Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Manggagawa ba ay Karapat-dapat sa Kaniyang Sahod?

Ang Manggagawa ba ay Karapat-dapat sa Kaniyang Sahod?

Ang Manggagawa ba ay Karapat-dapat sa Kaniyang Sahod?

TINGNAN mo sila! Halos bahagya na silang makaraos sa buhay, kadalasan sa maruruming pabahay, kalimitan ay may sapat lamang upang ikabuhay, bagaman ang marami sa kanila ay nakatira at nagpapalaki ng mga pamilya sa isang mayamang bansa. Sila ang mga manggagawang nandayuhan, kasindami ng limang milyon sa Estados Unidos lamang, na namimitas ng mga prutas at gulay para sa ilang malalaking korporasyon ng bansa.

Tingnan ang kanilang may pilat at sumasakit na mga katawan na nagpapagal sa matinding init. Masdan sila habang itinutuwid nila ang kanilang mga likod pagkatapos ng mahahabang oras sa hukot na posisyon, namimitas ng mga gulay na magpapalamuti sa mga istante at mga sisidlan ng mga tindahan at mga supermarket sa malayo. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, naroroon sila anim at pitong araw sa isang linggo. Tingnan ang mga bata, nagtatrabahong kasama ng kanilang mga magulang at kadalasan ng kanilang may edad nang mga nuno. Marami sa mga kabataan ay nahihinto sa pag-aaral sa maagang gulang sapagkat ang kanilang mga magulang ay palaging lumilipat kung saan may aanihin, sa pana-panahon. Lahat ng ito ay upang makaraos lamang.

Nakaaabala ba sa iyo ang walang tigil na ingay ng eruplanong mababa ang lipad habang minamasdan mo ang mga manggagawang ito na nagtatrabahong mabuti sa bukid? Ang nakalalasong pestisidyo ba na iniisprey ng eruplano ay nagpapahapdi sa iyong mga mata at nagpapakirot at nagpapakati sa iyong balat? Natatakot ka ba sa panandalian at pangmatagalang mga pinsala sa iyo? Ang mga manggagawa ay natatakot. Ang isprey ay laging nasa kanilang mga damit, sa kanilang mga butas ng ilong, sa kanilang mga bagà. Namasdan nila ang nakapipinsalang epekto ng nakamamatay na mga kemikal na ito sa kanilang mga anak at matanda nang mga magulang. Nakita nila ang mga miyembro ng pamilya at kapuwa mga manggagawa na mabalda sa maagang gulang dahil sa pagkalason sa pestisidyo.

Isang bata, ngayo’y nasa kaniyang maagang pagtitin-edyer, ay isinilang na may linsad na balakang, walang kalamnan sa kanang bahagi ng dibdib, at ang isang bahagi ng kaniyang mukha ay paralisado. Ang kaniyang ama ay naniniwala na ang kaniyang kapinsalaan sa katawan ay dala ng mga pestisidyo na inisprey sa taniman ng strawberry noong panahong nagdadalang-tao ang kaniyang ina. Iniulat na ang pagkalantad lamang sa pestisidyo ay nakaaapekto sa 300,000 manggagawang nandayuhan sa isang taon at na ang kapansanan ng mga manggagawang nandayuhan ay limang ulit kaysa mga manggagawa sa anumang ibang industriya.

Kung ang iyong mga damdamin ay hindi mabagbag sa pagkakita sa kanila na nagpapagal sa mga bukid o sa pagkakita sa kanilang maruruming pinamumuhayan, kung gayon ay pakinggan mo ang kanilang mga sinasabi. “Ang trabahong ito ay nakapapagod nang husto,” hinagpis ng isang ina ng pitong anak pagkatapos ng nakapapagod na maghapong gawain sa bukid. “Malamang na maligo na lamang ako at matulog. Pasado alas-4 na akong natulog kaninang umaga at wala na akong panahon upang maghanda ng pananghalian, kaya hindi pa ako kumain. Ngayon ay patang-pata na ako para kumain.” Ang kaniyang mga kamay ay paltos. Ang paggamit ng tinidor o kutsara sa pagkain ay magiging masakit.

