Ang Compact Disc—Ano ba Ito?
Ang Compact Disc—Ano ba Ito?
SIMULA nang ipakilala ito sa pamilihan ng masa noong maagang dekada ng 1980, ang digital compact disc na nababasa sa pamamagitan ng sinag ng laser ay pinapurihan bilang ang pinakadakilang tagumpay sa pagrerekord ng tunog mula nang imbentuhin ni Edison ang kaniyang tinfoil-cylinder na ponograpo noong 1877 o mula nang dumating ang tunog ng stereophonic maaga noong dekada ng 1960.
Sa Estados Unidos, ipinakikita ng isang report sa babasahing pangkalakal na Billboard na noong 1992, ang mga tagagawa ay nakapagpadala ng mahigit 414 na milyong compact disc subalit 22 milyon lamang na mga plaka. Mas mabenta ang mga compact disc anupat ang ilang kompaniya ng rekording ay hindi na gumagawa ng mga plakang vinyl. Gayunman, ang makintab na maliit na disc o plaka ay nananatiling isang misteryo sa maraming tao. Ano ba ang digital na tunog? Talaga bang mahusay ito gaya ng pagpapakilala rito? Paano ba umaandar ang disc? At maaari bang gamitin ang nauugnay na teknolohiya upang mag-imbak at magsauli ng mga tinipong impormasyon, gaya ng mga impormasyon mula sa Ang Bantayan at Gumising!?
Digital Recording—Ano ba Ito?
Upang maunawaan kung ano ba ang digital recording, kailangan munang may kabatiran tayo sa kung paano umaandar ang lumang analog recording. Sa karaniwang plakang vinyl, ang musika ay inirerekord bilang isang patuloy, umaalun-alon na ukit, tulad ng isang larawan, o analogue, ng alon ng tunog. Upang magawa ang musika, ang karayom, o stylus, ng ponograpo ay inilalagay sa ukit na nasa umiikot na plaka. Sinusundan ng karayom ang ukit, at ang pagkislot ng ukit ay nagpapangyari sa karayom na manginig. Ito naman, ang lumilikha ng maliliit na elektrikal na hudyat na kahawig ng tunog na nasasagap ng mikropono sa
recording studio. Ang hudyat ay saka pinalalakas—at nagkakaroon ng musika!Ang digital recording ay gumagamit ng kakaibang paraan. Sinusubok at sinusukat ng isang digital recorder ang lakas ng hudyat sa tamang mga pagitan—sampu-sampung libong ulit sa bawat segundo—at inirerekord ang nasukat na mga bilang na siyang mga numero, o mga digit. Ang mga sukat ay inirerekord sa binary numbers—ang termino ng mga computer—binubuo ng mga 0 at 1 lamang. Ang daloy ng mga numero, o mga digit, ay saka pinoproseso sa pamamagitan ng isang computer at iniimbak, karaniwan na sa tape. Upang kopyahin ang nairekord, binabasa ng isang computer ang mga digit at muling ginagawa ang isang hudyat na katulad ng orihinal na hudyat. Ang hudyat na ito ay saka pinalalakas at—minsan pa—nagkakaroon ng musika!
Ang prosesong ito ay hindi gaanong apektado ng mga limitasyon ng rekording at paggawa ng hardware kaysa analog recording. Ang resulta nito’y walang gaanong ingay, walang gaanong distortion, at mas kaunting iba pang salik na nagpapababa sa kalidad ng mga rekording. Isa pa, ang impormasyon sa anyong digital ay maaaring iimbak na napakasinsin at madaling maisasauli. Masasabi ng isa, na ang digital recording ang natural na resulta ng pagsasama ng isang computer at ng isang recorder.
