Paano Ko Maiiwasan ang Gawang-Paglalaro sa Imoralidad?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Maiiwasan ang Gawang-Paglalaro sa Imoralidad?
“Dati’y parang ayos lang sa akin na maghalikan at maghipuan, anupat iyon ay isang paraan lamang ng pagpapahayag ng aking masidhing damdamin at pag-ibig. Akala ko’y maihihinto ko ito bago ko magawa ang anumang talagang malubhang bagay gaya ng pakikiapid. Subalit ako’y talagang nagkamali.” Iyan ang sulat ng isang kabataang babae na nagngangalang Valerie na nakagawa ng seksuwal na imoralidad. a
BATID ng mga kabataang Kristiyano na hinahatulan ng Bibliya ang pakikipagtalik bago ang kasal. (1 Corinto 6:9, 10) Gayunman, maaaring hindi natatanto ng ilan na hinahatulan din ng Bibliya ang gawang-paglalaro sa seksuwal na imoralidad—ang pagroromansa na maliwanag na nakalaan para sa mag-asawa lamang. b (Galacia 5:19) Ibig bang sabihin nito na mali ang magpahayag ng pagmamahal? Hindi naman.
Sinasabi ng Bibliya ang salaysay ng magkasintahang babaing Shulamita at ng isang pastol na lalaki. Ang kanilang pagliligawan ay busilak sa kalinisang-asal at moral. Subalit, maliwanag na nagpalitan sila ng ilang mga kapahayagan ng pag-iibigan bago sila ikasal. (Awit ng mga Awit 1:2; 2:6; 8:5) Sa ngayon, ang ilang nagliligawang mga lalaki at babae ay baka nag-aakala na ang paghahawakan ng kamay at pagyayakapan ay angkop na mga kapahayagan ng pagmamahal kapag ang kasal ay waring napakalapit na. c
Napakadali maging para sa lalaki’t babae na may mararangal na hangarin na madala at magsimulang gumawa ng paglalaro sa seksuwal na imoralidad. Paano nila maiiwasang gumawa nito?
“Patuloy na Magbantay”
Sa Awit 119:9, ang salmista ay nagtanong: “Paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan?” Ang sagot? “Sa pamamagitan ng pananatiling mapagbantay ayon sa iyong salita.” Ang isang paraan upang makapanatiling nagbabantay ay maging mapili sa iyong mga kaibigan. “Palagi akong ginigipit ng aking mga kaibigan na makipagtalik,” sabi ng isang Amerikanong batang lalaki na nagngangalang Nakia. Ang Bibliya ay nagbababala: “Siyang nakikitungo sa mga mangmang ay mapaririwara.” (Kawikaan 13:20) Kaya naman isang magasin para sa mga kabataan ang nagbigay ng mabuting payo nang sabihin nito: “Sikaping makahanap ng bagong mga kaibigan na katulad mo ang mga pinahahalagahan.”
Ang isa pang paraan upang makapanatiling nagbabantay ay umiwas sa nakakokompromisong mga kalagayan. Isip-isipin ang nangyari nang anyayahan ng mangingibig na pastol ang babaing Shulamita sa isang romantikong pamamasyal. Ang kaniyang mga hangarin ay malinis naman; ibig lamang niyang masiyahan sa kagandahan ng tagsibol na kapiling ang Shulamita. MagkagayonAwit ng mga Awit 1:6; 2:8-15.
man, ang nakatatandang mga kapatid na lalaki ng babaing Shulamita ay ‘nagalit sa kaniya.’ Hindi dahil sa hindi sila nagtitiwala sa kanilang dalawa. Subalit batid nila ang mga tuksong maaaring lumitaw kung pahihintulutan ang dalawa na mag-isa sa romantikong kalagayang iyon. Ang solusyon? Sinira ng nakatatandang mga kapatid na lalaki ang romantikong plano ng dalawa at binigyan ang kanilang kapatid na babae ng mabigat na gawain na kaniyang pagkakaabalahan.—Patuloy na panggagalingan ng panganib sa ngayon kung kayong dalawa lamang ang magkasama sa romantikong mga kalagayan. Ganito ang gunita ng isang tin-edyer na babae na tatawagin nating Mary: “Kapag kami’y nagde-date, karaniwang kami’y may chaperon.” Subalit, sa isang pagkakataon, nasumpungan nila ang kanilang sarili na nag-iisa sa apartment. “Kami’y talagang nadala. Kahangalan talaga sa bahagi namin na pahintulutang mangyari iyon. Kami’y may saloobing ‘Hindi ito mangyayari sa amin.’ Buweno, ngayon ay batid ko na kailangan mong magkaroon ng chaperon sa lahat ng panahon, anuman ang mangyari. Gumawa ng ibang kaayusan kung wala kang makitang maisasama mo. Hindi kami naging maingat.”
