“Sa Aba, Sa Aba, Ikaw na Dakilang Lungsod”
“Sa Aba, Sa Aba, Ikaw na Dakilang Lungsod”
SA LAHAT ng mga lungsod sa daigdig na nag-aangking dakila, wari bang wala nang higit pang nababagay riyan kaysa yaong itinuturing na sagrado o banal sa relihiyosong paraan. Subalit ang mga salitang “sa aba, sa aba” ay nagpapahiwatig na ang relihiyosong lungsod na tinatawag na “dakila” sa Apocalipsis 18:10 ay maliwanag na walang pagsang-ayon ng Diyos, gaya ng makikita natin mamaya.
Tumatawid Tungo sa Imortalidad?
Ang sagradong mga lungsod ng Hindu sa India ay tinatawag na tīrthas, ibig sabihin “mga tawiran” o “mga bagtasan.” Marami, gaya ng Banaras (tinatawag ring Benares, Kasi, o Varanasi), ay nasa mga pampang ng ilog. Subalit ang mga ito ay inuunawa na, hindi literal na mga tawiran, kundi bagkus espirituwal na mga bagtasan na ipinalalagay na nagpapahintulot sa mga tao na ligtas na matawid ang tubig ng buhay tungo sa mas mabuting buhay sa dako roon.
Isang ensayklopedia ang nagsasabi: “Ang Vārānasi ay isa sa pinakamatandang patuloy na pinaninirahang lungsod sa daigdig . . . , ang unang pamayanang Aryan sa gitnang libis ng Ganges.” Isa itong sentro ng relihiyon na kasing-aga nang ikalawang milenyo B.C.E. Bagaman isang lungsod na Hindu, lumilitaw rin ito sa mga kasaysayan ng Budismo at Islam. Noong ikaanim na siglo B.C.E., samantalang ang Banaras ang kabisera ng Kaharian ng Kasi, ipinangaral ni Buddha ang kaniyang unang sermon malapit dito. Ang Islam naman ay pumasok sa larawan noong 1194, nang sakupin ng mga Muslim ang lungsod.
Makikita sa gawing hilaga ng India sa ilog Ganges, ang Banaras ay isa sa pitong pinakabanal na lungsod ng mga Hindu sa bansa. Sa loob ng mga hangganan nito isang makasagisag na dako ang iniatas sa bawat diyos na Hindu at sa bawat isa sa iba pang dakilang tīrthas. Sa gayon, tinatawag ng The Encyclopedia of Religion ang lungsod na “isang maliit na paglalarawan ng banal na heograpiya ng India.” Susog pa nito: “Ang tindi ng kapangyarihan na nanggagaling sa makasagisag na pagtitipon ng mga diyos, tīrthas, at mga pantas sa isang dakong ito ay gumawa sa Banaras na siyang lubhang ipinagbubunying dako ng peregrinasyon sa India.”
Itinuturing ng mga Hindu ang Banaras na isang pinakamagandang dako upang mamatay. Ang popular na kasabihang Kāśyām maranam muktih ay nangangahulugang ang “Kamatayan sa Kasi ay paglaya.” Sinasabi ng tradisyon na ang sinumang mamatay roon ay tuturuan mismo ni Siva, katumbas na parang dinadala “sa ibayo ng baha ng samsāra tungo sa ‘malayong pampang’ ng imortalidad.” a
Gaya ng mga ilog saanman, ang Ganges ay paliku-liko na dinaraanan ang mauunlad na mga lungsod, tinatanggap ang alkantarilya at mga kemikal habang ito ay nagdaraan. Samantala, ang debotong mga Hindu, gaya ng idinidikta ng relihiyosong tradisyon, ay nagtatapon ng tinatayang
10,000 bangkay sa ilog araw-araw. Kasabay nito, ang mga peregrino, hindi alintana ang tiyak na panganib ng sakit, ay nananaog sa mga baitang sa kahabaan ng mga pampang ng ilog upang isagawa ang relihiyosong paliligo. Ito nga ba ang daan tungo sa imortalidad?Gaano Kawalang-hanggan ang “Walang-hanggang Lungsod”?
