Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon”

“Ang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon”

“Ang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon”

BAWAT lungsod ay may mga pundasyon, kaya kung ang isa ay inilarawan na may tunay na mga pundasyon, tiyak na ito nga ay isa na totoong matatag. Ang sinaunang kabiserang mga lungsod, gaya ng Babilonya, Petra, Ashur, at Teotihuacán, ay hindi aangkop sa paglalarawang iyan. Dati’y masigla at punô ng mga ingay ng tao, ang mga lungsod na ito sa ngayon ay patay na at nabalot ng katahimikan. Gayundin ang mga bansang kinakatawan nila.

Ang makabagong pambansang mga kabisera ay pangkalahatang nakatitiyak din sa kanilang mga pundasyon. Ang mga ito ay maaaring hindi laging ang pinakamalalaking lungsod sa kani-kanilang bansa, subalit ang bagay na ang isang lungsod ay nagsisilbi bilang kabisera ng bansa ay nagkakaloob dito ng kabantugan gaano man ang laki nito. Tingnan natin ang apat na halimbawa.

Tila Magkasalungat

Noong 1790 ipinag-utos ng Kongreso ng E.U. na ang permanenteng luklukan ng pamahalaan ay hindi dapat sa loob ng mga hangganan ng anumang umiiral na estado. Kaya isang pantanging teritoryo na tinatawag na Distrito ng Columbia ay itinatag sa layuning iyan. Makikita sa gawing silangang rehiyon ng Estados Unidos sa Distrito ng Columbia, ang lungsod ng Washington ay hindi dapat ipagkamali sa estado ng Washington, na nasa baybaying Pasipiko libu-libong milya sa hilagang-kanluran ng pambansang kabisera.

Ang orihinal na disenyo, na natapos noong 1791 ng inhinyerong Pranses na si Pierre L’Enfant, ay humiling ng isang masalimuot na sistema ng liwasang bayan at bukás na mga espasyo na magsisilbing tanawin sa likuran kung saan ang Kapitolyo at ang iba pang gusaling pederal ay pinakamagandang maitatanghal. Ang tahanan mismo ng pangulo ay sa wakas idinisenyo ng Irlandes na arkitektong si James Hoban. Ang abuhing-puting batong buhangin ay litaw na litaw sa mga gusaling pulang ladrilyo sa malapit anupat ito’y agad na binansagang “White House,” isang pangalan na opisyal na pinagtibay noong 1902.

Sa anumang pamantayan ang Washington ay natatangi. Ang mga gusaling pederal, pati na ang mahigit na 300 monumento at mga estatuwa, ang nagpapalamuti sa part-time na tahanang ito ng daan-daang pulitiko. At ayon sa isang pinagkunan ng impormasyon, ito’y tahanan ng hindi kukulanging 55,000 abugado at 10,000 peryudista!

Ang Washington, gaya ng sabi nila, “ay nagpapabanaag ng pinakapangit at pinakamagandang bahagi ng Amerika.” Kabilang sa pinakapangit ang mga problema na sumasalot sa lahat ng mga lungsod sa E.U.: kawalan ng trabaho, polusyon, krimen, mababa sa pamantayang pabahay, at kaigtingang panlahi, upang banggitin lamang ang ilan. Ang Washington ay, gaya ng tawag dito ng isang kilalang reperensiyang akda, “isang tila magkasalungat na metropolis na kilalang-kilala sa kapangitan at krimen nito gayundin sa iba’t iba at talagang pambihirang kagandahan nito.”

Isang Pangatlong Roma?

Hanggang kamakailan lamang, ang Washington at ang Moscow ay parehong may White House​—ang punong tanggapang gusali ng republikang Ruso ay binigyan din ng ganitong bansag dahil sa marmol na harap nito​—at ang dalawang lungsod ay may ekselenteng sistema ng subway na tinatawag na Metro.

