Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Paraan Ukol sa Kaligtasan

Mga Paraan Ukol sa Kaligtasan

Mga Paraan Ukol sa Kaligtasan

KUNG narinig mo ang balita na isang mamamatay-tao ang lihim na sumusubaybay sa inyong lugar, kukuha ka ba ng mga hakbang upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya? Malamang na ikandado at itrangka mo ang inyong mga pinto upang huwag makapasok sa inyong tahanan. Babantayan mo rin ang kahina-hinalang mga estranghero at agad na irereport sila sa pulisya.

Hindi ba’t ganiyan din ang dapat gawin ng mga babae kung tungkol sa isang nakamamatay na sakit, ang kanser sa suso? Anong mga paraan ang maaari nilang gawin upang pangalagaan ang kanilang sarili at magkaroon ng higit na tsansang makaligtas?

Pag-iingat at Pagkain

Tinatayang 1 sa 3 kanser sa Estados Unidos ay dahilan sa mga salik na may kaugnayan sa pagkain. Ang mabuting pagkain na tutulong upang mapanatili ang sistema ng imyunidad ng iyong katawan ang maaaring siyang pinakamahalagang proteksiyon mo. Bagaman walang pagkain ang makapagpapagaling sa kanser, ang pagkain ng ilang pagkain at pagbawas ng iba ay maaaring maging pangontrang mga paraan. “Ang pagsunod sa tamang pagkain ay maaaring makabawas sa iyong panganib na magkaroon ng kanser sa suso nang hanggang limampung porsiyento,” sabi ni Dr. Leonard Cohen ng American Health Foundation sa Valhalla, New York.

Ang mga pagkaing mayaman sa hibla, gaya ng mga tinapay at cereals na whole-grain, ay makatutulong upang bawasan ang dami ng prolactin at estrogen, marahil sa pamamagitan ng pagtatali sa mga hormone na ito at paglalabas nito sa katawan. Sang-ayon sa babasahing Nutrition and Cancer, “maaaring supilin ng mga epektong ito ang pagkalat ng carcinogenesis.”

Ang pagbawas sa saturated fats (mga tabang galing sa hayop) ay maaaring magbawas sa panganib. Iminungkahi ng magasing Prevention ang pagbaling mula sa whole milk tungo sa skim milk, pagbawas ng pagkain ng mantikilya, pagkain ng mga karneng walang taba, at pag-alis ng balat ng manok ay maaaring magdala sa kinakaing saturated fat tungo sa ligtas na mga antas.

Ang mga gulay na mayaman sa bitamina A, gaya ng carrots, kalabasa, kamote, at matingkad berdeng mga gulay, gaya ng espinaka at collard at berdeng mustasa, ay maaaring makatulong. Inaakalang sinusugpo ng bitamina A ang pagbuo ng mga mutasyong nagdadala-ng-kanser. At ang mga gulay na gaya ng broccoli, Brussels sprouts, cauliflower, repolyo, at murang sibuyas ay naglalaman ng mga kemikal na gumagawa ng nangangalagang mga enzyme.

Sa aklat na Breast Cancer​—What Every Woman Should Know, si Dr. Paul Rodriguez ay nagsasabi na ang sistema ng imyunidad, na kumikilala at sumisira sa di-normal na mga selula, ay mapalalakas sa pamamagitan ng pagkain. Iminumungkahi niya ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa iron, gaya ng mga karneng walang taba, madahon at berdeng mga gulay, laman-dagat, at mga prutas at gulay na mayaman sa bitamina C. Binabawasan ng mga prutas at gulay na mayaman sa bitamina C ang panganib ng kanser sa suso, ulat ng Journal of the National Cancer Institute. Ang mga balatong at mga produktong galing sa unfermented na mga produkto ng balatong ay naglalaman ng genistein, kilalang sumusugpo ng paglaki ng tumor sa mga eksperimento sa laboratoryo, subalit ang pagiging mabisa sa mga tao ay hindi pa napatutunayan.

Maagang Pagkatuklas

“Ang maagang pagkatuklas ng kanser sa suso ay nananatiling ang pinakamahalagang paraan upang masugpo ang pagkalat ng kanser sa suso,” sabi ng publikasyong Radiologic Clinics of North America. Tungkol dito ang tatlong mahahalagang paraan sa pag-iingat ay regular na sariling-pagsusuri sa suso, taunang pagpapatingin sa isang doktor, at mammography.

