Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Nakikisakay na Hippie Tungo sa Misyonero sa Timog Amerika

Mula sa Nakikisakay na Hippie Tungo sa Misyonero sa Timog Amerika

Mula sa Nakikisakay na Hippie Tungo sa Misyonero sa Timog Amerika

AKO ay nakikisakay patungo sa Birmingham, Inglatera, kasama ng aking nobyang Pranses noong 1974. Dalawa sa mga Saksi ni Jehova na nagmamaneho pauwi mula sa trabaho ang lumampas sa amin, at ang isa sa kanila, si John Hyatt, ay lumingon sa amin, malakas na nagtanong sa kaniyang kasama, “Paano kaya malalaman ng mga taong gaya niyan ang katotohanan tungkol sa Diyos?” Mangyari pa, hindi ko nalaman ang tungkol dito kundi noong dakong huli. Sa paano man, hindi nila kami hinintuan; hindi mo rin kami hihintuan. Ako’y mukhang karaniwang hippie.

Subalit hayaan mong simulan ko sa umpisa. Ako’y isinilang sa Richmond, Virginia, E.U.A., noong 1948. Ang unang bagay na natatandaan ko ay na ako ay limang taóng gulang at hindi ako makalakad. Ako’y may polio. Ako’y pinaliguan ng aking ina sa isang stretcher sa loob ng banyera. Mabuti na lamang, pagkaraan ng apat o limang linggo, sa tulong ng aking mga magulang at ng mga doktor, ako ay gumaling. Ako ay muling nakalakad.

Ang aming pamilya ay isang karaniwang pamilya sa gawing Timog ng Estados Unidos​—konserbatibo, Southern Baptist. Hiniling ng aming mga magulang na kaming mga bata​—dalawang kapatid na lalaki, ang aking kapatid na babae, at ako​—ay dumalo sa relihiyong iyon hanggang kami’y tumuntong ng 18 anyos. Pagdating ng 18 nilisan namin ang relihiyong iyon. Ako’y nabautismuhan noong ako’y pitong taóng gulang, sa isang krusada ni Billy Graham. Ako’y seryoso tungkol sa aking bautismo; hindi ito ginawa sa isang emosyonal na silakbo ng damdamin. Tandang-tanda ko pa na inialay ko ang aking buhay sa Diyos, bagaman hindi ko talaga nakikilala kung sino siya.

Kami’y tinuruan ng aming mga magulang ng mabuting asal, paggalang sa awtoridad, at paggalang sa Bibliya. Ang mga idea na iyon noon ang nakaimpluwensiya sa mga pasiyang gagawin ko sa buong buhay ko. Hanggang sa araw na ito, ako’y nagpapasalamat sa pagsasanay na iyon ng aking mga magulang.

Sa ikaanim na grado, natatandaan kong isinaalang-alang ang kalagayan ng daigdig at nag-isip: ‘Ang kalagayan ng daigdig ay hindi maaaring magpatuloy.’ Kahit na noon, hindi ko inaakala na maaaring magpatuloy ang pulitikal na mga sistema.

Noong ako’y tin-edyer, nagkaroon ako ng scoliosis, isang di-normal na pagkurba ng gulugod, marahil dala ng polio ko noon. Ako’y nagmistulang isang guinea pig habang kinukulong ng mga doktor ang aking katawan mula sa balakang hanggang sa leeg sa loob ng isang Risser cast, isang diyaket na nagsisilbing gaya ng isang exoskeleton.

Isang hitsura na hindi ko pipiliin. Para akong lumalakad na estatuwa. Ang ibang mga bata sa paaralan ay mabait, subalit ang leksiyon na natutuhan ko samantalang suot ko ang molde noong junior year ko sa high school ay ito: Tanggapin kung ano ang hindi natin maaaring baguhin.