“Kung minsan [ang aming mga anak] ay tumutulong sa amin kung mga dulo ng sanlinggo,” sabi ng isa pang ina, “at nalalaman nila kung ano ang katulad ng pagtatrabaho sa bukid. Ayaw nilang gawin iyan na kabuhayan. . . . May mga tinik pa rin ako sa aking mga kamay mula sa pamimitas ng mga kahel noong nakaraang taglamig.” Sabi ng asawa niyang lalaki: “Kami’y nagtatrabaho mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw anim na araw sa isang linggo. . . . Ngunit malamang na gawin namin ito sa buong buhay namin. Ano pa nga ba ang gagawin namin?” Ang mag-asawa ay kumikita ng maliit na $10,000 isang taon​—antas ng dukha sa mga pamantayang Amerikano.

Ang mga manggagawa ay takót magreklamo sa takot na mawalan ng trabaho. “Magreklamo ka,” sabi ng isa, “hindi ka na nila muling tatawaging magtrabaho.” Marami sa mga manggagawang nandayuhan ay mga asawang lalaki at mga ama na iniwan ang kanilang mga pamilya upang magtrabaho kung saan may aanihin, yamang ang pabahay, kadalasa’y mga kuwartel na tinitirhan ng hanggang 300 manggagawa, ay napakarumi at siksikan para sa ibang miyembro ng kanilang pamilya. “Masarap sanang makasama ang [aking pamilya] sa buong taon,” sabi ng isang ama, “ngunit ito ang kailangan kong gawin.” “Sumagad na kami sa kabuhayan,” sabi pa ng isa. “Ang aming kalagayan ay hindi na maaaring sumamâ pa, kaya ito ay kailangang bumuti.” Upang pasamain pa ang kalagayan, marami rin sa mga ito ang tumatanggap ng pinakamababang sahod. Sa ilan, ang $10,000 isang taon para sa isang pamilya ng mga manggagawa ay waring malayong mangyari, isang sahod na hindi nila maaasahang abutin. “Ang mga may-ari ng bukid ay maaaring magbayad ng sahod na katulad ng ibinabayad sa mahihirap na bansa at basta paalisin ang sinumang manggagawa na hindi ginagawa ang ipinagagawa sa kanila,” sulat ng magasing People Weekly. “Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang kabayaran,” sabi ni Jesus. (Lucas 10:7) Ang mga manggagawang nandayuhan ay dapat magtanong kung kailan kakapit sa kanilang buhay ang simulaing ito.

Yaong mga Nagtuturo sa Ating mga Anak

Ngayon, isaalang-alang yaong ang hanapbuhay ay nagpangyari sa kanila na magkaroon ng pananagutang magturo sa mga bata at mga adulto ng pagbasa, pagsulat, pagbaybay, aritmetika, panimulang siyensiya, pag-uugali sa dako ng trabaho​—mga bahagi ng isang saligang edukasyon. Sa mga institusyon ng mas mataas na edukasyon, ang mga guro ay nagtuturo ng batas, medisina, kemistri, inhinyeriya, at makabagong mga teknolohiya, mga larangan na nakakukuha ng mas kapaki-pakinabang na mga trabaho sa panahong ito ng computer at makabagong teknolohiya. Dahil sa lubhang kahalagahan ng larangan ng pagtuturo, hindi ba karapat-dapat sa mataas na pagkilala ang mga tagapagturong ito na gaya niyaong karapat-dapat sa sahod na angkop sa napakahalagang paglilingkod nila? Kung ihahambing sa mga taong ang sahod ay wari bang totoong hindi kasukat ng trabahong kanilang ginagawa, para bang lumilitaw na mababa ang pagtingin ng lipunan sa propesyon ng pagtuturo.