Ang sariling-pagsusuri sa suso ay dapat gawin nang regular sa bawat buwan, kung paanong ang isang babae ay dapat maging mapagbantay sa anumang kahina-hinalang hitsura o nasasalat sa kaniyang mga suso, gaya ng paninigas o isang bukol. Gaano man kaliit ang kaniyang matuklasan, kailangang makipagkita siya agad sa kaniyang doktor. Mientras mas maagang marekunusi ang bukol, lalo niyang masusupil ang kaniyang kinabukasan. Ipinakita ng isang report buhat sa Sweden na kung ang isang hindi kumakalat na kanser sa suso ay malaki lamang ng kaunti sa 15 milimetro o mas maliit pa at inopera, ang haba ng buhay na 12 taon ay 94 na porsiyentong posible.

Si Dr. Patricia Kelly ay nagkokomento: “Kung hindi na umulit ang mga sintoma ng kanser sa suso sa loob ng 12 1/2 taon, malamang na hindi na ito bumalik. . . . At ang mga babae ay maaaring turuan na kapain ang mga kanser sa suso na mas maliit pa sa isang centimetro sa paggamit lamang ng kanilang mga daliri.”

Inirerekomenda na isang ruting pagsusuri sa katawan na gagawin ng isang clinician o manggagamot ang dapat isagawa taun-taon, lalo na pagkatapos na ang isang babae ay umabot sa edad 40. Kung matuklasan ang isang bukol, makabubuting kumuha ng ikalawang opinyon mula sa isang espesyalista o siruhano sa suso.

Ang National Cancer Institute sa Estados Unidos ay nagsasabi na ang mabuting pananggalang laban sa kanser sa suso ay isang regular na mammogram. Mapapansin ng X ray na ito ang isang tumor marahil hanggang dalawang taon bago pa ito mahipo. Ang pamamaraan ay iminumungkahi para sa mga babaing mahigit nang 40 anyos. Gayunman, si Dr. Daniel Kopans ay nagsasabi sa atin: “Ito ay nagkakamali rin.” Hindi nito mapapansin ang lahat ng kanser sa suso.

Si Dr. Wende Logan-Young ng isang breast clinic sa Estado ng New York ay nagsasabi sa Gumising! na kung masumpungan ng isang babae o ng kaniyang manggagamot ang isang abnormalidad subalit hindi ito ipinakikita ng mammogram, malamang na waling-bahala ng manggagamot ang mga tuklas at paniwalaan ang X ray. Sabi niya na ito “ang pinakamalaking pagkakamali na nakikita natin sa ngayon.” Pinapayuhan niya ang mga babae na huwag lubusang magtiwala sa kakayahan ng mammography na mapansin ang kanser at magtiwala ring lubos sa pagsusuri sa suso.

Bagaman maaaring mapansin ng mammography ang mga tumor, hindi nito talaga narerekunusi kung ito ay benign (hindi kanserus) o malignant (kanserus). Magagawa lamang iyan sa pamamagitan ng isang biopsy. Isaalang-alang ang kaso ni Irene, na nagpa-mammogram. Batay sa pilm ng X-ray, narekunusi ng kaniyang doktor ang kaniyang bukol na hindi kanserus na sakit sa suso at nagsabi: “Ako’y lubusang nakatitiyak na wala kang kanser.” Ang nars na nagsagawa ng mammogram ay nag-aalala, subalit sinabi ni Irene: “Inaakala ko na kung ang doktor ay nakatitiyak, marahil ay masyado lamang akong takot.” Di-nagtagal ang bukol ay lumaki, kaya si Irene ay kumunsulta sa ibang doktor. Nagsagawa ng biopsy at nakita na siya ay may namamagang carcinoma, isang mabilis-lumaking kanser. Upang matiyak kung ang isang tumor ay hindi kanserus (na halos 8 sa 10 ay gayon nga) o kanserus, dapat isagawa ang isang biopsy. Kung ang bukol ay tila o nasasalat mong kahina-hinala o lumalaki, isang biopsy ang dapat isagawa.