Ang Moscow Metro ay mabilis at mura, may kagandahang bihirang matagpuan sa mga subway. Noong Agosto 1993, ang pasahe para sa isang biyahe, gaano man kalayo, ay katumbas ng halos isang sentimo ng E.U. Ang ilang istasyon ay yari sa marmol at naglalaman ng kahanga-hangang mga larawan, mga estatuwa, at makulay na mga guhit sa mga kisame. Mabilis na inihahatid ng mga eskaleytor ang mga sumasakay mula sa antas ng kalye tungo sa mga tren at pabalik.

Ang Moscow ay isa sa pinakamatandang lungsod ng Russia, itinatag noong 1147, ayon sa tradisyon. Noong ika-15 siglo, ito ang naging kabisera ng katatatag na pinagkaisang estado ng Russia, gayunman, isang posisyong naiwala nito noong 1712 sa St. Petersburg. Pagkalipas ng dalawang dantaon, noong 1918, pagkatapos ng Himagsikang Bolshevik, nakuhang muli ng Moscow ang posisyon nito bilang ang kabisera ng Russia at naging kabisera rin ng bagong Unyong Sobyet.

Ang Kremlin, sa loob ng mga dekada na siyang naging sagisag ng Komunismo at ang sentro na pinanghahawakan ng Moscow, ay nahahanggahan sa silangan ng Red Square.

Sa gawing timog na dulo ng Red Square ay ang Katedral ng St. Basil, itinayo noong kalagitnaan ng ika-16 na siglo ni Czar Ivan IV, mas kilala bilang Ivan na Terible. Ang disenyo nito at ang matingkad na mga kulay ay walang katulad. Sinasabi ng tradisyon na ang arkitektong gumawa nito ay binulag pagkatapos upang hindi na siya muling makagawa ng anumang gaya nito.

Ang pulitika at relihiyon ay lubhang magkaugnay sa likuran ng mga pader ng Kremlin sa loob ng mga dantaon​—kung saan ang mga katedral doon ay mga piping saksi, lalo na pagkatapos na ang Moscow ay naging sentro ng Rusong Iglesya Orthodoxo noong 1326. Nang maglaon ang Moscow ay nakilala bilang ang “Pangatlong Roma,” at “ang mga Ruso ay naging kumbinsido na sila’y nakatayo sa isang pantanging dako​—sa pagsang-ayon ng Diyos bilang ang pangwakas na tagapag-ingat ng relihiyosong katotohanan.” Subalit ang mosoleo sa Red Square, kung saan ibinurol si Lenin, at ang libingan ng iba pang ateistang Komunista sa pader ng Kremlin ay nagpapasinungaling sa pag-aangking ito.

Kabisera ng Pag-asa?

Ang idea na paglalagay ng isang kabisera sa interyor ng Brazil ay ipinahayag kasing-aga noong 1789 at inilakip pa nga sa konstitusyon noong 1891. Gayunman, noon lamang 1956 napili ang lugar. Pagkaraan ng apat na taon sinimulan ng pederal na pamahalaan ng Brazil ang 1,000-kilometrong paglalakad mula sa Rio de Janeiro upang marating ang bagong tahanan nito.

Na ang buong lungsod na iyon ay itinayo sa napakaikling panahon ay kahanga-hanga. May pagmamalaking itinuturing ito ng maraming taga-Brazil bilang isang sagisag ng kadakilaan ng kanilang bansa sa hinaharap. Pinuri nila ito bilang ang pinakamakabagong kabisera sa daigdig, tinatawag itong isang “kabisera ng pag-asa.” Ang Brasília ay may kahanga-hangang modernong arkitektura, at ang maayos na pagkakagawa rito ay gumagawa ritong isa sa pinakakilalang halimbawa ng malawakang pagpaplano ng lungsod.

