Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Pagmamasid sa Daigdig

Kawalan ng Tiwala sa Gobyerno

“Ang mga tao sa buong daigdig ay hindi na naniniwala sa sistemang ito,” sabi kamakailan ng The Washington Post, na nagsasabi pa, “Saanman, kinasusuklaman ang gobyerno.” Nagkokomento sa bilang ng pangmadlang opinyon na sinurbey na isinagawa sa nakaraang mga taon, ang pahayagan ay nagsabi: “Mula sa Canada hanggang sa Hapón at sa mga lugar sa pagitan nito, kung minsan ang nakagugulat na dami ng mamamayan ay nagsasabi sa mga nagsusurbey na ang gobyerno ng kanilang bansa ay hindi mapagkakatiwalaan, na ang ekonomiya ng kanilang bansa ay bagsak na at na ang mga kalagayan ay lulubha lamang, hindi bubuti.” Halimbawa, sa Pransiya halos 60 porsiyento ng mga sinurbey ay umaasang lulubha ang mga bagay sa hinaharap, samantalang halos ang kasindaming bilang ay nagpahayag ng kawalang kasiyahan sa paraan ng pamumuno sa bansa. Sa Italya ipinapalagay ng halos 75 porsiyento na ang gobyerno ay hindi namamahala nang mahusay gaya noong lima o sampung taóng nakalipas. Sa Canada mahigit sa kalahati ang may palagay na ang susunod na henerasyon ay magiging masahol pa ang kalagayan sa ekonomiya kaysa kanila mismo.

Ang Bisa ng Placebo

Matagal nang ipinalalagay ng medikal na mga mananaliksik na halos sangkatlo ng mga pasyente ay waring nagpapakita ng pagbuti sa kalagayan kapag nalalapatan ng placebo, isang paggamot na walang tunay na nagpapagaling na bisa. Gayunman, ipinakita ng bagong pagsusuri na ang mga placebo ay maaaring may higit na bisa. Iniulat kamakailan ng The New York Times na sinuri ng mga siyentipiko sa La Jolla, California, E.U.A., ang halos 7,000 pasyente na nabigyan ng bago, inieksperimentong mga paggamot na nang malaunan ay natuklasang walang medikal na gamit. Ipinakita ng pagsusuri na dalawang-katlo ng mga pasyente ay bumuti ang lagay, kahit pansamantala lamang, bilang pagtugon sa mga paggamot. Bagaman ang pagbuti sa kalagayan ay maaaring, sa ilang kaso, nagsasangkot ng pagbuti sa biyolohikal na kalagayan, ang mga siyentipiko ay nagbabala na kung minsan ipinamamalas ng pasyente ang sariling kagustuhan na paluguran ang manggagamot sa pamamagitan ng pagsasabi tungkol sa pagbuti ng kalagayan. Sa gayon, binanggit ng ilang mananaliksik ang pagsusuring ito bilang isang dahilan upang magpatupad ng mas mahigpit na pagsusuri sa bagong mga gamot.

Pagsinghot sa mga Tagas

Ang maliliit na tagas sa nakabaon na mga tubo ay maaaring hindi magtamo ng publisidad na gaya ng malalaking pagsabog at pagtapon, subalit ito pa rin ang sanhi ng milyun-milyong dolyar na gastos ng industriya bawat taon at sanhi ng “nakatago, di-nakikitang polusyon,” ulat ng magasing National Geographic. Isang kompaniya sa Canada ang nakatuklas ng isang pambihirang solusyon sa problema​—gumamit sila ng mga aso, ang mga tagasalong Labrador, upang suminghot sa ga-aspiling mga butas sa mga tubo na nagdadala ng langis, natural na gas, at mga kemikal. Una, isang pantanging masamang-amoy na kemikal ang ibinobomba sa bahagi ng tubo na pinaghihinalaang may butas. Pagkatapos sisinghutin ito ng aso. Nag-uulat ang Geographic: “Nasisinghot ng mga ito ang kemikal na lumalabas mula sa mga tubong nakabaon mga 5 metro ang lalim. Sa isang latian sa Louisiana [ang] mga aso ay nakatayo sa maliliit na bangka at natututop ang amoy mula sa tumatagas na mga tubo ng kemikal sa lalim na 1.8 metro sa tubig at 1.5 metro sa lupa.” Sinasabi pa ng magasin: “Ang mga aso ay madaling makuha sa buong daigdig.”