Ako’y inaasahang mag-aaral sa kolehiyo, kaya ako’y nag-aral. Ako’y nasa klase ng 1970. Noong dekada ng 1960 ang kilusan ng mga hippie ay nasa kainitan, at palasak ang imoralidad at mga droga. Ako’y nagtatrabaho samantalang nag-aaral, at ang trabaho ko sa isang opisina ay humihiling na ako ay dapat na may maikling buhok at magsuot ng amerikana. Subalit ang malayang disposisyon at hindi pakikiayon ng mga kaibigan ko ang nakaakit sa akin. Sila ay nasusuyá na gaya ko sa sistema. Nagsuot ako ng maong sa ilalim ng aking toga noong araw ng gradwasyon.

Ang edukasyon ay hindi kasiya-siya. Ang pagmamasid sa aking mayamang tiyo ay kumumbinsi sa akin na ang salapi ay hindi siyang sagot. Hindi rin siya maligaya na gaya ng mahihirap na tao. Ano ang punto? Kaya tinalikdan ko ang lipunan, nagpahaba ako ng buhok, at hinanap ko ang tunay na layunin sa buhay.

Naglakbay ako sa Europa sa pamamagitan ng tren at nakikisakay. Ang layunin ko ay makisakay at marating ang buong mundo. Marahil sa isang dako ay masusumpungan ko ang mga kasagutan. Sa aking backpack ay dala ko ang dalawang pares ng maong, tatlong kamiseta, at isang Bibliya.

Nauupo sa mga pub, umiinom ng beer at nagbabasa ng Bibliya, tinatanong ko ang mga nasa pub, nakukuha ang lahat ng uri ng iba’t ibang kasagutan. Ako’y nagsusuri, naghahanap, nangangapa​—para sa ano? Hindi ko tiyak.

Sa London ang “Children of God” ay nakatawag ng aking pansin. Subalit gaya ng mensahe ng lahat ng kabataang mga hippie, ang kanilang buong mensahe ay tulad-bata​—walang itinatanging pag-ibig. Walang kasagutan dito para sa akin.

Sa isang paglibot sa isa sa pinakamagandang simbahang Anglicano, isang dating Katolikong katedral, ako ay nasindak. Tinanong ko ang bikaryo na nagsasagawa ng paglilibot kung bakit siya naging pari. Itinaas niya ang kaniyang kamay at ikinuskos niya ang kaniyang hinlalaki at mga daliri bilang tanda ng pagsalat ng isa sa salapi! Bigung-bigo ako. Anong laking pagpapaimbabaw! Dahil sa yamot, tinipon ko ang lahat ng aking relihiyosong literatura at sinunog ang mga ito.

Noong Setyembre 1973, ako’y naglalakbay na naman, nakikisakay​—patungo sa Liverpool upang makita ang Beatles at mapakinggan ang kanilang musika. Isinakay ako ni Gordon Marler sa kaniyang kotse. Ang Bibliya ang naging paksa ng aming usapan sapagkat kami kapuwa ay nagbabasa nito, kaya nagpalitan kami ng pamilyar na mga kasulatan.

Mula noon, sa pamamagitan ni Gordon ay nasumpungan ko ang tungkol sa “katotohanan.” Patuloy kaming nagsulatan at noong tagsibol ng 1974, isinulat niya na siya ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Wala akong reaksiyon sa pangalang mga Saksi ni Jehova, palibhasa’y hindi ko sila nakatagpo sa Richmond. Pagkalipas ng ilang buwan dumating ang isang sulat na may paanyaya: “Pumarito ka at dalawin mo ako para sa isang pag-aaral sa Bibliya.” Sinabi niya na ang kaniyang pag-aaral ay kung Miyerkules ng gabi. Kaya noong Miyerkules ng umaga, ako ay minsan pang nakisakay. Dahil sa kasama ko ang aking Pranses na nobya kaya mas madaling makisakay.

Sumama kami kay Gordon sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Ang maypabisita ay si John Hyatt, ang lumampas sa amin noon at nagtanong, ‘Paano kaya malalaman ng mga taong gaya niyan ang katotohanan tungkol sa Diyos?’ Nang kami’y ipakilala, siya’y bumulalas: “Oh, ang dalawang hippie sa daan, ang mga Yank!”