“Ang layunin ng Brasília,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay ituon ang pansin sa interyor ng bansa at pabilisin ang panirahanan sa rehiyon at ang pagpapaunlad ng hindi pa nagagamit na mga yaman nito.” Sa paano man ang mga layuning ito ay natamo. Subalit gaya ng Washington, na ang sukat ng metropolitan ngayon ay 40 ulit na kasinlaki ng Distrito ng Columbia, ang Brasí_lia ay lumaki. Sa halip na 600,000 ayon sa pagkakadisenyo rito, mahigit na 1,600,000 katao ang ngayo’y nakatira roon at sa paligid na satelayt na mga lungsod. Sa ilang bahagi nito ang buhay ay hindi gaanong maganda.

Sa ilang bagay kahit ang positibong mga aspekto ng lungsod ay napatunayang mga balakid. “Ang katangian ng Brasília,” sabi ng magasing National Geographic, “ay nasa pagitan ng isang hardin na ginayakan ng mga estatuwa at isang kolonyang maguguniguni mong masusumpungan sa buwan.” Ang Das Bild unserer Welt (Isang Larawan ng Ating Daigdig) ay nagsasabi: “Hanggang sa ngayon imposibleng lumikha ng isang atmosperang lungsod sa Brasília, ang bagong kabisera. Sa halip, sa patiunang isinaplanong lungsod na ito, ang okultismo, mga pangkat na nagsasagawa ng sekretong mga ritwal, at mga sekta ay nanagana higit saanmang dako​—isang reaksiyon ng mga tao sa kahungkagan at kapanglawan.”

Sa gayon, “ang kabisera ng pag-asa” ay maliwanag na may ilang kahinaan. Ang malamig, walang kabuhay-buhay na atmospera at ang tiwangwang na dako nito​—karaniwan nang ninanais sa malalaking lungsod​—ay lalo nang kapansin-pansin kapag iniiwan ng mga pulitiko at mga nag-oopisina ang lungsod kung mga dulo ng sanlinggo at mga pista opisyal.

Mataas sa mga Bundok

Walo sa sampung pinakamataas na mga bundok sa daigdig ay alin sa bahagya o lubusang nasa loob ng mga hangganan ng Nepal. Kaya, hindi kataka-taka na ang kabisera nito ay makikita mahigit na 1,300 metro sa ibabaw ng antas ng dagat. Kung ihahambing sa malalaking lungsod, ang populasyon ng Kathmandu na mga 235,000 ay katamtaman. Para sa bawat maninirahan nito, mahigit na 80 iba pang mamamayang taga-Nepal ang nakatira sa ibang dako. a

Ang kabisera ay nasa Libis ng Kathmandu, na noong sinaunang panahon ay isang lawa. Ang laki ng libis, mga 19 por 24 kilometro, ay hindi isang wastong sukatan ng kahalagahan nito. Sa loob ng mga dantaon ito ay isang makapangyarihang sentro ng kalakalan sa pangunahing mga ruta na nag-uugnay sa India sa Tsina at Tibet. Ang lupang pansaka ay laging pinakamaliit sa bulubunduking mga bansa, kaya ikinatatakot na ang mga lungsod sa libis ay baka lumaki nang husto at alisan ang bansa ng mahalagang matabang lupa nito. Ang pangambang ito ay totoo. Ang populasyon ng Kathmandu ay mahigit na nadoble mula noong 1960. Tinataya na sa taóng 2020, halos 60 porsiyento ng libis ay maaaring maparam at lumawak na maging mga lungsod.

Ang Kathmandu, ang tanging pangunahing lungsod ng Nepal, ay malaon nang gumanap ng pangunahing papel sa sosyal, ekonomiya, at pulitikal na mga bagay ng bansa, gayundin sa relihiyosong mga bagay. Binabanggit ng The Encyclopedia of Religion na ang Libis ng Kathmandu “ay nakakita ng sunud-sunod na sopistikadong mga ideolohiya at mga istilo ng sining na may malakas na relihiyosong pahiwatig. . . . Wala saanmang bahagi sa rehiyon ng Himalaya na ang Budismo at Hinduismo ay magkasala-salabid.” Kapansin-pansin ang bagay na ang malamang na dakong sinilangan ni Siddhārtha Gautama, na nang maglao’y tinawag na ang Naliwanagang Isa, o ang Buddha, ay ang Lumbini, Nepal, wala pang 240 kilometro timog-kanluran ng Kathmandu.