Paggamot

Sa kasalukuyan, ang pag-opera, radyasyon, at drug therapy ang karaniwang mga paggamot para sa kanser sa suso. Ang impormasyon tungkol sa uri ng tumor, ang laki nito, ang tendensiya nitong kumalat, kung ito ba ay kumalat na sa mga kulani, at kung ikaw ba ay menopos na o hindi pa ay makatutulong sa iyo at sa iyong doktor upang matiyak ang paraan ng paggamot.

Pag-opera. Sa loob ng mahabang panahon ang mastectomy, ang pag-alis ng suso pati na ang mga kalamnan at mga kulani, ay malawakan nang ginagamit. Subalit kamakailan ang paggamot na iniingatan ang suso na nagsasangkot ng pag-aalis lamang sa tumor at mga kulani, pati ng radyasyon, ay ginamit na kasimbisa rin ng mastectomy. Ito ay nagbigay sa ilang kababaihan ng higit na kapayapaan ng isip kapag nagpapasiyang ipaalis ang isang maliit na tumor, yamang ito ay hindi gaanong nakadidisporma. Subalit ang British Journal of Surgery ay nagsasabi na ang mas nakababatang mga babae, na ang kanser ay nasa ilang dako sa iisang suso o na may mga tumor na mas malaki sa tatlong centimetro, ay mas nanganganib na muling lumitaw ito sa paggamot na nag-iingat sa suso sa pag-aalis lamang ng tumor at mga kulani.

Ang isang mahalagang salik sa kaligtasan nang hindi na uulit pa ang kanser sa suso ay binanggit ng Cleveland Clinic Journal of Medicine: “Ang pagsasalin ng dugo ay may masamang epekto sa kaligtasan at muling paglitaw ng sakit . . . pagkatapos alisin ang suso.” Ipinakita ng report na ang dami ng nakaliligtas sa limang taon ay 53 porsiyento para sa isang grupo na sinalinan ng dugo, kung ihahambing sa 93 porsiyento para sa grupo na hindi sinalinan ng dugo.

Ang isa pang tulong ukol sa kaligtasan ay iniulat sa The Lancet, kung saan sinabi ni Dr. R. A. Badwe: “Ang tamang panahon ng operasyon may kaugnayan sa yugto ng siklo sa pagreregla ay may malaking epekto sa pangmatagalang resulta para sa mga pasyenteng may kanser sa suso na malapit nang magmenopos.” Sinabi ng report na ang mga babaing inalisan ng tumor noong panahong aktibo ang estrogen ay lumabas na hindi mabuti kaysa roon sa inoperahan noong ibang yugto ng siklo sa pagreregla​—54 na porsiyento ang nakaligtas ng sampung taon kung ihahambing sa 84 na porsiyento para sa huling banggit na grupo. Ang pinakamabuting panahon ng pag-opera para sa mga babaing may kanser sa suso na malapit nang magmenopos ay sinasabing mga 12 araw pagkatapos ng huling panahon ng pagreregla.

Paggamot sa Pamamagitan ng Radyasyon. Pinapatay ng paggamot sa pamamagitan ng radyasyon ang mga selula ng kanser. Sa kaso ng paggamot na iniingatan ang suso, ang pagkaliliit na mga tumor ay maaaring hindi naalis ng siruhano sa pagsisikap niya na ingatan ang suso. Maaaring sirain ng paggamot sa pamamagitan ng radyasyon ang natitirang mga selula. Subalit may kaunting panganib din ang radyasyon na maaaring pagmulan ng ikalawang kanser sa kabilang suso. Iminumungkahi ni Dr. Benedick Fraass na bawasan ang paglantad ng radyasyon sa kabilang suso. Sabi niya: “Sa pamamagitan ng simpleng mga paraan posibleng bawasang lubha ang dosis na tinatanggap ng kabilang suso sa panahon na itinatapat ang susong may kanser sa radyasyon.” Iminumungkahi niya na isang dalawa’t-kalahating centimetrong-kapal na pananggang tingga ang dapat na ilagay sa kabilang dibdib.

