Tulong Para Pawiin ang Iyong Dalamhati
Ang Pangmalas ng Bibliya
Tulong Para Pawiin ang Iyong Dalamhati
“ANG KAHAPISAN ANG NAGPAPANGYARI SA ATING LAHAT NA MAGING MGA BATA MULI—NIWAWASAK ANG LAHAT NG PAGKAKAIBA-IBA NG KATALINUHAN. ANG PINAKAPANTAS AY WALANG NALALAMAN.”—RALPH WALDO EMERSON, IKA-19-NA-SIGLONG AMERIKANONG MAKATA AT MANUNULAT NG SANAYSAY.
ANG kamandag ng kamatayan ay hindi lamang nagdudulot ng kirot kundi nagpapamanhid sa karamihan ng mga naulila—asawang lalaki, asawang babae, ama, ina, anak na lalaki, anak na babae, o kaibigan. Ang pantas ay maaaring magtanong subalit walang mapakikinggang nakaaaliw na mga kasagutan, at ang matatatag ay maaaring tumangis dahil sa tindi ng dalamhati subalit hindi makatatanggap ng kaaliwan. Ang mga bumabasa ng Bibliya ay mapaaalalahanan tungkol sa paghiyaw ni David nang patayin ang taksil na si Absalom: “Anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Nawa’y ako ang namatay na kahalili mo, Oh Absalom anak ko, anak ko!” (2 Samuel 18:33) Ito’y hindi pag-iyak ng isang hari dahil sa isang traidor; ito’y pag-iyak ng isang ama sa kaniyang patay nang anak. Maaaring gayundin ang iyong nadama nang ikaw ay maulila.
Sa panahon ng matinding pagdadalamhati, ang nakaliligalig na mga katanungan ay maaaring sumaisip mo. ‘Bakit kailangan itong mangyari? Batid ba ng Diyos na ito’y mangyayari? Kung alam niya, bakit hindi niya pinigilan ito?’ Kahit na ang isang tao ay bihasa sa Bibliya at nakababatid na ang patay ay bubuhaying muli, ang nakaliligalig na mga katanungan ay maaaring humiling ng masidhing pagninilay-nilay upang lumubag ang loob at maaliw.
Ang di-tumpak na mga kasagutan ay hindi nagdudulot ng tunay na kasiyahan, maling kaaliwan lamang. Ang sabihan na ‘kailangan ng Diyos ang iyong mahal sa buhay’ ay kalimitang sanhi ng pagtalikod sa Diyos taglay ang mapait na damdamin. Ang katotohanan, gaya ng nilalaman ng Bibliya, ang sumasagot sa mga katanungan tungkol sa dalamhati at nagpapalapít sa isa sa Diyos na Jehova, sa halip na ilayo ang isa mula sa Diyos. Tinitiyak sa atin sa 2 Corinto 1:3, 4 na siya ang Ama ng kahabagan at Diyos ng buong kaaliwan.
Timbang ang Kaalaman at Kapangyarihan ng Diyos
Si Jehova, ang Makapangyarihan-sa-lahat, ay nakatatalos sa lahat ng nangyayari sa kaniyang mga nilalang. Tinitiyak sa atin ng Awit 11:4: “Si Jehova—ang kaniyang luklukan ay nasa langit. Ang kaniyang mga mata ay nagmamalas, ang kaniyang mga mata ay nagmamasid sa mga anak ng tao.” Sumulat si apostol Pablo sa Hebreo 4:13 na nagsasabi: “Walang nilalang na hindi hayag sa kaniyang paningin.” Hindi lamang nakatatalos ang Diyos kundi siya’y talagang nagmamalasakit! Si Jesus ay nagsabi: “Hindi ba ang dalawang maya ay ipinagbibili sa isang barya na maliit ang halaga? Gayunman ay walang isa man sa kanila ang mahuhulog sa lupa na hindi nalalaman ng inyong Ama. . . . Kayo ay nagkakahalaga nang higit kaysa maraming maya.”—Mateo 10:29, 31.
Mahahadlangan kaya ng Diyos ang wala sa panahong kamatayan ng isang mahal sa buhay at ang dalamhati na kasunod nito? Oo, mahahadlangan niya. “Ang lahat ng mga bagay ay posible sa Diyos,” sabi ni Jesus. (Marcos 10:27) Malaon nang panahon, dininig ni Jehova ang panalangin ng naghihingalong si Hezekias at pinagaling siya at dinagdagan ng mga taon ang kaniyang buhay. (Isaias 38:2-5) Walang alinlangan ang tungkol sa kakayahan ni Jehova na gawin ang lahat ng kaniyang maibigan, subalit dapat nating maunawaan nang higit ang kaniyang kalooban. Lahat tayo’y nakabasa ng mga ulat tungkol sa mga taong malubhang napinsala o nagkasakit, subalit sila’y nabuhay. Namagitan ba si Jehova para sa kanila?