At nagsimula ang aking pag-aaral ng Bibliya. Marami akong katanungan bunga ng pagbabasa ko ng Bibliya. Walang sapat na panahon upang makuha ang mga kasagutan, yamang ang malaking kombensiyon ng mga Saksi ay magsisimula nang maaga kinabukasan. Binigyan ako ni John ng isang aklat, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-hanggan, at sinabi sa akin na pumili ako ng isang kabanata, ibangon ko ang lahat ng mga tanong ko, at bumalik ako sa susunod na Miyerkules. Inanyayahan niya ako sa kombensiyon noong Linggo. Hanga ako sa malinis, magalang na mga tao. Ang aking nobya ay hindi interesado. Nang sabihin ko sa kaniya na mas mahal ko ang Diyos kaysa kaniya, umalis siya.

Noong Miyerkules, nagbalik ako sa bahay ni John, pagkatapos kong mapili ang kabanata tungkol kay Jesu-Kristo. Mayroon akong espesipikong mga tanong tungkol sa seksuwal na paggawi at sa hula ni Daniel ng 70 sanlinggo ng mga taon. Si John ay isang buong-panahong ebanghelisador, na talagang may kabatiran sa Bibliya. Sinabi niya sa akin ang pangmalas ng Bibliya na ang pagtatalik ay para lamang sa mga mag-asawa, at nilinaw niya ang 70 sanlinggo ng Daniel para sa akin. Lahat ng hindi maipaliwanag na mga detalye mula sa aking pagbabasa ng Bibliya ay wastong napag-ugnay-ugnay at naipaliwanag. Noong alas dos ng umaga, sabi ko: “Ito ang katotohanan.” Balak kong matulog sa parke, gaya ng madalas kong gawin noon, ngunit hindi pumayag si John at pinatulog ako sa sahig sa sala.

Para bang niloob naman ng Diyos na doon niya ako pinatulog, sapagkat noong gabing iyon isang gang ng mga kabataang satsát ang gupit ng buhok ay naglabu-labo sa elebeytor. Ang aking hitsura ay tiyak na gagawa sa akin na tudlaan ng marahas na pambubugbog sapagkat galit sila sa mahahabang buhok na mga hippie.

Habang sumusulong ang pag-aaral, natutuhan ko na tama ang naiisip ko noong ako’y bata. Ang sistemang ito ay hindi maaaring magpatuloy. Ito’y mababaon sa limot. Aayusin mismo ng Diyos ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kaniyang pamahalaan, ang Kaharian na idinalangin ko subalit hinding-hindi ko naunawaan. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Ang pagkasuya ko sa pagpapaimbabaw ay napatunayan. Hindi rin ito naibigan ni Jesus. (Mateo, kabanatang 23) Hinanap ko ang Diyos, at hinayaan niyang siya’y masumpungan ko.​—Gawa 17:27.

Ipinakipag-usap ko ang tungkol sa katotohanang ito sa lahat na makilala ko. Kapagdaka’y gusto kong umuwi at ibahagi ang kaalamang ito sa aking pamilya. Pagbalik ko sa Richmond, gayon nga ang ginawa ko.

Tumawag rin ako sa Kingdom Hall. Si Brother Herbert Lohwasser ang sumagot sa telepono. Siya ay nagtatrabaho sa bagong bulwagan, inihahanda ito para sa pag-aalay nito. Sinabi ko sa kaniya na nais ko ng isang pag-aaral sa Bibliya. Sinabi niya sa akin ang tungkol sa isang malaking pulong kinabukasan kung saan ang buong lungsod ay inanyayahan upang pakinggan ang isang lektyur sa Bibliya. Nagpunta ako.

Kapansin-pansin ako, ang aking hitsura ay nagpapakita na ako ay isang dumadalaw na estranghero. Isang binatang payunir doon na nagngangalang Mike Bowles ang nagpakilala sa akin at inanyayahan ako na maupo sa tabi niya sa harap. Pagkatapos, nagbulung-bulungan ang mga naroroon, “Sino ang babaing iyon na may mahabang buhok na nakaupo sa tabi ni Mike Bowles?” Ako iyon!