Sa dakong huli ng ika-20 siglong ito, ang pagtuturo ay naging isang lubhang-mapanganib na hanapbuhay sa ilang dako, hindi lamang sa mga high school kundi sa mababang paaralan din naman. Sa ilang lugar ang mga guro ay tinagubilinang magdala ng mga pamalo sa silid-aralan at sa mga dakong pinaglalaruan ng mga bata kung recess upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa magugulong bata. Ang mga batang mag-aaral ng lahat ng gulang ay nagdadala ng mga baril at patalim, sa kanilang katawan at sa kanilang mga baunan.

Ang mga guro, kapuwa mga lalaki at babae, ay nasaktan buhat sa kamay ng mga estudyante. Sa mga paaralang sekondarya nitong nakalipas na mga taon, mahigit na 47,000 guro at 2.5 milyong estudyante ang naging mga biktima ng krimen. “Ang problema ay umiiral sa lahat ng dako,” ulat ng pahayagan ng mga guro na NEA Today, “subalit mas masahol pa sa mga lungsod, kung saan taun-taon nakakaharap ng isang guro ang 1-sa-50 tsansa na maumog sa paaralan.” Ang malaganap na paggamit ng droga at alkohol sa mga paaralan ay nakaragdag sa kabiguan ng mga guro.

Nakadaragdag pa sa kanilang pasan, sa ilang lugar ang mga guro ay inaasahang patuloy na mapasulong ang kanilang propesyon sa buong buhay ng kanilang karera, gamitin ang kanilang panahon ng bakasyon sa pagkuha ng modernong mga kurso o dumalo sa mga kombensiyon o mga seminar para sa guro sa kanilang larangan. Gayunman, makagugulat ba sa iyo na malaman na sa ilang malalaking lungsod sa Estados Unidos, ang sahod para sa mga katiwala sa paaralan​—yaong may pananagutan sa pagpapanatiling malinis at pagkukumpuni ng paaralan​—ay maaaring mataas pa sa mga sahod ng guro nang $20,000?

Ang mga sahod para sa mga guro ay iba-iba sa bansa at bansa, sa estado at estado, at sa distrito at distrito. Sa ilang bansa ang suweldo para sa mgapo guro ang pinakamababa sa bansa. Kahit na sa mas mayayamang bansa, ipinakikita ng mga ulat na sa pananagutan na nakaatang sa balikat ng mga tagapagturo, ang kanilang sahod ay di-makatarungan.

Gaya ng iniulat sa The New York Times, isang kritiko tungkol sa mga suweldo para sa mga guro at mga tagapagturo ay nagsabi: “Ang bokasyonal na mga propesyon sa Estados Unidos, gaya ng pagtuturo . . . , sa tuwina’y napakaliit ng sahod o gantimpala. Lagi nang naiisip ng publiko, ‘bueno, iyan ang hilig nila, diyan sila maligaya.’ Sa palagay ko ay hindi makatuwiran iyan, at sa palagay ko’y hindi ito matalino.” Isaalang-alang, halimbawa, ang ulat na ito na inilathala sa The New York Times: “Ang sahod ng mga guro sa kolehiyo at unibersidad noong akademikong taon ng 1991-92 ang may pinakamaliit na pagtaas sa loob ng 20 taon,” isang katamtamang pagtaas na 3.5 porsiyento. “Nang ang 3.5 porsiyentong pagtaas ay binago dahil sa implasyon,” ganito ang sabi ng isang mananaliksik, “ang mga sahod ay nadaragdagan ng napakaliit na 0.4 porsiyento.” Dumarami ang pagkabalisa na dahil sa mababang sahod na ibinabayad sa responsableng mga tagapagturo, ang marami ay maaaring mapilitang umalis sa pagtuturo para sa mga trabahong mas mataas ang sahod.

At Nariyan Din ang Isport

Kabaligtaran naman ang malalaking sahod sa daigdig ng isports. Paano minamalas ng antas-dukha na mga manggagawang nandayuhan at mga tagapagturong tumatanggap ng di-makatuwirang sahod ang maluhong kita ng mga manlalaro sa isports?