Isa pang ilog, marahil ang dating tinatawag na Albula may kinalaman sa kaputian ng tubig nito, ay umaagos sa isang relihiyosong lungsod sa Europa, ang “Walang-hanggang Lungsod” ng pitong burol. Ang ilog, na malaon nang naiwala ang kaputian nito, ay kilala ngayon bilang ang Tiber. At malaon nang nawala ng lungsod ang pitong burol nito. Gayunpaman, “ang pamana ng nakalipas na nananatili sa Roma,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, ay “walang katulad sa anumang lungsod sa Kanluran.”
Maraming monumento at makasaysayang mga gusali ang nagpapatunay sa pamanang ito. Na ito ay nanatili ay kamangha-mangha, kung isasaalang-alang na ang lungsod ay maraming ulit na sinakop at dinambong—sa pasimula ng ikaapat na siglo B.C.E. ng mga Gaul at sa Karaniwang Panahon, ng mga Visigoth noong 410, ng mga Vandal noong 455, ng mga Norman noong 1084, ng mukhang-salaping hukbo ng imperyo noong 1527, ng hukbo ni Napoleon noong 1798, at ng mga Aleman at ng Allies noong Digmaang Pandaigdig II.
Bagaman ang orihinal na binakurang lungsod ng Roma ay binubuo lamang ng 4 na porsiyento ng kabuuang sukat ng makabagong lungsod, ito ang Roma na pinupuntahan ng milyun-milyong turista upang makita, sapagkat dito makikita ang pinakamaraming monumento. Ang isa pang pang-akit sa mga turista, sa paano man maaga noong 1993, ay ang pagtatanghal na “Sixtus V at ang Roma.” Bilang papa mula noong 1585 hanggang 1590, si Sixtus ay nag-iwan ng gayong nagtatagal na bakas sa Roma anupat siya’y tinawag na “ang ama ng makabagong pagpaplano ng bayan.” Nagpapaliwanag kung bakit niya binago ang ayos ng Roma, ganito ang sulat ng The European: “Una, upang maglaan ng isang matibay na saligang arkitektura para sa pagpapatibay ng kapangyarihan ng Vaticano laban sa banta ng Protestante. . . . Ikalawa, upang gawin ang lungsod ng Roma, sa maraming paraan ay isa pa ring lalawigang bayan, ang karapat-dapat na luklukan ng Bagong Jerusalem.”
Ang Lungsod ng Vaticano, isang maliit na nabubukod na teritoryo ng Roma, ay nag-aangking ito ang “luklukan ng Bagong Jerusalem.” Noong 1929 nilagdaan ng Pasistang pamahalaan ng Italya ang Kasunduang Lateran, sa gayo’y kinikilala ang soberanya ng Lungsod ng Vaticano. Mula noon ang papa ang namahala sa lungsod na iyon taglay ang ganap na tagapagpaganap, pambatasan, at panghukumang awtoridad. Ang Vaticano ay may sariling sistema ng koreo at telepono at sarili nitong hukbo, pati na ang nakaunipormeng nasasandatahang bantay ng Vaticano, na siyang may pananagutan na ipagtanggol ang papa. Subalit ang gustong makita ng mga turista ay ang St. Peter’s Basilica, na sa loob ng mga dantaon ay siyang pinakamalaking simbahan sa Sangkakristiyanuhan. Ang pagkakakilanlang ito ay nawala noong 1989 nang matapos ang basilica sa Yamoussoukro, Côte d’Ivoire.
Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na “sa loob ng 1,000 taon, ang maging mamamayan ng Roma ay ang paghawak ng mga susi sa daigdig, upang mamuhay na ligtas, may pagmamalaki, at kaalwanan.” Subalit hindi na sa ngayon! Pinatutunayan ng katiwalian sa pulitika sa Roma at ng relihiyosong hindi pag-unlad ng Lungsod ng Vaticano na ang tinatawag na mga kaluwalhatian ng kahapon ay hindi walang-hanggan.
Ang Pinakabanal na Dako ng mga Islam?
Itinuturing ng halos isang bilyong Muslim sa buong daigdig ang lungsod ng Mecca bilang “ang dako ng banal, makaanghel, makahula, at mapalad na gawain ng tao mula noong unang sandali ng paglalang.” b Sang-ayon sa Islam dito nagsimula ang paglalang, kung saan itinayo ni Abraham ang unang bahay ng pagsamba, at kung saan niya dinala ang kaniyang babae na si Hagar at ang kanilang anak, si Ismael.
