Ang Kasaysayan ng Sorbetes
Ang Kasaysayan ng Sorbetes
MALAKI na ang naisulong ng sorbetes simula noong unang panahon nito. Ang sinaunang mga Romano ang nakaimbento ng sorbet. Ang panghimagas na ito na medyo pinatigas sa yelo, gawa mula sa niyebe, prutas, at pulutpukyutan, ay makikita kung minsan sa hapag ng mayayaman. Ang paggawa ng sorbet ay pinaghusay nang husto sa loob ng mahabang panahon, maliwanag na naabot nito ang tugatog sa kamay ng mga Arabeng eksperto sa pagkain noong Edad Medya. Ang mga salitang “sorbet” at “sherbet” ay marahil may Arabikong pinagmulan.
Masasabi na ang karaniwang sorbet, na gawa sa tubig lamang, ang sinundan ng makabagong-panahong sorbetes. Ang malaking pagbabago ay naabot sa paggamit ng gatas, itlog, asukal, at pampalasa, na nagdudulot ng malakrema, napakasarap na lasa. Kung ikaw ay nabuhay noong dekada ng 1600 sa korte ng Pranses na haring si Louis XIV, masasaksihan mo ang pagpapakilala ng sorbetes sa mataas na lipunan ng matataas na tao. Noong panahong iyon nagkaroon ng usap-usapan sa gitna ng mga doktor at ibang mga iskolar kung ang sorbetes ay mabuti sa panunaw o hindi.
Paano naging posible na gumawa ng sorbetes samantalang wala namang pampalamig na mga makina sa paggawa ng sorbetes? Noong una, dalawang lalagyan na yari sa kahoy o metal ang ginagamit, ang isa ay nasa loob ng isa pa. Ang halo ng sorbetes ay inihanda sa isang mas maliit na lalagyan, at ang puwang sa pagitan ng dalawang lalagyan ay pinupunô ng yelo at asin. Pagkatapos na paghaluin ang mga sangkap, iniiwan ang halo sa lalagyan, at maaari nang kanin ang sorbetes. Saan nagmula ang yelo? Malaon nang natuklasan ng mga tao na maaaring gawin at itago ang yelo sa pamamagitan ng pagtitipon ng niyebe kung taglamig at pagbubunton nito sa mga hukay na natatakpan ng dayami at mga sanga ng encina. Noong ika-19 na siglo, naimbento ang mga makina sa paggawa ng yelo at ginamit para sa pangmaramihang paggawa nito. Sa bahay ang yelo ay iniimbak sa mga kahong panyelo na yari sa kahoy at tapon.
Ang dantaong ito ang nakasaksi ng higit na kahusayan sa mga paraan ng paggawa ng sorbetes. Ang mga palamigan, makina sa paggawa ng sorbetes, at iba pang kagamitan sa ngayon ang nakapagpapadali kapuwa sa pang-industriyal at pambahay na paggawa ng sorbetes, na may napasulong na mga pamantayan sa kalinisan.
Ang Sining ng Paggawa ng Sorbetes
Ang isang bihasang gumagawa ng sorbetes ay nakaaalam nang lubos sa kaniyang trabaho, na ang ibig sabihin ay kailangan niyang maging isang tagagawa ng matatamis at kusinero, kung minsan ay isang debuhista, at sa paano ma’y isang kimiko at bacteriologist din. Ano ang nagpapangyari sa sorbetes na maging malapot, malakrema, at masarap? Buweno, kuning halimbawa ang gawang industriyang sorbetes. Sa panahon ng paggawa, ang mga taba at purong mga katas ng gulay ay idinaragdag upang palaputin ang halo. Inihahalo rin ang tamang dami ng mga itlog, asukal, at kung kinakailangan, natural na pangkulay at pampalasa, gaya ng tsokolate, kape, at prutas. Mayroon ding sorbetes na may peanut-butter.
Pagkatapos na ang halo ay mapaghalu-halo sa temperaturang 70 digris Celsius, itataas ang temperatura nito sa 90 digris Celsius upang mapatay ang anumang mikrobyo na maaaring naroroon. Pagkatapos na ito’y lumamig sa 4 na digris Celsius sa loob ng ilang oras, ito’y titigas. Ang ikalawang yugto ng proseso ay ang pagpapatigas. Ang temperatura ay mabilis na ibinababa sa -6 hanggang -10 digris Celsius, habang ang mga halo ay marahang hinahalo. Pinangyayari nitong magkaroon ng hangin ang halo, isa sa mga salik na nagdudulot sa sorbetes ng karaniwan, malakremang lasa.
Maraming taon na ang lumipas simula nang maibigan ng mga Romano ang kanilang mga sorbet at simula nang ipakilala ang sorbetes sa korte ni Louis XIV. Subalit sa susunod na maibigan mo ang iyong paboritong pinalamig na panghimagas, iyon ma’y sorbet o sorbetes, pasalamatan ang sinaunang mga Romanong iyon dahil sa pag-iimbento ng gayong nakarerepreskong idea!