Huwag mong hayaang makalingat ka! Kung ikaw ay may nililigawan, maingat na iplano ang inyong mga date. Kung posible, mag-date na kasama ng grupo, o pilit na magsama ng chaperon. Iwasan ang nakakokompromisong mga kalagayan, gaya ng pag-iisa sa nakaparkeng kotse o sa isang apartment. Ang magkasamang pagdalaw sa mga museo, restawran, skating rink, at iba pa ay kalimitang mas ligtas. Gayundin naman, dapat mo ring isaisip ang mga salita sa Oseas 4:11: “Ang alak at bagong alak ay nag-aalis ng kaalaman.” Yamang ang alkohol ay maaaring makabawas ng pagpipigil, isang katalinuhan na maging napakaingat may kinalaman sa paggamit nito kahit na ikaw ay nasa edad na para uminom.
Pagtatakda ng mga Hangganan
Ang Kawikaan 13:10 ay nagbibigay ng isa pang mahalagang payo nang sabihin nito: “Karunungan ang nasa mga nagsasanggunian.” Huwag mong hintayin hanggang sa mapukaw nang husto ang iyong damdamin sa romantikong mga kalagayan at saka magtatag ng mga tuntunin. Kapantasan para sa nagliligawang lalaki’t babae na magtakda ng mga hangganan nang patiuna, may katapatang pinag-uusapan kung anong mga kapahayagan ng pagmamahal ang nararapat. Gayunman, ang dalawa ay dapat na sumunod sa simulain ng Efeso 4:25: “Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kaniyang kapuwa.”
Halimbawa, ipagpalagay na nadarama ng isang dalaga na ang kaniyang kaugnayan sa isang binata ay umabot na sa puntong ang isang halik bago umalis sa gabi ay wasto naman. Gayunman, maaaring madama ng kabataang lalaki na kung iisipin ang kayarian ng kaniya mismong emosyon, ang isang halik ay talagang magiging isang malaking tukso. Dahil sa takot na matanggihan o marahil ang pagkadama ng obligasyong paluguran ang babae, ang lalaki ay baka kumilos nang taliwas sa alam niyang tama. Bagaman ito’y nakahihiya para sa kaniya, kailangang sabihin niya ang totoo at ipahayag ang kaniyang totoong damdamin hinggil sa bagay na ito. Yamang ang pag-ibig Kristiyano ay “hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito,” dapat na igalang nilang dalawa ang damdamin ng bawat isa—at budhi—sa bagay na ito. (1 Corinto 13:5; 1 Pedro 3:16) Ipagpalagay na, ang pag-uusap sa gayong maselang na bagay ay maaaring mahirap at nakahihiya, lalo na sa unang panahon ng pagliligawan. Subalit malaki ang magagawa nito upang maiwasan ang malulubhang suliranin na maaaring lumitaw bandang huli. Kapansin-pansin, ang iyong kakayahan na makipag-usap at makipag-unawaan sa mga bagay na ito ay maaari ring magsilbing pahiwatig kung gaano ang kakayahang taglay ng isang relasyon para sa matatag na pag-aasawa.
‘Papayag Ka Kung Talagang Mahal Mo Ako’
Bagaman, kung minsan sa kabila ng pinakamabuting hangarin, ang kalagayan ay nagsisimulang maging maapoy. Ngayon na ang panahon na ikaw ay magsalita! May kabaitan ngunit may katatagang magpreno, wika nga. Umalis kung kinakailangan. (Ihambing ang Kawikaan 23:2.) Ano naman kung ang taong idine-date mo ay tumatangging gumalang sa makatuwirang mga hangganan at patuloy na ginigipit kang gumawa ng labis? Nakalulungkot sabihin, ang ilang kabataan ay nadaya ng madaling mahalatang mga salitang nagpapahiwatig ng talagang hangarin gaya ng, ‘Papayag ka kung mahal mo ako’ o, ‘Ginagawa naman ito ng lahat’ o kaya’y, ‘Malapit na naman tayong ikasal, kaya anong problema?’ Gaya noong panahon ng Bibliya, may mga tao na nang-aakit ‘sa pamamagitan ng katabilan ng kanilang mga labi.’ (Kawikaan 7:21; ihambing ang Awit 5:9.) Huwag kang padadala sa nananakot na pananalita!