Mas maaga rito, marahil noong bandang 570 C.E., ang Mecca, Saudi Arabia, ang dako kung saan isinilang ang propetang si Muḥammad. Noong una ang kaniyang mga turo ay tumanggap ng kaunting pagtugon. Ang Mecca ay isang oasis sa ruta ng kalakalan sa pagitan ng India at Europa, at ikinatakot ng makapangyarihang mga mangangalakal
nito na ang kaniyang relihiyosong mga reporma ay maaaring humantong sa paghina ng ekonomiya. Palibhasa’y hindi nagkaroon ng matatag na katayuan doon, ang propeta ay bumaling sa Yathrib, na nakilala bilang Al-Madīnah (Medina), isang lungsod na mahigit 300 kilometro sa hilagang-silangan. Subalit noong 630 C.E., siya ay nagbalik sa Mecca, binihag ito, at ginawa itong ang espirituwal na sentro ng Islam.Sa ngayon ang Mecca ay isang mayaman at kosmopolitang lungsod, kahit na mga Muslim lamang ang maaaring manirahan doon. Kung panahon ng Dhu’l-Hijja, ang banal na buwan ng pagpeperegrino, angaw-angaw ang dumadalaw upang tuparin ang kanilang relihiyosong pananagutan ng hajj. Samantalang nasa Mecca ay dinadalaw ng mga peregrino ang Sagradong Moske, kung saan sila ay pitong ulit na lumilibot sa isang maliit na dambana na makikita malapit sa gitna ng walang bubong na looban ng moske.
Ang dambanang ito ay ang Kaaba, isang hugis-kubong gusali na karaniwang natatakpan ng isang malaking itim na kurtinang brocade at naglalaman ng sagradong Batong Itim. Ang batong ito, na sa paniwala ng mga Muslim ay ibinigay kay Adan para sa kapatawaran ng mga kasalanan nang siya’y palayasin sa Eden, ay puti noon. Sa tradisyong Muslim ang orihinal na Kaaba ay naglaho noong Baha ni Noe, subalit ang Batong Itim ay naingatan at nang maglao’y ibinigay kay Abraham sa pamamagitan ni anghel Gabriel, pagkatapos nito muling itinayo ni Abraham ang Kaaba at isinauli ang Batong Itim sa wastong dako nito. Sa direksiyon ng Kaaba—ayon sa pinakabanal na dako sa lupa ng Islam—ang mga Muslim ay mananalangin nang limang beses isang araw.
Dalawampu’t apat na mga pintuan ang humahantong sa looban ng Sagradong Moske, subalit ang tradisyunal na pasukan para sa mga peregrino ay ang Pintuan ng Kapayapaan, na makikita sa hilagang sulok. Gayunman, ang mga bagay ay hindi laging mapayapa kung panahon ng hajj. Noong 1987, sinikap na pamahalaan ng disidenteng mga Islam ang moske. Ang kaayusan ay agad na naisauli subalit pagkaraan lamang na masawi ang mahigit na 400 Muslim at mga 650 ang nasugatan. Ang gayong kawalan ng kapayapaan sa pinakabanal sa lahat ng mga dambana ng Islam ay kahina-hinayang, subalit ang mga Muslim ay nagtatamo ng kaaliwan mula sa turong Islam, na ayon dito ang sinumang mamatay samantalang nasa hajj ay nagkakamit ng kagyat na pagpasok sa langit.
Pagtataglay ng Dobleng Kapayapaan?
Ang Jerusalem, itinuturing ng mga Judio at nag-aangking mga Kristiyano bilang ang Banal na Lungsod at ng mga Muslim bilang ang pangatlong pinakabanal na dako sa lupa (kasunod ng Mecca at Medina), ay nangangahulugang “Pagtataglay ng Dobleng Kapayapaan.”Genesis 14:18) Bilang ang sentro ng administrasyon ng bansa, ito ay estratehikong makikita, sa gitna ng mga burol sa taas na halos 750 metro sa ibabaw ng antas ng dagat, ginagawa ito noong panahong iyon na isa sa pinakamataas na kabisera sa daigdig.