Sa loob ng mga taon ang mga kompaniya ng rekording ay gumagawa ng mga digital recording sa kani-kanilang studio. Subalit ang kagamitan sa studio ay mas masalimuot para sa kagamitan na gagamitin sa pagpapatugtog ng musika sa tahanan. Ang tunay na pagsulong sa digital recording, para sa mga mamimili, ay ang pagdating ng isang playback system na magaang sa bulsa at madaling gamitin ng karaniwang gumagamit sa tahanan. Ang resulta ay ang digital compact disc (CD) at ang compact disc player.
Ang mga binary number, o bits, ay isinasalin bilang mga serye ng pagkaliliit na mga gatla at patag na mga espasyo sa ibabaw ng isang plastik na plaka na may makintab na suson ng aluminyo. Ang disc ay isang daan at dalawampung milimetro lamang sa diyametro. Ang suson ng aluminyo ay selyado sa ilalim ng isang pananggalang na suson ng malinaw na plastik. Upang mapatugtog ang musika, ang malapilak na disc ay ipinapasok sa loob ng isang CD player. Sa halip na isang karayom, sinusundan ng nakapokus nang husto na sinag ng laser ang pagkaliliit na sunud-sunod na mga gatla. Kapag ang sinag ay tumatama sa mga gatla, ito ay nakakalat, subalit kapag ito ay tumatama sa makinis na ibabaw, ito ay isinasalamin pabalik sa isang sensor. Sa ganitong paraan ang mga gatla at mga patag sa ibabaw ng CD ay isinasalin tungo sa isang serye ng mga electrical pulse upang basahin ng masalimuot na elektronikong mga sirkito sa loob ng player.
Gaano Kahusay Ito?
Subalit ang CD ba ay talagang mas mahusay kaysa mga plakang vinyl? Buweno, isaalang-alang: Yamang ang CD ay pinatutugtog sa paggamit ng isang sinag ng liwanag sa halip ng isang diyamanteng karayom, hindi ito nagagasgas sa kagagamit kahit ilang ulit mo man patugtugin ang musika. Kahit na ang maliliit na mantsa at mga marka sa ibabaw ng plaka ay hindi lubhang makaaapekto sa tunog, yamang ang sinag ng laser ay nakapokus sa mga gatla at hindi sa ibabaw ng plaka. Wala na ang kakatuwang mga ingay na karaniwang naririnig ng sinumang nakikinig sa isang LP (plakang long-playing). Lahat ng ito ang nakapagpapatagal sa CD na hindi mapapantayan ng LP. Sa teoriya, ang compact disc ay dapat tumagal magpakailanman—kung ito ay gagawin at pangangasiwaan nang wasto.
Ang mas mahabang oras ng pagpapatugtog at mas maliit na sukat ng CD ay mga punto rin na pabor dito. Ang mahigit na isang oras na pagpapatugtog ng musika ay maaaring gawin nang hindi mo na kailangang bumangon at baligtarin ang isang plaka! Ang CD, palibhasa’y walang sangkalima ng laki ng isang LP, ay mas madali ring pangasiwaan at imbakin. Karagdagan pa, sapagkat ang mga CD player ay umaandar na gaya ng isang computer, marami sa mga ito ang maaaring iprograma upang patugtugin ang mga bahagi ng isang CD sa anumang ninanais na pagkakasunud-sunod o ulitin ang mga bahagi ng CD. Ang ilang player ay mayroon ding mga search function na maaaring gamitin upang mabilis na makita ang anumang dako sa musika. Ang mga kaginhawahang tampok na iyon ay lubhang nagugustuhan ng maraming gumagamit.
Subalit kumusta naman ang tunog? Halos lahat na nakarinig ng isang CD sa kauna-unahang pagkakataon ay namamangha sa kung gaano kalinaw at buháy na buháy ang tunog. Ang musika ay detalyadong lumalabas mula sa isang tahimik na kapaligiran. Ang isang dahilan nito ay na ang diperensiya sa pagitan ng pinakamahina at pinakamalakas na musika na maaaring irekord sa isang CD—tinatawag na dynamic range—ay mas malaki kaysa isang karaniwang LP. Ito, pati na ang kawalan ng ingay at distortion, ay nagbibigay ng higit na malinaw na musikang naririnig sa mga CD.
