Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kahanga-hangang “Lumalaking Daan” ng Canada

Ang Kahanga-hangang “Lumalaking Daan” ng Canada

Ang Kahanga-hangang “Lumalaking Daan” ng Canada

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA CANADA

“Anong ilog ito?” “Isang ilog na walang katapusan,” ang sagot ng katutubong giya

NOON ay taóng 1535. Ni sa guniguni ay hindi inisip ng nagtatanong na manggagalugad, si Jacques Cartier, na ang daang-tubig na kaniyang isusulat ay magiging isa sa pinakamahalaga sa Hilagang Amerika balang araw. Ang ilog na ito ay naging kauna-unahang malawak na “daan” para sa sinaunang mga negosyante ng balahibo at mga kolonista at sa dakong huli ay para sa modernong-panahong naglalakihang bapor na pangkargamento sa karagatan. Ang luwang sa bukana nito ay may mahigit na 130 kilometro at umaabot papaloob nang mga 1,200 kilometro mula sa Atlantic Ocean patungo sa Lawa ng Ontario.

Pinapurihan ng mga aklat sa kasaysayan si Cartier sa pagbibigay ng pangalang St. Lawrence sa maringal na daang-tubig na ito. Sa bandang huli, ang pangalan ay ginamit kapuwa sa ilog at sa golpo sa pasukan nito.

Ang ilan sa pinakamagagandang tanawin ng Hilagang Amerika ay matatagpuan sa kahabaan ng Ilog St. Lawrence. Ang mabatong dalisdis at paliku-likong libis ay pababa sa tubig anupat lumilikha ng isa sa pinakamahabang fjord ng daigdig, ang Saguenay Fjord, na bumabagtas sa halos 100 kilometro. Ang malakas na Ilog Saguenay ay umiikot sa St. Lawrence mula sa kahilagaan upang lumikha ng wawa na doon ang takbo ng karagatan ay sumasanib sa agos ng ilog.

Dito, sabi ng mga biyologong pandagat, nagtatagpo sa ilalim ang dalawang daigdig. Ang malamig, maalat na tubig-karagatan ay umaagos sa mga daan sa ilalim ng tubig na kasinlalim ng 400 metro, pagkatapos ay tumataas at humahalo sa tubig na tabang mula sa mga ilog. Sumasagana ang buhay-dagat sa wawang ito. Magkakasama ang mga beluga (maliliit na puting balyena), mga minke whale, mga fin whale, at dambuhalang asul na mga balyena. Karaniwan nang ang apat na uring ito ng balyena ay namumuhay na magkakalayô nang daan-daang milya. Hindi kataka-taka na mahigit na 70,000 turista ang nagsasadya sa St. Lawrence upang pagmasdan ang mga balyena sa kalilipas lamang na isang taon.

Ang kombinasyon ng mga halaman, hayop, at mga ibon sa kahabaan ng ilog ay isa sa pinakapambihira sa lupa. May daan-daang uri ng isda, mahigit na 20 klase ng mga amphibian (mga hayop na nabubuhay kapuwa sa tubig at sa kati) at mga reptilya, at 12 uri ng mga mamal sa dagat. Halos 300 uri ng ibon ang sinasabing naglalagi sa mga latian at dalampasigan nito. Ang nandarayuhang mga ibon gaya ng mga bibe at gansa ay nagkakalipumpon sa tubig nito nang libu-libo.

Sa gawi pa roon na salungat sa agos, ang tahimik kulay-bughaw na mga bundok ay nagtataasan sa kabila ng mga dalampasigan nito. Makapal na kagubatan ang nakahanay sa mga pampang nito. Ang mariringal na mga isla ay nagbabantay sa malapad na dagat-lagusan nito. Mga bukid, nayon, at lungsod ang nasa mga dalampasigan nito.

Papaloob mula sa Montreal ang sunud-sunod na mga rapid (parte ng ilog na matulin ang agos) ay sumasalit sa ilog nang hanggang isang daan at animnapung kilometro. Sa ibayo ng mga rapid, ang nabigasyon ay nagiging mas maginhawa hanggang sa 60-kilometrong haba ng tubig na nakakalatan ng binansagang Libong Isla (sa katunayan ay malapit sa dalawang libo ang dami).