Pagkatapos ng aking ikatlong pag-aaral, ako’y nagpagupit ng buhok at binago ko ang aking paraan ng pananamit. Ang aking panlabas na hitsura ay tumugma na sa aking panloob na mga damdamin. Sumali ako sa Paaralang Teokratiko para sa Pagmiministro noong Oktubre at noong Nobyembre ay nagsimula ako sa gawaing pangangaral sa madla. Di-nagtagal ako ay nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa iba. Noong Marso 1975, ako’y nabautismuhang muli, sa pagkakataong ito bilang sagisag ng aking pag-aalay kay Jehova, ang Diyos na sa wakas ay nakilala ko.

Sinimulan ko ang buong-panahong ministeryo, gaya niyaong mga nakatulong sa akin nang husto. Ang Brooklyn Bethel, ang pandaigdig na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova, ang naging tahanan ko noong Mayo 1976. Dalawa ang trabaho ko, pagpapaandar ng elebeytor at paghahatid ng mga sulat. Ito kapuwa ay nagbigay sa akin ng pribilehiyo na makipag-usap sa espirituwal na mga kapatid sa araw-araw.

Pagkaraan ng dalawang taon, ako’y nagbalik sa Virginia at sandaling nangaral nang buong-panahon. Sa wakas ako ay naging isang matanda sa kongregasyon. Ang gawain ay nakasisiya, subalit sa loob ko ay hindi ako mapalagay. Lagi kong naiisip: ‘Higit pa ang dapat kong gawin sa paglilingkod sa Diyos.’ Paglilingkod misyonero? Iyon na kaya? Nag-aplay ako para sa Watchtower Bible School of Gilead at ako’y tinanggap para sa pagsasanay misyonero noong klase sa taglamig ng 1983.

Bago ang gradwasyon, ang aking atas misyonero ay ipinatalastas: Colombia, Timog Amerika. Minsan pa’y naglalakbay na naman ako ngunit sa pagkakataong ito’y hindi sa pamamagitan ng pakikisakay.

Ang aking unang hinto ay sa tanggapang sangay ng Watch Tower sa Santa Fe de Bogotá, kung saan ako ay puspusang nag-aral ng Kastila sa loob ng tatlong buwan. Pagkatapos ako ay ipinadala sa isang tahanang misyonero sa Medellín, kung saan pinag-aralan ko ang Kastila sa loob ng apat na oras sa isang araw, anim na araw sa isang linggo.

Ang pagsisimulang mangaral sa isang bagong wika ay mga sandaling di malilimot. Sa simula ako ay kumatok sa isang pinto na nag-iisa habang isang sister na nagsasalita ng Kastila ay nagmamasid sa malapit. Nag-alok ako ng ating mga magasing Kristiyano sa isang babae sa halagang 30 pesos. Ang babae ay mukhang galit at isinara ang pinto! Pagbalik ko sa sister, ipinaliwanag niya sa akin. “Mag-ingat ka sa iyong pagbigkas,” aniya. “Ang sabi mo’y besos, hindi pesos.” Hiningan ko ang babae ng 30 halik!

Ang Colombia ay isang magandang lugar. Ang pinakamagandang atraksiyon ay ang mga tao. Sila’y magiliw, mas praktikal at simple kaysa mga tao sa mas industriyalisadong mga lipunan. Kaya nga, ang pagtuturo ng Bibliya ay iba. Ang mga tao sa Colombia ay tumutugon sa mga kuwento, ilustrasyon, tunay-sa-buhay na mga karanasan nang walang masalimuot na mga detalye. Mas may kabatiran sila sa tunay na buhay. Ang mga tao ay malapit sa mga tao rito. Madamdamin sila at madamayin. Ang aking tagapakinig ay katulad ng mga tagapakinig na kausap ni Jesus, mga maaamong tao; ito ang nagpangyari sa akin na sikaping tularang mabuti ang pagtuturo ni Jesus. Ang mga tao ay nagpapagunita sa akin ng Efeso 3:19, kung saan sinabi ni Pablo ang tungkol sa “pag-ibig ng Kristo na nakahihigit sa kaalaman.”