Mula 1070 B.C.E., ito ang kabiserang lungsod ng sinaunang Israel, bagaman ito ay umiral halos 900 taon na mas maaga sa ilalim ng pangalang Salem. (Noong ikaapat na siglo B.C.E., ang Jerusalem ay napasailalim ng pamamahala ng Gresya. Noong ikalawang siglo B.C.E., ito ay higit at higit na naimpluwensiyahan ng lumalawak na Imperyong Romano. Noong panahon ng pamumuno ni Herodes na Dakila, ang Jerusalem ay sumagana. Ang bahagi ng loobang pader ng templo na itinayo niya ay maliwanag na nakatayo pa, ngayo’y kilala bilang ang Kanlurang (Tangisang) Pader. Sapagkat sinikap ng mga Judio na alisin ang Romanong pamatok, sinalakay ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong Abril 70 C.E. Pagkaraan ng wala pang limang buwan, ang lungsod at ang templo nito ay naiwang wasak.
Sang-ayon sa isang palagay, ang Jerusalem ay 37 ulit na nasakop. Sa maraming kaso ito ay nagbunga alin ng bahagya o ganap na pagkawasak nito. Subalit isang bagong Jerusalem ang sa tuwina’y bumabangon sa ibabaw ng dating Jerusalem. Kaya noong bandang 130 C.E., ipinag-utos ni Emperador Hadrian na itayo ang isang bagong lungsod, isa na pinanganlang Aelia Capitolina. Walang Judio ang pinahintulutang pumasok dito sa loob halos ng dalawang dantaon. Pagkatapos, noong unang hati ng ikapitong siglo C.E., binihag ng mga Muslim ang lungsod at nang maglaon ay itinayo ang Dome of the Rock doon o malapit sa kinatatayuan ng dating templo.
Ang makabagong Estado ng Israel ay naitatag noong 1948, at noong 1949, ang Jerusalem ay nahati sa pagitan ng Israel at Jordan. Subalit noong 1967, noong Anim-na-Araw na Digmaan, nabihag ng mga Israeli ang kalahating bahagi nito sa silangan na hawak ng Jordan. Mula noon kanilang ginawang makabago ang lungsod, bagaman sinisikap na panatilihin ang makasaysayang integridad nito. Noong 1993 ang populasyon nito ay mahigit na kalahating milyon.
Palibhasa’y itinuturing ng tatlong pangunahing mga relihiyon sa daigdig ang Jerusalem na banal, kung minsan ay tumitindi ang relihiyosong kaigtingan. “Sa lahat ng mga alitan sa pagitan ng mga Judio at mga Arabe, ang tungkol sa Jerusalem ang pinakamasalimuot at hindi masupil,” sabi ng Time. Sa kasalukuyan may kaunting katibayan ng dobleng kapayapaan na ipinangangako ng pangalang Jerusalem.
“Ang Iyong mga Lungsod ay Magiging Wasak”
Ang lungsod na binanggit sa Apocalipsis 18:10 ay sumasagisag sa lahat ng relihiyon na hindi nakalulugod sa Diyos. “Sa aba, sa aba, ikaw na dakilang lungsod, Babilonya ikaw na malakas na lungsod, sapagkat sa isang oras ang paghatol sa iyo ay dumating!” Maliwanag, ito’y nangangahulugan na ang relihiyong salansang sa Diyos na Jehova ay malilipol. Sa kabila ng kanilang mga templo, seremonya, at relihiyosong mga kagamitan, ang “dakilang” mga lungsod ng relihiyon sa ngayon ay hindi magbibigay ng nagtatagal na proteksiyon sa araw ng paghatol ng Diyos.
[Mga talababa]
a Ang “samsara” ay nauunawaan ng mga Hindu na nangangahulugan ng paglipat sa isang walang-hanggan, di-nasisirang kaluluwa.
b Ang Islam: Beliefs and Teachings, inilathala ng The Muslim Educational Trust, ay nagsasabi na “ang pinakahuling populasyon ng mga Muslim sa buong daigdig ay maaaring halos 1,100 milyon.”
[Larawan sa pahina 22]
Ang sagradong moske ng Mecca at ang Kaaba
[Credit Line]
Camerapix
[Larawan sa pahina 23]
Ang Judiong Tangisang Pader ng Jerusalem at ang Dome of the Rock ng Muslim (kaliwa)
[Credit Line]
Garo Nalbadian