Kung Ano ang Dapat Malaman ng mga Babae Tungkol sa Kanser sa Suso
Kung Ano ang Dapat Malaman ng mga Babae Tungkol sa Kanser sa Suso
ANG bilang ng mga kaso ng kanser sa suso ay dumarami sa bawat kontinente. Ayon sa ilang tantiya, sa taóng 2000, mga isang milyong bagong mga kaso ng kanser sa suso ang marerekunusi sa buong daigdig sa bawat taon.
Mayroon bang babaing ligtas sa pagkakaroon ng sakit na ito? May magagawa ba upang maiwasan ito? At anong kaaliwan at tulong ang kailangan niyaong mga nakikipagbaka sa kaaway na ito?
Ang karamihan ng mga kanser sa balat ay dahil sa ultraviolet rays mula sa araw. Karamihan ng mga kanser sa bagà ay dahil sa paninigarilyo. Subalit walang isa mang dahilan ang napatunayan para sa kanser sa suso.
Gayunman, sang-ayon sa pananaliksik kamakailan, ang henetiko, pangkapaligiran, at hormonal na mga salik ay maaaring gumaganap ng isang papel sa pagkakaroon ng kanser sa suso. Ang mga babaing nalantad sa mga salik na ito ay maaaring nanganganib na magkaroon nito.
Kasaysayan ng Pamilya
Ang isang babae na may miyembro ng pamilya na may kanser sa suso, gaya ng ina, kapatid na babae, o kahit na tiyahin o lola sa ina, ay mas malamang na magkaroon nito. Kung ang ilan sa kanila ay mayroon ng sakit na ito, mas malaki ang panganib niya.
Binabanggit ni Dr. Patricia Kelly, isang geneticist sa Estados Unidos, sa Gumising! na bagaman nasasangkot ang mga salik sa pagmamana, ang mga ito ay maaaring 5 hanggang 10 porsiyento lamang na dahilan ng lahat ng kanser sa suso. “Inaakala namin,” paliwanag niya, “na ang marami pang ibang kanser sa suso ay dahil sa hindi-gaanong-malakas na mga salik na namamana na kumikilos na kasama ng salik na pangkapaligiran.” Ang mga miyembro ng pamilya na may magkatulad na mga gene ay may iisa ring salik na pangkapaligiran.
Pangkapaligirang mga Salik
“Kung uunawain, maliwanag na may pangkapaligirang mga salik na nasasangkot” na pinagmumulan ng sakit, sabi ni Devra Davis, isang iskolar na nagkokomento sa babasahing Science. Yamang ang suso ng babae ang isa sa pinakasensitibong bahagi ng katawan sa radyasyon, ang mga babaing nalantad sa radyasyon ay mas malamang na magkaroon ng kanser sa suso. Gayundin ang mga babaing nalantad sa nakalalasong mga kemikal.
Isa pang pangkapaligirang salik ang pagkain. Iminumungkahi ng ilan na ang kanser sa suso ay maaaring isang sakit na dala ng kakulangan sa bitamina at itinuturo nito ang kakulangan ng bitamina D. Ang bitaminang ito ang tumutulong sa katawan na sipsipin ang kalsiyum, na maaari namang tumulong upang hadlangan ang di-masupil na paglaki ng kanser.
