Ang Tulong na Mahalaga
Ang Tulong na Mahalaga
“KAILANGAN kong paglabanan ang takot sa kamatayan at mga sandali ng panlulumo,” sabi ni Virginia, isa sa mga Saksi ni Jehova sa Argentina. Siya’y inoperahan at inalis ang kaniyang suso at dalawang obaryo sa kaniyang pakikipagbaka laban sa kanser sa suso. a
Tunay, ang takot sa kamatayan bilang isang kahihinatnan ng kanser sa suso ay karaniwan. Ang takot na ito, pati na ang kinatatakutang pagkainutil at kawalan na lubhang iniuugnay sa pagkababae at kakayahang mag-anak, ay maaaring lumikha ng malaking pinsala sa emosyonal na buhay ng isang babae. Ang malipos ng damdamin ng pagkabukod ay maaaring agad na magpangyari sa kaniya na malugmok sa kawalang pag-asa. Paano niya maiiwasan ang gayong pagpapahirap ng damdamin?
Ang Pangangailangan ng Tulong
“Kailangan niya ng tulong!” sagot ni Joan, mula sa Estados Unidos. Ang kaniya mismong ina at lola ay mga biktima ng kanser sa suso, at ngayo’y nakakaharap din niya ang pakikipagbaka na nakaharap nila. Ito ang panahon kapag ang tapat na mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan ay makapaglalaan ng nakaaaliw na alalay at tulong. Ang asawa ni Joan, si Terry, ang kaniyang naging malakas na positibong tagapagtaguyod. Sabi ni Terry: “Ang posisyon ko, gaya ng pagkakita ko rito, ay maging isang nakapagpapatatag na impluwensiya. Kailangan kong tulungan si Joan na magpasiya may kinalaman sa paggamot na magbibigay sa kaniya ng pagtitiwala at lakas upang lumaban at
huwag sumuko. Ang kaniyang takot sa pag-opera sa kanser ay isang bagay na kailangan naming harapin, at sinikap kong matiyak na ang kaniyang mga katanungan at mga pangamba ay bibigyang-pansin sa aming mga pakikipag-usap sa mga doktor.” Susog pa ni Terry: “Ito ang isang bagay na magagawa natin para sa ating mga pamilya at sa kapuwa mga Kristiyano na walang tulong buhat sa pamilya. Maaari tayong maging kanilang mga mata, tainga, at tinig sa mga manggagamot.”Ang pantanging atensiyon ay kailangang ibigay sa mga walang asawa o balo. Si Diana, mula sa Australia, ay nagsasabi sa atin: “Ang asawa ko ay namatay pagkatapos ng isang operasyon sa kanser limang taon na ang nakalipas, subalit ang aking mga anak ay tumulong upang mapunan ang kawalan niya. Sila’y mababait ngunit hindi emosyonal. Iyan ang nagbigay sa akin ng lakas. Ang lahat ay mabilis at mahinahong inasikaso.”
Ang kanser sa suso ay emosyonal na nakaaapekto sa buong pamilya. Kaya silang lahat ay nangangailangan ng maibiging pagkabahala at tulong mula sa iba (lalo na mula sa kanilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae, kung sila’y mga Saksi ni Jehova).
Si Rebecca, mula sa Estados Unidos, na ang ina ay nakipagbaka sa kanser sa suso, ay nagpapaliwanag: “Ang kongregasyon ang iyong karagdagang pamilya, at ang kanilang mga kilos ay may malaking epekto sa iyong mga damdamin. Bagaman marami ang hindi personal na sumasang-ayon sa di-pangkaraniwang paggamot na pinili ng aking ina, inalalayan nila kami sa emosyonal na paraan sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono at mga pagdalaw. Ang ilan ay pumaparito pa nga at tumutulong sa paghahanda ng kaniyang pantanging pagkain. Isinaayos ng matatanda ang pag-uugnay ng aming telepono sa sound system ng Kingdom Hall upang wala kaming makaligtaang mga pulong. Nagpadala pa nga ng kard ang kongregasyon na may kalakip na kaloob na salapi.”