Sa kabilang dako, ang isang karaniwang CD ay maaaring mas mahal kaysa isang LP. Gayunman, masasabing ang CD ay nagdala sa publiko sa pangkalahatan ng isang antas ng mahusay na reproduksiyon ng tunog na natamasa ng ilan lamang na mahilig sa hi-fi noon.
Mga Compact Disc at Computer
Kamakailan ang mga CD ay nagkaroon ng isang bagong aspekto sapagkat ang teknolohiya ring iyon ay maaaring gamitin upang mag-imbak ng napakaraming impormasyon, o data. Ang mga laman sa isang compact disc ay maaaring madaling makita sa pamamagitan ng isang computer na may nakakabit na aparatong makababasa sa CD o CD reader. Kung paanong ang anumang bahagi ng isang musikang CD ay mabilis na makikita sa isang CD player, na may ibang uri ng CD reader, ang anumang bahagi ng nakaimbak na impormasyon ay maaaring basahin, hanapin, o sipiin sa loob lamang ng ilang segundo sa pamamagitan ng mga programa sa computer na wastong idinisenyo.
Ang compact disc ay may hindi kapani-paniwalang kakayahan na mag-imbak. Sa termino ng computer, ito ay maaaring mag-imbak ng mahigit na 600 megabytes, ang katumbas ng 1,000 floppy disk o 200,000 nailimbag na mga pahina. Sa ibang salita, sampung set ng isang 20-tomong ensayklopedia na binago tungo sa digital na anyo ay maaaring iimbak sa isa lamang compact disc! Subalit ang bentaha nito ay hindi natatakdaan sa pagkalaki-laking kapasidad nito.
Noong bandang 1985, ang mga CD na gamit sa mga computer ay lumitaw sa pamilihan. Ang mga ito ay tinawag na CD-ROM, na ang ibig sabihin ay compact disc read-only memory. Ang mga ito ay karaniwang naglalaman ng reperensiyang materyal, gaya ng mga ensayklopedia, diksyunaryo, direktoryo, katalog, bibliograpiko at teknikal na mga impormasyon, at mga archive o iba’t ibang klaseng koleksiyon. Nang una itong gawin, dahil sa magastos, ang karamihan nito ay ginamit lamang ng mga aklatan at iba pang institusyong pang-akademiko o pampamahalaan. Sa katunayan, ang isang disc na maaaring magkahalaga ng ilang daang dolyar mga ilang taon na ang nakalipas ay maaaring mabili ngayon na mas mura kaysa riyan.
Hindi nagtagal higit pa ang nagagawa ng CD-ROM bukod sa pagiging imbakan lamang ng impormasyon. Nitong nakalipas na mga taon, ang mga CD-ROM disc na may mga larawang may
kulay at tunog ay dumating sa pamilihan. Ngayon ay hindi mo lamang mababasa ang isang talambuhay at makikita ang larawan ng isang tao kundi maaari mo ring marinig ang isang talumpati ng taong iyon. Mangyari pa, nariyan din ang lahat ng uri ng mga computer game na may mga tunog at gumagalaw na mga larawang may kulay. Ang tinatawag na multimedia, interactive system na mga ito, na pinagsasama ang computer at libangang pantahanan, ay waring siyang kausuhan sa hinaharap.Ang digital compact disc ay tunay na isang kababalaghan ng teknolohiya na maaaring maging lubhang kapaki-pakinabang kapuwa para sa mga layuning pang-edukasyon at para sa paglilibang. Kung baga matutupad nito ang potensiyal nito ay malalaman pa natin sa hinaharap.