Pagbigo ng mga Diyos ng Ulan

Dahil sa nakararanas ng matinding tagtuyo, ang gobyerno ng estado ng Andhra Pradesh sa timog-silangang India ay bumaling kamakailan sa isang di-pangkaraniwang pamamaraan upang magpaulan. Ayon sa magasing India Today, ginastusan ng pamahalaang estado “ang sinaunang Vedic na ritwal ng panunuyo sa mga diyos ng ulan.” Ganito ang pangangatuwiran ng Minister ng mga Relihiyosong Templo ng estado: “Sasaklolohan tayo ng Diyos.” Ang mga pari mula sa 50 piling templo ay nagsagawa ng ritwal sa loob ng 11 araw. Ang resulta? Ang India Today ay nag-uulat: “Ang mga diyos ay maliwanag na hindi natigatig. . . . Dahil sa pagkabigo ng relihiyon, nagpasiya ngayon ang Gobyerno na gamitin ang makasiyentipikong paraan. Gumawa ng mga hakbang upang makalikha ng artipisyal na ulan” sa isang eksperimento ng pagwiwisik ng kemikal sa ulap upang umulan.

Kompromiso sa Kompromiso

Tinalakay kamakailan ng kapuwa mga Lutherano sa Estados Unidos at ng mga Metodista sa Britaniya ang usapin hinggil sa homoseksuwalidad. Sa Britanya, ang Komperensiyang Metodista ay humantong sa isang malabong pagpapasiya. Ipinasiya nilang huwag mag-atas ng homoseksuwal na mga lalaki’t babae bilang mga ministro; gayunman, kasabay nito, kanilang ipinahayag na “kinikilala, pinagtitibay at ipinoproklama [ng simbahan] ang pakikibahagi at ministeryo ng mga tomboy at mga bakla sa Iglesya.” Sa Estados Unidos, isang task force ng Iglesya Lutherano ang nagpalabas ng 21-pahinang ulat na nilayon upang ipadala sa 19,000 pastor ng simbahan para sa kanilang katugunan. Ayon sa Associated Press, iginigiit ng ulat na itinataguyod ng Bibliya ang pagsasama ng mga homosekso. Sinasabi pa ng ulat na ang masturbasyon ay “karaniwang angkop at nakabubuti.” Sa paggiit at pagsasabing ito, sinasalungat ng ulat ang paninindigan ng Bibliya hinggil sa mga bagay na ito.​—Roma 1:26, 27; 1 Corinto 6:9, 10; Colosas 3:6, 7.

Umuunlad ang Negosyo ng Tabako sa Russia

Ang negosyo ng tabako ay umuunlad sa Russia at sa ibang dating mga teritoryo ng Sobyet, ulat ng magasing Maclean’s ng Canada. May halos 70 milyong naninigarilyo sa dating Unyong Sobyet, o mga 25 porsiyento ng populasyon, at kanilang nauubos ang 350 bilyong sigarilyo sa isang taon. At yamang ang mga batas ng dating Sobyet na nagbabawal ng pag-aanunsiyo sa paninigarilyo ay hindi na umiiral, dinagsa ng mga kompaniya ng tabako sa Kanluran ang media​—radyo, TV, mga pahayagan, magasin, at mga paskil​—ng mga anunsiyo ng kanilang mga produkto. Bagaman ang mga uri ng sigarilyo sa Kanluran ay nagkakahalaga ng mula sa dalawa hanggang apat na ulit ang taas kaysa lokal na mga uri, ang mga ito ang kalimitang hinahanap bilang status symbol. Ganito ang sabi ng Maclean’s: “Ipinakikita ng estadistika ng gobyerno na halos 500,000 Ruso ang taun-taon ay nagkakaroon ng kanser sa bagá at iba pang mga karamdaman na may kaugnayan sa paninigarilyo.”

Lumilibut-libot na Ospital

Isang di-pangkaraniwang ospital ang nakatutulong sa maysakit sa India: isang tren na tinaguriang Lifeline Express. Pinangangasiwaan ng boluntaryong mga doktor, ang tren ay “talagang isang ospital na lumilibut-libot,” ulat ng magasing Asiaweek. Ito’y nagtutungo sa mga nayon at humihimpil, mula isang buwan hanggang sa isang buwan at kalahati, naglalaan ng panahon para sa mga siruhano na gamutin ang di-kukulanging 600 pasyente bago ito lumipat sa susunod na nayon. Dahil sa ito’y pinatatakbo ng isang pangkat na di-nagnenegosyo na tinatawag na Impact India Foundation, ang nagpapalipat-lipat na ospital na ito ay nakatulong na sa halos 400,000 tao. Si Zelma Lazarus ng Impact India ay nag-uulat: “Ang proyektong ito ay mabilis na naging malaking gawain. Ang ibang bansa ay humihiling ngayon sa amin na magtayo ng katulad na sistema ng naglilibot na ospital.”