Una sa lahat, ang isang nagmamahal sa iyo ay hindi ka kailanman gigipiting gumawa ng isang bagay na lumalabag sa iyong Kristiyanong budhi o na sanhi na ikaw ay makadama ng pagkaasiwa. (1 Corinto 13:5) Ikalawa, hindi talaga totoong ‘ginagawa ito ng lahat.’ At kung ginagawa man ng lahat, hindi iyan nangangahulugan na kailangan mo ring gawin ito. Tandaan ang simulain sa Exodo 23:2: “Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama.”
Para sa mga ikakasal, wala saan man sa Kasulatan na nagpapahintulot sa malapit nang ikasal na lalaki’t babae na gumawing gaya sa mag-asawa. Isa pa, pansinin ang nakalulungkot na estadistika na iniulat ng aklat na The Compleat Courtship, ni Nancy Van Pelt: “Mahigit sa 33 porsiyento ng mga babaing nakipagtalik na nang una silang nakipagtalik ay nag-akalang kanilang mapakakasalan ang lalaki—subalit kakaunti sa kanila ang nagkatuluyan. Gayunman, tanging 7 porsiyento ng mga lalaking mahilig sa sekso na sinurbey ang nag-isip na kanilang pakakasalan ang babae. Ang isa sa dalawang bagay na nangyayari—alin sa dinadaya ng babae ang kaniyang sarili o ang lalaki ay hindi nagsasabi nang totoo. Mamili ka sa dalawa.” Isang pantas na kawikaan ang nagsasabi: “Ang musmos ay naniniwala sa bawat salita, ngunit ang matalino ay nagpapakaingat sa kaniyang paglakad.”—Kawikaan 14:15.
Kapag Ikaw ay Nadala
Ganito ang pag-amin ng isang kabataang Aleman na nagngangalang Thomas: “May girlfriend ako, at kami’y lumalampas na sa nararapat. Subalit kami’y laging waring nakahihinto sa tamang panahon. Nagbigay ito ng saloobin sa akin na kaya kong pigilan ang aking sarili.” Ang ilusyong ito ay humantong sa kaniyang paggawa ng seksuwal na imoralidad. Gunitain ang babala ng Bibliya: “Dahil dito siya na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-ingat na hindi siya mabuwal.”—1 Corinto 10:12.
Paano kung ang lalaki’t babae ay nahulog sa paggawa ng kahalayan? Isang kabataang lalaki na nagngangalang John ang nagsasabi: “Nang kami ng aking mapangangasawa ay unang nagligawan, ang aming paggawi ay malinis at pinanatili sa mataas na pamantayan. Subalit minsan ay nagsimula kaming maghalikan at maghipuan—halos humantong na sa pakikiapid. Noon ko ipinasiya na ipakipag-usap ito sa isa sa matatanda sa aming kongregasyon.” Oo, kapag pinahintulutan ng lalaki’t babae na magpakalabis nang gayon, pareho silang nangangailangan ng tulong! Huwag mong dayain ang iyong sarili na isiping malulutas mong mag-isa ang problema. “Ako’y nanalangin, ‘Tulungan mo pong huwag naming magawa muli iyon,’ ” ang pag-amin ng isang kabataan. “Kung minsan ito’y nagtatagumpay, subalit ilang beses na ito’y nabibigo.” Sa gayon ang Bibliya ay nagbibigay ng mabuting payo nang ito’y nagsasabi: “Tawagin niya ang mga nakatatandang lalaki ng kongregasyon.” (Santiago 5:14) Ang Kristiyanong mga tagapangasiwang ito ay makapagbibigay ng anumang payo, pangaral, o pagtutuwid na kailangan upang ang kaugnayan ng bawat isa—at, lalong mahalaga, sa Diyos—ay mapasa tamang landas.
Kaya naman, higit na makabubuti na magkaroon ng tamang mga pag-iingat, magtatag ng mga hangganan nang patiuna, at maging determinado na manatiling malinis sa paningin ng Diyos. Sa ganitong paraan maiiwasan mo ang kapahamakan.
[Mga talababa]
a Ang ilan sa mga pangalan ay pinalitan.
b Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Hanggang Saan ang ‘Labis’?” sa aming labas ng Oktubre 22, 1993.
c Sa ilang bahagi ng daigdig, ang pangmadlang kapahayagan ng pagmamahal sa pagitan ng dalawang hindi pa ikinakasal na indibiduwal ay ipinalalagay na mahalay at masagwa. Ang mga Kristiyano ay mag-ingat na huwag gumawi sa anumang paraan na makapagpapatisod sa iba.—2 Corinto 6:3.
[Larawan sa pahina 17]
Ang pantas na lalaki’t babae ay tatanggi sa di-wastong mga kapahayagan ng pagmamahal