Pagtulong sa mga May AIDS
Pagtulong sa mga May AIDS
“NAHAWAHAN ng AIDS, Ministro Hindi Tinanggap” ang titulo ng isang artikulo sa The New York Times. Isinaysay ng pahayagan ang kuwento tungkol sa isang ministrong Baptist na ang asawa at dalawang anak ay nahawahan ng virus ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo na ibinigay sa babae noong 1982 (ang mga bata ay nahawahan sa loob ng kaniyang bahay-bata). Pagkatapos, ang ministro at ang kaniyang pamilya ay sinikap na pigilin sa pagdalo sa iba’t ibang simbahan ng Baptist dahil sa karamdaman. Bigo, siya’y huminto sa pagdalo at nagbitiw sa pagiging isang ministrong Baptist.
Ang sama ng loob ng taong ito dahil sa kabiguan ng kaniyang iglesya ay nagbabangon ng ilang katanungan: Ang Diyos ba ay nagmamalasakit sa mga maysakit, pati na yaong mga may AIDS? Paano sila matutulungan? Anong pag-iingat ang kinakailangang gawin kapag naglalaan ng Kristiyanong kaaliwan para sa mga may AIDS?
Ang Pag-ibig ng Diyos sa mga Nagdadalamhati
Ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay nagpapahayag ng matinding empatiya sa mga nagdurusa. Samantalang nasa lupa, si Jesus ay nagpakita rin ng taos-pusong pagkahabag sa mga maysakit. At binigyan siya ng Diyos ng kapangyarihan na pagalingin ang mga tao sa lahat ng kanilang mga karamdaman, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Malalaking pulutong ang lumapit sa kaniya, na kasama nila ang mga taong pilay, baldado, bulag, pipi, at maraming iba pa, at sila ay halos ipinaghagisan nila sa kaniyang paanan, at pinagaling niya sila.”—Mateo 15:30.
Mangyari pa, ang Diyos sa ngayon ay hindi nagbigay kaninuman sa lupa ng kapangyarihan na makahimalang magpagaling ng mga tao na gaya ni Jesus. Subalit ipinakikita ng hula sa Bibliya na sa malapit na hinaharap, sa bagong sanlibutan ng Diyos, “walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y maysakit.’” (Isaias 33:24) Ang Bibliya ay nangangako: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” (Apocalipsis 21:4) Dahil sa kaniyang dakilang pag-ibig sa mga tao, inihanda ng Diyos ang permanenteng lunas para sa lahat ng karamdaman, pati na ang AIDS.
Ang Awit 22:24 ay nagsasabi tungkol sa Diyos: “Hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya, kundi nang siya’y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.” Ang pag-ibig ng Diyos ay maaaring makamit niyaong taimtim na tumatawag sa kaniya at humihingi ng tulong.
Sino ang Nagkakaroon ng Virus ng AIDS?
Ang AIDS ay pangunahin nang isang sakit dahil sa istilo ng buhay. Maraming nahawahang tao ang sumasang-ayon sa paggunita sa Awit 107:17, na nagsasabi: “Ang mga mangmang, dahil sa kanilang mga pagsalansang at dahil sa kanilang mga kamalian, sa wakas ay nagdadala sa kanilang mga sarili ng dalamhati.”