[Kahon sa pahina 21]
Ang Napakaliit na Daigdig ng CD
Ang pangalang compact disc ay angkop na pangalan. Sa makintab na ibabaw ng disc na ito na sinlaki ng palad ay may lima hanggang anim na bilyong pagkaliliit na mga gatla na nakaayos sa isang paikid o spiral. Kung ito’y babanatin, ang kuwerdas ay aabot ng mahigit na 5.6 na kilometro ang haba. Kung iiikid sa 20,000 ikid mula sa loob ng disc tungo sa labas, ang mga ukit ay siksik na siksik anupat 60 nito ay maaaring magkasiya sa ukit ng isang plakang LP (plakang long-playing). Tinatayang kung ang bawat gatla ay kasinlaki ng isang butil ng bigas, ang disc ay mas malaki pa sa apat na laruan ng football.
Dahil sa gayong pagkaliit-liit na mga sukat, ang mga CD ay dapat gawin sa loob ng malilinis na silid kung saan ang hangin ay lubusang nasala. Ang isang katamtamang butil ng alabok, halos limang ulit ang laki sa isang gatla sa CD, ay makabubura ng sapat na mga code upang magkamali sa rekording. “Kung ihahambing sa ating mga pamantayan ng kalinisan,” sabi ng isang inhinyero, “ang isang sala de operasyon ay mistulang isang kulungan ng baboy.”
Yamang ang plaka ay umiikot ng hanggang 500 ikot sa bawat minuto habang ito ay tumutugtog, kahanga-hangang gawa na ipokus ang laser sa pagkaliliit na mga gatla at panatilihin ito sa nakaikid nang hustong ukit. Upang gawin iyon, ang sinag ng laser ay kontrolado ng isang kahanga-hangang masalimuot na sistema na gumagabay sa kilos ng sinag.
[Kahon sa pahina 23]
Aklatan ng Watchtower—CD-ROM
Laging pinipili ng Samahang Watchtower na gamitin ang angkop na mga pagsulong sa teknolohiya sa pagpapasulong ng mga kapakanan ng Kaharian. Ang Samahan noon ang unang gumamit ng may kulay na pelikula, mga network ng radyo, at ng nabibitbit na ponograpo sa paghahayag ng mabuting balita. Ngayon, inilabas ng Samahang Watchtower sa madla sa wikang Ingles ang Watchtower Library—1993 Edition. Nakatitiyak kami na ito ay magiging isang kahanga-hangang kagamitan para sa pag-aaral at pananaliksik sa Bibliya.
Ang bagong labas na ito ay tunay na isang aklatan. Ito’y naglalaman ng teksto, sa elektronikong anyo, ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References, ang taunang mga tomo ng The Watchtower mula noong 1950 hanggang 1993 at ng Awake! mula 1980 hanggang 1993, ang dalawang-tomong ensayklopedia sa Bibliya na Insight on the Scriptures, at maraming iba pang aklat, mga buklet, brosyur, at mga tract na inilathala ng Samahang Watchtower mula noong 1970. Karagdagan pa, ito’y naglalaman ng isang indise sa lahat ng mga publikasyon ng Watchtower mula noong 1930 hanggang 1993.
Kasama sa malaking data base na ito, ang CD-ROM na ito ay naglalaan din ng isang madaling-gamiting search program na magpapangyari sa iyo na hanapin ang isang salita, isang kombinasyon ng mga salita, o isang sipi sa Kasulatan sa anumang publikasyon ng Watchtower Library. Maaari mo ring buksan nang tuwiran ang anumang espesipikong publikasyon, doon mismo sa kabanata, artikulo, o pahina. Ang mga resulta ng paggamit sa search program ay maaaring makita sa iskrin ng computer o makopya sa isang word processor para gamitin sa isang pahayag o sulat. Ang programa sa computer ay mayroon ding tampok para sa pag-oorganisa ng mga materyal para sa mga proyekto ng personal na pag-aaral at para sa pagpapasok ng iyong sariling mga nota.
Inaasahan namin na taglay ang bagong instrumentong ito, marami pa ang hindi hihinto sa pagtingin sa “sakdal na batas na nauukol sa kalayaan” at pagpapalain sa paggawa niyaon.—Santiago 1:25.