Iniuugnay naman ng ibang pagsusuri ang taba sa pagkain, hindi bilang isang sanhi, kundi bilang isa na nagpapaunlad ng kanser sa suso. Binabanggit ng magasing FDA Consumer na ang dami ng namamatay buhat sa kanser sa suso ay pinakamataas sa mga bansang gaya ng Estados Unidos, kung saan ang pagkain ng taba at protinang galing sa hayop ay labis-labis. Sabi nito: “Ayon sa kasaysayan ang mga Haponésa ang may mababang panganib ng kanser sa suso, subalit ang panganib na iyan ay mabilis na tumataas, kaakibat ng ‘pagiging Kanluranin’
ng mga ugali sa pagkain; yaon ay, mula sa pagkaing mababa-sa-taba tungo sa mataas-sa-taba.”Ipinakikita ng isang pagsusuri kamakailan na ang maraming calorie na nakukunsumo sa isang pagkaing mataas-sa-taba ay maaaring mangahulugan ng tunay na panganib. Ang Science News ay nagsabi: “Ang bawat sobrang calorie ay nakadaragdag sa panganib ng kanser sa suso, na ang bawat sobrang calorie na galing sa taba ay nagbabadya ng halos 67 porsiyentong higit na panganib kaysa mga calorie na mula sa ibang pinagmulan.” Ang sobrang mga calorie ay maaaring magdagdag ng sobrang timbang, at ang mga babaing sobra ang timbang ay malamang na tatlong ulit na nanganganib na magkaroon ng kanser sa suso, lalo na ang mga babaing lampas nang magmenopos. Ang taba ng katawan ay gumagawa ng estrogen, isang hormone ng babae na maaaring lubhang makaapekto sa himaymay sa suso, na humahantong sa kanser.
Personal na Kasaysayan at mga Hormone
Sa loob ng suso ng babae ay may saganang mga hormone na gumagawa ng mga pagbabago sa suso sa buong buhay niya. Ganito ang sulat ni Dr. Paul Crea, isang siruhanong espesyalista sa mga tumor, sa Australian Dr Weekly: “Gayunman, sa ilang babae ang pagkalantad ng himaymay ng suso sa matagal na pagiging aktibo ng hormone . . . ay pagmumulan ng isang serye ng mga pagbabago sa selula na sa wakas ay nagiging kanser.” Sa kadahilanang ito, inaakalang ang mga babaing maagang dinatnan ng unang pagkakaregla, sa gulang na 12, o naantalang menopos, sa kalagitnaan ng mga edad 50, ay mas nanganganib.
Ang karagdagang mga estrogen na tinanggap mula sa ERT (estrogen replacement therapy) na maaaring may kaugnayan sa kanser sa suso ay naging paksa ng maraming pagtatalo. Bagaman ipinakikita ng ilang pagsusuri na ang ERT ay hindi lumilikha ng higit na panganib, ipinakikita ng ibang pagsusuri ang malaking panganib sa pangmatagalang mga tumanggap nito. Isinasaalang-alang ang mga pagsusuring nirepaso, ang British Medical Bulletin ng 1992 ay nagsabi na ang posibilidad ay umiiral na “dinaragdagan ng hindi kontraseptibong oestrogen ang panganib ng kanser sa suso ng 30-50%” pagkatapos ng matagalang paggamit.
Ang mga ulat tungkol sa kaugnayan sa pagitan ng mga iniinom na kontraseptibo at kanser sa suso ay nagpapahiwatig ng kaunting panganib mula sa paggamit nito. Gayunman, may lumilitaw na isang pangkat ng mga babaing higit na nanganganib. Ang mas nakababatang mga babae, mga babaing hindi kailanman nag-anak, at mga babaing gumamit ng mga birth-control pill sa loob ng mahabang panahon ay 20-porsiyentong mas nanganganib na magkaroon ng kanser sa suso.
Gayunman, hindi masabi ng 3 sa bawat 4 na babaing may kanser sa suso ang anumang espesipikong bagay na pinagmulan ng kanilang sakit. Ang
tanong samakatuwid ay, Dapat bang ituring ng sinumang babae ang kaniyang sarili na ligtas mula sa kanser sa suso? Ang FDA Consumer ay nag-uulat: “Mula sa punto de vista ng mga clinician, lahat ng mga babae ay dapat na ituring na nanganganib sa kanser sa suso.”Sa gayon, ang mga babae, lalo na ang mga may edad na, ay madaling tablan ng sakit na ito. Si Dr. Kelly ay nagkokomento na bagaman may iba’t ibang sanhi ng kanser sa suso, ‘ang ilan dito, sa pakiwari ko, ay dahil lamang sa pagtanda, at isang masamang paghahati ng mga selula ang nagaganap.’
