Ang Magilas na Ibong Dipper
Ang Magilas na Ibong Dipper
ANG “magilas” ay angkop na paglalarawan sa dipper. Ito’y nangangahulugan na ‘malinis at maayos sa hitsura, alisto at masigla ang kilos at paggawi.’ Gayunman, kung mas ibig mo ang kapita-pitagan, maaari mong gamitin ang pangalang Latin nito na, Cinclus c. gularis.
Una kong napansin ang dipper na ito na nakadapo sa malaking bato sa gitna ng mabilis na agos ng sapa sa hilagang Inglatera. Ito’y labing walong centimetro lamang ang haba, mula sa dulo ng tuka nito hanggang sa dulo ng buntot nito. Dahil sa mabikas na nadaramtan ng balahibong kulay kapeng maitim, ang dipper ay nakasuot ng kung tingna’y puting babero mula sa pinakababa ng tuka hanggang sa kalahatian ng dibdib, pinatitingkad ang pagkakaiba ng kulay ng basang berdeng lumot na bumabalot sa batuhan.
Palibhasa’y niwawalang-bahala ang ingay at saboy ng tubig sa kalapit na talon, ang ibon ay nakatayo na para bang may mga bisagra ang mga binti, iniyuyukod ang ulo nito at nagbibigay-pitagan, na nakikibagay sa pangalan nito. Walang anu-ano’y sumisid ito sa tubig at “lumipad” sa ilalim. Pagkatapos ito’y naglakad paahon, naghahanap ng pagkain na kinabibilangan ng caddis larvae, uwang sa tubig, mga water boatman, gagamba, butete at maliliit pang mayfly o tutubi, at kung minsa’y maliliit na isda. Habang ginagawa ito ng ibon, ang mga mata ng dipper ay naiingatan ng ikatlong talukap. Kapag ang ibon ay nasa lupa, ang talukap na ito kung minsa’y maaaring makita habang ipinipikit ang mata, na para bang ang ibon ay kumikindat.
Ang paghilig ng likod ng dipper ay nilayon na gayon upang ang lakas ng bumabagsak na tubig ang magpapayuko sa ulo nito. Ginagamit din nito ang mga pakpak upang malabanan ang likas na bigat ng katawan nito. Paminsan-minsan, pumapaibabaw ito upang huminga at lumulutang sa tubig, o maaaring piliin nitong lumangoy, bagaman wala itong mga paang parang sa bibe. Kapag ito’y lumitaw muli upang bumalik sa bato nito, ito’y kasinggilas nang una itong magtungo sa tubig!
Ang minamasdan kong dipper ay waring tapos nang maghanap ng pagkain at bumalik na upang pakanin ang mga inakay nito. Gumagawa ito ng magandang pugad ng lumot na hugis simboryo, nilala na may hibla ng tuyong damo sa pinakaibabaw ng bato, sa ilalim ng mga ugat ng puno at salansan ng bato, o nakapaloob sa ilalim ng nakasabit na mga pakô. Subalit ang pugad ay lubhang natatakpan anupat posible na tumayo sa ibaba nito at hindi mahalata na iyon pala’y naroroon. Hinanap-hanap ko nang matagal-tagal ang pugad ng ibong ito subalit walang nangyari.
Pagkatapos, habang ako’y patuloy na nagmamasid, sa isang iglap ang dipper ay lumipad patungo sa talon! Dahan-dahan akong namaybay sa agos upang tingnan ang likod ng talon. Ang pugad nito ay ginawa sa bitak ng batuhan sa likod ng talon. Anong kahanga-hangang tanawin na makakita ng ibong lumilipad sa tubig upang pakanin ang inakay nito!
Ginawa ng magilas na munting dipper na ito ang araw ko na hindi malilimot.—Isinulat.