Kapag tinalikdan ng isang tao ang mga pamantayan ng Bibliya at nagsagawa ng seksuwal na pakikipagtalik sa labas ng kaayusan ng Diyos sa pag-aasawa, ang panganib na mahawa ng AIDS o makahawa sa iba ay nagiging tunay. At, kapag ang mga indibiduwal ay gumagamit ng iisang iniksiyon upang iturok sa ugat ang mga droga, sila ay maaari ring mahawa ng AIDS at maaaring ipasa
ang virus sa iba. Isa pa, marami ang nahawa ng AIDS sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo mula sa nahawahang mga nagkaloob ng dugo.Gayunman, kalunus-lunos na napakaraming walang malay na mga tao ang nahawahan ng virus ng AIDS, at sa maraming paraan. Halimbawa, maraming tapat na mga kabiyak, bagaman hindi nila kasalanan, ay nagkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kanilang nahawahang kabiyak. Gayundin, lalo na sa ilang dako, maraming sanggol ang nagkakaroon ng virus ng AIDS mula sa nahawahang mga ina, ginagawa ang bagong silang na sanggol na may AIDS na isa sa pinakakalunus-lunos na biktima. At, nakuha rin ng medikal na mga tauhan at ng iba pa ang sakit dahil sa mga aksidente nang pinangangasiwaan nila ang nahawahang dugo.
Sa anumang paraan nakuha ng isa ang AIDS, maliwanag na sinasabi ng mga Kasulatan na ang Diyos ay walang pananagutan sa paglipat ng nakamamatay na sakit na ito. Bagaman ang karamihan ng mga nahawahan sa ngayon ay nagdala ng AIDS sa kanilang sarili at nahawahan ang iba sa pamamagitan ng paggawi na hindi kasuwato ng mga pamantayan ng Bibliya, ang mga persentahe ay nagbabago, na nagpapabanaag ng mas maraming bilang ng walang malay na mga biktima, gaya ng mga sanggol at tapat na mga kabiyak.
Sinasabi ng World Health Organization na ang mga babae sa buong daigdig ay nahahawa ngayon sa virus ng AIDS na kasindalas ng pagkahawa ng mga lalaki at na sa taóng 2000, ang karamihan ng bagong mga pagkahawa ay sa mga babae. Ang mga manggagawang pangkalusugan sa Aprika ay nagsasabi na 80 porsiyento ng mga kaso ng AIDS doon “ay nailipat sa pamamagitan ng heteroseksuwal na pagtatalik, at halos lahat ng iba pa ay nailipat mula sa ina tungo sa anak sa panahon ng pagdadalang-tao o pagsilang.”
Gayunman, bagaman ang Diyos ay laban sa anumang paglabag sa kaniyang mga kautusan, pati na ang mga paglabag na nagbubunga ng gayong pagdurusa, siya ay mabilis magpakita ng awa sa lahat ng nagdadalamhati. Kahit na yaong mga nagkaroon ng AIDS dahil sa maling mga pagkilos ay maaaring makinabang mula sa awa ng Diyos sa pamamagitan ng pagsisisi at paghinto sa paggawa ng masama.—Isaias 1:18; 1 Corinto 6:9-11.
Kung Ano ang Nalalaman sa Kasalukuyan
Ang AIDS ay isang pambuong-daigdig na suliraning pangkalusugan. Bagaman tinitiyak ng mga siyentipiko sa mga tao na “ang HIV ay isang virus na hindi madaling ilipat,” hindi ito gaanong nakaaaliw sa angaw-angaw na mayroon na nito at sa
di-mabilang na angaw-angaw pa na magkakaroon nito sa mga taóng darating. Ang mga katotohanan ay na kumakalat ito sa buong lupa.Binubuod ang karaniwang mga paraan ng paglipat nito, ganito ang sabi ng isang awtoridad: “Halos lahat ng pagkahawa ng HIV ay naililipat sa pamamagitan ng pakikipagtalik o sa pagkalantad sa nahawahang dugo.” Ipinakikita ng mga konklusyon ng karamihan sa medikal na propesyon, isang report ay nagsasabi: “Para mangyari ang pagkahawa, dapat na may paglilipat ng likido ng katawan (halos sa tuwina’y dugo o semilya) mula sa nahawahang tao tungo sa katawan ng isang taong walang virus.”