Ang ilang tao ay may pambihirang lakas ng paggaling at sidhi ng pagnanais na mabuhay. Ito ang makapagpapaliwanag sa kanilang waring makahimalang paggaling. O ang ilang makabagong paggamot ay maaaring napatunayang matagumpay. Sa gayon, hindi natin dapat agad na ipalagay na si Jehova’y namagitan.—Filipos 4:13.
Ang Salita ng Diyos ang Nagpapaliwanag Kung Bakit ang mga Tao’y Namamatay
Sa Roma 5:12, payak na ipinaliliwanag ng apostol na si Pablo na ang ating ninunong si Adan ay naghimagsik laban sa kaniyang Maylikha at may katuwirang hinatulan ng kamatayan. Yamang tayo’y kaniyang mga inapo, tayo’y mga makasalanan at maaaring mamatay anumang oras. Wala tayong katiyakan na mabuhay nang patuluyan. Ipinauunawa ng sinaunang pantas na Haring Solomon na ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay dumarating kaninuman sa anumang panahon, ito man ay nakamamatay na aksidente o biglang pagkakasakit na walang-lunas. O maaaring ipanganak ang isa na may minanang kapinsalaan mula sa pagsilang na nagpapaikli ng kaniyang buhay. Ipinaliliwanag din ni Solomon na sa Diyos ay may panahon at kapanahunan sa lahat ng bagay. Ang Diyos ay nagtakda ng panahon ng pagpapagaling, hindi lamang para sa iilan, kundi sa lahat ng sumasampalatayang tao sa panahon ng paghahari ni Kristo Jesus.—Eclesiastes 3:1; 9:11; 1 Corinto 15:25, 26.
Isaisip ang makatotohanang bagay na ito: Ang mga Kristiyano ay hindi naliliban sa mga kalamidad na nararanasan ng mga tao at sa gayo’y nakararanas ng mga bagay na karaniwan sa sangkatauhan. “Ang mga pagsubok na inyong binabata ay wala kundi ang karaniwang dinaranas ng mga tao.”—1 Corinto 10:13, The Jerusalem Bible.
Ang Paraan ng Panunumbalik Muli
Ang kamatayan ang panahon ng pagluha na may kasamang marubdob na kataimtiman sa pagsusumamo kay Jehova, ang Dumirinig ng panalangin. Ngayon higit kailanman, lumapit sa Diyos. Ngayon higit kailanman, ibuhos ninyo ang laman ng inyong puso sa pagsusumamo para sa matalinong-unawa, para sa kalakasan upang makapanumbalik muli. Hinihimok tayo ng Bibliya na gawin ang gayon. Ganito ang sabi ni Pedro: ‘Ihagis ninyo ang lahat ng inyong kabalisahan sa kaniya, sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.’ (1 Pedro 5:7) Anong laking kaaliwan ang mga salita ng Diyos sa Isaias 57:15: “Sapagkat ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan at ang pangalan ay banal: ‘Sa mataas at banal na dako ang aking tahanan na kasama rin niya na may pagsisisi at pagpapakumbabang-loob.’” Ang isang napipighati ay nangungunyapit sa kaniyang Ama; mayroong mas matinding pagkamalapit higit kailanman. “Kung ikaw ay lalong lumalapit sa Diyos, lalong lalapit siya sa iyo,” sulat ni Santiago. (Santiago 4:8, JB) Tinitiyak sa atin ni Santiago na ang Diyos ay kusang loob na magbibigay sa atin ng kinakailangang karunungan at kalakasan upang lumakas na muli.
Karagdagan pa, masusumpungan mo ang iyong sarili na higit na mahabagin sa tao may kinalaman sa mga pagsubok at mga kahirapan ng iba, higit na madamayin. Higit mong mababatid kung ano ang nadarama ng ibang tao at kung paano magbibitiw ng mga salitang nakaaaliw at nagbibigay ng pag-asa. Ikaw ay maaaring makatulong pa sa isang namimighati sa kaniyang kahapisan. Oo, magkakaroon ka ng higit na empatiya sa iba sa kanilang kabagabagan.—Filipos 2:1.
Ang kamatayan ng isang mahal sa buhay ay nakahahapis at masaklap sa ilang panahon, marahil sa mahabang panahon. Subalit, sa wakas, ito’y maaaring magbunga ng mas malinaw na pangmalas sa pag-asa sa hinaharap, ang pag-asa na makapaglingkod sa Diyos na wala nang mapapait na karanasan. Tayo’y maaari pang higit na maging matatag sa ating Kristiyanong personalidad.—1 Pedro 1:6, 7.
Kaya sa kabila ng kirot ng pagdadalamhati, huwag susuko! Hayaan mong maging iyong paninindigan na patuloy na maglingkod sa Diyos na totoo at tapat, para sa kaniyang kaluwalhatian at karangalan at sa iyong walang-hanggang kaligtasan.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
The Day Before Parting ni Jozef Israels: Kaloob ni Alice N. Lincoln, sa Kagandahang-loob, Museum of Fine Arts, Boston