Pagkalkula sa Mapupunta sa Impiyerno

Binatikos nang husto ang mga Southern Baptist ng Alabama, E.U.A., kamakailan nang kanilang ilathala ang isang opisyal na pagtaya na nagsasabing 46.1 porsiyento ng populasyon ng estado ang mapupunta sa impiyerno na itinuturo ng Baptist. Isa-isang inilista ng kanilang ulat, na inilathala sa The Birmingham News, ang bawat county ng estado, na itinatala kung ilang porsiyento sa bawat county ang “hindi maliligtas.” Ayon sa Associated Press, basta ibinawas ng mga Baptist ang kabuuan ng mga miyembro ng simbahan mula sa populasyon ng bawat county, pagkatapos ay ikinapit ang “sekretong pormula” upang matiyak ang dami ng bilang ng mga tao mula sa ibang mga relihiyon na kanilang inaakalang malamang na mapupunta rin sa langit. Ang kanilang ulat ay nakatanggap ng matinding pagbatikos mula sa mga mambabasa ng The Birmingham News. Ganito ang sulat ng isa: “Ito ang pinakasukdulang kapangahasan na gumawa ng isang pormula para sa pagtantiya sa mga hindi maliligtas.”

Nakapagpapalusog sa Isa ang Nakapagpapatibay na mga Karanasan

“Ang nakapanlulupaypay na kaigtingan at emosyonal na mga problema ay nagpapahina sa resistensiya ng katawan, samantalang ang kagalakan at kasiyahan ay nagpapasigla sa sistemang imunidad at nagpapalakas sa resistensiya laban sa karamdaman.” Ganiyan binubuod ng pahayagang Aleman na Nassauische Neue Presse ang patotoo na natipon ng bagong siyensiya ng psychoneuroimmunology. Ang negatibong mga nagpapabigat sa trabaho o sa bahay ay nakapagpapahina sa resistensiya ng katawan. Sa kabilang dako, ayon kay Dr. Anton Mayr, isang propesor at microbiologist, ang positibong damdamin at mga karanasan ay may nakapagpapatibay na epekto. Ang ilan sa halimbawa na kaniyang binanggit: “Pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, pagtitiwala, katiwasayan, pakikipagtalastasan, positibong mga bagay na nagpapasigla sa buhay, paglilibang​—at ang pagnanais na mabuhay at maging malusog.”

Katiwalian at Pangungumpisal

Dalawang Italyanong manunulat, na nagpanggap na mga pulitiko o negosyante, ang humiling sa napakaraming paring Katoliko para sa kapatawaran sa kasalanan ng katiwalian. Pagkatapos kanilang inilathala kung ano ang sinabi sa kanila ng mga pari sa pangungumpisal. Ganito ang pag-uulat ng pahayagang La Repubblica: “Inaakala ng simbahan na [ang mga manunulat] ay nakagawa ng kalapastanganan, at sila’y talagang binatikos at marahil ititiwalag dahil dito.” Subalit sinabi pa ng pahayagan na ang mapanlinlang na pangungumpisal na ito ay “nagpapamalas ng totoong kalituhan, kakulangan, at pagpapasasa ng karamihan ng 36,000 Italyanong pari, na kalimitang higit na interesado sa mga kasalanan patungkol sa sekso kaysa mga kasalanang laban sa lipunan.” Si Pino Nicotri, isa sa mga manunulat, ang nakatuklas na sa 49 na pari na kaniyang “pinangumpisalan,” isa lamang ang tumangging siya’y patawarin at sinabihan siyang ipagbigay-alam ang kaniyang kasalanan sa mga awtoridad. Ganito ang komento ng La Repubblica: “Kung para sa iba, alinman sa ang panunuhol ay hindi kasalanan, o kung hindi magiging walang-kabuluhan ang magtungo sa hukom, yamang ang mahalaga ay ang pagpapatawad mula sa Diyos.”

Mataas na Bilang ng Paggaling

“Ang pagkakilala sa Brazil ay nagbago sa nakaraang mga taon. Mula sa pagiging ruta ng [narkotiko], ang bansa ay naging kilala rin sa paggamit at paggawa ng narkotiko,” sabi ni Arthur Guerra de Andrade, isang may kabatiran sa alkoholismo at pagkasugapa sa droga. Ayon sa O Estado de S. Paulo, ang pang-aabuso sa droga ay “nakaaapekto sa 6 hanggang 8 porsiyento ng populasyon.” Karagdagan pa, “sa mga kabataan na ang edad ay 12 hanggang 16 na taon, 90 porsiyento ang uminom ng alak nang minsan.” Sinabi pa ni Andrade: “Ang dami ng mga tao na nakikitaan ng mga problema sa pisikal at isip dahil sa alkohol ay tumaas nang 50 porsiyento sa nakaraang sampung taon.” Isa pa, “halos 25 porsiyento ng mga aksidente sa trabaho na nagaganap sa Brazil ay may kaugnayan sa pang-aabuso sa droga, lalo na sa alkohol.” Subalit, sa positibong bahagi naman, ang Brazil ang “isa sa may pinakamataas na bilang ng paggaling sa mundo​—60 hanggang 80 porsiyento ng alkoholikong mga manggagawa.”