Gayunman, ang mga pariralang “halos lahat” at “halos sa tuwina” ay nagpapakilala ng posibilidad ng mga eksepsiyon. Kaya bagaman ang karamihan ng mga paraan sa paglilipat ng AIDS ay nalalaman sa ngayon niyaong mga nasa larangan ng medisina, sa napakaliit na persentahe ng mga kaso, ang paraan ng pagkakaroon ng virus ay maaaring hindi alam. Kaya nga, maaaring kailangan pa ring mag-ingat.
Paano Ka Kikilos?
Mga 12 milyon hanggang 14 na milyong tao sa buong daigdig ang nahawahan na ng virus ng AIDS. At tinataya na marami pang milyon ang mahahawahan sa taóng 2000. Kaya, malamang na nakasalamuha mo, o maaaring makasalamuha mo sa hinaharap, ang mga taong may ganitong sakit. Halimbawa, sa anumang malaking lungsod, ang karaniwang pakikisama sa gayong mga tao ay nangyayari araw-araw sa mga dako ng trabaho, restawran, sinehan, arena ng isports, bus, subway, eruplano, at mga tren, gayundin sa iba pang pakikisalamuhang pampubliko.
Kaya, higit at higit, maaaring makilala ng mga Kristiyano, at maudyukang tulungan, ang mga pinahihirapan ng AIDS na nagnanais mag-aral ng Bibliya, dumalo ng mga pulong Kristiyano, at sumulong tungo sa pag-aalay sa Diyos. Paano dapat tumugon ang mga Kristiyano sa mga pangangailangang ito ng mga biktima ng AIDS? May mga pag-iingat ba na magiging praktikal para sa kapakinabangan ng maysakit at niyaong nasa loob ng kongregasyong Kristiyano?
Batay sa kasalukuyang pala-palagay ng karamihan, ang karaniwang pakikisama ay hindi naglilipat ng AIDS. Kaya waring makatuwiran na ang isa ay hindi kailangang labis na matakot kapag kasama ng mga taong may AIDS. At yamang ang mga may AIDS ay may sistema ng imyunidad na lubhang mahina, dapat tayong maging maingat na huwag silang hawahan ng karaniwang nakahahawang virus na maaaring mayroon tayo. Ang pinsala sa kanilang katawan ng gayong karaniwang mga karamdaman ay maaaring napakalaki.
Dahil sa nagbabanta-buhay na kalikasan ng AIDS, matalinong isaisip ang ilang makatuwirang mga pag-iingat kapag tinatanggap ang isang may AIDS sa ating personal na samahan o yaong sa kongregasyong Kristiyano. Una, bagaman walang panlahat na patalastas ang gagawin, baka nais nating ipagbigay-alam sa isa sa matatanda sa kongregasyon ang kalagayan upang siya ay maging handang magbigay ng isang mabait at angkop na sagot sa sinumang maaaring magtanong tungkol sa bagay na ito.
Yamang ang virus ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng dugo ng isang nahawahang tao, maaaring makatuwiran para sa mga kongregasyon na magsagawa ng tinatawag na panlahat na mga pag-iingat kapag naglilinis ng mga palikuran at mga tulo, lalo na kung may tumulong dugo. Ang “panlahat na mga pag-iingat” ay isang katagang ginamit ng medikal na propesyon upang ilarawan ang isang set ng mga tuntunin kung saan ang lahat ng dugo mula sa sinumang tao ay itinuturing na nahawahan at malamang na mapanganib at samakatuwid ay pangangasiwaan sa isang espesipikong paraan. Sapagkat ang Kingdom Hall ay isang pasilidad na pampubliko, makabubuting may nakahandang mga panustos sa paglilinis kasama ang isang kahon ng mga guwantes na Latex o vinyl na magagamit upang maglaan ng wastong pangangalaga at paglilinis sakaling magkaroon ng aksidente. Ang 10 porsiyentong bleach (Clorox) na timpla sa tubig ay karaniwang inirerekomenda para sa paglilinis ng tumulong dugo.