Paggamot sa Pamamagitan ng Gamot. Sa kabila ng mga pagsisikap na lipulin ang kanser sa suso sa pamamagitan ng operasyon, 25 hanggang 30 porsiyento ng mga babae na may kanser sa suso na bagong karerekunusi lamang ay magkakaroon ng natatagong pagkalat na napakaliit upang gumawa ng mga sintoma sa simula. Ang chemotherapy ay isang paggamot na gumagamit ng mga kemikal na sangkap upang tangkaing patayin ang mga selulang iyon na sumasalakay sa iba pang bahagi ng katawan.

Ang chemotherapy ay natatakdaan sa bisa nito sapagkat ang kanserus na mga tumor ay binubuo ng iba’t ibang uri ng selula na ang bawat isa ay may kani-kaniyang pagkasensitibo sa mga gamot. Ang mga selulang iyon na nakaligtas sa paggamot ay maaaring pagmulan ng isang bagong salinlahi ng mga tumor na lumalaban sa gamot. Subalit ang labas ng The Lancet ng Enero 1992 ay nagpapatunay na pinalalaki ng chemotherapy ang tsansa ng mga babae na makaligtas ng sampung taon pa nang 5 hanggang 10 porsiyento, depende sa kaniyang edad.

Maaaring kabilang sa masasamang epekto ng chemotherapy ang pagkaalibadbad, pagsusuka, pagkalagas ng buhok, pagdurugo, pinsala sa puso, pagsupil sa imyunidad, pagkabaog, at leukemia. Si John Cairns, sumusulat sa Scientific American, ay nagkomento: “Ang mga ito ay para bang maliliit na pinsala lamang para sa isang pasyente na may malala at mabilis lumaking kanser, subalit ito ay maaaring seryosong isaalang-alang ng isang babae na may maliit at waring hindi kumakalat na kanser sa suso. Ang kaniyang tsansang mamatay dahil sa kanser sa loob ng limang taon ay halos 10 porsiyento lamang kahit na kung siya ay hindi tumatanggap ng karagdagang paggamot pagkatapos ng operasyon.”

Paggamot sa Pamamagitan ng Hormone. Inihihinto ng paggamot sa pamamagitan ng antiestrogen ang nagpapalaking mga epekto ng estrogen. Ito’y natatamo sa pagbabawas sa mga antas ng estrogen sa mga babaing malapit nang magmenopos alin sa pag-alis sa mga obaryo sa pamamagitan ng operasyon o sa pamamagitan ng mga gamot. Iniulat ng The Lancet ang isang sampung-taong kaligtasan para sa bawat 8 hanggang 12 babae mula sa 100 na ginamot sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga obaryo o sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot.

Ang kasunod na pangangalaga para sa sinumang babae na may kanser sa suso ay isang habang-buhay na pagsisikap. Kailangang panatilihin ang maingat na pagbabantay, sapagkat kung mabigo ang isang paraan ng paggamot at bumalik uli sa dati, ang ibang uri ng paggamot ay maaaring maglaan ng kinakailangang pananggalang.

Ang isa pang uri ng paggamot sa kanser na nangangailangan ng kakaibang paraan ng paglutas ay umiikot sa isang syndrome na tinatawag na cachexia. Ipinaliliwanag ng babasahing Cancer Research na dalawang-katlo ng lahat ng kamatayan dahil sa kanser ay dahilan sa cachexia, isang terminong ginagamit upang ilarawan ang lubhang pagliit ng kalamnan at iba pang himaymay. Si Dr. Joseph Gold, ng Syracuse Cancer Research Institute sa Estados Unidos, ay nagsasabi sa Gumising!: “Inaakala namin na ang isang paglaki ng tumor ay hindi maaaring kumalat sa katawan malibang bukás ang biyokemikal na mga daanan para sa cachexia.” Ipinakita ng isang klinikal na pagsusuri, na gumagamit ng hindi nakalalasong gamot na hydrazine sulfate, na ang ilan sa mga daanang ito ay maaaring harangan. Ang pagpapatatag ay natamo sa 50 porsiyento ng mga pasyenteng ang kanser sa suso ay nasa huling yugto na.

Ang mga mapagpipiliang kilala bilang complementary medicine ay sinubok ng ilang babae upang maglaan ng paggamot para sa kanser sa suso na walang operasyon at hindi nakalalason. Ang mga paggamot ay iba-iba, ang ilan ay gumagamit ng diyeta at mga damong-gamot, gaya ng Hoxsey therapy. Subalit ang nailimbag na mga pag-aaral na magpapangyari sa isa na malaman ang bisa ng mga paggamot na ito ay iilan.