Trapik sa “Daan”

Kasing-aga ng 1680, pinag-usapan ng mga maninirahang Europeo ang pagpapahaba sa “daan” sa mga sasakyan sa karagatan sa ibayo ng Montreal sa pamamagitan ng mga kanal na lilibot sa mga rapid. Pagkalipas ng halos 300 taon, ang pangarap ay natupad sa pagbubukas ng St. Lawrence Seaway noong 1959. Pinapurihan ito bilang isa sa dakilang nagawa ng inhinyeriya sa daigdig.

Upang tapusin ang 293-kilometrong haba ng daang-tubig na ito, pitong bagong mga lock ang itinayo sa pagitan ng Montreal at Lawa ng Ontario. Ito’y nangailangan ng paghukay ng mahigit na 150 milyong metro kubiko ng lupa at bato na kung pantay-pantay na itatambak sa isang palaruan ng football ay gagawa ng isang bundok na mahigit 35 kilometro ang taas. Ang dami ng kongkretong ginamit sa mga lock ay makapagtatayo ng apat na linyang haywey sa pagitan ng London at Roma.

Sinipi ni Jacques LesStrang, awtor ng Seaway​—The Untold Story of North America’s Fourth Seacoast, ang isang kapitan sa dagat na nagsabi: “Walang daang-tubig na katulad nito sa buong daigdig. Hindi madaling maglakbay, subalit ang kagandahan ng ilog, ang ugong ng Niagara Falls, ang walang katapusang kawing ng mga lawa at mga isla ay gumagawa ritong lubhang kaakit-akit.”

Ang mga barkong pangkaragatan na naglalakbay sa idinagdag na “daan” tungo sa Duluth-Superior sa panig ng Estados Unidos na Lake Superior ay gumagawa ng tulad-elebeytor na pag-akyat hanggang 180 metro sa ibabaw ng antas ng tubig, ang taas ng isang 60-palapag na mataas na gusali. Ang kabuuang paglalakbay paloob ay 3,700 kilometro mula sa Atlantic Ocean.

Ang trapikong iyon sa dagat ay nagdala ng komersiyal na kasaganaan sa mga lungsod sa kahabaan ng ruta. Ang aklat na The Great Lakes/St. Lawrence System ay nagkokomento: “Sa loob ng dalawang pambansang mga hangganan nito ay makikita ang industriyal na sentro kapuwa ng Canada at ng Estados Unidos, populasyon na mahigit 100 milyon at ang iisang pinakamalaking pinagmumulan ng industriyal at pagawaang yaman sa kanluraning daigdig.”

Kabilang sa mahigit na 150 daungan na nakahanay sa daang-tubig mula sa Atlantic Ocean hanggang sa Lake Superior ay (sa Canada) ang Lungsod ng Quebec, Montreal, Toronto, Hamilton, Sault Sainte Marie, at Thunder Bay at (sa Estados Unidos) Buffalo, Erie, Cleveland, Detroit, Chicago, at Duluth-Superior. Ang mga barko mula sa Casablanca, Le Havre, Rotterdam, at sa iba pang dako ay naghahatid ng milyun-milyong tonelada ng mga kargamento sa St. Lawrence taun-taon. Ang paggamit sa “daan” ay lumilikha ng sampu-sampung libong trabaho at bilyun-bilyong dolyar na kita sa bawat taon.

Mga Sigaw ng Alarma

Gayunman, pagkaraan ng mahigit na 30 taon ng nabigasyon sa “daan” na ito, mga sigaw ng alarma ang inihudyat. Sa loob ng mga dantaon ang Ilog St. Lawrence pati na ang imbakan ng tubig nito ng Great Lakes “ay ginamit bilang isang imburnal at basurahan,” giit ng Environment Canada. Maaari itong matagumpay na pangasiwaan ng “Dakilang Ilog,” hanggang kamakailan.