Sa lahat ng pakikitungo natin sa iba, pati na sa mga biktima ng AIDS, ang mga Kristiyano ay tinagubilinang sundin ang halimbawa ni Jesus. Ang pagkahabag na taglay niya sa mga nagdadalamhati, subalit taimtim sa kanilang pagnanais na palugdan ang Diyos, ay karapat-dapat nating tularan. (Ihambing ang Mateo 9:35-38; Marcos 1:40, 41.) Gayunman, yamang wala pang lunas para sa AIDS sa ngayon, angkop na ang isang Kristiyano ay kumuha ng makatuwirang mga pag-iingat habang siya ay naglalaan ng mahabaging tulong sa mga pinahihirapan ng sakit na ito.—Kawikaan 14:15.
Maaari Ring Tumulong ang mga Biktima ng AIDS
Ang maingat na may sakit na AIDS ay nakatatalos na ang iba ay sensitibo tungkol sa sakit na ito. Kaya nga, dala ng paggalang sa mga damdamin niyaong nagnanais makatulong, makabubuti sa biktima ng AIDS na huwag manguna sa pagpapakita ng pagmamahal na gaya ng pagyapos at paghalik sa madla. Kahit na may kaunti o walang posibilidad na ang gayong mga paggawi ay maaaring makahawa ng sakit, ang pagpipigil na ito ay magpapakita na ang biktima ay makonsiderasyon sa iba, sa gayo’y pagpapakitaan din ng konsiderasyon. a
Natatalos na marami ang nangangamba sa mga bagay na di-alam, ang taong may AIDS ay hindi dapat madaling mabalisa kung siya ay hindi inaanyayahan sa pribadong mga tahanan kaagad o kung wari bang hinihigpitan ng isang magulang ang isang anak sa pagiging malapít sa kaniya. At kung ang isa sa mga Pag-aaral ng Aklat ng Kongregasyon ay idinaraos sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova, makabubuti para sa isa na may AIDS na piliing dumalo roon, sa halip na sa isang pribadong tahanan, malibang naipakipag-usap ng isang iyon ang kalagayan sa maybahay.
Ang mga tagapagdala ng AIDS ay dapat ding magpakita ng maingat na pagmamalasakit sa iba kapag, halimbawa, sila ay matinding inuubo at may tuberkulosis. Baka naisin nilang ikapit ang pamayanang mga tuntuning pangkalusugan tungkol sa kalagayang ito may kinalaman sa pagbubukod.
Ang isa pang kalagayan kung saan ang isang walang malay na tao ay maaaring mahawa ay sa pamamagitan ng pag-aasawa sa isa na may virus ng AIDS nang hindi ito namamalayan. Ang pangangailangan ng pag-iingat sa gayong kalagayan ay maaaring lalo nang kailangan kung ang isa o ang dalawang magpapakasal ay naging handalapak noon o gumamit ng mga iniksiyon upang mag-abuso sa droga bago nakaalam ng tumpak na kaalaman tungkol sa Salita ng Diyos. Yamang may dumaraming bilang ng mga kabataang nahawahan ng asymptomatic HIV (yaon ay, wala pang panlabas na mga sintoma), wasto para sa isang indibiduwal o sa nababahalang mga magulang na hilingin sa magiging kabiyak na kumuha ng isang pagsusuri sa dugo kung ito ay may AIDS bago ang pagkakatipan o kasal. Dahil sa mapangwasak, nakamamatay na kalikasan ng sakit na ito, ang isang potensiyal na kabiyak ay hindi dapat magalit kung gawin ang kahilingang iyan.
Kung ang pagsusuri ay mapatunayang positibo, hindi magiging angkop sa taong nahawahan na gipitin ang binabalak pakasalan na ipagpatuloy ang panliligaw o ang pakikipagtipan kung nais nang tapusin ng magiging kabiyak ang kaugnayan. At makabubuti para sa sinuman na dating namuhay ng mapanganib na istilo ng buhay, naging handalapak o nagturok ng droga sa ugat, na kusang piliing masuri ang dugo bago manligaw. Sa ganitong paraan, maaaring maiwasan ang mga sama ng loob.