Noong 1989, ako’y nabigyan ng isang bagong atas, tagapangasiwa ng sirkito. Iyan ay nangangahulugan na ako ay maglalakbay sa iba’t ibang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova linggu-linggo at tutuloy sa kanila, sasama sa kanila sa paghanap sa bahay-bahay niyaong mga nagnanais makilala ang Diyos, magbibigay ng mga pahayag sa Kingdom Hall, at sasamahan ang lokal na mga kapatid na lalaki at babae sa mga pag-aaral sa Bibliya.

Patuloy na dinidisiplina at dinadalisay ako ni Jehova sa maraming paraan. Isang partikular na insidente ang naiisip ko. Ang Mosquera, sa labas ng Bogotá, ang kongregasyon na paglilingkuran ko, at gaya ng dati ay isinaayos ng mga kapatid na ako ay tutuloy sa isang pamilya​—isang sister, ang kaniyang di-sumasampalatayang asawa, at dalawang anak.

Pagdating ko ay nasumpungan ko, talaga, ang bahay na isa lamang ang silid na totoong masikip, na may magkakapatong na mga kama, na ibinukod sa iba pang bahagi ng bahay sa pamamagitan lamang ng isang kurtina. Ako’y itinuro sa espasyong iyon, at yamang ako’y sinabihan na pumili ng kama, pinili ko ang ibabang kama. Martes noon. Habang ako’y nakahigang nagbabasa ng Bibliya noong mga alas–9:30 n.g., pumasok ang dalawang bata, at plop, plop, sila ay nasa itaas na kama.

Naisip ko, ‘Oh, hindi! Kailangan kong mapag-isa sa silid. Ano ba ang ginagawa ko rito, isang taong sanay na mag-isa sa kaniyang sariling silid (o sa paano man sa kaniyang sariling lugar sa isang parke)?’ Desidido akong humanap ng ibang matutuluyan sa susunod na dalaw at ako’y natulog. Gabi-gabi gayong eksena ang nangyayari. Subalit noong Huwebes habang ako ay nagbabasa, sumilip ang isang munting ulo mula sa itaas na kama. Ito’y si Andrés, siyam na taóng gulang. “Brother Fleet,” tanong niya, “tulog na ba kayo?” Ang sagot ko ay isang maikling hindi. Isa pang tanong. “Brother Fleet, nanalangin na ba kayo?” Isa pang hindi.

Pagkatapos ay nagtanong si Andrés, “Kapag nanalangin po kayo, maaari po ba akong bumaba, at ipanalangin din po ninyo ako?” Nabagbag ang damdamin ko. Nagbago ang aking saloobin. Sa katunayan, ang saloobin ko tungkol sa buong dalaw ay nagbago. Narito ang isang munting “ulila” na nagnanais na isang lalaki ay manalangin na kasama niya. Ako ang lalaking iyon. Nanalangin akong kasama niya. At tumuloy ako sa pamilyang ito noong sumunod na dalaw. Tinulungan ako ni Andrés na huwag gaanong magtuon ng pansin sa aking sariling mga pangangailangan kundi higit na magtuon ng pansin sa personal na mga pangangailangan ng mga kapatid. Sinimulan kong hanapin ang ‘mga ulila’​—yaong mga naghahanap sa Diyos, na gaya ko nang ako’y bata pa. (Awit 10:14) Ang ama ni Andrés ay dumadalo na ngayon sa mga pulong sa Kingdom Hall at sumama na rin sa atin sa gawaing pangangaral sa madla.

Buhat nang dumating ako sa Colombia, ang bilang niyaong mga sumasamba kay Jehova ay dumami mula 22,000 tungo sa 55,000. Hindi na ako nakikipaglaban sa damdamin na di mapalagay na higit pa sana ang aking ginagawa. Ako’y kontento na rito sa magandang lugar na ito. Magpakailanman akong magpapasalamat sa maawaing Diyos na tiningnan ang aking panlabas na hitsurang hippie at nakita ang isang taong nagpupunyaging hanapin ang tunay na Diyos, na ang pangalan ay Jehova.​—Gaya ng inilahad ni Richard Fleet.

[Larawan sa pahina 19]

Si Richard noong 1973

[Larawan sa pahina 21]

Si Richard Fleet, misyonero sa Timog Amerika