Sabi ni Joan: “Hanggang sa ngayon, kapag iniisip ko ang pag-ibig na ipinakita ng aking espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae, naaantig ang aking damdamin! Sa loob ng pitong linggo, limang araw sa isang linggo, ang aking maibiging mga kapatid na babae ay naghahali-halili sa paghahatid sa akin patungo at pauwi ng ospital para sa paggamot. At iyan ay 150-kilometro balikan! Anong laki ng pasasalamat ko kay Jehova para sa mayamang pagpapala ng kapatirang Kristiyano na ito!”
Ang isa pang paraan kung paanong lahat tayo ay maaaring magpalakas-loob at umalalay ay sa pamamagitan ng ating nakapagpapatibay na mga komento. Kailangang maging maingat na tayo ay di-sinasadyang pagmulan ng panlulumo sa palaging pagsasalita ng negatibong mga bagay. Si June mula sa Timog Aprika ay nagsasabi: “Hindi maaasahan ng isa ang isang taong hindi pa nagkaroon ng kanser na magsabi ng tamang mga bagay. Sa kaso ko inaakala kong mas mabuti pa para sa iba na huwag banggitin ang mga kaso ng kanser malibang ang mga ito ay positibo o may mabuting resulta.” Si Noriko mula sa Hapón ay sumasang-ayon: “Kung sasabihin sa akin ng mga tao ang tungkol sa isa na gumaling at hindi bumalik sa dating sakit, ako man ay umaasa na marahil ay magiging gayon din ako.”
Tandaan na mas gugustuhin ng ilang babae na huwag pag-usapan ang tungkol sa kanilang kalusugan sa lahat ng panahon. Ang iba naman, alang-alang sa kanilang ikabubuti, ay kailangan ipakipag-usap ang tungkol sa kanilang karanasan sa kanser sa suso, lalo na sa kanilang malapit na mga kaibigan. Paano malalaman ng isa kung ano ang pinakamabuting bagay na dapat gawin? Si Helen, buhat sa Estados Unidos, ay nagmumungkahi: “Tanungin ang indibiduwal kung nais niyang pag-usapan ang tungkol dito, at hayaan siyang magsalita.” Oo, “maging handang makinig,” sabi ni Ingelise mula sa Denmark. “Bigyan siya ng emosyonal na alalay upang hindi siya naiiwang mag-isa na may malulungkot na kaisipan.”
Pagkilos Upang Magkaroon ng Positibong Pangmalas
Ang paggamot sa kanser sa suso ay makapagpapahapo at makapapagod sa isang pasyente sa loob ng mga linggo, buwan, o mga taon. Ang isa sa pinakamatinding pagsubok para sa isang babaing may kanser sa suso ay maaaring sa pagharap sa bagay na hindi na siya maaaring gumawa na gaya ng dati. Ang pagtanggap sa mga limitasyon ng kaniyang katawan ay mangangahulugan ng hindi gaanong pagpapakapagod sa kaniyang sarili at pagpapahinga sa araw.
Kung mangyari ang panlulumo, kailangang gawin ang mabilis na mga paraan upang panatilihin ang positibong saloobin. Inilalahad ni Noriko ang kaniyang karanasan: “Ang mga resulta ng paggamot sa pamamagitan ng hormone ay nagpangyari sa akin na manlumo. Sa kalagayang ito hindi ko magawa ang mga bagay na nais kong gawin, at
nagsimula akong makadama ng pagiging walang kabuluhan kay Jehova at sa kongregasyong Kristiyano. Habang ang aking kaisipan ay higit at higit na naging negatibo, aalalahanin ko ang huling mga paghihirap na dinanas ng mga kapamilya ko na namatay dahil sa kanser. Ako’y lilipusin ng takot samantalang ako’y nagtatanong, ‘Matitiis ko kaya ito na gaya nila?’ ”Si Noriko ay nagpapatuloy: “Sa panahong iyon ay sinisikap kong baguhin ang aking pag-iisip sa paggamit sa mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova upang pag-isipan ko kung paano minamalas ni Jehova ang ating pag-iral. Natutuhan ko na ang maka-Diyos na debosyon ay ipinakikita, hindi sa dami ng nagawa, kundi sa motibo ng paggawa. Yamang nais kong malugod si Jehova sa kalagayan ng aking puso at ng aking pag-iisip, ipinasiya kong paglingkuran siya nang may kagalakan at maging buong-kaluluwa kahit na kung maliit lamang ang magagawa ko sa ministeryong Kristiyano.”