Kaya nga, bilang mga Kristiyano nais nating kumilos nang may pagkahabag at huwag iwasan ang mga taong may AIDS, kinikilala, gayunman, na ang mga damdamin ng indibiduwal ay maaaring iba-iba tungkol sa sensitibong paksang ito. (Galacia 6:5) Kung tungkol sa sakit na gaya ng AIDS, hindi pa nalalaman ang lahat tungkol dito, kaya maaaring may ilang pag-aatubili sa bahagi ng marami sa pakikitungo sa mga isyung nasasangkot. Ang timbang na pangmalas sa bagay na ito ay ang patuloy na tanggapin ang mga biktima ng AIDS sa kongregasyong Kristiyano at magpakita ng pag-ibig at sigla sa kanila, samantalang kasabay nito ay kumukuha ng makatuwirang mga pag-iingat upang pangalagaan ang ating sarili at ang ating pamilya mula sa sakit.
[Talababa]
a Ano ang dapat gawin ng isang tao na nakaaalam na siya ay may AIDS kung nais niyang maging isa sa mga Saksi ni Jehova at magpabautismo? Dala ng paggalang sa damdamin ng iba, makabubuti para sa kanila na humiling ng isang pribadong bautismo, bagaman walang katibayan na nagsasabing ang AIDS ay nailipat sa mga palanguyan. Bagaman maraming Kristiyano noong unang-siglo ay nabautismuhan sa malalaking pagtitipong publiko, ang iba ay nabautismuhan sa mas pribadong mga lugar dahil sa iba’t ibang kalagayan. (Gawa 2:38-41; 8:34-38; 9:17, 18) Ang isa pang mapagpipilian ay na ang kandidatong may AIDS ang huling babautismuhan.
[Kahon sa pahina 13]
Nahabag Ako sa Kaniya
Isang araw samantalang ako ay nagsasagawa ng pangmadlang pagpapatotoo, nilapitan ko ang isang dalaga na mga 20 anyos. Ang kaniyang malaking kayumangging mata ay napakalungkot. Sa pagpapasimula ng isang pag-uusap tungkol sa Kaharian ng Diyos, inalok ko siya ng isa sa mga tract na hawak ko. Walang pag-aatubiling pinili niya ang Kaaliwan Para sa Nanlulumo. Tiningnan niya ang tract at saka tumingin sa akin at nagsabi sa mapanglaw na tinig: “Kamamatay lamang ng kapatid kong babae mula sa AIDS.” Bago ko matapos sabihin ang aking pakikiramay, sinabi niya: “Mamamatay rin ako sa AIDS, at mayroon akong dalawang maliliit na anak.”
Nahabag ako sa kaniya, at binasa ko sa kaniya mula sa Bibliya ang tungkol sa kinabukasan na ipinangako ng Diyos sa sangkatauhan. Siya’y bumulalas: “Bakit magmamalasakit sa akin ang Diyos ngayon gayong hindi ako kailanman nagmalasakit sa kaniya?” Sinabi ko sa kaniya na mula sa isang pag-aaral ng Bibliya, maaari niyang maunawaan na tinatanggap ng Diyos ang sinuman na taimtim na nagsisisi at nagtitiwala sa kaniya at sa haing pantubos ng kaniyang Anak. Siya’y sumagot: “Kilala ko kayo. Kayo ay galing sa Kingdom Hall sa kalyeng ito—subalit ang isa bang taong katulad ko ay tatanggapin sa inyong Kingdom Hall?” Tiniyak ko sa kaniya na siya’y tatanggapin.
Nang sa wakas siya ay nagpatuloy sa kaniyang lakad, hawak-hawak ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at ang kaniyang tract, naisip ko, ‘Harinawang makasumpong siya ng kaaliwan na tanging ang Diyos lamang ang makapagbibigay.’