Bagaman ang artikulong ito ay dinisenyo upang iharap ang mga paraan ukol sa kaligtasan, hindi patakaran ng Gumising! na mag-endorso ng anumang paggamot. Hinihimok namin ang lahat na maingat na suriin ang iba’t ibang paraan ng paggamot na ito may kaugnayan sa sakit na ito.​—Kawikaan 14:15.

Kaigtingan at Kanser sa Suso

Sa babasahing Acta neurologica, ipinaliliwanag ni Dr. H. Baltrusch na maaaring bawasan ng labis o pinatagal na kaigtingan ang mga depensa ng katawan laban sa tumor sa sistema ng imyunidad. Maaaring isapanganib ng mga babaing pagód na pagód, dumaranas ng panlulumo, o walang emosyonal na alalay ang hanggang 50 porsiyento ng kanilang sistema ng imyunidad.

Sa gayon, idiniin ni Dr. Basil Stoll, sumusulat sa Mind and Cancer Prognosis: “Dapat gawin ang lahat ng pagsisikap na bawasan ang di-maiiwasang pisikal at mental na trauma na dinaranas ng mga pasyenteng may kanser sa panahon at pagkatapos ng paggamot ng kanilang sakit.” Subalit anong uri ng tulong ang kinakailangan?

[Blurb sa pahina 7]

Bagaman walang pagkain ang makapagpapagaling sa kanser, ang pagkain ng ilang pagkain at pagbawas ng iba ay maaaring maging pangontrang mga paraan. ‘Ang pagsunod sa tamang pagkain ay maaaring makabawas sa iyong panganib na magkakanser nang hanggang limampung porsiyento,’ sabi ni Dr. Leonard Cohen

[Blurb sa pahina 8]

“Ang maagang pagkatuklas ng kanser sa suso ay nananatiling ang pinakamahalagang paraan upang masugpo ang pagkalat ng kanser sa suso,” sabi ng publikasyong “Radiologic Clinics of North America.” Tungkol dito ang tatlong mahahalagang paraan ay: regular na sariling-pagsusuri sa suso, isang taunang pagpapatingin sa isang doktor, at mammography

[Blurb sa pahina 10]

Maaaring isapanganib ng mga babaing pagód na pagód, dumaranas ng panlulumo, o walang emosyonal na alalay ang kanilang sistema ng imyunidad

[Kahon sa pahina 9]

Sariling-Pagsusuri​—Isang Buwanang Pagrerekunusi

ANG sariling-pagsusuri sa suso ay dapat gawin apat hanggang pitong araw pagkatapos ng panahon ng regla. Ang mga babaing nagmenopos na ay kailangan ding magsuri sa bawat buwan sa araw ring iyon.

Mga Tandang Titingnan sa Bawat Buwan sa Araw Ring Iyon

• Isang bukol na anuman ang laki (maliit o malaki) o paglaki ng suso.

• Pagkulubot, pagkakaroon ng biloy, o pag-iiba ng kulay ng balat ng suso.

• Pagbaligtad ng utong.

• Butlig-butlig o pangangaliskis ng utong o may lumalabas na likido.

• Malaking mga glandula sa kilikili.

• Mga pagbabago sa mga nunal o sa mga pagtistis sa suso.

• Hindi pantay ang laki ng mga suso na isang pagbabago mula sa normal.

Sariling-Pagsusuri

Samantalang nakatayo, itaas ang kaliwang kamay. Ginagamit ang kanang kamay at nagsisimula sa gilid ng suso, kapain sa pamamagitan ng mga daliri sa maliliit na paikot na pagsalat, marahang kumikilos sa palibot ng suso at patungo sa utong. Pansinin din ang lugar sa pagitan ng kilikili at suso.

Humigang nakatihaya, ilagay ang isang unan sa ilalim ng kaliwang balikat, at ilagay ang kaliwang kamay sa itaas o sa likod ng ulo. Gamitin ang paikot na pagsalat na inilarawan sa itaas. Baligtarin para sa kanang panig.

Marahang pisilin ang utong upang tingnan ang anumang paglalabas ng likido. Ulitin sa kanang suso.