Sasang-ayunan ba ng karaniwang pulis na nagroronda at ng bomberong tumutugon sa mga alarma ng sunog​—mga taong isinasapanganib ang kanilang mga buhay araw-araw sa trabaho​—ang malalaking sahod na ibinabayad sa propesyonal na mga manlalaro sapagkat sila ay mga sikat? Sa Estados Unidos, mahigit na 700 opisyal ng pulisya ang napatay samantalang nasa tungkulin sa nakalipas na dekada. Marami ring namamatay na mga bombero. Gayunman, ang lubhang sinanay na mga propesyonal na ito ay karaniwang kinikilala na lubhang mababa ang suweldo. Hindi kaya nila pag-alinlanganan ang pagpapahalaga ng lipunan sa kanilang mga trabaho at buhay?

Isaalang-alang ang baseball, halimbawa​—isang isports na umaakit ng maraming apisyunado sa Estados Unidos, Canada, at Hapón. Mahigit na 200 propesyonal na mga manlalaro sa liga sa Estados Unidos ay kumikita ng mahigit isang milyong dolyar sa isang taon. Sa katapusan ng 1992 laro ng baseball, 100 manlalaro ang pumirma ng mga kontrata na gumagarantiya sa kanila ng $516 milyon. Sa mga ito, 23 ang pumirma ng mga kontratang nagkakahalaga ng mahigit na $3 milyon sa isang taon. Ang nakahihigit pa sa nagtataasang sahod ng hindi gaanong kilalang mga manlalaro ay ang mga kontrata niyaong sikat na mga manlalaro, na pumirma sa halagang mahigit na $43 milyon para sa anim na taon na paglalaro at $36 na milyon para sa limang taon. Taun-taon ay patuloy na tumataas ang mga suweldo, at bagong mga rekord ang naitatala para sa pinakamataas ang bayad sa kasaysayan ng baseball. Nakita rin sa football ang mga suweldo ng mga manlalaro na nagtataasan sa katamtamang $500,000 sa bawat manlalaro.

Ang mga suweldong ito ay nagbabangon ng tanong, Maguguniguni ba ng isang karaniwang mambabasa ang pagtanggap ng isang lingguhang suweldo na $62,500? “Gayunman ganiyan nga ang tinatanggap linggu-linggo ng lahat ng mga quarterback na mga manlalaro ng football sa National Football League na sumusuweldo ng milyon-dolyar sa panahon ng 16-na-linggong panahon ng football,” ulat ng The New York Times. “O kumusta naman ang tungkol sa isang $2 milyong manlalaro ng baseball, na tumatanggap ng $75,000 na suweldo tuwing ikalawang linggo? Pagkatapos awasin ang mga buwis, mayroon siyang $50,000 upang tumulong sa kaniya na makaraos sa mahirap na panahon hanggang sa susunod na suweldo.” Hindi kasali rito ang salaping ibinayad sa sikat na mga manlalaro sa produktong itinataguyod nila, may awtograp na mga bola ng baseball, mga awtograp para sa mga apisyunado, at mga bayad na tinatanggap sa pagharap sa mga manonood, na lahat-lahat ay maaaring magkahalaga ng milyun-milyon. Dito minsan pa, ano ang iisipin ng isang guro na mababa ang sahod kung ang kinikita niya sa isang taon ay kaunti pa sa kinikita ng isang manlalaro sa isang laro lamang?

Dahil sa kapangyarihan ng telebisyon, ang mga propesyonal sa golf, tennis, basketball, at hockey ay nagtamo rin ng malalaking halaga ng salapi. Ang mga bituin sa kani-kanilang larangan ay maaaring bilangin ang kanilang kita sa milyun-milyon. Isang $42-milyong kontrata ay nilagdaan ng isang nangungunang manlalaro ng hockey para sa anim na taon. Isa pang manlalaro ng hockey ang tumatanggap ng $22 milyon para sa limang taon, isang katamtamang $4.4 na milyon sa bawat panahon ng hockey kahit na kung siya ay hindi kailanman maglaro para sa kaniyang team dahil sa pinsala o karamdaman.

