Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Siyensiya ay Natututo Mula sa Kalikasan”

“Ang Siyensiya ay Natututo Mula sa Kalikasan”

“Ang Siyensiya ay Natututo Mula sa Kalikasan”

ANG nasa itaas ay isang pamagat sa The New York Times ng Agosto 31, 1993. Binanggit ng artikulo na dumaraming siyentipiko na nagdidisenyo ng bagong mga materyales ay nasangkot sa larangan ng biomimetics. Binigyan-kahulugan ng Times ang biomimetics bilang “ang pag-aaral ng kayarian at kilos ng biyolohikal na mga bagay bilang mga modelo para sa artipisyal na mga bagay na ginawa.”

Kinilala ng artikulo na ang hamak na mga hayop sa dagat at mga gagamba ay gumagawa ng mga materyal na nakahihigit sa katulad na mga bagay na maaaring gawin ng mga siyentipiko sa ngayon. Ang abaloni, halimbawa, ay kumukuha ng calcium carbonate, ang malapulbos na sangkap ng tisa, mula sa tubig at gumagawa ng napakanipis na mga plato. Pagkatapos ay sinisemento nito ang maraming platong iyon na magkakasama sa pamamagitan ng argamasa ng protina at mga asukal. Si Dr. Mehmet Sarikaya ay nagsasabi na ang kayarian ng kabibi (shell) ay 30 ulit na mas matibay at mas matigas kaysa karaniwang calcium carbonate na gawa sa laboratoryo. “Wala tayong teknolohiya upang gumawa ng mga suson ng materyales na kasingnipis ng mga suson na nasa kabibi,” sabi niya.

Sa katulad na paraan, ang sedang sapot ng gagamba ay mas malakas kaysa bakal at mas matibay kaysa nylon. Pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang seda sa pag-asang makagawa ng mga hiblang mas matibay kaysa Kevlar, ang sangkap na ginagamit sa paggawa ng mga tsalekong hindi tinatablan ng bala. Gayunman, ang masalimuot na mga proseso ng paggawa ng gagamba ay hindi kayang gayahin ng tao.

“Ang mga gagamba ay gumagawa ng seda sa pamamagitan ng paggamit ng tubig bilang isang solvent sa hangin, sa temperatura at presyon na naroroon, at dumaraan ito sa lahat ng mga yugtong ito upang maging matatag, napakatibay na sapot na hindi tinatablan ng tubig,” sabi ni Dr. Christopher Viney ng University of Washington sa Seattle. “Gayunman upang gumawa ng isang matibay na hibla na gaya ng Kevlar, kailangang paraanin ito sa mataas na temperatura na gumagamit ng matapang na sulfuric acid.” Sa gayon, ganito ang sabi ng siyentipikong ito: “Marami pa tayong dapat matutuhan.”

Pag-isipan ito. Kung hindi magawa ng pinakamahusay na teknolohiya ng tao ang nagagawa ng hamak na mga nilalang sa dagat at mga gagamba, hindi ba makatuwirang maniwala na ang mga nilalang na ito ay produkto ng isang nakahihigit na talino? May kapantasan, ating ibibigay ang kapurihan sa Dakilang Disenyador​—na ang gawa ay sinisikap na gayahin ng mga siyentipiko sa ngayon​—dahil sa kaniyang walang katulad na katalinuhan sa pagpunô sa lupa ng kaniyang mga gawa.​—Awit 104:24.