Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Binubugbog na mga Asawang Lalaki? Ako’y nasuya dahil sa inyong inilathala ang tudling na “Binubugbog na mga Asawang Lalaki” sa “Pagmamasid sa Daigdig.” (Hulyo 22, 1993) Ang “abuso,” na kabilang ang pananakot lamang sa salita, ay hindi katulad ng “pambubugbog,” na kriminal na karahasan. Kung may kinalaman sa mas mataas na porsiyento ng mga babae kaysa mga lalaki na umamin sa pang-aabuso, ipinakikita ng mga pagsusuri na ang mga babae ay higit na tapat sa kanilang pag-amin kaysa mga lalaki, na may hilig na ikaila ang kanilang ginagawa.
K. K., Estados Unidos
Pinasasalamatan namin ang ganitong mga obserbasyon. Ang tudling na pinag-aalinlanganan ay nag-ulat tungkol sa isang pagsusuri na nagsasabing 40 porsiyento ng mga babae ang umamin na kanilang inaabuso ang kanilang mga asawa, kung ihahambing sa 26 na porsiyento ng mga lalaki. Gayunman, gaya ng kinikilala ng aming tudling, ang pagsusuri ay gumamit ng malawak na pagpapakahulugan sa “abuso” at hindi ito itinakda sa pisikal na pang-aabuso. Sa gayon ang pamagat ng aming tudling ay para bang nakalilito. Kung may kinalaman sa anyo ng pambubugbog na pinakapalasak, ang aming labas ng Pebrero 8, 1993, ay nag-ulat mula sa magasing “Parents”: “Mahigit sa 95 porsiyento ng naulat na mga kaso ng [malubhang] pambubugbog sa asawa ay nagsasangkot ng asawang lalaki na nambubugbog ng babae.”—ED.
Pangamoy Palagi kong inaakala na kung maiwawala ko ang isa sa aking pandamdam, pipiliin ko ang aking pangamoy na mawala. Subalit pagkatapos kong mabasa ang inyong artikulong “Ang Ating Maraming-gamit na Pangamoy” (Hulyo 22, 1993), ako’y nagdalawang isip. Ang inyong mga artikulo tungkol sa ating kamangha-manghang katawan ay laging nakatutulong sa akin na mapasidhi ang aking pag-ibig kay Jehova.
D. H., Trinidad
Mga Salamin sa Mata Salamat sa inyong paglalathala ng artikulong “Isang Pagsusuri sa mga Salamin sa Mata.” (Hulyo 8, 1993) Ito’y naglalaman ng mabuting payo. Bago ko nabasa ang artikulo, ugali kong ilapag ang mga lente na nakababa. Nagkaroon ito ng maraming gasgas. Sinubukan kong gumamit ng mga contact lens, subalit ako’y nahihilo sa mga ito. Kaya dahil sa walang mapagpilian kundi ang gamitin ang mga salamin, susundin ko ang inyong payo!
T. C., Italya
Mga Bató sa Bató Nais ko kayong pasalamatan sa inyong napapanahong artikulong “Mga Bató sa Bató—Paggamot sa Isang Sinaunang Sakit.” (Agosto 22, 1993) Pagkatanggap ko ng aking kopya, natuklasang ako’y may mga bató sa bató. Salamat sa inyong artikulo, mas naunawaan ko ang aking karamdaman at nakapaghahanda sa aking operasyon.
V. T., Estados Unidos
Pagtatangi ng Lahi Isang maikling sulat lamang ito upang pasalamatan kayo dahil sa napakagandang serye ng artikulong “Magkakaisa ba Kailanman ang Lahat ng Lahi?” (Agosto 22, 1993) Sa palagay ko’y tinalakay ninyo ang maselang na paksang ito sa kahanga-hangang paraan. Buong ingat na napagsama-sama ninyo ito, subalit hindi binigyan ang sinuman, oo walang sinuman, ng anumang dahilan upang may kasakimang mahirati sa nakamumuhing pagtatangi ng lahi.
D. G., Estados Unidos
Dating Pari Salamat sa inyong paglalathala ng karanasan ni Alinio de Santa Rita Lobo, “Kung Bakit Iniwan Ko ang Pagkapari Para sa Isang Mas Mabuting Ministeryo.” (Setyembre 8, 1993) Ang salaysay ay isang pagtuklas talaga—at ng isang tao na may napakaraming kursong natapos sa mataas na pag-aaral. Sa ating ministeryo bilang mga Saksi ni Jehova, kalimitang tayo ang unti-unting nagpapasulong ng pagkaunawa sa katotohanan. Subalit sa kasong ito kabaligtaran ang ginawa ng isang tao—hiniwa-hiwalay niya ang maling mga turo, nang isa-isa, ibinubukod ang katotohanan mula sa salig-sa-simbahang mga tradisyon. Ito’y talagang nakapagpapatibay ng pananampalataya.
B. C., Estados Unidos
Pandarayuhan Salamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Dapat ba Akong Lumipat sa Isang Mas Maunlad na Bansa?” (Abril 22, 1993) Naiisip ko na upang umunlad, kailangang mandayuhan. Ito’y napakaseryosong pagpapasiya at na maraming salik ang kailangang isaalang-alang. Itinuturo rin sa akin ng artikulong iyan na alamin ang tunay kong mga pangangailangan at na ang mga bagay na talagang kailangan natin upang lumigaya ay masusumpungan sa anumang bansa.
M. R., Dominican Republic