Maaaring agnasin ng matagal na kawalang-katiyakan sa maraming babae na nakikipagbaka sa kanser sa suso ang positibong pangmalas. Si Diana ay nagsasabi na ang nakatulong sa kaniya nang higit ay ang punuin ang kaniyang puso at isip ng lahat ng magagandang bagay na ibinigay sa kaniya ng Diyos na Jehova: “Ang aking pamilya, mga kaibigan, magandang musika, pagmamasid sa makapangyarihang dagat at magagandang paglubog ng araw.” Siya ay lalo pang nagpapasigla na: “Sabihin sa iba ang tungkol sa Kaharian ng Diyos. At linangin ang tunay na pag-asam sa mga kalagayan na iiral sa lupa sa ilalim ng Kaharian, kung saan wala nang sakit!”—Mateo 6:9, 10.
Si Virginia ay nagtamo rin ng lakas upang labanan ang kaniyang panlulumo sa pamamagitan ng pagbubulaybulay sa kaniyang layunin sa buhay: “Talagang nais kong mabuhay sapagkat mayroon akong mahalagang gawaing dapat gawin.” Kung tungkol sa mga panahon kapag dumarating ang kritikal na mga sandali at lumilitaw ang takot, aniya: “Inilalagak ko ang aking buong tiwala kay Jehova, nalalaman na kailanman ay hindi niya ako tatalikdan. At iniisip ko ang talata sa Bibliya sa Awit 116:9, na tumitiyak sa akin na ‘ako’y lalakad sa harap ni Jehova sa lupain ng mga buháy.’ ”
Isinentro ng lahat ng mga babaing ito ang kanilang pag-asa sa Diyos ng Bibliya, si Jehova. Ang aklat ng Bibliya na 2 Corinto 1:3, 4, sa kabanata 1, mga talatang 3 at 4, ay tinatawag si Jehova na “ang Diyos ng buong kaaliwan, na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian.” Iniuunat ba ni Jehova ang kaniyang kamay upang tulungan yaong nangangailangang aliwin?
Si Mieko mula sa Hapón ay sumasagot: “Kumbinsido ako na sa pananatili sa kaniyang paglilingkuran, tinatanggap ko ang mabisang kaaliwan at tulong ni Jehova.” Si Yoshiko ay nagsasabi rin sa atin: “Bagaman maaaring hindi nauunawaan ng mga tao ang dinaranas kong paghihirap, nalalaman ni Jehova ang lahat, at ako’y kumbinsido na tinulungan niya ako ayon sa aking mga pangangailangan.”
Ganito ang sabi ni Joan: “Ang panalangin ay may lakas na tulungan kang madaig mo ang kawalan ng pag-asa at isauli ka sa iyong normal na kalagayan. Kapag pinag-iisipan ko ang tungkol sa dakilang pagpapagaling na ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa at ang lubusang pagpapagaling na gagawin niya sa bagong sanlibutan, anong laking kaaliwan para sa akin ng mga salitang iyon!”—Mateo 4:23, 24; 11:5; 15:30, 31.
Maguguniguni mo ba ang isang daigdig na wala nang kanser sa suso, sa katunayan, wala nang anumang sakit? Ito ang pangakong ginawa ng Diyos ng buong kaaliwan, si Jehova. Ang Isaias 33:24 ay bumabanggit tungkol sa panahon kapag walang tao sa lupa ang kailanma’y magsasabi na siya ay maysakit. Ang pag-asang iyan ay malapit nang matupad kapag ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ay lubusan nang mamahala sa lupa, inaalis ang lahat ng mga sanhi ng sakit, dalamhati, at kamatayan! Bakit hindi basahin ang tungkol sa kahanga-hangang pag-asang ito sa Apocalipsis 21:3 hanggang 5? Buong giting na harapin ang kinabukasan taglay ang tulong na nagbibigay ng tunay na kaaliwan.
[Talababa]
a Ang mga obaryo ang pangunahing pinagmumulan ng estrogen sa mga babaing malapit nang magmenopos.