isang ulat na inihanda ng mga teologong Lutherano, Baptist, at Romano Katoliko na ang mga simbahang ito ay “nagsisisi sa hindi pagkilos nang may higit na kapuspusan upang maingatan ang kapuwa-mamamayang mga Judio sa kanilang bansa.” Bakit ang mga iglesya ay atubiling tumutol sa pag-uusig na ito? Ang atubiling saloobing ito ay sinasabing “bunga ng pagtutol ng mga iglesya laban sa tradisyong Judio, gayundin naman sa karaniwang malapit na kaugnayan sa mga awtoridad,” sabi ng Süddeutsche Zeitung.
AIDS sa Côte d’Ivoire
Sa halos 13 milyong naninirahan sa Côte d’Ivoire, Kanlurang Aprika, halos 1 sa 10 adulto ang nahawahan ng virus ng AIDS, na siyang gumagawa rito na pinakamalubhang nahawahang rehiyon sa daigdig. Sinasabi ng mga doktor na ang AIDS ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga bata pang adulto sa Abidjan, ang kabisera ng bansa, at na ang epidemya ay halos umabot na sa lahat ng bahagi ng bansa. Sinabi ng pamahalaang Pranses na ito’y maglalaan ng mas malaking pinansiyal na tulong upang masugpo ang epidemya ng AIDS sa Côte d’Ivoire. Gayunman, ang Pranses na mga doktor at mga minister ng pamahalaan ay nagsasabi na ang industriya ng internasyonal na parmaseyutiko ay walang gaanong nagawa upang tulungan ang nagpapaunlad na mga bansa sa kanilang paglaban sa AIDS. Sinabi pa ng pahayagang Pranses na Le Monde na ang patakaran ng pagpepresyo ng mga gumagawa ng gamot na laban sa virus na kailangan upang magamot ang mga biktima ng AIDS ay talagang hindi kayang bilhin ng mga tao sa Aprika.
Kamatayan sa Panahon ng Pagdadalang-tao
“Ang pagdadalang-tao ang isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan sa kababaihan na nasa edad para manganak sa nagpapaunlad na mga bansa,” sabi ng 1992 Report na inilathala ng United Nations Population Fund. Sa bawat araw noong 1992, ang katamtamang bilang na 1,359 na babae sa nagpapaunlad na bansa ang namamatay bunga ng mga komplikasyon na may kaugnayan sa pagdadalang-tao o panganganak. Sa kabaligtaran, sabi ng ulat, nang taon ding iyon, ang mga kamatayan may kaugnayan sa pagdadalang-tao sa maunlad na mga bansa ay kumitil ng 11 biktima sa bawat araw. Bagaman ang panganib na mamatay ang isang babae sa panahon ng pagdadalang-tao sa ilang mauunlad na bansa ay nagkakaiba mula 1 sa 6,000 hanggang 1 sa 9,000, ang panganib sa pinakamahirap na mga bansa ay 1 sa 20. Isiniwalat ng mga bilang na ito, sabi ng UNFPA, ang “nakagugulat na pagkakaiba sa pagitan ng nagpapaunlad at maunlad na mga bansa.”
Pinsala sa Pandinig
Isa sa 4 na kabataan sa Pransiya na palaging nakikinig ng musika sa personal na mga stereo headphone ay makararanas ngayon ng pinsala sa pandinig, ulat ng magasing Le Point sa Paris. Ang nakabibinging musika ang dahilan. Mahigit sa dalawang-katlo ng mga kabataan sa Pransiya ang may personal na mga stereo. Marami sa mga stereong ito ang naghahatid nang tuwiran mula 100 hanggang 110 decibel ng nakabibinging tunog sa ear canal. Upang maiwasan ang permanenteng pinsala sa pandinig, sinasabi ng mga doktor na sa antas na 100-decibel, hindi dapat magpatuloy ang pakikinig sa loob ng 40 minuto at limang minuto lamang sa antas na 110-decibel! Subalit, maraming kabataan ang umaamin na ang kanilang pakikinig sa kanilang headphone ay kalimitang lumalampas sa limang oras sa isang araw. Kung iisipin ang dami ng mga kabataang nakararanas ng patuloy na maagang pagkabingi, iminungkahi ng World Health Organization na ang pinakamalakas na hanggahang output na 90 decibel ang dapat itakda sa personal na mga stereo.
Hadlang sa Pagpapatiwakal
Isang bagong sentro para sa paghadlang sa mga nagpapatiwakal at tangkang pagpapakamatay ang itinayo sa Karolinska Hospital sa Stockholm, Sweden. Ang pangulo ng sentro, Ikalawang Propesor na si Danuta Wasserman, ay nagsabi sa pahayagang Sweko na Dagens Nyheter na isa sa maraming salik sa pagpapatiwakal at tangkang pagpapakamatay ay ang kawalan ng pagtitiwala na nadarama mismo ng mga indibiduwal na nagpapatiwakal at sa iba. Sa gayo’y kaniyang iminungkahi ang higit na malapit na kaugnayan sa iba at higit na pakikipagkapuwa ang makapagpapaunti sa mga pagpapatiwakal. “Sa Sweden may nagaganap na hilig na lumayo sa iba at mamuhay na mag-isa,” aniya. Kaniyang iminungkahi na kung ang kaisipan ng pagpapatiwakal ay nagpapatuloy, ang isang tao ay dapat na “umiwas sa pagtanggi-sa-sarili at pag-iisa” at “makipag-usap sa sinuman.” Ipinakita ng pangmatagalang mga pagsusuri na sumubaybay sa mga nagtangkang magpatiwakal na 90 porsiyento sa kanila ang sa wakas ay nagkaroon ng normal na buhay paglipas ng matinding problema.
Natuklasang Lungsod sa Bibliya
Iniuulat ng Le Figaro, isang pahayagang Pranses, na isang pangkat ng mga arkeologong Hapones ang nakatuklas sa mga nalabi ng isa sa limang sinaunang mga lungsod sa Bibliya na tinatawag na Aphek. Sa loob ng maraming taon may kabiguang sinikap ng mga iskolar na iugnay ang lugar ng sinaunang lungsod na ito sa modernong nayon ng Afriq, o Fiq, limang kilometro sa silangan ng Dagat ng Galilea. Gayunman, ipinalalagay ng arkeologong si Hiroshi Kanaseki na ang pagkatuklas ng bahagi ng sinaunang pader sa ‘En Gev, na matatagpuan sa baybay ng Dagat ng Galilea, ay nagpapatunay na ang lugar na iyon ang siyang kinaroroonan noon ng partikular na lungsod ng Aphek sa Bibliya. Ito rin ay binanggit ng Bibliya sa 1 Hari 20:26 bilang ang lugar kung saan ang Syrianong Hari na si Ben-hadad II ay natalo ng hukbo ng mga Israelita sa ilalim ni Haring Ahab.