Sa isang laban ng tennis sa pagitan ng dalawang pinakamagaling na propesyonal, isang lalaki at isang babae​—ipinatalastas bilang “Labanan ng mga Sekso”​—ang dalawa ay mainit na nagpaligsahan sa tennis court para makuha ang lahat ng gantimpalang salapi na $500,000. Bagaman napanalunan ng lalaki ang premyo, iniulat na sila kapuwa ay tumanggap ng “malaking kabayaran sa pagharap, na hindi ipinatalastas subalit tinatayang mula sa $200,000 hanggang $500,000 bawat isa.”

Sa mga bansang gaya ng Britaniya, Italya, Hapón, at Espanya, upang banggitin lamang ang ilan, ang mga suweldo ng propesyonal na mga manlalaro ay lubhang tumaas​—nakagigitlang milyun-milyong dolyar. Lahat ng ito ay nag-udyok sa isang nangungunangang propesyonal na manlalaro ng tennis na tawagin ang mga suweldo ng dekada ng 1990 na “labis-labis.”

Gayunman, hindi ibig sabihin nito na ang propesyonal na mga manlalaro ang dapat sisihin sa matataas na mga suweldong ito. Ang mga may-ari ng team o koponan ang siyang nag-aalok ng matataas na suweldo para sa mahuhusay na mga manlalaro. Tinatanggap lamang ng mga manlalaro kung ano ang iniaalok. Ang mga manlalaro ang umaakit sa mga apisyunado na itaguyod ang mga koponan. Halimbawa, nakita noong panahon ng baseball at football noong 1992 ang pinakamataas na bilang ng mga dumalo sa maraming istadyum. Ito at ang mga karapatan ng telebisyon ay nagdala ng higit na mga kita sa mga may-ari. Kaya nga, ang ilan ay nangangatuwiran na tinatanggap lamang ng mga manlalaro ang karapat-dapat na halaga para sa kanila.

Ang labis na mga suweldong ibinabayad para paluin ang bola sa kabila ng net, patungo sa isang munting butas, o sa labas ng ballpark, kung ihahambing sa mababang sahod ng mga manggagawang nandayuhan na nagpapagal ng mahahabang oras sa ilalim ng mainit na araw upang anihin ang ating pagkain, ay isang malungkot na paglalarawan sa pinahahalagahan ng isang mayamang lipunan.

Isaalang-alang ang isa pang kakaibang halimbawa, ang larawan ng isa pang kilalang propesyonal. Nagpapalakad nang wala pang $2 milyon para sa pananaliksik sa isang bakuna para hadlangan ang polio, ang Amerikanong siyentipikong si Jonas Salk at ang kaniyang kapuwa mga mananaliksik ay nagpagal ng mahahabang oras sa isang laboratoryo na gumagawa ng mga bakuna, sinusubok at muling sinusubok. Noong 1953, ipinahayag ni Salk ang paggawa ng isang pagsubok na bakuna. Kabilang sa unang tumanggap ng pagsubok sa bakuna ay si Salk, ang kaniyang asawa, at ang kanilang tatlong anak na lalaki. Ang bakuna ay natuklasang ligtas at mabisa. Sa ngayon, ang polio ay talagang nalipol na.

Si Salk ay tumanggap ng maraming karangalan dahil sa kaniyang mahalagang kontribusyon sa paghadlang sa nakamamatay at nakalulumpong sakit na ito. Gayunman, tumanggi siyang tumanggap ng anumang gantimpalang salapi. Nagbalik siya sa kaniyang laboratoryo upang pagbutihin ang bakuna. Maliwanag, ang kaniyang tunay na gantimpala ay hindi ang salapi kundi ang kasiyahan na makita ang mga bata at ang mga magulang na malaya buhat sa takot ng matinding panganib na ito.