Mangyari pa, ito ay humigit-kumulang 2,500 taon na ang nakalipas. Kamakailan lamang, noong dekada ng 1960, ang iba pa ay pumunta sa Nepal at Kathmandu para sa “kaliwanagan,” mga miyembro ng salinlahi ng mga hippie.

Isang Lungsod na May Tunay na mga Pundasyon

Sa loob ng mga dantaon ang mga tao ay nagtayo ng mga lungsod kung saan namahala ang kanilang mga kapuwa tao. Subalit ang kalunus-lunos na leksiyon na itinuro ng kasaysayan ay na “hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang” nang wasto.​—Jeremias 10:23; Eclesiastes 8:9.

Maliwanag na ang mga lungsod ay nasa malubhang problema. Sila’y nagpupunyaging makaligtas, kahit na ang pulitikal na mga sistemang kanilang kinakatawan. Ang mabuway na mga pundasyon ng pamamahala ng tao ay gumuguho. Gayunman, hindi gayon para sa “lungsod na may tunay na mga pundasyon, na ang tagapagtayo at maygawa ng lungsod na ito ay ang Diyos.”​—Hebreo 11:10.

Tinatawag ng Bibliya ang lungsod na ito na makalangit na Jerusalem. (Hebreo 12:22) Angkop naman, yamang ang Jerusalem ang makalupang kabisera ng sinaunang Israel, ang tipikal na bayan ng Diyos. Subalit ang makalangit na Jerusalem, bilang ang kabisera ng pansansinukob ng organisasyon ng Diyos, ay may tunay na pundasyon, sapagkat ang Tagapagtayo nito ay ang walang-hanggang Diyos mismo. Ang Awit 46:5 ay makahulang nagsasabi: “Ang Diyos ang nasa gitna ng lungsod; hindi ito makikilos.”

Ang pamamahala ng tao ay gumigiray-giray na sa katapusan nito. Bilang pagkilala sa katotohanang ito, angaw-angaw na mga indibiduwal “mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika” ay sabik na sabik at matalinong nagpapasakop sa pamamahala ng Diyos.​—Awit 47:8; Apocalipsis 7:9, 10.

Tandaan, ang Bagong Jerusalem ay mas mataas kaysa bulubunduking Kathmandu, sapagkat ito’y nasa langit mismo. At ang “ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal,” na umaagos sa Bagong Jerusalem ay mas dalisay at mas mabisa kaysa Ilog Potomac sa Washington o sa Ilog Moscow sa tabi ng Kremlin. (Apocalipsis 22:1, 2) Malayo sa pagkakaroon ng anumang damdamin ng kahungkagan at kapanglawan, ang Bagong Jerusalem ang paraan ng Diyos upang ‘sapatan ang nasa ng bawat nabubuhay na bagay.’​—Awit 145:16.

Kamangha-mangha ngang malaman na sa kabila ng malulubhang problema sa nagpupunyaging mga lungsod sa daigdig, may pag-asa pa​—dahil sa “lungsod na may tunay na mga pundasyon”!​—Ang katapusan sa mga serye tungkol sa mga lungsod.

[Talababa]

a Kung ihahambing, ang Managua, Nicaragua, ay tahanan ng bawat ikaanim na taga-Nicaragua, at ang Dakar, Senegal, ay tahanan ng bawat ikaapat na mamamayang taga-Senegal.

[Larawan sa pahina 24]

Ang White House, Washington, D. C.

[Larawan sa pahina 25]

Ang Katedral ng St. Basil sa Red Square, Moscow, Russia

[Larawan sa pahina 26]

Templong Hindu, Kathmandu, Nepal