Kung Bakit Madaling Tablan
Kung susuriin ang kayarian ng suso ng babae ay mauunawaan kung bakit ito ay totoong madaling tablan ng kanser. Sa loob nito ay mga duct, maliliit na daanan, na nagdadala ng gatas mula sa mga sac na gumagawa ng gatas tungo sa utóng. Sa loob ng mga duct na ito ay mga selula na patuloy na naghahati at nagbabago bilang pagtugon sa buwanang siklo ng babae, inihahanda siya para sa pagdadalang-tao, paggatas, at pagpapasuso sa kaniyang sanggol. Dito sa mga duct na ito lumilitaw ang karamihan ng mga kanser sa suso.
Sa aklat na Alternatives: New Developments in the War on Breast Cancer, ganito ang paliwanag ng mananaliksik na si Rose Kushner: “Ang anumang rutin na palaging naliligalig ng isang pang-abala o iba pa—kahit na kung ito ay natural lamang . . . —ay mas nanganganib na magkamali.” Sabi pa niya: “Ang nagtrabaho nang hustong selula ng suso ay laging punô ng ilang hormone na nag-uutos, ‘Huminto ka sa paggawa niyan. Gawin mo ito.’ Hindi kataka-taka na maraming anak na mga selula ay di-masupil ang paglaki.”
Ang kanser sa suso ay nagsisimula kapag isang di-normal na selula ay naghahati, nawawalan ng kontrol sa proseso ng paglaki nito, at nagsisimulang dumami. Ang gayong mga selula ay hindi humihinto sa pagdami, at balang araw nililipos nito ang nakapaligid na malulusog na himaymay, ginagawang may sakit ang isang malusog na sangkap ng katawan.
Ang Pagkalat
Kung ang kanser ay nasasawata sa loob ng suso, maaaring ihinto ang pagkalat nito. Kung ang kanser sa suso ay kumalat na sa katawan, ito ay tinatawag na metastatic na kanser sa suso. Iyan ang malamang na sanhi ng kamatayan sa mga pasyenteng may kanser sa suso. Habang dumarami ang mga selula ng kanser sa suso at ang tumor ay lumalaki, ang mga selula ng kanser ay maaaring tahimik at lihim na lumalabas sa pangunahing dako ng tumor at pumapasok sa mga pinaka-dingding ng daluyan ng dugo at ng mga kulani.
Sa puntong ito ang mga selula ng tumor ay maaaring maglakbay sa malalayong bahagi ng katawan. Kung maiwasan nito ang mga depensa ng katawan sa imyunidad, na kinabibilangan ng mga selulang sumasalakay at pinawawalang-bisa ang masasamang selula na tumatakbo kapuwa sa dugo at sa mga lymph fluid, maaaring sakupin ng lubhang mapaminsalang mga selulang ito ang mahahalagang sangkap ng katawan, gaya ng atay, bagà, at utak. Doon ang mga ito ay maaaring dumami at muling kumalat, pagkatapos hawahan ng kanser ang mga sangkap na ito. Minsang magsimula ang pagkalat, ang buhay ng babae ay nanganganib.
Samakatuwid, isang mahalagang paraan ukol sa kaligtasan ay ang pagtuklas sa kanser sa suso nang maaga, bago pa ito magkaroon ng pagkakataong kumalat. Ano ang maaaring gawin ng bawat babae upang mapagbuti ang mga tsansa na matuklasan nang maaga? May magagawa ba upang hadlangan ang kanser sa suso?
[Blurb sa pahina 4]
Hindi masabi ng 3 sa bawat 4 na mga babaing may kanser sa suso ang anumang espesipikong bagay na pinagmulan ng kanilang sakit