Sa wakas, pag-isipan ang pagiging naturuan sa mga pag-asa na mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa, kung saan ang sakit, karamdaman, at kalungkutan ay wala na magpakailanman. Gunigunihin ang malalaking suweldo na maaaring makatuwirang tanggapin ng mga guro ng mabuting balitang iyon. Subalit, may gayong mga tagapagturo, at sila ay nagtuturo nang walang bayad! Walang gantimpalang salapi para sa kanila! Nang sabihin ni Jesus na ‘ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanilang kabayaran,’ hindi niya tinutukoy ang tungkol sa mga suweldo para sa mga gurong ito ng mabuting balita. (Lucas 10:7) Sinabi niya na tatanggapin nila ang kanilang mga pangangailangan. Sa mga iyon ay sinabi rin niya: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mateo 10:8) Ano ang magiging gantimpala nila? Ah, gaya ng ipinangako ni Jesus, ang pinakadakilang tao na kailanma’y nabuhay​—buhay na walang-hanggan sa isang nilinis, paraisong lupa. Hindi iyan matutumbasan ng milyun-milyong suweldo!

[Kahon sa pahina 9]

Salapi, Kabantugan, o mga Droga​—Alin?

Ang halina ng kabantugan at ng milyun-milyong dolyar na maaaring kitain sa propesyonal na isports ay nag-udyok sa mga kabataang bumaling sa paggamit ng anabolic steroids upang magkaroon ng malalaking katawan at nag-uumbukang kalamnan sa lubhang maikling panahon. Si Dr. William N. Taylor, isang miyembro ng U.S. Olympic Drug Control Program, ay nagbabala na ang paggamit ng mga drogang ito ay umabot na sa “epidemikong dami.” Tinatayang sa Estados Unidos lamang, mga 250,000 tin-edyer ang gumagamit ng mga steroid.

“Ang panggigipit na gumamit ng mga steroid sa kolehiyo ay hindi kapani-paniwala,” sabi ng isang propesyonal na manlalaro ng football. “Ang mga manlalaro ay hindi nag-iisip mga 20 taon patiuna sa kung ano ang maaaring maging problema kapag gumamit sila ng mga steroid. Hindi sila nag-iisip mga 20 araw na patiuna, lalo na sa mga estudyante sa kolehiyo. Ang kayarian ng isip ng manlalaro, lalo na sa kabataan, ay: Gagawin ko ang anumang bagay na kinakailangan upang maging dakilang manlalaro.”

“Kung nais kong maging isang manlalaro,” sabi ng isang naghahangad na maging propesyonal na manlalaro ng football, “kailangang gumamit ako ng mga steroid. . . . Napakalakas ng kompetisyon sa weight room. Nais mong maging mas malaki at mas malakas sa bawat taon, at nakikita mo ang ibang lalaki na bumibigat ang timbang at lumalaki ang kalamnan, at nais mo ring lumaki. Ang kaisipang iyon ang nangingibabaw.” Gayunman, sa kabila ng damdaming iyan, ang manlalarong ito, na walang tulong ng mga steroid, ay naging kung ano ang nais niya​—isang propesyonal na manlalaro ng football. Naniniwala siya na ang mga steroid ay “mas mapanganib sa laro kaysa mga droga na ilegal na nakukuha.”

Maraming impormasyon ang naisulat na hindi lamang ng mga doktor kundi niyaong mga nakaranas ng totoong nakapipinsalang mga epekto ng mga steroid at iba pang mga drogang nakapagpapaganda ng katawan. Ang pinakagrabeng reaksiyon ay nagbunga ng kamatayan.

[Larawan sa pahina 7]

Mga manggagawang nandayuhan na nag-aani ng bawang sa Gilroy, California

[Credit Line]

Camerique/ H. Armstrong Roberts

[Larawan sa pahina 8]

Hindi ba karapat-dapat sa mataas na pagkilala ang mga guro na gaya niyaong karapat-dapat sa kanilang sahod?

[Larawan sa pahina 10]

Mahigit na 200 propesyonal na mga manlalaro ng baseball sa Estados Unidos ang kumikita ng mahigit na isang milyong dolyar sa isang taon

[Credit Line]

Focus On Sports