Itinapon ng malalaking sasakyang pangkargamento sa karagatan ang kanilang tulakbahala sa tubig-tabang ng mga lawa at sa ilog. Ang mga industriya at mga lungsod sa kahabaan ng daang-tubig ay nagdagdag ng nakalalasong mga kemikal sa ilog. Idinagdag pa ng agrikultura ang mga pestisidyo at abono nito sa ilog. Isinapanganib ng sama-samang mga epekto nito ang ilog.

Habang mas maraming dumi ang ibinubuhos sa ilog, ang mga uri ng isda ay unti-unting naglaho. Nang maglaon ay ipinagbawal ang paglangoy. Saka dumating ang mga pagbabawal sa pagkain ng ilang isda at mga laman-dagat. Ang pag-inom ng tubig sa gripo na kinuha mula sa ilog ay pinag-alinlanganan. Ang ilang uri ng buhay-iláng ay opisyal na nanganib malipol. Ang patay na mga beluga ay itinatambak sa dalampasigan, mga biktima ng mga karamdamang dulot ng mga lason sa tubig.

Paglilinis sa “Daan”

Ang ilog ay naghahatid ng maliwanag na mensahe. Ang kahanga-hangang “lumalaking daan” ay kailangang kumpunihin. Kaya noong 1988 ang pamahalaan ng Canada ay tumugon sa pamamagitan ng paglulunsad ng St. Lawrence Action Plan na dinisenyo upang linisin ang ilog sa pamamagitan ng isang programa ng pangangalaga, pagkalinga, at pagsasauli, lalo na mula sa Montreal hanggang sa Atlantic Ocean.

Mayroon na ngayong nagpapatuloy na pagsasagawa ng mga planong pangkaligtasan para sa mga uri na nanganganib malipol. Mga dako sa pangangalaga ang itinatag upang pangalagaan kung ano ang natitira. Ang maunlad na Saguenay Marine Park, kung saan nagtatagpo ang Ilog Saguenay at St. Lawrence, ay itinayo upang pangalagaan ang pambihirang kapaligiran ng dagat at buhay-iláng.

Bagong mga tuntunin ang itinatag. Ang mga industriya ay binigyan ng takdang petsa na bawasan ang mga dumi sa ilog nang 90 porsiyento. Bagong mga teknolohiya ay ginawa upang bawasan ang polusyon. Ang mga dakong nadumhan ng nakalalasong mga bagay sa mga duming naipon sa ilalim ng ilog o mula sa paghuhukay ay nililinis. Sa ibang dako bagong mga tirahan ng mga buhay-iláng ang itinatayo sa kahabaan ng dalampasigan na ginagamit ang nilinis na mga duming naipon sa ilalim ng ilog. Nagsasagawa ng mga hakbang upang kontrolin ang bilang at paglibot ng libu-libong turista na dumarating taun-taon upang tanawín ang ilog.

Ang pinsala ay maaaring baligtarin. Sa isang bagay, di-tulad ng gawang-taong daang-tubig, aayusin ng ilog ang kaniyang sarili kung ihihinto ng mga tao ang pagdumi rito. Ang pinakamalaking pangangailangan ay ang baguhin ang saloobin kapuwa ng mga industriyalista at karaniwang mga mamimili, na nakikinabang mula sa komersiyong nalikha sa kahabaan ng ilog at ng Great Lakes.

Ang isang pahiwatig ng tagumpay sa pagbaligtad sa sumasamáng kalagayan ng ilog ay ang mga balyenang beluga. Bagaman ito ay nanganganib pa ring malipol, ang mga beluga ay nagbabalik pagkatapos itong umunti mula sa 5,000 tungo sa halos 500 lamang.

May bagong kabatirang pampubliko tungkol sa pinsala na nagawa sa likas na kayamanan ng ilog at ng nakalipas na kaluwalhatian nito. Ang pagpapahalaga kayang ito ay may sapat na lakas upang ipagpatuloy ang mga pagsisikap sa pagsasauli sa hinaharap? Magiging gayon, kapag igagalang at pahahalagahan ng mga tao ang mga nilalang ng Diyos.

[Picture Credit Line sa pahina 20]

Sa Kagandahang-loob ng The St. Lawrence Seaway Authority